KABANATA 4

1592 Words
KABANATA 4 Tahimik kaming nagdarasal nang marinig naming may lalaking sumisigaw sa labas kaya napalingon kaming lahat. “Ano’ng ginawa niyo sa nanay ko?!” galit na galit na sigaw ng isang lalaki. Nagmamadali siyang pumasok habang hatak-hatak ng kasama niyang babae. “Tama na Rudy!” sabi ng babaeng nakakapit sa braso ng lalaking pilit hinahatak palayo. “Pinatay niyo’ng nanay ko! Mamamatay tao kayo!” Wala pa ring tigil sa pagsigaw ang lalaki. Halos manigas na ang panga nito sa sobrang galit. Unti-unti dumarami na ang mga taong nakikiusyoso. Bulungan sila nang bulungan. Hindi ko dinig kung ano’ng mga sinasabi nila dahil nasa loob kami ng chapel, malapit sa kabaong ni Inang. Tatayo na sana si Mommy pero pinigilan siya ni Dad. “Dito ka lang. ‘Wag mong iwan ang mga bata.” Naglakad si Dad palapit sa lalaki. “Huminahon ho muna kayo. Hindi namin alam kung ano’ng mga sinasabi niyo.” “Hindi alam? ‘Yang anak niyo raw ang huling nakausap ng nanay ko kagabi!” Tiningnan ako nang masama ng lalaki.  “Ano’ng ginawa mo sa nanay ko?! May pinakain ka ba?! Nilason mo ba siya?! Anong sumpa ang binitawan mo?!” Mukhang balak akong sugurin ng lalaki pero pilit pa rin siyang hinahatak ng babaeng kasama niya. Takot na takot na kami ni Enzo kaya niyakap kaming pareho ni Mommy na parang maiiyak na. “Mommy, what’s happening? Totoo po ba ‘yung sinasabi niya?” takot na tanong ni Enzo. “No. Hindi totoo. That guy is crazy. Pati tayong inosente dinaramay.” “Mga kampon kayo ng demonyo! Mamamatay tao! Mamatay din kayo! Mamamatay din kayo!” Nakawala sa pagkakahawak ng babae ‘yung lalaki. Mabuti na lang at napigilan siya ni Dad bago pa ito makalapit sa ‘min. Itinulak ni Dad ‘yung lalaki at napaupo ito sa sahig. Mabilis itong nilapitan ng babaeng kasama. “Pwede kitang kasuhan dahil sa mga sinasabi mo. Umalis na kayo bago pa ‘ko tumawag ng mga pulis para ipadampot kayo,” pagbabanta ni Dad sa kanila. “Salot! Salot!” galit na galit na sigaw ng lalaki habang nakaupo pa rin ito sa sahig. Halos lumabas na ‘yung ugat niya sa leeg sa sobrang galit. “Tama na Rudy. Tama na,” nagmamakaawang sabi ng babae. “Darating ang araw at sisingilin rin kayo ng langit! Mga salot kayo!” *** Nang dahil sa ginawang eskandalo ng lalaki at dahil na rin wala namang nakikiramay sa amin ay minabuti na ni Mommy na ipalibing si Inang kinabukasan rin. Wala naman kaming kamag-anak na hinihintay dahil sa side ni Mommy, wala na kaming kamag-anak. Sa side naman nina Dad, lahat ng kamag-anak namin ay nasa ibang bansa na. Kami na lang ang nandito sa Pilipinas. Sa chapel na ginawa ang misa para kay Inang. Tahimik kaming nakikinig habang nagsasalita ‘yung pari nang bigla na lang humangin nang malakas at namatay lahat ng apoy ng mga nakasinding kandila. Mabilis naman itong sinindihan uli ng isa sa mga staff ng punerarya na kasama namin. Pero ilang minuto pa lang ang nakalilipas nang mamatay uli ang mga ito nang humangin muli nang malakas. “Uulan pa ata. Ang lakas ng hangin,” bulong ni Mommy. Napalingon ako sa may pintuan. Tirik na tirik ang araw at nakita ko pang may hawak na abaniko ang isang babaeng napadaan na mukhang init na init habang nagpupunas ng pawis. Pagbalik ng tingin ko sa harapan kung nasaan ang kabaong ni Inang at ang nagmimisang pari, napatingin ako sa isa sa mga nakasinding kandila. Naglalaro ang apoy nito na tila mamamatay na naman. Nasa kandila ang buong atensyon ko nang bigla na lang parang may umihip nang malakas sa tapat ng tenga ko. Hindi siya ihip nang malakas na hangin kung ‘di parang may taong umihip talaga sa may tenga ko kahit na wala naman akong katabi sa may kanan ko. Napahawak ako sa tenga ko nang dahil sa nangyari. Kasabay din ng naramdaman kong ihip sa may tenga ko ay ang pagkamatay uli sa ikatlong pagkakataon  ng mga kandila kahit na wala nang malakas na hangin na pumasok sa loob ng kapilya. Paano nangyari ‘yun? Ang isa pang ipinagtataka ko, ‘yung glass cover nung kandila, mataas naman, kaya paanong namatay ‘yung sindi kahit hindi naman masyadong exposed sa hangin. Nang matapos ang misa, inilabas na ang kabaong ni Inang at isinakay sa karo. Habang nakasunod kami sa mabagal na karo sakay ng kotse, hindi ko maiwasang mapatingin sa labas. Kitang-kita ko kung paano magsipasok lahat ng mga tao sa loob ng bahay nila nang makita ang pagdaan namin. Isang lalaki lang ang nanatili sa kinatatayuan niya. Si Mang Rudy, ‘yung lalaking nanggulo sa burol ni Inang kahapon. Masama ang tingin niya. Nasa likuran ang mga kamay niya na parang may itinatago. Pigil ang hininga ko habang dumadaan kami sa tabi niya. Hind ko kasi alam kung ano’ng binabalak niyang gawin. Masama pa rin ang tingin niya sa ‘min hanggang sa makalagpas kami. Nilingon ko pa siya habang papalayo kami at nakita kong ngumiti siya. Ngiting hindi dahil masaya pero ngiting may masamang binabalak. “Gwen, stop looking at him,” saway ni Mommy na nakaupo sa harapan ng kotse. “Huwag mo nang tingnan. Ginagaya ka pa ng kapatid mo.” “Natatakot ako sa kanya Mommy.” Nagsumiksik sa tabi ko si Enzo. “Hanggang nandito ako, ‘di niya kayo masasaktan,” sabi ni Dad. “Uuwi na po ba tayo ng Manila bukas?” tanong ko. “Hindi pa,” sagot ni Mommy. “Bakit po?” Mabilis na tanong ko. Akala ko kasi pagkalibing ni Inang ngayon uuwi na kami agad. “May mga kailangan pa kaming ayusin ng Daddy niyo rito ‘tsaka bakasyon naman, wala kayong pasok  kaya pwede pa tayo mag-stay muna rito.” “Hindi po ba pwedeng ihatid kami ni Dad, tapos balik na lang siya rito para sa mga aasikasuhin niyo? Nandoon naman si Manang kaya may makakasama po kami.” Si Manang ‘yung matagal na naming kasambahay na naiwan para magbantay ng bahay namin sa Manila. “No.” Mabilis na sagot ni Mommy. “Dad?” “Hindi pwede Gwen. Kung nasaan kami ng Mommy niyo, doon din kayo. If we’re staying, you’re both staying here also.” Wala na ‘kong sinabi. Hindi naman ako mananalo. Once nagdesisyon na sila, ‘yun na ang masusunod. Kung gusto nila mag-stay rito wala kaming choice ni Enzo. Sa ayaw at sa gusto namin, mag-stay kami rito. Kung abutin man ng isang linggo o isang buwan, wala kaming takas ni Enzo. Kailangan namin pagtiisan ‘yung lugar na ‘to, pati mga tao rito. Kung hindi man, baka buong stay namin dito magkulong na lang ako sa loob ng bahay. Pinakamalayo na siguro na mararating ko hanggang sa bakod ng bahay ni Inang. “Magugustuhan niyo rito. Masyado lang kayong nasanay sa mabilis at modernong buhay sa siyudad. Ang sarap kaya rito. Fresh ‘yung hangin, ‘yung pagkain.” “Wala namang pwedeng gawin dito Dad,” pangangatwiran ko. “Go out. Make friends.” Pang-eengganyo niya sa ‘min. Nakangiti si Dad habang nakatingin sa ‘kin thru the rear-view mirror. “After what happened sa burol?” Nakakatakot mga tao rito. Halata namang may sakit na ‘yung matanda kaya bakit sa ‘kin isisisi ‘yung pagkamatay? At wala man lang dumamay sa ‘min sa halip pinag-tsismisan lang nila kami. “And nakita niyo po ba ‘yung tingin nung Mang Rudy na ‘yun sa atin? Parang gustong pu—.“ Hindi ko na natuloy ‘yung sasabihin ko dahil naramdaman kong lalong nagsumiksik si Enzo sa ‘kin at si Mommy nakasaway na naman sa ‘kin. “Never mind.” “Hindi naman lahat ng tao rito kagaya niya.” “I don’t know Dad.” Nagkibit balikat na lang ako. *** Ang lungkot tingnan ng libing ni Inang. Malungkot na nga dahil namatayan kami ng kamag-anak mas lalo pang malungkot dahil kami-kami lamang ang naroon kasama ang mga staff ng punerarya at sementeryo na nag-assist sa ‘min. Inisip ko na nga lang siguro patay na lahat ng kaibigan ni Inang at ngayon sama-sama na sila sa langit. Tahimik ang paligid at walang ibang maririnig kundi ang tunog ng malaki at mahabang kadenang bakal na gamit para ibaba ang kabaong ni Inang sa nakaabang nang hukay. Habang nakatingin ako sa kabaong na unti-unting bumababa, may isang bangaw naman na paikot-ikot sa may ulo ko. Nakakairita ‘yung tunog na ginagawa niya. Ilang beses kong binugaw bago lumayo sa ‘kin. Tinatabunan na ng lupa ‘yung hukay nang marinig ko na naman ‘yung tunog ng bangaw na lumilipad malapit sa tenga ko. Binugaw ko uli ‘yun palayo sa ‘kin, pero parang mas lalo pang lumakas ‘yung tunog na para bang nasa loob na ito ng tenga ko. Hanggang sa parang hindi na tunog ng bangaw ang naririnig ko kundi boses na ng tao na para bang nagsasalita nang sobrang bilis na hindi ko maintindihan. Mabilis kong pinagpagan ‘yung tenga ko sa sobrang takot. Kinulabutan ako, pero hindi ko na lang ipinahalata kina Mommy at hindi ko rin sinabi sa kanila ‘yung nangyari. Ayokong sirain ‘yung paghahatid namin kay Inang sa huli niyang hantungan. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD