KABANATA 1
INANG
by J.C. Quin
Copyright © J.C. Quin 2019
All Rights Reserved
Disclaimer: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, songs, places, events and incidents are either products of the author’s imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
KABANATA 1
“Magandang gabi,” sabi ng lalaking sumalubong sa ‘min sa punerarya. Hindi ko siya tiningnan dahil natuon ang pansin ko sa mga kabaong na naka-display at nakapalibot sa ‘min. Nanindig ang mga balahibo ko kahit alam kong wala namang laman ang mga ito. Sadyang kakaiba lang talaga sa pakiramdam lalo pa’t lumang-luma na ‘to at madilim pa. Naninilaw at marumi ang puting pintura ng pader at marumi at gasgas na rin ang pulang sahig nito, na ramdam ko ang lagkit sa bawat hakbang ko. Kailan pa kaya nila huling nilampaso ‘to? “Ako po pala ang embalsamador dito,” narinig kong sabi niya.
“Ikaw lang ang nandito?” tanong ni Dad.
“Ako lang po. Wala po ‘yung amo ko. Umuuwi po kasi ‘yun nang maaga.”
“May multo ba rito kuya?” Napaisip lang ako kung ilang bangkay na kaya ang nadala rito? Ilang bangkay na kaya ang dumaan sa mga kamay nitong si kuya?
Napatingin si Mommy sa ‘kin. “Gwen, don’t ask questions like that,” saway niya.
“Sorry po.” Curious lang naman ako, kaya natanong ko. Mabuti nang handa ako kung sakaling meron nga. Pero paano nga kaya kung meron? Ano’ng gagawin ko?
Natawa ‘yung embalsamador. “Wala pa naman po akong nakita,” sagot niya.
Mabilis na iniba ni Mommy ang usapan. “Kamag-anak kami ni Inang Luring. Maria Lourdes Villamarta. Dito raw siya dinala.” Two day ago lang namin natanggap ang balita na namatay na si Inang, kaya nagmamadali kaming pumunta rito para maasikaso agad siya lalo pa’t may kalayuan itong probinsya na ito. Ayaw ni Mommy na magtagal si Inang dito sa punerarya. Isang pulis ang tumawag kay Mommy para ipaalam sa ‘min ang nangyari. Sabi ng mga pulis natagpuang patay si Inang sa loob ng kwarto niya. Wala naman daw forced entry at walang foul play at mukhang natural death ang naging sanhi ng pagkamatay niya lalo pa’t may katandaan na ito. Sa tantya nila may tatlong araw na raw patay si Inang bago natagpuan. Isang bata raw na pumasok sa bakuran at umakyat sa puno ng mangga para manguha ng bunga ang nakakita sa bangkay mula sa nakabukas na bintana ng kwarto ni Inang.
“Ah ‘yung matanda. Sunod na lang po kayo sa ‘kin,” sabi ng embalsamador.
Tiyahin ni Mommy si Inang at sa mother side ng family ko siya na lang ang natitirang kamag-anak namin. I was seven nang huli ko siyang makita. Napagalitan pa nga niya ko noon, dahil pumasok ako sa kwarto niya nang walang paalam. Grabe ang takot ko sa kanya noon kasi ang laki ng mga mata niya tapos pinandilatan pa niya ‘ko. Ang lakas pa ng boses niya noon nang sabihin niya sa ‘kin na lumabas ako at huwag na huwag nang papasok uli.
Hindi ko alam kung ano bang importanteng bagay ang nandoon sa kwarto niya at ganun na lang ‘yung galit niya sa ‘kin. Samantalang lumang notebook lang naman ang nakita ko na nakapatong sa ibabaw ng lamesita niya na naninilaw na ang mga pahina at may mga patak ng itim at pulang kandila pa. May mga nakita akong nakasulat doon sa notebook pero hindi ko naman naintindihan. Hindi ko alam kung anong language ‘yun at hindi ko rin naman pinagaksayahan pang tingnan at alamin. Kung coloring book pa ‘yun malamang kinuha ko agad. Ang hindi ko lang nakita nang araw na ‘yun ay kung ano ang laman ng mga cabinet niya, dahil bago ko pa mabuksan ang mga ‘yun, nahuli na niya ‘ko na nasa loob ng kwarto niya. Nang makita niya ‘ko hinawakan niya ako nang mahigpit sa braso ko at saka ako hinila palabas ng kwarto. Nang nasa labas na ‘ko, ang lakas ng pagkakabalya niya sa pinto nang isarado niya. Akala ko nga matatanggal sa pagkakakabit ‘yung pinto at babagsak sa ‘kin. Umiiyak akong tumakbo papunta kay Mommy noon. Sinumbong ko ‘yung ginawa sa ‘kin ni Inang, pero imbis na kampihan ako napagsabihan pa ‘ko. Tampong-tampo ako kay Mommy noon, pero nang lumaki na ‘ko, na-realize ko rin naman na mali ako ‘tsaka diabetic daw si Inang kaya mabilis mag-init ang ulo. Bago nga kami umuwi noon nagkasagutan pa sila ni Mommy.
Habang nakasunod kami sa embalsamador papasok sa mas loob na parte pa ng punerarya, mas lalo akong kinilabutan kaya napakapit ako sa braso ni Mommy na nakasunod kay Dad. Dapat silang dalawa lang ang pupunta pero nagpumilit ako na sumama. Hindi ko alam pero may kung ano na nagtutulak sa ‘kin na sumama sa kanila.
May kadiliman ang loob ng punerarya. May ilaw nga pero madilaw naman ang kulay. Malamig sa pakiramdam at langhap ko ‘yung kakaibang amoy sa loob habang naglalakad kami sa pasilyo papalapit sa morgue. Habang papasok kami mas lalo kong nakikita ang kalumaan nito. Bakbak na ang madilaw na pintura ng pader, at lumobo na rin ang kahoy ng kisame na may mantsa ng natuyong tubig. Buti na lang at hindi tag-ulan kundi baka may tumutulo na sa ulohan namin ngayon habang naglalakad kami.
Ang tahimik ng paligid kaya dinig ang bawat yabag namin. Ang lakas ng tunog ng pagtama ng takong ng sapatos ni Mommy sa sahig. Dahan-dahan ang paglakad ko habang iniikot ang mata ko sa buong paligid nang bigla ko na lang maramdaman na may gumagapang sa binti ko. Sa takot at taranta ko, nagsisigaw at nagpapadyak ako. Pakiramdam ko nalaglag ang puso ko. Pagtingin ko sa sahig may mga gumagapang na ipis doon; ‘yung maliliit pa lang na light brown ang kulay. ‘Yung kilabot ko umabot hanggang batok. Nagulat sina Mommy at napatingin silang tatlo sa ‘kin dahil sa eksenang ginawa ko.
“Mommy, ang daming ipis,” takot at nandidiri kong itinuro ang mga ipis sa sahig na nagsisipulasan na akala mo’y nagulat din nang dahil sa ‘kin.
“Gwen,” pabulong ngunit madiin ang pagkakasabi ni Mommy na may kasamang bahagyang pandidilat ng mga mata.
“Sorry po uli,” ‘yun na lang ang nasabi ko kahit na hindi ko naman kasalanan na may mga insekto sa paligid namin. Sana lang mga ipis lang ang meron dito at walang nang iba pang mga insekto o hayop, kasi nakakaawa naman ‘yung mga nagtratrabaho, pati na rin mga bangkay na dinadala rito. Naisip ko tuloy si Inang. Hindi ko alam kung sa anong estado namin madadatnan ang katawan niya. Nag-iisang punerarya raw ‘to sa bayan na ‘to, kaya walang ibang pagdadalhan kay Inang kundi rito.
“Pasensya na po ma’am,” sabi ng embalsamador na ngayon ko lang napansin na may katarata ang kaliwang mata, tapos ‘yung ulo niya nagtwi-twitch pakanan.
Huminto kami sa harapan ng isang kwarto na may dalawang pinto na gawa sa bakal. Kinuha ni kuyang embalsamador ang susi sa bulsa ng pantalon niya at binuksan ang pinto. Mas malamig ang hangin na humampas sa ‘min, pagkabukas niya ng pintuan. Hindi ko alam kung dahil ba morgue ito o dahil may kaluluwa ng mga bangkay na narito. Napaisip na tuloy ako kung tama ba ‘tong ginawa kong pagsama kina Mommy. Dapat ata nag-stay na lang ako sa bahay ni Inang at nanood ng mga movies na naka-save sa laptop ko.
Sa loob ng morgue may limang metal bed na may mga nakahigang bangkay na natatakpan ng mga puting kumot. Sa kanang side naman nandoon ang freezer nila na hindi ko alam kung ilang bangkay ba ang laman. Habang papasok kami hiling ko, na sana ‘yung unang bangkay na nakahiga sa kama ‘yun na si Inang para hindi na namin kailangan pang daanan ang iba pang mga bangkay. Pero nananadya ata ang tadhana dahil hindi kami huminto sa tapat ng una hanggang pang-apat na bangkay kundi sa pang-lima. Halos nakatingala akong naglakad dahil kapag ibinaba ko ang tingin ko, makikita ko ang mga paa ng mga bangkay na nakalabas dahil bitin ang mga kumot na nakatakip sa kanila. ‘Yung kulay pa naman ng mga paa nila iba na. Kulay na alam mong wala nang buhay. Maputla na may mga parteng nangingitim at mapula.
Unti-unti kong ibinaba ang tingin sa pang-limang bangkay at nakita ko sa name tag na nakalagay sa paa ang pangalan ni Inang. Ibinaba naman ng embalsamador ang kumot na tumatakip sa mukha ng bangkay at tumambad sa amin ang namumutla at namamagang mukha ni Inang. Marahil dahil nasa early stage na ng decomposition. Hindi ko na siguro mabubura sa isip ko ang mukha niyang ‘yun. Habangbuhay nang nakatatak sa utak ko. Sana pala hindi na lang ako sumama. Mas gusto kong maalala ang itsura niya noong nabubuhay pa siya.
Napatakip ng bibig si Mommy at napasandal sa dibdib ni Dad. Hindi na niya napigilan ang kanyang emosyon at napaiyak. “Patawad Inang. Hindi man lang kita nadalaw. Patawad sa ganitong pagkakataon na tayo nagkita,” sabi ni Mommy sa pagitan ng iyak at hikbi.
Napaluha na rin ako. Hindi man maganda ang naging ala-ala ko sa kanya noong maliit pa ‘ko pero nalulungkot pa rin ako sa pagkawala niya. Lalo pa at namatay siya na mag-isa at walang kasama. Sabi ni Mommy ayaw raw iwan ni Inang ang bahay niya. Ayaw niya ring kumuha ng kasambahay para may kasakasama siya. Kapag ino-open daw ni Mommy ang topic na ‘yun kay Inang, nagagalit ito, kaya hinayaan na lang niya sa kung ano ang gusto.
Habang palabas kami ng morgue pinag-uusapan nina Mommy at ng embalsamador ang tungkol sa mga serbisyo at packages nila at kung ano’ng mga request nina mommy para sa burol ni Inang. Nakasunod akong naglalakad sa kanila nang mapigtas ang strap ng shoulder bag ko at nahulog ito sa sahig. Lumabas pa ang ilang gamit ko, dahil hindi ko pala naisarado ang zipper nito nang kunin ko ang panyo ko para punasan ang luha ko kanina. Kinailangan ko ‘tuloy huminto at pulutin isa-isa ang mga gamit ko pabalik sa bag. Dahil doon naiwan tuloy ako nina Mommy. Nang mailagay ko na uli lahat ng gamit ko sa bag, mabilis akong tumayo para makaalis na agad, pero bago pa ‘ko makahakbang nang isang beses, biglang nagpatay-sindi ang mga ilaw kaya napahinto ako bigla. Sunod noon ay naramdaman kong may malamig na kamay ang humawak sa kanang braso ko.
Dahan-dahan kong tiningnan ang braso ko at nakita kong may maputlang kamay ang nakahawak dito. Nanigas ako. Hindi ako nakagalaw at pigil ang hininga. Hindi ko magawang lumingon para tingnan kung sino o ano ang nakahawak sa ‘kin. Sunod noon ay may narinig akong boses na bumubulong sa kanang tenga ko, pero hindi ko naiintindihan kung ano ang sinasabi. Naninigas na ang batok ko sa takot. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Lakas loob na lang akong tumakbo palabas kahit nanginginig ako. Wala naman kasing mangyayari sa ‘kin kung tatayo lang ako. Tatagal lang ang kalbaryo ko. Malapit na ‘ko sa bukana ng pintuan nang may biglang sumulpot sa harapan ko kaya napasigaw ako nang malakas sa sobrang gulat. Napaurong ako at napasandal sa isa sa mga kama at dumikit ang braso ko sa paa ng bangkay na nakahiga roon. Sa sobrang kilabot at takot ko nagsisigaw ako. Kahit saglit lang na dumampi ang braso ko sa paa ng bangkay, ramdam ko ang nanunuot na lamig. Kasing lamig ng kamay na humawak sa braso ko kanina-kanina lang.
“Ma’am. Pasensya na po ma’am,” sabi ng embalsamador. Hindi niya malaman kung paanong hingi ng tawad ang gagawin. “Hindi ko po sinasadya ma’am.
Hahawakan pa sana niya ‘ko, pero mabilis kong inilayo ang kamay ko at sinabi kong ayos lang ako. Tumakbo ako palabas ng morgue habang mahigpit ang yakap sa bag ko. Nakita ko namang tumatakbo palapit ang mga magulang ko na alalang-alala.
“What happened?” nag-aalalang tanong ni Mommy.
“Gwen are you okay?” dagdag pa ni Dad.
Napatingin sa likuran ko si Mommy dahil kasunod ko na pala ang embalsamador. “Ano’ng ginawa mo sa anak ko?” tanong niya rito.
“Dad, Mommy, I’m okay,” sabi ko agad bago pa sila gumawa ng eksena at baka awayin pa nila itong embalsamador na wala namang ginawang masama sa ‘kin. “Napigtas po kasi ‘tong bag ko. Nahulog ‘yung mga gamit ko kaya hindi ako nakasunod sa inyo, tapos nang palabas na po ‘ko, nagulat ako sa biglaang pagdating ni kuya,” paliwanag ko. Hinawakan ko sa kamay si Mommy at naglakad na paalis, “Tara na po,” sabi ko. Ayoko nang magtagal pa lalo rito.