KABANATA 5
“Himala. Malakas signal ngayon d’yan sa probinsya n’yo,” sabi ni Rina. Sinubukan kong tawagan siya and thank God magkakausap din kami nang maayos.
“Kaya nga. Nalibot ko ata ‘tong buong bahay ni Inang para makasagap ng signal. And guess what kung nasaan ako ngayon.”
“Where?”
“Dito sa tapat ng kwarto niya. Dito kasi may pinakamalakas na signal.”
“No way! ‘Yang pintuan sa likuran mo ‘yung kwarto ng lola mo?” Mukhang hindi siya makapaniwala sa sinabi ko.
“Yeah. Dito talaga. Of all places, dito pa talaga.”
“Oh fudge!” Bigla siyang natigilan habang nakatingin sa likuran ko at takot na takot ang itsura niya.
“What?! Why?!”
“May nakasilip sa pintuan!” Takot na takot siyang tumuro sa likuran ko.
Napalingon ako. Nakasarado pa rin naman ‘yung pintuan. “Rina! Kaasar ka! Kinabahan ako. Mag-isa lang ako rito sa taas. Don’t make fun of me.”
“Joke lang. Peace!” Nag-peace sign pa siya.
“Not a good joke.”
“Sorry… my bad. Anyways, napasok mo na ba ‘yang kwarto niya?”
“Dati, nung bata pa ‘ko, pero ngayon I don’t think gugustuhin ko pang pasukin uli ‘to.”
“Why not? Baka may makita kang kayamanan diyan,” natatawang sabi ni Rina.
“No thanks. Baka magpakita pa sa ‘kin ‘yung kaluluwa ni Inang at pagalitan na naman ako.”
“Tanda mo na Gwen. Naniniwala ka pa sa multo?”
“Totoong may multo. After nang na-experince ko sa punerarya, masasabi kong totoo sila.”
”Why? What happened? May nakita ka? Tell me.” Lumapit pa siya sa sa screen. Mukhang interisado siyang marinig ang kwento ko.
“No. Ayoko. Ngayon pa na nandito ako sa tapat ng kwarto ni Inang, kung saan siya namatay? No way. Ugh, just thinking about it, kinikilabutan na ‘ko.”
“Ano ba ‘yan. Dapat hindi mo na kinuwento sa ‘kin.”
“Punta ka na lang dito. Kwento ko sa ‘yo.”
“Pwede?”
Natawa ‘ko. “Parang ang lapit, ‘tsaka papayagan ka kaya ni Tita?”
“Try ko. Malay mo pumayag. Naiinip na nga ako. Wala akong kasamang mag-mall. Ang lungkot. Miss na kita bestfriend.”
“Ang clingy,” biro ko.
“Ganon? May kwento pa naman ako sa ‘yo about kay Liam. Hindi ko na lang ikwekwento.”
“Missed you too bestfriend.”
“Wow, narinig mo lang ‘yung pangalan ni Liam, biglang na-miss mo na rin ako?”
“Spill it na. Ano’ng sabi niya?” excited kong tanong.
“Nagkita kami sa church.” Kasali kasi kami sa choir si Rina habang si Liam naman ang tumutugtog ng piano. “Hinanap ka niya sa ‘kin. Bakit raw wala ka. Ayun sabi ko nasa province ka. Tinanong niya kung saan, so sinabi ko naman. At sabi niya…” Pabitin pa si Rina.
“What?!”
“… raw… yan… to… ya..”
“Huh?” Naputol na agad ‘yung tawag. Hindi ko pa naman naintindihan ‘yung huling sinabi ni Rina. Sinubukan kong tumawag uli pero hindi ko na siya ma-contact. Nakakainis! Habang bad trip ako, narinig ko namang tumatawa si Dad at Enzo sa baba. Buti pa sila masaya.
Paalis na ako sa tapat ng kwarto ni Inang nang biglang bumukas ‘yung pintuan ng kwarto niya na nasa likuran ko. Dinig na dinig ko ‘yung langitngit ng pintuan na malapit sa ‘kin. “Oh my shhh.” Sigurado akong nakasarado ‘yun. Kitang-kita ko kanina, pero bakit biglang bumukas? Hindi agad ako kumilos. Nang lilingon na sana ako, lumangitngit uli ‘yun kaya nagtatakbo na ako pababa. Hindi ko na tinuloy ‘yung balak kong tingnan ‘yun kasi na-imagine ko na baka may makita akong nakasilip mula roon.
Kumaripas talaga ako ng takbo kaya hingal na hingal ako nang makarating ako sa ibaba ng bahay. Nakita kong naglalaro si Dad at Enzo ng baril-barilan. Suot pa ni Enzo ‘yung cowboy hat niya at nagtatago siya sa likuran ng upuan habang si Dad sa likuran ng nakabukas na pintuan. Nang makita ko sila medyo nabawasan ang takot ko, pero ramdam ko pa rin ‘yung mabilis na t***k ng puso ko dahil sa pinaghalong kaba at hingal. Pumunta ako sa kusina para kumuha ng malamig na tubig, para mahimasmasan ako.
Nakatayo ako sa sala habang umiinom ng tubig at pinapanood ang paglalaro nina Dad at Enzo nang pumasok sa loob ng bahay si Mommy na naka-suot ng gardening gloves. Nagulat pa si Mommy nang biglang lumabas ‘yung kamay ni Dad mula sa likuran ng pintuan. Mabilis na hinawi ni Mommy ‘yung kamay ni Dad na may hawak na laruang baril at saka siya humarap kay Dad.
“Hay nako Hon, imbes naglalaro ka d’yan, sana chine-check mo na ‘yung mga bintana para alam mo na ‘yung mga dapat ayusin.”
“Mabilis lang ‘yun Hon. Kayang-kaya ko ‘yun ayusin sa loob ng dalawang araw.”
“Mommy! Alis ka d’yan tatamaan ka ng bala!” sigaw ni Enzo. In character pa rin siya. Natatawa tuloy ako.
Naglakad papunta sa kusina si Mommy. May hawak siyang shovel at suot pa rin ang gardening gloves niya. Pumasok din mula sa labas si Ate Rose na nakasuot din ng gloves na dumumi nang dahil sa lupa. Nang makalapit si Mommy sa ‘kin doon ko lang napansin na may hawak siyang parang maliit na pouch na sa tingin ko gawa sa tela. Marumi ‘yun at nababalot ng lupa.
“Mommy ano po ‘yan?” pang-uusisa ko.
“Hindi ko rin alam. Nakita lang ni Rose sa lupa habang nagbubungkal kami sa labas.” Ipinatong ni Mommy sa lababo ‘yung hawak niyang pouch.
“Nagbubungkal? Why?”
“Pagagandahin ‘ko ‘yung garden ng lola mo. Dadagdagan ko ng mga halaman na namumulaklak. Puro d**o at punongkahoy kasi ang nakatanim. Para magkaroon nang konting kulay,” sagot ni Mommy habang nagtatanggal ng gloves sa kamay.
“Bakit po? Aalis din naman tayo and maiiwan ‘tong bahay. Mapapabayaan din ‘yung mga halaman.”
“Balak kong ibenta ‘tong bahay. Sayang naman kasi kung mapapabayaan natin. Nasa Manila ang buhay natin at hindi ko alam kung kailan uli tayo makakabalik dito. Kaya mas mabuti nang ibenta at mapunta sa iba kesa mabulok dahil walang nakatira. Pero bago ibenta syempre pagagandahin muna at aayusin,” sagot ni Mommy nang hindi tumutingin sa akin dahil nakatutok ang tingin sa hinuhugasang kamay.
Nanghihinayang ako dahil itong bahay ang tanging naiwan ni Inang sa ‘min pero naintindihan ko naman ‘yung reason ni Mommy. Naging praktikal lang siya. Mas maganda nga na may tumira rito at gawing masaya at buhay ‘tong bahay kesa sa walang nakatira, masisira, mabubulok at malilimuta na. Sana nga lang may bumili kahit na malaman na may namatay na rito. At huwag sanang multuhin ni Inang. Tingin ko kasi si Inang ‘yung nagparamdam sa ‘kin kanina sa taas. Binibiro ata ako. Sana hindi na niya ulitin.
Kinuha ni Ate Rose ‘yung pouch na nakapatong sa lababo. Tumabi ako sa kanya habang binubuksan niya ‘yun. Gusto kong makita kung ano ang laman. Itinaktak niya ‘yun at may nalaglag na supot na may kung ano-anong laman na hindi ko pa mawari kung ano dahil nakakumpol sa loob ng clear na plastic na nakabuhol. Mahigpit ang pagkakabuhol kaya hindi mabuksan ni Ate Rose kaya kumuha ako ng gunting at inabot sa kanya.
Ginupit ni Ate Rose ‘yung plastic at saka niya itinaktak sa counter top ang laman. Mga maliliit na sanga ng kahoy, mga bato na iba’t-iba ang kulay at hugis, nakatiklop na papel na parang may nakasulat, itim na kandila na nasindihan na, at kapirasong bakal ang laman ng supot.
Binuklat ni Ate Rose ‘yung nakatuping papel. “Ano ‘to? Hindi ko maintindihan.” Tiningnan ko rin ‘yung papel. ‘Yung nakasulat katulad siya sa mga nakasulat doon sa notebook ni Inang na nakita ko sa kwarto niya, na ikinagalit niya kasi pinakialaman ko.
“Mommy, ‘di ba parang ganito po ‘yung nakasulat sa notebook ni Inang?”
“Anong nakasulat?” tanong ni Mommy pagkalingon sa akin. Nang makita niya ang bukas nang pouch at mga laman nitong nakakalat na sa counter top. “Sino’ng nagsabi sa inyo na buksan ‘yan?! Akin na ‘yan!” Mabilis na hinakot ni Mommy ang pouch at ang mga laman nito at isinilid sa bulsa niya.
“Bakit Mommy? Ano po ba ‘yung mga ‘yun? Para saan po ‘yun? Masama po ba?”
“Hindi ko alam at ayokong pag-usapan.”
Nang gabing ‘yun pumapasok pa rin sa isip ko ‘yung pouch, at ang mga nakasulat dito na tulad sa nakasulat sa notebook ni Inang. Ano kaya ‘yung mga ‘yun? At bakit ayaw pag-usapan ni Mommy? Wala naman sigurong ginagawang masama si Inang noon. Hindi ako mapakali. Paikot-ikot at pabaling-baling ako sa kama. Hindi ako makatulog. Tapos sinabayan pa nitong ulan at brownout. Kaninang hapon bigla na lang bumuhos ‘yung ulan tapos pagdating ng gabi habang nagdi-dinner kami nawalan naman ng kuryente. Ang init tuloy. Pamaypay lang ang meron ako. Hindi ko naman mabuksan ‘yung mga bintana kasi natatakot ako. Wala pa namang salamin o screen ‘yung mga bintana kasi gawa sa kahoy at capiz lang ‘yun. ‘Yung ginagalaw lang pakanan o pakaliwa para buksan at isarado. Tapos ang ilaw ko galing sa nakasinding kandila lang. At kung minamalas nga naman, nakaramdam pa ako ng pag-ihi. Kahit ayokong lumabas ng kwarto, napilitan akong bumangon. Hinanap ko muna ‘yung flashlight sa mga gamit ko. Ayoko namang dalhin ‘yung kandila kasi baka bigla na lang mawala ‘yung sindi. Hindi naman ako paniki na nakakakita sa dilim. Baka mahulog pa ‘ko sa hagdan o kaya may mabunggo akong gamit. Baka masira ko o mabasag.
Matapang akong lumabas ng kwarto ko. Ang higpit ng hawak ko sa flashlight na itinutok ko sa nilalakaran ko. Nakasarado ‘yung pintuan ng kwarto nina Mommy. Dinig ko pa ‘yung paligsahan sa paghilik ng mga magulang ko. Hanga din ako sa kapatid ko. Paano kaya niya nagagawang matulog? Ang hirap kaya ng ganun, kabilaan mo may maingay.
Nakarating na ako sa hagdan. Buti na lang hindi ko madadaanan ‘yung kwarto ni Inang, kasi baka magtatakbo ako pabalik ng kwarto ko at magdamag na magpigil ng ihi kapag marinig ko uling lumangitngit ‘yung pintuan ng kwarto niya.
Dahan-dahan akong bumaba ng hagdan. Mahirap na ang matalisod. Baka magpagulong-gulong pa ako pababa ng hagdan. Ang taas pa naman nito.
Nasa ibaba na ako ng hagdan nang bigla na lang kumulog at kumidlat nang pagkalakas-lakas. Sa takot, nagmadali ako at dahil doon, na-out of balance ako at nadapa. Ang sakit na nga nang pagkakabagsak ko, nabitawan ko pa ‘yung flashlight. Hindi agad ako nakatayo. Bwisit na kulog ‘yan. Baliwala lahat ng pag-iingat ko. Nadisgrasya pa rin ako. Dahan-dahan kong inangat ‘yung sarili ko. I’m standing on four feet nang iangat ko ‘yung mukha ko para tingnan kung nasaan ‘yung flashlight. Sa lugar kung saan nakatutok ‘yung ilaw ng flashlight, may nakita akong pares ng paa pero sa isang kurap ko lang nawala. Hindi ko alam kung paano ko nagawang tumayo kahit nananakit pa ‘yung katawan ko. Kinuha ko ‘yung flashlight at tumakbo papunta sa CR para mabilis na umihi at pumanik pabalik ng kwarto ko. Hindi ko alam kung gaano karaming adrenaline ang nilabas ng katawan ko para magawa ‘yun dahil sa sobrang takot. ‘Yung experience na ‘yun walang pinagkaiba sa naranasan ko sa loob ng morgue. Nakakapangilabot at makapanindig balahibo.
Pagbalik ko sa kwarto ko, napadasal ako. Sana hindi ako sundan dito sa kwarto ko, ng kung sino mang kaluluwa ‘yung nakita ko sa sala. Kung si Inang man ‘yun na nandito pa ang kaluluwa sana hindi na niya ako takutin, dahil kahit bata pa ako baka tubuan na ako ng sakit sa puso dahil sa takot.
Kahit mainit at pinagpapawisan na ako nang sobra, nagtalukbong ako ng kumot. Wala kahit dulo ng daliri ko ang inilabas ko. Kahit ang hirap nang huminga nanatili ako sa loob sa takot na baka may humila sa paa ko kapag inilabas ko ito sa kumot. Takot na takot ako kaya nakatulog na ako sa ganoong ayos.
***
Nagpakahirap akong matulog nang nakatalukbong pero paggising ko naman wala na akong kumot dahil sa likot ko matulog.
Pagdilat ko maliwanag na. Ubos na rin ‘yung kandila at tumila na ‘yung ulan. Nanatili muna akong nakahiga sa kama. Mata ko lang ang inilibot ko sa loob ng kwarto. Wala naman akong kasama at ako lang mag-isa. Thank God. Pero muntik na namang mahulog ‘yung puso ko nang biglang may kumatok sa pinto ng kwarto ko. “Ate! Gising ka na raw! Kakain na.” Si Enzo lang pala. Ang aga naman niyang magising. Anong oras na ba? Kinuha ko ‘yung cellphone ko na nakapatong sa lamesitang nasa tabi ng kama. Alas-nuebe na pala ng umaga. Ang tagal ko rin palang natulog. At sina Mommy late rin siguro nagising kasi hindi umaabot ang breakfast namin ng 9am. Lalo na nasanay kami na maagang nagbrea-breakfast dahil maaga ang pasok namin ni Enzo sa school.
Bumaba ako at sumalubong sa ‘kin ‘yung amoy ng tuyo. Mukhang mapaparami ako ng kain. Sigurado ako may sinangag, kamatis at itlog na maalat na partner ‘yun at may champrado rin para kay Enzo. Kapag gan’tong malamig ang panahon ganito ang pagkain na niluluto ni Mommy.
“Kain na,” sabi ni Dad nang makita niya akong naglalakad palapit sa kanila. Nakaupo na silang apat at ako na lang ang kulang. Si Mommy nagtitimpla ng kape. Si Ate Rose naman pinaghihimay ng tuyo si Enzo na nilalagay sa ibabaw ng champorado na may pinaghalong evaporated milk at powdered milk na nasa mangkok sa harapan ni Enzo.
Nang kumakain na ako napatingin ako kay Ate Rose na mukhang inaantok pa. “Ate Rose, hindi po ba kayo nakatulog?” tanong ko.
“Hindi ‘neng.”
Nakakita rin kaya ng paa si Ate Rose? O mas malala pa?
“Bakit po?”
“Ang ingay kasi sa kabilang kwarto. May nalakad nang nalakad tapos parang may nagdadasal na hindi ko maintindihan. E kahoy lang naman ang pagitan ko doon sa kwarto. Hindi pa ata matahimik iyong kaluluwa ng inyong lola.”
Biglang bumaba sa upuan niya si Enzo at tumakbo sa tabi ni Mommy. “Mommy nandito si Inang?”
“No. She’s not here. Ulan lang at malakas na hangin ‘yung narinig ni Ate Rose.” Tiningnan ni Mommy si Ate Rose, “Rose, ayoko ng mga ganyang usapan.”
“Sorry po Ma’am.” Napayuko si Ate Rose.
“Mommy tingin ko po tama si Ate Rose kasi—.”
“Tama na Gwen. Huwag nating pag-usapan ‘yan dito. Nasa harap ng pagkain.”
Wala nang nagsalita pa hanggang sa matapos kaming kumain.
***
Pagkatapos naming mag-agahan, pinuntahan ko si Mommy sa kwarto nila. Nadatnan ko siyang namimili ng damit na susuotin. Aalis ata sila ni Dad. Pupunta siguro sila sa bayan.
“Mommy?”
“Yes?”
“Can we talk?” tanong ko habang paupo ako sa kama.
“Sure.”
“About kanina—.” Hindi na ‘ko pinatapos magsalita ni Mommy.
“Maghahanap kami ng mandarasal mamaya. Huwag mo nang isipin ‘yun. Si Inang man ‘yun o hindi. We will pray for their souls. Don’t scare yourself. Okay?”
“Okay po.” Tapos agad ang usapan kaya tumayo na ako para lumabas ng kwarto.
“Gwen.” Huminto ako nang tawagin ako ni Mommy.
“Konting tiis na lang. Babalik din tayo ng Manila, matapos lang lahat ng kailangang tapusin dito.”
“Yes Mommy.”
Kita ko ‘yung lungkot sa mata ni Mommy. Sa ‘min siya siguro ang pinakanahihirapan sa sitwasyon na ito lalo na sa amin siya ang pinaka-malapit kay Inang dahil mas matagal niya itong nakasama kumpara sa amin.
***
Habang pababa ako ng hagdan, “Ano’ng gusto mong pasalubong?” tanong ni Mommy kay Enzo habang nasa bukana sila ng pinto. Paalis na sila ni Dad. Bibili sila ng materyales para dito sa bahay, like paints, wall papers, para mapaganda ‘tong bahay. And bibili din ata sila ng kalan para dito na sa loob nagluluto, hindi sa labas.
“Ice cream!”
“Matutunaw ‘yun sa byahe. Isip ka pa.”
“Puppy!”
Natawa si Dad, “From ice cream to puppy?”
“Advanced birthday gift.” Ang lapad ng ngiti ni Enzo.
“Malapit na nga pala birthday mo. Sige, pag-uusapan namin ng Mommy mo ‘yan kaya hindi pa namin maipapasalubong mamaya sa ‘yo ‘yun.”
“Talaga po? You’ll think about it?”
“Yes.”
“Yey!” Nagtatakbo sa loob ng bahay si Enzo.
“Ikaw Gwen?” tanong ni Mommy.
“Wala po. Just get back safely,” sabi ko.
Hinatid ko sila sa kotse at nang makaalis na sila at pabalik na ‘ko sa loob doon ko napansin na may kakaiba sa labas, and I realized na lahat pala ng halaman sa bakuran ng bahay ni Inang namatay lahat at natuyo. Ang nakakapagtaka, ‘yung mga halaman sa loob lang ng bakuran ni Inang ang ganon. ‘Yung mga halaman sa tapat at sa magkabilang gilid naman namin, hindi. Hindi ko na talaga alam kung bakit may mga nangyayaring kababalaghan sa bahay na ‘to.