KABANATA 3

2607 Words
KABANATA 3 Tapos na ‘kong maligo. Nakapagbihis na rin ako. Black t-shirt at jeans lang ang naisip kong suotin sa unang araw ng burol ni Inang. Nakaupo ako sa kama at nagsusuklay ng buhok nang marinig kong parang may kumalabog sa labas ng kwarto ko, kaya tumayo ako para tingnan. Wala akong nakita kaya bumalik na lang ako sa kwarto at isinarado ang pinto. Naupo ako sa kama at sinimulan ko na uling mag-suklay. Habang nahihirapan akong tanggalin ang nabuhol na dulong parte ng buhok ko, may narinig na naman akong kalabog sa labas ng kwarto ko. Alam kong si Enzo ‘yun. Pinagtri-trip-an na naman ako. Tumayo uli ako at naglakad palapit sa pintuan. Binuksan ko ‘yun at muli akong sumilip sa labas. “Enzo?” Tumingin ako sa magkabilang gilid pero kahit anino ng kapatid ko, hindi ko nakita. “Enzo, ‘pag nahuli kita. Humanda ka sa ‘kin.” Nilakasan ko ‘yung boses ko para marinig niya. Naglakad na uli ako papasok ng kwarto ko pero this time hindi ko na sinarado ‘yung pintuan. KInuha ko ‘yung make-up kit ko sa bag at naupo ako sa kama patalikod sa may pintuan. Naglalagay ako ng liptint nang mapatingin ako sa likuran ko mula sa maliit na salamin na hawak ko. Bigla akong napalingon sa nakabukas na pintuan dahil parang may nakita akong nakatayo roon kanina. Parang babae ‘yung nakita ko dahil mahaba ang buhok. Pero imposible naman mangyari ‘yun dahil kanina pa nakaalis si Mommy kasama si Ate Rose. Wala nang ibang babae rito sa bahay maliban sa ‘kin. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba ‘yun o kulang lang ako sa tulog dahil inabot ako ng ala-una ng madaling araw bago ako nakatulog kagabi. Dahil sariwa pa sa ‘kin ‘yung naging experience ko sa punerarya, dali-dali kong inayos ang mga gamit ko at nagmamadali akong lumabas at halos patakbo na akong bumaba ng hagdan. “Gwen, be careful. Luma na ‘tong bahay. May mga parte ‘yung hagdanan na marupok na,” sita ni Dad sa ‘kin. Nakita ko sila ni Enzo na kumakain na ng breakfast. “Gutom na ‘yan, kaya nagmamadali,” sabi naman ni Enzo. “Ako gutom? Sino kaya sa ‘ting dalawa ang may peanut butter sa pisngi?” Biglang napahawak si Enzo sa pisngi niya. “Wala naman e!” “Huwag ka kasing paniwalain,” natatawang sabi ko kaya binelatan niya ‘ko. Salamat kay Enzo, sandaling nalimutan ko ‘yung ‘di ko maipaliwanag na nakita ko sa itaas kanina. Nang matapos kaming kumain, umalis na rin kami agad para pumunta sa chapel. At dahil dala ni Mommy ‘yung kotse magco-commute kami. Nag-abang kami ng tricycle sa labas ng bahay dahil madalang ang dumadaan na jeep. Ilang minuto na rin kaming nakatayo at pumapara sa mga tricycle na dumadaan pero hindi humihinto ang mga ito, kahit wala naman silang mga sakay. Parang ayaw ata kaming pasakayin. “Bawal sigurong mag-sakay rito. Lakarin na lang natin. Malapit lang naman ‘yung chapel,” sabi ni Dad. Wala kaming choice kundi maglakad dahil baka maunahan pa kaming dumating ni Inang doon kung maghihintay kami sa tricycle na magpapasakay sa ‘min. “Si Ate kasi e. Ang bagal kumilos. Ang daming nilalagay sa mukha. Sana nakasabay tayo kina Mommy.” Reklamo ni Enzo habang naglalakad kami. Mas maaga kasing umalis sina Mommy sa ‘min dahil mamimili pa sila pagkatapos noon magluluto pa. “Lalaki ka kasi. Hindi mo maiintindihan.” Siya kasi pagkatapos maliligo at magbibihis, tapos na. “Wala naman ‘yung crush mo rito, nagpaganda ka pa.” “Whatever Enzo. Ang aga-aga. Wala ako sa mood na patulan ka.” “Ate tinititigan ka ni kuya o.” “Enzo stop,” sabi ko habang diretso ang tingin. “Totoo, Nakatitig talaga sa ‘yo.” I looked at him at napatingin din ako sa direksyon na tinitingnan niya. Nasa tapat kami ng isang bahay. Sa labas noon, may lalaking nakatayo at may hawak na pala. Akala ko nagbibiro lang si Enzo pero hindi pala. Nakatingin nga ‘yung lalaki sa ‘kin or sa ‘min. Nakatayo lang siya doon habang hawak ‘yung pala sa tapat ng lupang binubungkal niya. Parang huminto siya sa ginagawa niya para lang sundan kami ng tingin. Maya-maya may babaeng lumapit sa kanya na tiningnan din kami bago may ibinulong doon sa lalaki. Kakaiba talaga ang kilos ng mga tao sa lugar na ‘to. “Let’s go.” Hinawakan ko si Enzo sa kamay at mabilis akong naglakad para makasabay kami kay Dad na nauuna na sa ‘min. *** Mabilis kaming nakarating sa chapel. Sinalubong kami ng katiwala roon. “Anong oras daw po dadalhin ‘yung patay?” tanong nito kay Dad. “Alas-otso raw po.” Dumating ang alas-otso ng umaga pero walang dumating na mga tiga-punerarya at walang Inang. Hanggang sa abutin ng alas-diyes ng umaga wala pa rin. Sinusubukang tawagan ni Dad ‘yung punerarya pero hindi niya ito ma-contact. “Sir, mahina po talaga ang signal dito,” sabi ng katiwala sa chapel. “May telepono ba kayo?” “Wala po.” Habang nag-uusap sila, may narinig akong tunog ng sasakyan kaya napalingon ako. May humintong karo ng patay sa labas at bumaba mula roon ‘yung embalsamador na nakausap namin kagabi. “Dad, they’re here.” Nagmamadaling bumaba ng sasakyan ‘yung embalsamador. “Sir, pasensya na po. Late kami.” “Dalawang oras kayong late. Ano’ng nangyari?” “Ang dami po kasing aberya. Tinesting po namin kagabi ‘yung mga ilaw na ilalagay sa tabi ng kabaong at gumagana naman po kagabi, pero nang testingin uli namin kanina ang dami na pong pundido. Wala po kaming reserba kaya bumili pa kami ng bago. ‘Yung pangalan din po sa tarpaulin mali ang spelling kaya ipinaulit pa po namin ng gawa at habang nasa biyahe kami tumirik po ‘yung sasakyan kaya hinintay pa po namin ‘yung kapalit. Pasensya na po.” “Hindi naman maiiwasan ‘yung mga ganyang bagay.” “Pasensya na po talaga sir.” “Sige. Basta pakigandahan at ingatan niyo na lang ‘yung pag-aayos nang wala ng aberya.” “Opo sir. Iingatan po namin.” *** Everything went well. Naiayos na si Inang sa loob ng chapel. Nakakabit at nakabukas na ang mga ilaw. Nakaayos na rin ang mga bulaklak sa harap at gilid ng puting kabaong. Alas-dose na nang makarating sa chapel sina Mommy. “Daddy, Gwen, pakihakot ‘yung mga food na nasa sasakyan. Grabe napagod ako sa pagluluto,” sabi ni Mommy habang nagpupunas ng pawis sa noo. Mag-isa lang siyang pumunta sa chapel. Si Ate Rose naiwan sa bahay ni Inang dahil magluluto pa siya ng pagkain para mamayang gabi hanggang sa lamay sa madaling araw. Binuhat ni Dad ‘yung kaldero na may sopas. Ako naman binitbit ko ‘yung isang malaking bilao ng pansit. Si Enzo tumulong din. ‘Yung mga chichirya and candies naman ang dinala. ‘Yung cooler na lang na may lamang mga juice at softdrinks ang naiwan sa sasakyan. Pinuwesto namin malapit sa may pintuan ‘yung mga pagkain. Nilagay namin sa likuran ng mga upuan, para hindi rin mahiyang kumuha ng pagkain ‘yung mga pupunta. “Ate tiningnan mo ba si Inang nung nagpunta kayo sa punerarya?” tanong ni Enzo habang nakaupo kami sa unang row ng mga upuan. Tumango ako. “Natakot ka?” Hindi pa kasi nakakakita ng patay si Enzo. Umiling ako. Hindi naman ako natakot nang makita ko ‘yung bangkay ni Inang. Natakot lang naman ako nung nandoon kami dahil sa nangyaring pagpatay-sindi ng ilaw at ‘yung mga kababalaghang nangyari nang gabing ‘yun na hindi ko maipaliwanag. “Kapag kamag-anak mo, hindi ka naman matatakot.” “Samahan mo ‘ko. Titingnan ko si Inang. Hindi ko kasi siya na-meet nung buhay pa siya e.” Tumayo kami at naglakad palapit sa kabaong. “Para lang siyang natutulog, ‘tsaka mataba pala si Inang.” Maayos naman ang pagkakamake-up kay Inang, pero ‘yung pamamaga ng mukha at katawan niya hindi na nila nagawan ng paraan. “Gwen,” tinawag ako ni Mommy. “Po?” “Ikuha mo nga ako ng juice,” utos niya. “Sige po.” Aalis na sana ako pero hinawakan ako ni Enzo sa braso. “Ate, sandali.” “Bakit?” “Ano ‘yun?” sabi ni Enzo habang kunot-noong nakaturo sa loob ng kabaong. “Ang alin?” “Insekto ata ‘yun Ate. Pero parang ang laki.” “Imposible. Paano magkakaroon ng—.” Napatigil ako sa pagsasalita. “Oh my God! Ano ‘yun?” Nagulat ako nang may biglang gumapang na hayop sa dibdib ni Inang.  “Mommy!” sigaw ko. “What?!” “May hayop sa loob ng kabaong,” sagot ko. “Ano?!” Napatayo bigla si Mommy at lumapit sa ‘min. “Nasaan?!” “Gumapang po pababa.” Hindi na namin makita ‘yung hayop dahil itaas na bahagi lang ni Inang ang kita mula sa salamin ng kabaong. Pilit kong sinisilip ‘yung loob ng kabaong nang gumapang uli pataas ‘yung hayop papunta sa gilid ng ulo ni Inang. Mukha itong butiki pero kakaiba ang kulay, makintab ang balat at mas malaki sa butiki. Napatingin ako sa mukha ni Inang at parang may nagbago sa itsura niya. Parang bumuka nang kaunti ang bibig niya. “Mommy bakit parang—.” Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil may parang buntot ng hayop ang lumabas sa bibig ni Inang. Gumalaw pa ito pakaliwa. “Paano napunta ‘yun doon?” tanong ko sa sarili ko habang nakatitig sa bibig ni Inang na unti-unting bumubuka. Nagulat ako at napasigaw nang biglang tumalon palabas ng bibig ni Inang ang hayop at humampas sa salamin ng kabaong. Butil-butil ang pawis ko nang magising ako. Panaginip lang pala, pero pakiramdam ko totoo. “Ang ingay mo naman ate. Ano bang napaginipan mo?” “Wala. Hindi ko maalala,” sabi ko kahit malinaw na malinaw pa sa isip ko ‘yung laman ng panaginip ko. Hindi ko na kinuwento kay Enzo para hindi siya matakot. “Gusto mo?” Inalok niya ako ng cheesecake na kinakain niya. “Sige, kainin mo na ‘yan. Kukuha na lang ako ng sa ‘kin.” Tumayo ako para kumuha ng pagkain at doon ko lang nakita na gabi na pala at madilim na. Hindi ko napansin kaninang paggising ko dahil sa dami ng mga nakabukas na ilaw na nakapaligid sa kabaong ni Inang. At doon ko rin nakita na walang ibang tao sa chapel kundi kaming apat lang nina Mommy, Daddy at Enzo. Kanina kayang natutulog ako, may nagpunta? May nakiramay? Tiningnan ko ‘yung kaldero ng sopas. Halos wala itong bawas, at ganun rin ‘yung pansit at iba pang pagkain na dinala ni Mommy. Bakit kaya? May nagpunta kaya pero hindi kumain o wala talagang nagpunta? Habang nagtitimpla ako ng kape na panlaban sa antok sa mahabang gabi ng paglalamay, napatingin ako sa labas. May matandang babaeng nakatayo at nakatingin sa ‘kin. “Kape po tayo,” sabi ko sa kanya at itinaas ko pa ‘yung styro cup na may lamang kape para makita niya. Hindi niya ako pinansin sa halip ay inikot lang niya ang tingin niya sa loob ng chapel at saka ibinalik ang tingin sa ‘kin. “Umalis na kayo rito. Salot.” Pabulong pero may diin na parang may galit ‘yung pagkakasabi niya. Doon ko naalala na kaya pala mukhang familiar siya dahil siya ‘yung matandang babae sa tindahan. Pagkatapos niya ‘kong sabihan ng salot naglakad na siya paalis, kaya mabilis kong ibinaba ang hawak na kape at sinundan siya. “Manang sandali lang po.” Hinawakan ko siya sa braso para pigilan at bigla na lang siyang nagsisisigaw at nag-hysterical. Mabilis ko siyang binitawan sa sobrang gulat at takot ko. Hindi naman mahigpit ang pagkakahawak ko kaya takang-taka ako sa inasal niya. Hindi ko naman siya sinaktan, kaya bakit siya nagalit? “Lumayo ka sa ‘kin!” Parang diring-diri siya sa ‘kin. Pinunasan pa niya ng panyo ‘yung braso niyang nahawakan ko. May ilang mga taong nasa labas ang lumapit sa ‘min. “Ano’ng ginawa mo?!” sabi ng isang lalaki. Natakot ako nang makita kong may nakasabit na bolo sa tagiliran niya. “Wala po. Wala po akong ginawa. May itatanong lang po sana ‘ko.” “Umalis ka na!” sigaw nito sa akin. “Opo. Aalis na po ‘ko. Pasensya na po.” Mabilis akong tumakbo papasok ng chapel. Nang nasa loob na ‘ko napahawak ako sa dibdib ko dahil ang bilis ng t***k ng puso ko. Huminga muna ako nang malalim bago ako naglakad at bumalik sa tabi ni Enzo. “Akala ko kukuha ka ng pagkain?” Napatingin ako sa kamay ko na walang laman, walang dalang pagkain. “Saan ka ba galing? May narinig kaming sumisigaw sa labas kanina. Titingnan ko sana pero sabi ni Mommy, huwag ko na lang daw pansinin. Galing ka ba sa labas? Nakita mo ba?” “Ha?” Sa lalim ng iniisip ko ‘yun lang ang nasagot ko kay Enzo. Naguguluhan pa rin ako sa ikinilos ng matanda, pati ng mga taong lumapit sa ‘min. Iba ‘yung mga tingin nila. Parang may suklam or galit. Simpleng paghawak lang sa braso ‘yung nagawa ko pero parang nakapanakit na ako ng tao sa reaksyon nila. “Okay ka lang ate?” “Hindi ko alam.” “Hindi ka okay?” “No. I mean. Okay lang ako. ‘Yung sinasabi mong nangyari sa labas, hindi ko alam.” “Okay.” Nilamukos na ‘yung supot ng cupcake bago, inilagay sa bulsa. “Naiinip na ‘ko rito. Walang makalaro at wala pang signal,” sabi niya habang nagkukuyakoy. Hindi ko pinansin ‘yung pagrereklamo niya dahil nasa isip ko pa rin ‘yung nangyari sa labas. “Wala bang pumunta kanina habang tulog ako?” “Wala.” Umiling siya. “Kahit isa?” Hindi ako makapaniwala sa sagot niya. At dahil sa nangyari sa labas kanina hindi ko maiwasang isipin na kaya walang nakikiramay sa ‘min ay dahil galit ang mga tao rito sa pamilya namin. “Kahit isa, wala. Wala bang kaibigan si Inang?” “Hindi ko alam. Baka ‘di uso makiramay rito kapag may patay o baka busy silang lahat. Pagod galing sa trabaho tapos matutulog agad pag-uwi. Tingnan mo walang masyadong tao sa labas.” Kung ano-anong dahilan na lang ang isinagot ko kay Enzo. “Meron, kaso padaan-daan at pasilip-silip lang sila. Kanina nga may batang pumasok dito na inalok ko ng candy. Kinuha naman nung bata kaso biglang dumating ‘yung nanay niya, kinuha ‘yung candy tapos binalik sa ‘kin.” Hindi ko alam na habang tulog ako may ganitong nangyayari na pala sa kapatid ko. Hindi lang pala ako ang nakaranas ng kakaibang pag-uugali ng mga tao rito. “Ayaw ba nila sa ‘tin?” “Hindi ‘no. Malay mo mamaya o kaya bukas pa sila magsisipunta,” sagot ko sa kanya. Ayokong isipin niya na may mali sa pamilya namin kaya ganito ang mga tao rito. Kung meron mang mali wala sa amin ‘yun.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD