Sheila
"Huwag kang mag-alala kay Jr. Babantayan ko siya ng mabuti. 'Yong pakikipagharap mo sa ama niya ang intindihin mo."
Napatango-tango ako sa sinabi ni Lala. Kasalukuyan na kami ngayong naririto sa bahay nila at sa kanya ko muna iiwan sandali si Jr. Ang totoo ay kinakabahan ako. Hindi ko alam kung anong magagawa ko sa oras na makaharap ko na si Darell.
Sana nga ay makaya ko 'to.
"Good luck. Kaya mo 'yan." Hinawakan ni Lala ang magkabila kong balikat.
Napabuntong-hininga ako ng malalim upang maibsan ang bigat na nasa dibdib ko.
"Salamat. Aalis na ako. Ikaw na muna ang bahala kay Jr." Sinilip ko si Jr na abala sa pagkain ng hotdog sa sofa.
Tumalikod na ako at muling lumapit kay Dave. Kasalukuyan siyang nakasandal sa pinto ng kotse niya at nakaharap naman sa kinaroroonan ko.
"Ahm, okay na. Halika na."
Tanging ngiti lang naman ang isinagot niya sa akin at muli niya akong pinagbuksan ng pinto. Pumasok ako sa loob na nasa malayo pa rin ang isipan ko. Hindi maalis-alis ang kaba sa dibdib ko.
"Wear your seatbelt," ani Dave matapos niya ring maupo sa driver's seat.
Tahimik ko naman siyang sinunod.
"Hindi tayo sigurado kung makakapasok tayo ngayon sa loob ng gusali nila dahil masyado silang naghigpit ngayon."
"Anong ibig mong sabihin?" Napalingon ako sa kanya.
"Gaya ng balita sa tv. Dylan Delavega is now offering a huge reward to find his missing girlfriend. The Delavegas' place is full of media reporters right now, including the scammers who are now scattered around them. Maraming modus operandi ang naglalabasan ngayon kaya mahigpit ang seguridad nila ngayon sa gusali kung saan ang mga opisina nila at kung saan sila naninirahan."
Napaisip din ako sa sinabi niya.
"Susubukan ko pa rin. Makikisingit ako sa kanila."
"Alright. Just be careful."
Sinimulan na niyang patakbuhin ang kotse niya. Muli naman akong napahugot ng isang malalim na buntong-hininga. Parang isang napakataas na rin na lalaki ng boyfriend ko ngayon. Napakahirap nang lapitan.
"Napakayaman pala talaga ng mga Delavega. Akalain mo 'yong reward na inilabas ng Dylan na 'yon. Million."
"Barya pa 'yan sa kanila."
Napalingon akong bigla sa kanya sa sinabi niya.
"Wow. Talaga?"
"They are the top richest people in our country. Nagkalat din ang mga negosyo nila sa kung saan-saan pang mga bansa."
"Wow. Paano kaya napunta sa kanila si Darell? Ang sabi daw ni tita Teresa sa kanya noon ay patay na ang ama niya mula sa atake sa puso. Hindi kaya kinuha siya ng mga kamag-anak ng ama niya?"
"Did he mention his father's name?"
"Hindi, eh."
Hindi na siya sumagot pa at nagpatuloy na lamang sa pagmamaneho niya.
Bumiyahe kami patungong Taguig. C5 road ang tinumbok naming daan at lumiko kami patungo sa Bonifacio Global City.
Napatingala ako sa mga naggagandahan at mga nagtataasang gusali na mga nadadaanan namin. Napakayayaman ng mga taong nagmamay-ari ng mga 'yan. Hindi ko akalain na mabibilang si Darell sa kanila.
Baka nga hindi na niya ako kilala ngayon.
Parang kinurot ng pinong-pino ang puso ko sa isiping 'yon. Kaagad na nangilid ang mga luha ko sa mga mata ko. Ngunit kaagad ko itong pinigilan. Kailangan kong maging malakas ngayon.
"We're here."
"Ha?" Napalingon akong bigla kay Dave nang huminto na ang kotse namin sa isang tabi. "D-Dito na tayo?"
Muli akong napatanaw sa labas.
Isang napakalaki at napakataas na gusali ang nasa tapat namin ngayon. At sa labas ng entrance nito sa baba ay totoo ngang maraming nag-iipon-ipong mga tao. Karamihan ay may mga nakasukbit na camera sa leeg at mukhang mga taga-media nga sila.
Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Napakalapit ko na sa kanya. Makikita ko kaya siya?
"Ahm..." Bumaling na akong muli kay Dave. "K-Kaya ko nang mag-isa. Iwan mo na lang ako dito para makapasok ka na sa trabaho mo. Nakakahiya na talaga sa iyo. Naabala na naman kita."
"Susunduin kita kapag uuwi ka na. Just call me. Do you have your phone with you?"
"Alam ko naman na ang pasikot-sikot dito. Makakaya ko na rin namang umuwi nang mag-isa. Salamat talaga, ha."
"Don't mention it. You're always welcome."
Napangiti ako sa sinabi niya. Mabilis ko nang hinubad ang seatbelt ko at binuksan ang pinto sa tabi ko.
"Salamat ulit. Ingat ka," aniko sa kanya matapos kong lumabas bitbit ang bag ko.
Tanging ngiti na lamang ang isinagot niya sa akin bago ko isinarang muli ang pinto. Kumaway na lang ako sa kanya habang papaalis na ang kotse niya.
Napalingon akong muli sa gusali at napatingala sa itaas. Puro glass wall lang ang humaharang sa kabuuan nito mula sa tumataas nang sikat ng araw.
"Nandito ka ba ngayon?... Sana matanaw mo 'ko dito sa baba."
"Bilisan mo, parating na si Mr. Dylan Delavega!"
Napalingon ako sa ilan pang mga taong patungo din sa entrance nitong gusali.
"Tabi, Miss! Haharang-harang ka d'yan!"
"Ah." Isang lalaki ang biglang tumabig sa akin na kamuntik ko nang ikasubsob sa sahig. Napaatras akong bigla sa gilid nang may ilan pang tumatakbo palapit sa kinaroroonan ko.
"Dali! Dali!"
Kaagad silang nagsi-abang sa isang kotse na paparating at pumasok na dito sa driveway ng gusali. May dalawang kotse pang nakasunod dito.
"Tumabi muna kayo! Tabi!" Nagsi-labasan na rin ang dalawang guwardiya ng gusali at pilit na hinahawi ang mga tao.
Huminto ang tatlong kotse sa tapat ng entrance. Kaagad namang nag-umpukan ang mga tao sa unang kotse.
Nagmadali na rin ako sa paglapit sa kanila at naki-usyoso na rin. Marahil ay ito na ang Dylan na nasa balita kagabi at naglabas ng napakalaking pabuya para sa makakahanap sa girlfriend niya.
Naunang lumabas sa kotse ang mga unipormadong mga lalaki na sa tingin ko ay mga bodyguard.
Grabe. Ang yaman talaga nila. Ang daming guwardiya.
"Magbigay kayo ng daan! Tabi!" Muling sinubukang hawiin ng mga guwardiya ang mga reporter na nagkakagulo sa pag-abang sa paglabas ni Mister Dylan Delavega mula sa kotse niya.
Natapak-tapakan na ang paa ko sa pakikisiksik ko rin sa kanila. Yakap ko naman ng mabuti ang bag ko sa harapan ko.
Hindi nagtagal ay binuksan na ng isang bodyguard ang pinto ng backseat ng unang kotse. At hindi nga nagtagal ay lumabas na mula doon ang isang napakakisig at matangkad na lalaki.
Maka-ilang ulit akong napakurap habang nakatitig sa kanya. Napakaguwapo nga niya. Mas guwapo pa siya sa personal kaysa sa napanood ko sa tv. 'Yan ba ang sinasabing kapatid ni Darell? Hindi sila magkamukha pero alam kong nahahanay sa kaguwapuhan niya ang boyfriend ko.
Nagkagulo na nang tuluyan ang mga tao sa pagkuha ng statement niya.
"Mister Delavega, ayon sa rumor ay may kinalaman daw ang pamilya Heisenberg sa pagkawala ng kanilang anak. Ano pong masasabi niyo hinggil dito?"
"Totoo po ba na sila ang nagpa-kidnap sa sarili nilang anak?"
"May ibang lalaki raw po na inirereto ang mga magulang ni Ms. Samantha Heisenberg para sa kanilang anak."
"Kilala niyo po ba si Joaquin Delgado?"
Sunod-sunod na ang mga naging katanungan sa kanya ng mga reporter habang ang mga bodyguard naman niya ay pilit na hinaharang ang mga ito. Nanatiling tahimik ang lalaki at nagpatuloy lang sa paglalakad papasok ng entrance. Nakaalalay sa kanya ang mga bodyguard niya.
"Mister Delavega, may ilang katanungan pa po kami sa inyo!"
"May nakapagsabi na natagpuan daw po sa isang barangay sa Rizal si Ms. Samantha kasama si Joaquin Delgado!"
Walang sinagot na kahit isa ang Dylan na 'yon sa mga reporter hanggang sa tuluyan na itong makapasok sa loob. Ang buong akala ko ay tatahimik na sila ngunit muli silang bumaling sa mga kotse pa sa likod at may mga lalaki na naman silang pinagkaguluhan doon.
"A-Aray!" napadaing ako nang maipit na ako dito sa gitna at kung saan-saang parte na ng katawan ko ang nadadagil nila.
"Mr. Daemon Delavega, ano pong masasabi niyo sa kumakalat na balitang ang mga magulang daw ni Ms. Samantha Heisenberg ang nag-utos na ipa-kidnap ang sarili nilang anak?"
"Sumugod po raw ang pamilya nila sa Palawan kasama si Joaquin Delgado upang mabawi ang kanilang anak?"
"Si Mr. Darell Delavega! Dali!"
Bigla akong napahinto sa narinig kong 'yon. Gano'n na lamang ang paglakas ng t***k ng puso ko at nag-umpisa nang manginig ang buong katawan ko.
D-Darell...
Kaagad akong tumingkayad at hinanap ng mga mata ko ang kinaroroonan niya. Ngunit nahihirapan ako sa dami ng taong nagsisiksikan sa harapan ko.
"Mister Darell Delavega, isa raw po kayo sa mga humarap sa mga tao ni Joaquin Delgado mula sa tangkang pagdukot kay Ms. Samantha Heisenberg sa Palawan?"
"Sa tingin niyo po ba, sila pa rin ang dahilan nang tuluyang pagkawala niya ngayon?"
"May nakapagsabi na naging donor daw ni Mr. Dylan Delavega si Ms. Samantha sa isang bone marrow transplant at ito ang ikinagalit ng husto ng mga magulang niya."
Bigla akong napahinto nang tuluyan ko na siyang matanaw.
"Darell..."
Parang malulusaw ang puso ko nang makita ko na siya sa napakalaking pagbabago ng postura niya ngayon. Nakasuot siya ng isang business suit at mas lalo pang tumingkad ang kaguwapuhan niya.
Ang puti-puti na niya ngayon at ang linis-linis. Maging ang hair cut niya ay bagay na bagay sa kanya. Nasa likuran siya ng isa pang makisig na lalaking pamilyar din sa akin. Isa rin siya sa nakita ko sa tv kagabi. Siya na yata si Daemon Delavega.
Inaalalayan din sila ngayon ng mga bodyguard nila.
"D-Darell... E-Excuse me! Excuse me! Paraan!" Pilit akong nagsumiksik sa mga tao para lamang makalapit kaagad sa kanila.
Nataranta ako dahil malapit na silang makapasok sa loob ng gusali at mawawalan na ako nang pagkakataong makausap siya.
"Paraan! Excuse me! Darell!"
"Ano ba, Miss?!" Hinawi ko na ang mga tao sa harapan ko. Wala na akong pakialam pa kung masaktan ko na sila. Kailangan kong makausap si Darell!
"Darell!"
"Ay, ano ba 'yan?!"
Ngunit pagdating ko sa unahan ay tuluyan na silang nakapasok sa loob at dire-diretsong naglakad patungo sa elevator. Kaagad na humarang sa amin ang mga bodyguard.
"Kuya, pakiusap. Papasukin niyo 'ko. Kailangan ko lang makausap si Darell. Parang awa niyo na. Kilala ko siya. Magkakilala kami."
"Bawal na, Miss. Magsi-uwi na kayo! Bawal na kayo dito sa harapan!" Itinaboy na ng mga guwardiya ang mga reporter na nasa likuran ko.
Nakasilip naman ako ng siwang mula sa ilalim nila kaya kaagad akong yumuko at sumuot doon.
"Hey, miss!"
"Habulin niyo!"
Tatakbo na sana ako palapit sa kinaroroonan nila Darell. Kasalukuyan sila ngayong nakahinto sa harap ng elevetor. Abala naman sa hawak na phone si Darell. Ngunit kaagad din akong nadakip ng mga guwardiya.
"Sandali lang naman! Darell!"
"Ang kulit mo naman, Miss, eh! Sinabi nang bawal na, eh!" Kinaladkad nila ako pabalik sa pinto.
"Darell! Kuya, sandali lang ako! Aalis din ako kaagad!"
"Bawal na nga, Miss. Huwag nang makulit! Baka masaktan ka na!"
"Importante lang, kuya! Parang awa niyo na. Kailangan ko lang makausap si Darell! DAREEELLL!!" Itinodo ko na nang ubod-lakas ang pagsigaw ko para lang marinig niya ako.
Napahinto naman ako nang makita ko ang paglingon niya sa amin.
Halos mawalan ako ng lakas nang tuluyan nang magtama ang aming mga mata.
"D-Darell..."
Isa-isa nang pumatak ang mga luha ko sa pisngi. Na-miss ko siya ng sobra. Siya pa rin ang Darell na mahal ko. Siya ang ama ng anak ko.
Naghintay ako nang paglapit niya sa amin. Ngunit nagtaka ako dahil wala man lang akong nabasang anumang reaksiyon sa kanyang mukha at maging sa mga mata niya habang nakatitig sa akin.
Tuluyan nang bumukas ang pinto ng elevator at nauna nang pumasok sa loob niyon ang mga kapatid niya.
Walang anumang tumalikod na rin siya at pumasok na rin sa loob.
"D-Darell... Darell!"
Parang sinaksak nang paulit-ulit ang puso ko. Para akong ninakawan bigla ng lakas. Tuluyan na akong nailabas ng mga guwardiya at basta na lamang isinalampak sa sahig.
Hindi ako nakakilos.
A-Anong nangyari? Parang hindi na niya ako kilala. K-Kinalimutan na ba niya ako?
B-Bakit, Darell?
M-Mahal ko, Darell!