CHAPTER 7: Boyfriend

2081 Words
Sheila Ilang oras na yata akong nakatulala lamang dito sa gilid ng kalsada. Naupo na ako sa gutter dahil sa pangangawit na ng mga binti ko. Hindi pa rin ako makapaniwala na binalewala lang ako ni Darell. Bakit? Hindi ba niya ako namukhaan? Hindi ba niya ako nakilala? Pero imposible. Apat na taon pa lang naman ang nakalilipas at wala pa namang nagbabago sa hitsura ko. Tumaba ako noong magbuntis ako pero bumalik nang muli sa dati ang katawan ko ngayon. Gano'n pa rin naman ka-kinis ang mukha ko. Hindi naman ako tinubuan ng mga kung ano-ano sa mukha ko o biglang tumanda ng gano'n ka-bilis. Wala sa sarili akong napasapo sa pisngi ko at kinapa-kapa ito. Hindi naman siya bulag. Nakakakita naman siya. Nakikita nga niya ang dinaraanan niya. Alam kong nakita niya rin ako. Nagtama pa nga ang mga mata namin kanina. Oh, baka naman lumabo na ang mga mata niya dahil sa kawi-welding niya noon. Baka nga may problema na ang mga mata niya! Muli kong nilingon ang gusali sa likuran ko at tiningala ang katayugan nito. Ano kayang ginagawa niya ngayon? Malamang sa opisina na siya nagtatrabaho. Hindi kaya isa na siyang boss ngayon? Ang high tech na niya ngayon kung gano'n. Hindi lang ang mga suot niya, kundi maging siya. Muli akong napahikbi. Yumaman ka na, Darell. Ayaw mo na ba sa isang katulad ko lang? Isang kahig-isang tuka? Kaya pinili mo nang kalimutan na ako? Mas marami ka nang makikilala ngayon na mas magaganda at seksing mga babae. Mayayaman, matatalino at nakatapos sa pag-aaral. 'Yong mas babagay sa iyo kaysa sa isang tulad ko lang. Wala na 'yong mga pangarap natin noon. Lahat nang 'yon ay naglaho na nang tuluyan ngayon. Siguradong pati 'yon ay nakalimutan mo na. Mag-isa mo na lang itong tinupad at hindi na ako kasama. May anak tayo, Darell. Kung alam mo lang. Sunod-sunod na tumulo ang mga luha ko sa pisngi. Kaagad ko rin naman itong pinunasan. Nilingon ko ang mga reporter na hanggang ngayon ay nagkalat pa rin sa buong paligid. Naghihintay sila sa muling paglabas ng magkakapatid na Delavega. Paano ko kaya siya makakausap muli? Napakahirap pumasok sa loob ng gusali na 'yan. Masyadong mahigpit ang mga guwardiya nila. Pinili ko ang maghintay hanggang sa sumapit na ang tanghali. Muli ring nag-abang sa entrance ang mga reporter. Nakihalubilo na akong muli sa kanila. Ngunit lumipas na ang ilang oras ay walang lumabas isa man sa kanila. Humahapdi na ang tiyan ko sa gutom. Natatakot akong baka sa pag-alis ko ay bigla naman silang lumabas. Napalingon ako sa kalsada nang may biglang bumusina doon. Nakilala ko ang kotse ni Dave. Nakababa ang salaming bintana niya at tinatanaw niya ako dito sa kinaroroonan ko. Kaagad ko siyang nilapitan. "Dave!" "What happened? Hop in." Isinenyas niya ang pagpasok ko sa loob ng kotse niya. "H-Ha? Eh, h-hindi ko pa siya nakakausap, eh." "Palipasin mo na muna ang ilang araw. Hindi mo talaga sila makakausap ngayon dahil dinudumog sila ng mga taga-media. They are more careful and avoid people now." "E-Eh..." Nag-aalangan akong umalis. Nag-aalala ako na baka wala nang susunod pa at baka mas lalong mawalan ako nang pagkakataong makausap siya. "Don't worry, nand'yan lang naman siya. He's not going anywhere. At least, ngayon alam mo na kung saan siya matatagpuan." Medyo napahinto ako sa sinabi niya. Bakit parang alam na alam niya na naririyan lang si Darell? Matagal na ba niyang alam 'yon? "Come on. I'll take you home. Jr must be looking for you now. Nag-lunch ka na ba?" "Eh, h-hindi pa, eh." "Tsk." Napailing siya. Kaagad niyang binuksan ang pinto sa harapan ko. Wala na akong nagawa pa. Napilitan na akong pumasok sa loob. Pagkasara ko ng pinto ay muli kong tinanaw ang gusali at tumingala sa itaas. Babalik ako, Darell. Kailangan mong magpaliwanag sa akin. Kaagad nang pinaharurot ni Dave ang kotse niya paalis sa lugar na 'yon. Naiwan doon ang mga reporter na hindi rin yata napapagod sa kahihintay sa mga taong 'yon. Napakahirap din naman pala ng trabaho nila. Maaari din silang malipasan ng gutom sa kakaabang sa mga taong nais nilang makuha ang panayam. Dumaan muna kami ni Dave sa isang lomihan. Nasanay na kami sa kainang ito dahil mahigpit akong tumatanggi kapag sa mga mamahaling restaurant niya ako dinadala. Nakakahiya dahil siya palagi ang taya. "Hindi ko lang maintindihan kung bakit parang hindi niya ako nakilala. Hindi ba niya talaga ako nakilala? Nagbago na ba ako?" tanong ko sa kanya habang nasa harap kami ng pagkain. Ganadong-ganado siya sa special lomi niya habang itong sa akin ay halos hindi ko pa nagagalaw. "Sa tingin mo ba, pumangit na ako? Tingnan mo nga ako." Bahagya akong yumukod sa harapan niya upang ipakita ang mukha ko. Ngunit masyado pa rin siyang abala sa pagkain niya. "Dave!" malakas ko nang untag sa kanya. Doon pa lang siya tumunghay sa akin habang patuloy sa pagnguya niya. "What?" Napasimangot na lang ako. "Siguro nga, ang pangit-pangit ko na!" Hindi ko na mapigilan pa ang mapahikbing muli. Bigla naman niya akong tinuktukan sa noo. "Tumigil ka nga. Pakasalan mo na lang kaya ako para makaganti ka sa kanya." "Ano? Sira-ulo ka ba?" "Maganda ka kaya pagtitiyagaan kita." "Aba't--siraulo ka, ah!" Kaagad ko siyang sinuntok sa braso niya dahil abo't kamay ko lang naman siya. Napakaliit lang naman ng mesa namin. Tinawanan niya lang ako bago niya muling ipinagpatuloy ang pagkain niya. Bigla naman akong napatitig sa kanya. "P'wede ba akong magtanong?" "Nagtatanong ka na." Muli akong napasimangot sa sagot niya. Hindi talaga ito makausap nang matino. "Siguro kaya ka huminto rin sa panliligaw sa 'kin ay dahil may anak na 'ko, no? Losyang na ba akong tingnan ngayon?" Huminto siya sa pagkain niya at tumunghay muli sa akin. Hindi naman talaga 'yon ang punto ko. Gusto ko lang siyang makilala, kahit kaunting kaalaman lang sa buhay niya. Marami kasi akong hindi alam sa kanya. Wala rin akong lakas ng loob na magtanong dahil halata namang ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa buhay niya. "You rejected me because of him. Do you remember that?... So, that just means, you love him and not me. Why should I force myself?" Natahimik naman ako sa sinabi niya. "I just respected your decision and your feelings. And I know that even though four years have passed, he is still in your heart until now. He will never be replaced by someone else, right?" Mas lalo akong natahimik. Bakit ba inungkat-ungkat ko pa 'yon? "P-Pero may nililigawan ka na siguro ngayong iba, no?" naisip kong itanong sa kanya para gumaan ang temperatura ng paligid. "Meron ba? Pakilala mo naman ako sa kanya, oh." Kaagad ko siyang nginitian nang pagkatamis-tamis. Muli naman siyang natawa na parang may katawa-tawa sa sinabi ko. "Did you see anything on me?" "Malamang, ma-sikreto ka, eh." "Kainin mo na 'yan. Malalaman mo rin kung mayroon man." "Tsk." Sinimulan ko na nga lang kainin ang pagkain ko. Mukhang wala rin talaga akong mapapala sa pang-uungkat ng buhay niya. Sino nga kaya ang nagugustuhan niya ngayong babae? MATAPOS naming kumain ay muli na niya akong inihatid ng bahay. Dinalhan ko na lamang nang pasalubong na siomai ang anak ko dahil ito ang paborito niya. Hindi na rin bumaba pa si Dave ng kotse niya. Kaagad na rin siyang umalis dahil may aasikasuhin pa raw siya. Hindi naman niya sinabi kung ano. Aasa pa ba ako? "Mamaaa!" Tuwang-tuwa na sumalubong sa akin ang aking anak sa pinto ng bahay nila Lala. "Kumusta ang anak ko?" Kaagad ko siyang niyakap ng mahigpit. "Salubong, mama." "Siomai for you!" Kaagad kong iwinagayway sa harapan niya ang nakasupot na siomai. Kaagad namang namilog ang mga mata niya sa tuwa. "Wooww! Hingi ako, mama!" "Sa 'yo talaga 'to, anak." Binuhat ko na siya at pumasok na muna kami sa loob ng bahay nila Lala. "Anong nangyari? Nagkaharap ba kayo?" Lumabas naman si Lala mula sa kusina. May bitbit siyang isang pitchel ng juice at dalawang basong walang laman. Naupo ako sa sofa habang nasa kandungan ko si Jr. Binuksan ko ang supot ng siomai habang ikinukwento ko na kay Lala ang mga nangyari. "Gano'n?! Dapat pala sumama na rin ako para napat-ukan ko siya sa ulo! Matapos niyang mangako at magpaasa, ngayon parang nabagok ang ulo at hindi ka na nakilala?! Nakakalimot pala ang dami ng pera?!" Napabuntong-hininga ako ng malalim. "Hindi ko na rin alam. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isipin." "Eh, anong plano mo ngayon?" "Hindi pa rin ako hihinto. Susubukan ko ulit hanggang sa makausap ko na siya." "Kung kailangan mo ng tulong, nandito lang ako. Ingudngod ko sa kanya si Jr, eh." "Huwag mo naman ingudngod 'yong anak ko." "Para makita niya kung may pagkakaiba ba ang mukha niyan sa mukha niya! Nanggigigil tuloy ako sa kanya, eh. 'Pag nakaharap ko lang 'yan, pupukpukin ko talaga ng martilyo 'yang ulo niya para magising siya!" Napailing na lang ako sa mga sinasabi niya. Napayuko ako sa anak ko na abala sa pagkain ng favorite siomai niya. Gustong-gusto pa niya talaga ay 'yong maanghang. Napaka-tapang na bata. *** KINABUKASAN ay muli akong bumalik sa BGC Taguig. Muli akong tumayo sa harapan ng gusali kung saan ang opisina ng mga Delavega. At katulad nang inaasahan ko ay naririto na naman ang mga reporter. Ngunit nahuli yata ako dahil narinig ko mula sa mga usap-usapan nila na nasa itaas na ang magkakapatid na Delavega. Hindi ko naabutan ang pagdating nila. Masyado yata silang maaga ngayon. Marahil ay dahil sa pag-iwas nila sa mga taong ito na ayaw yata silang tantanan. Wala akong nagawa kundi ang umupong muli dito sa gilid ng gusali. Siguradong hapon na naman sila lalabas niyan katulad na lang kahapon. Sayang lang ang pamasahe ko. Hindi ko na nga ipinaalam pa kay Dave ang pagtungo kong muli dito dahil baka pigilan niya lang ako. Nakakahiya na rin kung sakaling pumayag siya at alukin na naman niya ako nang paghatid dito. Napabuntong-hininga ako ng malalim. Hindi ako p'wedeng tumambay na lang dito maghapon dahil mapupurwisyo ang trabaho ko. Wala kaming kakainin ni Jr kung tutunganga lang ako dito araw-araw. Siguro nga ay tama si Dave. Palilipasin ko na muna ang mga araw. Hihintayin ko na lang muna na mahanap na ang girlfriend ng Dylan na 'yon para huminto na rin ang mga reporter sa kahahabol sa kanila. Magiging malaya nang muli ang magkakapatid at baka magkaroon na rin ako nang pagkakataong makalapit kay Darell. Tumayo na ako at naisipan na lang umuwi. Kaagad na akong tumalikod ngunit bigla akong bumangga sa nakasalubong ko. "Aw! Oh, my God!" Isang babae ang nabangga ko at nangahulog sa lupa ang mga bitbit niyang mga supot ng pagkain. "N-Naku, sorry, miss! H-Hindi ko sinasadya! Hindi kaagad kita nakita! Pasensiya na!" Kaagad ko siyang tinulungan sa pagpulot ng mga dala niya. "O-Okay lang. Hindi naman siguro natapon." Iniabot ko sa kanya ang dalawang plastic na napulot. "Pasensiya na talaga. Hindi kita kaagad napansin. Nagmadali kasi ako." "Haay, mabuti na lang hindi natapon. Okay lang. Para kasi ito sa boyfriend ko." Nakangiti na siyang tumunghay sa akin. "Hindi kasi siya ngayon makalaba--" Ngunit bigla siyang napahinto at napatitig sa akin. Mabuti na lang at mabait siya. "Mabuti na lang talaga kasi wala pa naman akong ibabayad sa mga 'yan kung nagkataon. Pasensiya na ulit." Nginitian ko siya ngunit napansin ko ang pagbabago sa hitsura niya habang nananatili pa ring nakatitig sa akin. Biglang nag-iba ang kulay niya. Namutla siyang bigla. "O-Okay ka lang? N-Nasaktan ba kita kanina?" Bigla akong nag-alala sa kanya. Tinangka ko siyang hawakan dahil kita kong nangangatal na ang mga kamay niyang may hawak sa mga supot ng pagkain. Ngunit bigla siyang umatras na ipinagtaka ko. Hindi rin siya sumagot. Lumingon siya sa gusali at tumingala sa itaas nito bago muling bumaling sa akin. "A-Anong ginagawa mo dito?" "Ha?" Nagtaka ako sa tanong niya. "Ahm..." Tumingala din ako sa gusaling nasa likuran niya. "M-May gusto lang akong makausap. Ako nga pala si Sheila. Sheila Guinsod." Inilahad ko sa harapan niya ang kamay ko. Ngunit tinitigan niya lang ito ng matagal. Tumango-tango lang siya habang nakatitig sa akin. "L-Lorna. Lorna Monsanto," mahina niyang sagot bago siya mabilis na tumalikod. Nagtaka ako sa ikinilos niya. Napatanaw na lamang ako sa kanya. Nakita kong pumasok siya sa entrance ng gusali nang ganoon lang ka-dali. Hindi man lang siya hinarang ng mga guard. Boyfriend niya? Muli akong napatingala sa matayog na gusaling ito. Baka empleyado siya sa lugar na 'yan...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD