CHAPTER 8: His Voice

1818 Words
Sheila Mahigit isang buwan ang lumipas na tiniis kong hindi magtungo sa lugar ng mga Delavega. At sa loob ng mga araw na 'yan ay nagawa kong mag-research sa internet tungkol sa pamilya nila. Sa isang column ay nakita ko ang buong angkan ng mga Delavega. Isa na nga sa mga ito si Darell at napag-alaman kong buhay pa pala ang kanyang ama, si Mr. David Delavega. Napakarami pala nilang magkakapatid. Hindi ako makapaniwala. Ilan na nga dito ang nakilala ko na sa television. Si Dylan, Darren at Daemon Delavega. Magkakaiba pala ang kanilang mga ina. Bakit ang sabi ni tita Teresa noon ay patay na ang ama ni Darell? Palabas lang ba niya 'yon? Ano naman kaya ang dahilan? Naisip ko nang kontakin si tita Teresa upang alamin ang totoong nangyari kay Darell. Sigurado naman akong may alam siya. Pero wala naman akong contact number niya. Wala din naman siya kahit isang account sa mga social media apps. Kaya nawalan na talaga ako nang pagkakataon hanggang sa lumipas na nga ang apat na taon. "Sheila! Panoorin mo 'to! Dali!" Kamuntik na akong mapatalon sa gulat nang bigla na lamang sumulpot sa pinto ng bahay ko si Lala at nagmamadaling pumasok dito sa loob. "Ano ka ba naman? Aatakehin ako sa iyo, eh! Ano ba 'yan?" "Diyos ko, babae ka! Bakit hindi ka nagbubukas ng t.v?! Malalampasan mo ang Darell mo!" Diretso siyang lumapit sa tv namin at may pagmamadali niya itong binuksan. Natigilan naman ako sa sinabi niya. "A-Ano? B-Bakit? Nasa tv ba siya ngayon?" Bigla rin akong napatayo kasabay nang pagbilis nang t***k ng puso ko. "Yan ang sinasabi ko sa iyo, eh. Dapat palagi kang nakabantay!" Tuluyan na niyang nabuhay ang television. Bumungad sa amin ang isang kasal sa simbahan. "A-Ano 'yan?" Bigla akong kinabahan. "K-Kasal ba 'yan ni Darell?" "Tungek! Kasal 'yan ni Dylan at Samantha! Naririyan silang lahat!" "T-Talaga? Haay! Akala ko pa naman si Darell ko na ang ikinakasal!" Napasapo akong bigla sa dibdib ko. Nakahinga akong bigla ng maluwag. Oo nga pala, nahanap na rin sa wakas si Samantha. Ngunit totoo nga ang mga hinala ng lahat. Nasa poder lang ito ng mga magulang ng babae. "Mamaaa...uhmm." Napasilip akong bigla sa loob ng kuwarto. Nakita kong nagising na ang anak ko at bumababa na ng kama namin. Kaagad ko siyang nilapitan. "Halika, anak." Binuhat ko siya at kaagad din naman siyang yumakap sa akin. Isinandal niya ang ulo niya sa balikat ko. Mukhang inaantok pa siya. "Sorry, Jr ko. Nagising ka ba sa boses ni ninang?" "Oo. Ang ingay mo kasi," kaagad ko namang sagot sa kanya. "Eh, 'di huwag ka na lang manood!" Mabilis niyang dinampot ang remote control. "Ano ka ba?!" Kaagad ko naman itong inagaw mula sa kanya. Nginisihan niya rin naman ako at makahulugang tinitigan. "Patay na patay pa rin kahit iniwan bigla sa ere at single-mom ka for three years!" "Shut up." Itinutok ko na ang mga mata ko sa tv. "Gosh! Bulag na pag-ibig!" Tinakpan niya ang bibig niya at binigyan ako nang diring-diri look. Hindi ko na lang siya pinansin at muli akong bumaling sa tv. "Anong pagkain niyo dito? Nagugutom na ako." Nagtungo siya sa kusina namin at nagbulwat ng mga kaldero. "Sabihin mo nga d'yan sa Delavega na 'yan na suportahan niya 'yang batang 'yan! Napakayaman niyang tao pero sobra pa siya sa kuripot! Ayaw bumuhay ng isang mahirap na babae lang!" Nakukulele ang tainga ko sa bunganga niya. Hindi ko siya sinagot. Hinanap ng paningin ko ang mukha ni Darell sa lahat ng mga taong naririto. "Napakabongga ng kasal nila, 'di ba? Sana all. Kailan kaya ako liligawan ni Dave?" Kamuntik na akong masamid sa sinabi niya. "Seryoso ka d'yan?" tanong ko sa kanya. "Mukha ba akong nagbibiro? Komedyante ba ako?" Dinukot niya ang tutong sa kaldero namin at isinubo sa bibig niya. "Salaulang babae," bulong ko sa sarili ko. "Hindi kaya bakla si Dave? Kunyari lang talaga 'yong ligaw niya noon sa iyo para 'di siya mapagdudahan. Bakit hindi niya itinuloy ang panliligaw niya sa iyo noong wala na si Darell? Kita naman sa kanya na mahal na mahal niya 'yang bata. Lahat, ibinibigay niya d'yan." "Napag-usapan na namin ang tungkol d'yan." "Ows? Talaga? Baka naman siya talaga ang nakatabi mo noong gabi at hindi si Darell. Kunyari ka pa." "Tumigil ka nga. Nahihibang ka na naman." "Naniniguro lang." "Never akong tumabi sa ibang lalaki." "Eh, 'di okay. Bading nga siguro siya. Akitin ko kaya siya?" "Baka mapahiya ka lang kapag tinanggihan ka niya." "Haay, huwag mong sabihing hindi ako kaakit-akit?! Malaki pa ang boobs ko sa iyo, no!" "Ang ingay mo! Wala na 'yong pinapanood ko!" Sobra akong nainis nang matapos na ang palabas na 'yon at hindi ko man lang napansin sa kanila ang mukha ni Darell. "Hindi 'yan live, hoy! Balita lang 'yan at kaunting pasilip." Napasimangot na lang ako. Muli akong bumalik sa sofa habang buhat pa rin si Jr. "Gutom ako, mama," ungot ng anak ko. "Gusto mo ba ng gatas?" malambing kong tanong sa kanya. "Opo." "Wala na siyang gatas. Hingian mo na 'yan do'n sa magaling niyang ama." Bigla namang ipinakita sa akin ni Lala ang lata ng gatas ni Jr na wala nang laman. Napabuntong-hininga na lang ako ng malalim. "Bibili muna si mama ng gatas, ha? May nakatabi pa naman si mama na pambili," parinig ko naman kay Lala. "Akala mo 'di 'yan nauubos? Habang lumalaki ang bata, lumalaki din ang gastusin." "Alam ko 'yon." Tumayo ako at pumasok sa kuwarto nang 'di binibitawan si Jr. "Susubukan ko na ulit magtungo doon bukas. Namahinga na rin naman siguro sa wakas ang mga taga-media." "Haay! Kapag pinagtabuyan ka ng lalaking 'yan, kung p'wede huwag ka nang magmakaawa pa sa kanya. Hayaan mo na siya sa buhay niya. Hindi ikaw ang mawawalan kundi siya. Hindi matutumbasan ng kahit anong yaman si Jr. Isaksak niya sa itlog niya ang yaman niya!" "Oo na. Kaya ko namang buhayin nang mag-isa si Jr." Kumuha ako ng pera sa bulsa nang pinaghubaran kong pantalon kanina. May mga nagbayad naman sa akin kanina sa mga utang ng customer. "Magsisisi rin ang Delavega 'yan. Pakasalan mo na kasi si Dave." "Akala ko ba gusto mo siya?" "Dahil mabait naman akong kaibigan, ipaparaya ko na lang siya sa iyo. Alang-alang kay Jr." Umarte siya na naiiyak at nagpupunas ng gilid ng mga mata niyang wala namang luha. "Ewan ko sa iyo." "Hihintayin ko na lang ang pagbibinata ni Jr. P'wede naman 'yon. Age doesn't matter." "Siraulo!" bigla akong napasigaw sa kanya habang lumalabas na kami ni Jr sa pinto ng bahay namin. Siya naman ay nananatili pa rin sa kusina. Humalakhak naman siyang bigla habang may hawak na naman siyang tutong ng kanin. "Ikaw naman. 'Di na mabiro." Binigyan ko na lang siya ng matalim na tingin bago tuluyang lumabas ng bahay. Kung minsan, nakakatakot na ang pagkabaliw niya. Pati anak ko, idadamay sa kalokohan niya. Nagtungo kami ni Jr sa malapit lang na botika at bumili ng gatas niya. Sinamahan ko na rin ng diaper. Sa bote na siya dumidede simula noong magdalawang taon na siya hanggang ngayon. At hinahayaan ko lang naman siya. Ang importante sa akin ay healthy siya. Dalawang taon din akong nagpa-breastfeed pero ngayon ay tuyo na kaya lumipat na kami sa mga milk alternative. Hindi rin siya nawawalan ng vitamins. Kahit wala na akong makain, basta hindi siya mawalan. Hindi na nga ako makabili ng mga gamit pansarili ko, pero okay lang. Kailangan naming unahin ang kumakalam naming tiyan at siyempre, una ang anak ko kaysa sa sarili ko. ***KINABUKASAN ay maaga akong nagising at nag-ayos ng sarili ko. Isang simple at presentableng dress ang isinuot ko. Lumang-luma na ito pero malinis naman. Sa ukay-ukay ko pa nga ito nabili noon at isinusuot ko sa tuwing nagsisimba kami ni Jr. "Ikaw na muna ulit ang bahala kay Jr, ha? Uuwi din ako kaagad," aniko kay Lala. Siya na lang ang nagtungo dito sa bahay dahil natutulog pa ang anak ko. Ayaw ko naman siyang gisingin. "No problem. Good luck. Galingan mo, ha? Supalpalin mo 'yang Delavega na 'yan." "Ang harsh mo talaga." "Haayst. 'Di ba, harsh 'yang mga pinaggagawa niya sa inyong mag-ina?" "Oo na." Para lang hindi na humaba ang usapan. Isinuot ko na ang luma kong sapatos dito sa pinto bago tuluyan nang lumabas. "Aalis na ako." "Ingat! Pasalubong!" Napangiwi na lang ako sa sinabi niya. May pandesal pa nga siya sa labi, naghahanap pa ng pasalubong. Pamasahe nga lang ang pera ko. Hindi ko na siya pinansin pa at tuluyan na akong lumabas ng gate. Naglakad na lang ako patungo sa kanto kung saan sakayan ng mga jeep. Hindi naman ito gano'n kalayo. Pero tatlong sakay bago ako makarating sa gusali ng mga Delavega sa BGC Taguig. *** Mahigit isang oras ang binyahe ko bago nakarating. Kasama na rin doon ang traffic. Bumaba ako ng bus sa mismong tapat ng Delavega building. Katulad nang inaasahan ko, wala na ngang mga taga-media ang nag-iipon-ipon sa labas nito. Malinis na ang buong paligid. Tumingala ako sa itaas nito. Napakatayog. Ilang floor kaya ito? Inuukupa ba nilang lahat ang buong gusali na 'yan? O baka may mga tenant din sila. Muli akong napatanaw sa entrance. Paano kaya ako makakapasok d'yan? Siguradong hindi ako papapasukin ng mga guwardya. Bahala na nga. Susubukan ko pa rin. Naririyan na kaya siya? Masyado pang maaga, pero gusto ko kasing maabutan ang pagdating niya. Kaagad na akong naglakad palapit sa entrance. Dalawang guwardya ang naroroon ngayon at pamilyar sila sa akin. Sana'y hindi nila natandaan ang mukha ko noong magtungo ako dito. Inayos ko ang sarili ko at ang buhok ko. Binabayo ang dibdib ko dahil sa lakas ng kabog nito. Paulit-ulit akong huminga ng malalim. Kaya ko 'to! Tumighim ako nang tuluyan na akong makalapit sa entrance. "Ahm, mga kuya." "Ano 'yon, Miss?" sagot ng isa sa kanila. "I-Itatanong ko lang po kung naririyan na si Darell?" "Si Sir Darell?" May naramdaman akong humintong sasakyan sa likuran ko ngunit hindi ko ito nilingon. "Ano pong pangalan niyo, ma'am? May appointment po ba kayo sa kanya?" Lihim akong natuwa dahil mukhang nakalimutan na nga nila ako. Sila 'yong kumaladkad sa akin noon palabas ng gusaling ito. "Ahm, p-pakisabi na lang po sa kanya Sheila Guinsod. Kilala na po niya ako." Napansin ko ang paglipat ng paningin nila sa likuran ko at pagyuko nila. "Good morning po, Sir." "May naghahanap po sa inyo." Bigla akong napahinto sa sinabi nila. "Good morning." At gano'n na lamang ang paninigas ko nang may isang baritonong boses ng lalaki ang bigla na lamang sumagot mula sa likuran ko. Oh, Diyos ko. "Yes?" Nangatog bigla ang mga tuhod ko at para nang tatalon ang puso ko sa lakas ng kabog nito. 'Yong boses niya, para akong papanawan ng ulirat. Sobra kong na-miss ang boses niya kahit ibang-iba na rin kung paano siya magsalita. Darell...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD