Sheila
"Dedede ka, anak? Nagugutom ka na naman ba?" malambing kong tanong sa anak ko nang mapansin kong hindi na naman siya magkaintindihan sa pagsubo ng mga maliliit at nakakuyom pa niyang mga kamay.
Mukhang nagugutom na naman siya at naghahanap na naman ng dede niya.
"Uwuh, 'eto na po. Dedede na ang baby ko na 'yan. Naku, lagi ka na lang gutom." Umayos ako nang pagkakahiga sa kanyang tabi bago ko itinaas ang suot kong blouse.
Kasalukuyan pa rin kaming naririto sa hospital at kasama ng ilan pa sa mga nanganak din dito sa isang silid. Hinihintay ko na lang ang pagbabalik ni Lala dahil ipinakuha ko sa kanya ang naiipon kong pera na pambayad ko dito sa hospital.
Limang oras na nga ang nakalilipas ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya bumabalik.
Ano na kaya ang nangyari sa babaeng iyon? Kanina pa rin ako nakakarinig ng ingay ng mga serena sa labas na sa tingin ko ay mga bumbero.
"S-Sheila, may problema!"
Kaagad naman akong napalingon sa likuran ko nang marinig ko na ang tinig niya at nagulat ako nang makita ko ang ayos ni Lala na humahangos sa pinto ng silid.
"Bakit ka basang-basa? Umuulan ba sa labas? Bakit hindi ka nagpayong at saka ang dungis mo. Saan ka ba nagsusuot?" May mga uling siya na nagkalat sa katawan niya at mga damit niya.
"M-May problema, Sheila." Kaagad siyang lumapit sa akin. Nangangatal ang mga kamay niya at napansin ko ang mga luha sa mga mata niya.
"A-Anong nangyari?" Bigla naman akong kinabahan at ginapangan ng takot lalo na't may naririnig pa rin akong ingay ng mga bumbero na mabibilis na dumadaan sa labas nitong hospital.
"Sa inyo ba 'yong sunog na naririnig namin sa labas?" tanong naman ng isang babae sa katabi naming kama.
Mas lalo naman akong kinabahan sa sinabi niya at muling napabaling kay Lala.
"O-Oo. Oo, Sheila. S-Sa katabi niyong bahay nagmula ang sunog. M-Mabilis sumiklab 'yong apoy a-at h-hindi nakuha si lola sa loob ng barong-barong niyo."
Bigla akong natigilan sa sinabi niya.
"A-Ano? H-Hindi..." Bigla na lamang akong nangatal at napabalikwas mula sa kama.
Umiyak naman ang anak ko kaya kaagad ko siyang binuhat.
"Nagkagulo na ang mga tao. Sinubukan siyang iligtas pero sobrang laki na ng apoy at hindi rin kaagad nakarating ang bumbero kanina."
"H-Hindi. Si lola ko! Hindi! Paano nangyari?! Bakit wala man lang kumuha?! Kailangan ko nang umuwi!" Hindi ko na napigilan pa ang maghisterya. "Siya na lang ang naiwan sa akin! Matanda na si lola! Kawawa naman ang lola ko! Umuwi na tayo! Ililigtas ko ang lola ko!"
Mabilis akong bumaba ng kama ngunit biglang nagsipasukan dito sa loob ang ilan sa mga nurse.
"Ma'am, ano pong nangyayari?" Kaagad silang lumapit sa amin at inalalayan kaming mag-ina.
"Nurse, lalabas na kami. Nasunugan kami! 'Yong lola ko! Kailangan kong iligtas 'yong lola ko!" Hindi ako magkaintindihan sa pagsusuot ko ng tsinelas sa sahig.
"Ma'am, hindi po kayo p'wedeng lumabas. Kapapanganak niyo pa lang po. Hindi niyo po p'wedeng ilabas ang baby niyo at dalhin doon. Makakasagap po siya ng usok at mga dumi ng hangin. Manatili na lang po muna kayo dito."
"Paano 'yong lola ko?!" Napahagulgol na ako sa kanilang harapan. Sobra-sobrang takot at pag-aalala na ang nararamdaman ko sa mga sandaling ito.
"Ma'am, may mga ambulansya na po na nagtungo doon kanina pa. May mga tumawag na po dito."
"Iligtas niyo ang lola ko! Parang awa niyo na! Siya na lang ang meron kami ng anak ko!"
"Titingnan po namin, ma'am, ang magagawa namin. Kumalma po kayo dahil maaari po itong makasama sa inyo."
"Ma'am, lumabas na po muna kayo. Hindi po kayo p'wede dito sa ganitong hitsura. Marami pong baby dito." Kaagad na nilang hinila si Lala palabas ng silid na umiiyak din habang humahabol nang tingin sa akin.
"Patawad, Sheila. Babalikan na lang kita."
"Yong lola ko. Iligtas niyo 'yong lola ko! Parang awa niyo na!"
"Babalitaan kita, Sheila."
Tuluyan na silang nakalabas at ako naman ay muling naupo sa gilid ng kama habang buhat ko ang anak ko. Nanghina ako ng sobra at hindi malaman ang gagawin.
"Yong lola ko."
"Tahan na, Sheila. Maraming bumbero doon. Maililigtas nila ang lola mo." Nagsilapitan na sa akin ang mga babaeng naririto at hinagod ang likod ko ng ilan sa kanila.
"Nagugutom si baby mo, oh. Huwag mo pabayaan."
"Maaapula din nila kaagad ang apoy. Maraming bumbero ang dumaan kanina."
Kanya-kanya nilang sentimyento na kahit papaano ay nagpagaan naman sa loob ko.
"Sorry, anak. Sorry." Hinaplos ko ang ulo ng anak ko bago ko inihigang muli sa kama at pinadede.
Walang tigil sa pag-agos ang mga luha ko sa sobrang takot at pag-aalala.
Ano na ba itong nangyayari sa amin? Huwag naman po sana ganito, Diyos ko. Si lola na lang ang pamilya ko. Wala rin kaming iba pang bahay. Barong-barong na nga lang 'yon at pinagtityagaan na lang namin ni lola dahil sa hirap ng buhay.
Diyos ko, iligtas niyo po ang lola ko.
LUMIPAS ang buong maghapon hanggang sa gumabi. Magdamag akong naghintay sa pagbabalik ni Lala ngunit walang dumating. Tahimik na rin sa labas at wala na kaming naririnig pa na mga bumbero.
Ano na kaya ang nangyari? Kumusta na kaya ang lola ko?
***
Kinaumagahan na dumating si Lala. Latang-lata at nangingitim ang mga mata.
"Anong nangyari? Si lola, kumusta siya?"
Napansin ko ang mailap niyang mga mata at tila nahihirapang tumingin sa akin.
"S-Sorry, Sheila...W-Wala na--"
"H-Hindi..." Kaagad na nanikip ang dibdib ko at sabay na tumulo ang mga luha namin sa pisngi.
"W-Wala ring nailigtas na kahit anong gamit mula sa inyo. N-Natupok lahat ng apoy, k-kasama si--"
"Hindi. Hindi!" Hindi ko na nakayanan pang marinig ang sasabihin niya. Pakiramdam ko anumang oras ay sasabog na lamang akong bigla.
"Patawad, Sheila. W-Wala kaming nagawa." Niyakap niya ako ng mahigpit at hinagod ang likod ko.
"Paano nangyari? H-Hindi man lang nakita ni lola ang anak ko. B-Baka nagmakaawa siya sa loob na iligtas siya pero wala ako. Wala akong nagawa para sa kanya!"
Pakiramdam ko sa mga oras na ito ay ipinasan lahat sa akin ang bigat ng mundo.
Paano kami ngayon ng anak ko? Nag-iisa na lang kaming mamumuhay ngayon. Paano kami magsisimula nito? Hanggang ngayon ay wala nang paramdam pa sa amin ang ama niya, kung buhay pa ba siya o patay na rin!
Ang dami niyang ipinangako sa akin pero nasaan siya ngayon? Bigla niya akong iniwan sa ere. Sana nagpaalam na lang siya ng maayos, na ayaw na niya sa akin. Na hindi na siya babalik para hindi ako naghihintay sa kanya at umaasa nang ganito!
Ang sama-sama niya. Paano niya nagawa sa akin 'to? Paano ko pa siya ipakikilala sa anak ko? Anong sasabihin ko sa kanya? Anong idadahilan ko sa kanya?! Na iniwan kami ng magaling niyang ama!
Sa oras na magpakita siya sa akin, huwag siyang umasa na makikilala niya ang anak ko! Hinding-hindi niya makukuha sa akin ang anak ko! Magdusa siya!
***
Lumipas ang isang linggo bago kami hinayaan ng mga Doctor na makalabas na ng hospital.
Nailibing na si lola at mga taga-baranggay ang nag-asikaso ng lahat. Nakatanggap kami ng burial assistance at iba pang mga tulong mula kay Mayor na siyang magagamit namin bilang panimula ng anak ko.
Hindi lang ako kundi ang lahat ng mga nasunugan ay nakatanggap din.
Walang natira na kahit anong gamit. Maging ang mga gamit ni Darell na naiwan niya ay napasama rin sa sunog. Hindi man lang kami tinirhan ng anak ko kahit isang piraso ng damit niya.
Kahit man lang doon ay maiparamdam ko sana sa anak ko na mayroon siyang ama...pero wala na. Na-zero kami ngayon at hindi ko alam kung paano ulit kami magsisimula.
Ikaw na po, Panginoon ang bahala sa amin...kung saan mo kami dadalhin. Sasabay na lang kami sa agos ng buhay at bahala na kung may darating pa.
Kung wala, makakaya pa rin namin ito ng anak ko. Kailangan kong maging malakas para sa kanya. Siya ang magiging tibay ko para lumaban pa.