CHAPTER 4: Newsflash

1975 Words
THREE YEARS LATER Sheila "Darell?... Jr?!" Bigla akong napatayo at napalinga sa buong paligid nitong plaza nang hindi ko na makita pa ang anak ko. Kanina lang ay naririto siya sa tabi ko at naglalaro ng baril-barilan niya! "Jr!" Bigla akong kinabahan. Naisilid ko nang mabilis sa loob ng belt bag ko ang lahat ng perang napagbentahan at nasingil ko ngayong araw. "Jr!" Mabilis kong sinuyod ang lahat ng mukha ng mga batang naririto at abala sa kanilang mga paglalaro. "Enge! Enge!" Napaikot akong bigla nang marinig ko ang tinig niya mula sa likuran ko. At natanaw ko siya sa harap ni manong na nagtitinda ng sorbetes. Kasama niya si Dave. Napasapo akong bigla sa dibdib ko dahil sa lakas ng kabog nito. Para akong hihimatayin sa takot kanina! Pero nakahinga din akong bigla ng maluwag nang makita ko na siya at kasama niya naman pala si Dave. Akala ko ay kung saan na naman siya napunta! Kaagad na akong lumapit sa kanila. Nakatingala siya kay Dave na ngayon ay may hawak na sorbetes at kasalukuyan nang nagbabayad kay manong. "Ninong! Enge!" Nakataas pa ang mga kamay niya kay Dave at tila hinihingi ang sorbetes na 'yon sa kanya. "Jr! Diyos ko naman, anak! Akala ko kung saan ka na naman napunta! Tinatakot mo si mama!" Kaagad din akong nakalapit sa kanila. Napalingon din naman sila sa akin. "Mama! Hingi ako krem... ninong," sagot niya sa akin. Hindi pa siya makabigkas ng maayos ng mga salita dahil tatlong taong gulang pa lamang siya. Nakasukbit pa sa leeg niya ang baril-barilan niyang may tali. "Nakita ko siyang tumakbo dito, eh. Buti napadaan ako," ani Dave naman habang iniaabot na sa kanya ang hawak niyang sorbetes. "Salamat, Dave, ha? Jr, anak." Kaagad ko na siyang binuhat at niyakap. "'Di ba, sabi ni mama, huwag kang aalis sa tabi ko kapag naririto tayo sa labas? Nag-aalala si mama. Baka mawala ka, hindi kita makita agad." Kaagad na nangilid ang mga luha ko sa aking mga mata habang mahinahon siyang pinagsasabihan. Ganito ako kahina pagdating sa kanya. Palagi akong nakakaramdam nang takot sa tuwing nawawala siya sa tabi ko. "Hingi ako krem, mama." Napahikbi din naman siya. Kaagad namula ang ilong niya. Alam niya kapag ganitong pinagsasabihan ko siya. "Oo pero sasabihin mo kay mama. Bibilhan naman kita, eh. Sige na, kain na." Hinagod ko na rin kaagad ang likod niya upang hindi na siya umiyak pa. Inilapit naman muna niya ang sorbetes sa bibig ko habang patuloy siya sa paghikbi. Naglalambing na siya kapag nagiging ganito na siya. Alam niyang may kasalanan siya. Kaagad ko rin namang tinikman ang sorbetes bago siya niyakap muli. "Di ka naman pala nagpaalam sa mama, eh. Masarap ba?" tanong naman ni Dave sa kanya. Mukhang galing pa siya sa trabaho. Nakapang-opisina pa siya. "Opo. Mamat!" malakas na sagot naman ni Jr sa kanya na ang ibig sabihin ay salamat. Muling nabalik ang sigla niya at inumpisahan na rin niyang dilaan ang sorbetes na hawak niya. "Be a good boy always and sundin palagi si mama, okay?" Ginugulo-gulo ni Dave ang malago na naman niyang buhok. "Opo!" Hindi ko napigilang halikan sa pisngi ang anak ko. "Salamat ulit, Dave, ha? Mauuna na kami. Dadaan pa kami sa palengke." Kaagad na naming tinalikuran si Dave. Hapon na at talagang dadaan pa kami sa palengke para mamili nang lulutuin ko para sa hapunan naming dalawa ni Jr. "Sumabay na kayo sa akin. Idadaan ko kayo doon." "Hindi na! Mauna ka na. May dadaanan pa rin kasi ako na kailangan kong singilin ngayon, eh. Baka takasan na naman ako no'n." "Are you sure?" "Oo! Ayos lang talaga. Salamat!" Kaagad na akong kumaway sa kanya. "Babay na kay ninong," aniko naman kay Jr na abala sa pagkain ng sorbetes niya. Kaagad kong pinunasan ang mga nagkalat sa pisngi niya gamit ang laylayan ng damit ko. Nahulog na kasi sa kung saan ang dala kong towel kanina at hindi ko na mahanap pa. "Babay! Ninong! Babay!" Kaagad din naman siyang kumaway sa ninong niya. "Bye, baby! Ingat." "Babay!" ulit pa rin ng anak ko. Nagmadali na ako sa paglalakad bago pa kami gabihin. Nakakahiya kung makikisakay pa kami sa kotse ni Dave. Iniiwasan ko na rin siya talaga kapag ganitong may iniaalok na naman siyang tulong sa akin. Hindi ko na nga mabilang kung gaano ka-rami na ang naitutulong niya sa aming mag-ina hanggang ngayon. Pati na ang pagiging tatay kung minsan sa anak ko ay ginagawa na rin niya. Hindi ko na alam kung paano pa ako makakabayad sa kanya. Apat na taon na rin siyang tumutulong sa akin simula noong umalis si Darell patungong Dubai. Si Dave ay kilala ko na simula pa noong elementary. Naging classmate ko siya noon hanggang high school. Ilang beses na rin siyang nagtangkang manligaw sa akin noon. Sinasabayan pa niya si Darell noon sa panliligaw sa akin pero kay Darell tumibok ang puso ko. Noong maging boyfriend ko na si Darell ay hindi na siya lumapit pa sa akin. Bantay-sarado na rin kasi ako ni Darell noon lalo't alam niyang may ilang mga kalalakihang umaali-aligid sa akin. At noong umalis si Darell patungong Dubai ay saka lang muling lumapit sa akin si Dave. Siya ang palaging umuubos nang paninda ko noon, kasalukuyan akong buntis noon kay Jr at alam niya 'yon. Isa rin siya sa mga tumulong sa akin na madala ako sa hospital noong manganganak na ako, bukod kay Lala. Nagbigay rin siya nang tulong financial sa amin noong masunugan kami. Siya rin ang tumulong sa akin na makakuha ng isang maliit na bahay na matitirhan namin ng anak ko sa isang village dito sa Pasig. At naroroon pa rin kami hanggang ngayon, awa ng Diyos. Ang sabi ko ay huhulog-hulugan ko siya para sa bahay dahil binili niya talaga iyon at nakapangalan sa akin ang titulo. Maliit lang 'yon. Sakto lang para sa aming mag-ina. Ako naman ngayon ay puro raket ang ginagawa. Nagbebenta ako ng mga alahas. Nagpapa-ending ako sa PBA games. Nagpapa-raffle ng mga kung ano-anong appliances. Nagbebenta rin ako ng mga frozen foods sa bahay para lang kumita. Ginamit kong puhunan noon ang mga natanggap namin mula kay mayor at sa ilang mga opisyales sa munisipyo at baranggay. Awa ng Diyos ay nakakaraos naman kami ni Jr. Nakakaipon ako kahit papaano para sa future niya. Naglaho na ng tuluyan ang mga pangarap ko para sa sarili ko. Dahil ang priority ko na ngayon ay ang kinabukasan ng anak ko. Kailangan ko ring mabayaran ang bahay kay Dave para naman mabawasan ang hiyang nararamdaman ko para sa kanya. Ninong din siya ni Jr, gano'n din si Lala na isa rin sa mga ninang ng anak ko. Magkalapit-bahay lang kami kaya palagi pa rin kaming nagkikita araw-araw. Si Dave naman ay hindi ko alam kung saan nakatira. Kahit palagi niya kaming binibisita ni Jr, kahit halos araw-araw kaming may communication sa isa't isa, hindi ko pa rin kilala ang buong pagkatao niya. Hindi ko alam kung anong trabaho niya. Anong estado ng buhay niya ngayon? May mga magulang pa ba siya? Mga kapatid? May girlfriend na kaya siya? Sa tingin ko naman kasi ay hindi na siya nanliligaw sa akin ngayon. Hindi ko kasi 'yon nararamdaman sa kanya ngayon kumpara noong nag-aaral pa kami. Binibigyan pa niya ako noon ng mga bulaklak, chocolate, pagkain. Kita sa hitsura niya at mga postura niya na may kaya siya sa buhay. Siguro nga ay anak-mayaman siya dahil may kotse siya. Kung pagdating naman sa kakisigan, hindi sila nalalayo ni Darell. Pareho silang matangkad at guwapo. Kung hindi nga lang nasusunog sa araw ang balat ni Darell noon dahil sa kaka-trabaho ay pareho din silang maputi. Hindi ko nga alam kung bakit pero kung minsan ay parang nakikita ko ang mukha ni Darell kay Dave. Parang may malaki silang pagkakahawig na hindi ko maipaliwanag. Pero malabo naman silang maging magkapatid. Nag-iisang anak lang ni tita Teresa si Darell. Hindi lang ako sigurado sa ama dahil maaga daw itong namaalam sa mundo. Pero si Dave ay Vargas habang si Darell naman ay Delavega. Nakakatuwa nga dahil ka-epilyedo ni Darell ang mga mayayamang tao sa bansang ito. Hindi kaya kamag-anak talaga nila ang mga 'yon? Malayong kamag-anak siguro. Nagpatuloy ako sa paglalakad patungong palengke habang buhat si Jr. Siguro ay dahil may anak na ako sa iba kaya napag-isip-isip na ni Dave na hindi na ako bagay sa kanya. Pero pabor naman sa akin 'yon para hindi ko siya iwasan ng tuluyan. Tuluyan mang hindi na bumalik sa amin si Darell, wala na rin akong plano pang magmahal muli ng iba. Tama na sa akin ang anak ko. Sapat na siya sa akin para mabuhay ako. *** "Baba na, anak. Bubuksan ko ang pinto." Nakarating na kami ng bahay ni Jr mula sa palengke. Nasingil ko na rin 'yong taong may utang sa akin kaya medyo masarap ang ulam namin ngayon. Maglalaga ako ng baka. Ibinaba ko na si Jr bago ko kinuha ang susi sa bulsa ng pantalon kong suot. Kaagad kong binuksan ang pinto at pumasok kami sa loob, bitbit ang mga pinamili ko. Binuhay ko ang ilaw dahil alas sais na ng gabi at madilim na dito sa loob. Kaagad din namang sumabog ang liwanag sa buong kabahayan. Mayroon kaming munting sala. May katamtamang lawak ng kusina. May isang kuwarto at isang banyo. May maliit din kaming terrace dito sa labas na siyang pinaglalabahan ko at maliit na playground ni Jr. "Magluluto lang si mama, anak, ha? Manood ka lang muna ng t.v." "Opo! Bike ako, mama!" "Oh, sige pero dito na lang sa loob. Huwag ka nang lumabas, gabi na." "Opo!" May bisikleta siyang three wheels na regalo sa kanya ng ninong Dave niya noong pasko at inilalabas-masok niya lang dito sa loob at sa terrace. Kaagad din naman niya itong sinakyan. Inilapag ko muna sa kusina ang mga pinamili ko bago ko binuksan ang tv dito sa sala. Para makabantay na rin ng balita habang nagluluto ako. Pag bukas ko ng tv ay kaagad din namang bumungad sa amin si Mike Enriquez, na kasalukuyang nagbabalita. Iniwan ko na ito at binalikan ang mga gawain ko sa kusina. Si Jr naman ay abala na sa bisikleta niya at mga laruan niyang nagkalat sa sahig. Ganito lang ang buhay naming mag-ina. Lumalaban pa rin kahit kaming dalawa na lang. "Mainit na balita. Umakyat na sa tumataginting na one hundred million pesos ang inilabas na pabuya ng anak ni Mister David Delavega na si Dylan Cole Delavega para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng nobya nitong si Samantha Heisenberg--" Bigla akong napahinto mula sa paggagayat ng sibuyas nang marinig ko ang balitang iyon sa tv. Delavega? Bigla na lamang kumabog ng malakas ang dibdib ko. Ganito ako sa tuwing nakaririnig ako ng apilyedo ni Darell. Kaagad kong iniwan ang ginagawa ko at mabilis na nagtungo sa sala. Kaagad akong tumunghay sa tv. "... na kailan lang ay napabalitang dinukot sa isang exclusive restaurant sa Makati--" Napatitig ako sa mga taong ipinapakita ngayon sa screen. Isang napakagandang babae ang lumabas doon na may kasamang isang napakaguwapong lalaki. Siya ba 'yong Dylan Cole Delavega? "Napag-alaman na kababalik lamang ng magkasintahan mula sa isang buwan nilang bakasyon sa Palawan, kasama ang mga kapatid nitong sila Daemon at Darell Delavega." Bigla akong natigilan sa sinabing 'yon ng reporter, kasunod ang mga larawang nag-flash sa screen. Mga mukha ito ng mga taong sinabi nitong mga kapatid ni Dylan Cole Delavega. At gano'n na lamang ang gulat ko nang mamukhaan ko na ang isa sa kanila. "O-Oh, Diyos ko." Napatakip akong bigla sa bibig ko kasabay nang pananayo ng mga balahibo ko sa buong katawan ko. Parang niyanig bigla ang dibdib ko habang nakikita ko ang mukha ng lalaking pinakamamahal. "H-Hindi. H-Hindi totoo..." Tumulo ang masagana kong luha sa pisngi. Siya nga. Hinding-hindi ako maaaring magkamali. "D-Darell... Darell!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD