Sheila
"Huwag ka nang sumama pa sa airport kasi mag-isa ka lang din uuwi mamaya," ani Darell habang nag-iimpake na siya ng mga gamit niya sa isang maleta na binili pa namin sa ukay-ukay.
Hindi ako umimik habang iniisa-isa kong likumin ang mga gamit niyang maiiwan dito. Ililipat ko kasi ang mga ito sa barong-barong namin ni Lola para wala na siyang babayaran na upa dito habang wala siya.
"Mahal," tawag niya ngunit hindi ko pa rin siya pinansin hanggang sa naramdaman ko na ang pagyakap niya sa akin mula sa likuran ko. "Galit ka ba?"
"H-Hindi. N-Nalulungkot lang ako kasi ngayon lang tayo magkakalayo." Hindi ko na napigilan pa ang pagtulo ng mga luha ko na pilit ko pa ring itinatago sa kanya ngunit huli na. Napansin na niya.
"Pasensiya ka na, tiis muna tayo. Ako din naman, mahihirapan eh. Akala mo ba madali sa akin 'to? Pero kailangan para sa future natin. Kapag nakatapos na tayo, p'wede na tayo magpakasal. Siguradong makakahanap na tayo ng maayos na trabaho no'n. Mabibigyan natin ng magandang buhay ang mga magiging anak natin kung sakali."
Pero buntis na ako at two months na siya sa tiyan ko, Darell. Hindi mo pa rin nalalaman 'yon.
"Hayaan mo na, ngayon lang 'to. Masasanay din ako," mahina ko na lang sagot habang pinupunasan ang mga luha ko sa pisngi.
"Paanong masasanay? Parang double meaning naman ang dating sa akin niyang salita mo. Huwag mo naman masyadong sanayin, baka hindi mo na ako hanap-hanapin niyan."
"Tingnan natin. Hindi naman natin masasabi ang tadhana."
"Ano? Baka naman nawala lang ako, palitan mo kaagad ako dito."
Umikot na siya patungo sa harapan ko habang nakayakap pa rin sa akin.
"Baka nga ikaw ang makahanap ng kapalit ko do'n. Masyado 'yong malayo. Kung dito pa nga lang, ang dami nang nagkakandarapa sa iyo, doon pa kaya." Hindi ko napigilan ang mapahikbi. Hinawakan niya naman ang magkabili kong pisngi at itiningala sa kanya.
"Pero sa iyo lang naman ako nagkakandarapa," nakangisi niyang sagot kaya mas lalo akong napasimangot. "At saka para sa atin 'to kaya ako pupunta do'n. Hindi para maghanap lang ng babae o ng kung ano pa man. Tatawag naman ako lagi. Magbi-video call tayo lagi."
"Wala pa akong phone."
"Sa unang sahod ko, 'yon kaagad ang bibilhin natin. Tig-isa tayo para kahit araw-araw tayong magkausap, okay?"
Tumango naman ako sa kanya. "Pangako mo 'yan, ha?"
"Matitiis ba naman kita eh, mahal na mahal na kita."
Muli akong napahikbi bago yumakap sa kanya ng mahigpit. Aasa ako sa mga pangako niya. Sana malampasan namin ang ilang taon naming pagkakalayo.
***
"Mag-iingat ka, ha? Huwag ka magpapagutom do'n. Huwag ka magpapatuyo ng pawis para hindi ka magkasakit. Huwag ka magpupuyat," umiiyak ko pa ring sabi sa kanya habang naririto na kami sa labas ng apartment nila.
Nakaabang na ang taxi na maghahatid sa kanya sa airport.
"Opo. Ikaw din dito, okay? Huwag kang labas nang labas ng bahay at pumupunta sa kung saan-saan. Sa bahay ka lang at huwag na huwag kang tatanggap ng ligaw. Baka mapauwi ako ng maaga at pagpapatayin ko 'yang mga 'yan."
Natawa naman ako na naiiyak sa mga sinasabi niya.
"Hmnn." Tumango na lang ako bago kami muling nagyakap.
Binigyan niya ako nang mainit at matagal na halik sa mga labi ko, na buong puso ko rin namang tinugon.
Wala na kaming pakialam pa sa mga kapitbahay namin na ngayon ay pinanonood kami, na akala mo'y may mga artistang gumagawa ng pelikula ngayon sa kanilang harapan.
"Mami-miss kita, Mahal ko. I love you," aniya matapos. Marahan niyang hinaplos ang pisngi ko habang emosyonal na nakatitig sa akin.
Nakikita ko rin ang lungkot sa mga mata niya.
"I love you too, Mahal. Mami-miss din kita ng sobra." Namin ng anak natin.
Mahigpit kong pinigilan ang sarili ko na hindi iyon mailabas ng sarili kong bibig.
"Huwag ka nang umiyak. Sasakay na ako. Baka mahuli ako sa flight." Pinunasan niya ang mga luha ko sa pisngi bago niya ako hinagkan sa noo.
"Sige na. Ingat ka, Mahal."
"Ikaw rin, Mahal ko."
Tuluyan nang nagbitaw ang aming mga kamay at pumasok na siya sa loob ng taxi. Nasa compartment na rin nito ang maleta niya.
Kumaway na lang kami sa isa't isa habang tumatakbo na papalayo ang taxi.
Napahagulgol na ako nang tuluyan nang mawala sa paningin ko ang sinasakyan niya habang humahaplos ang kamay ko sa tiyan ko.
Hindi ko maintindihan kung bakit pero sobrang bigat talaga nang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Natatakot ako sa hindi ko malamang dahilan.
***
Bumalik ako sa normal kong buhay na nagtitinda ng mirienda sa hapon sa labas nang barong-barong namin ni lola.
Naghintay ako nang sumunod na buwan. Excited pa ako na makatanggap ng kahit ano mula sa kanya. Sulat o kahit ano dahil wala pa naman akong phone sa hirap ng buhay namin.
Ngunit lumipas na ang isa, tatlo, lima hanggang sa magwalong buwan na... walang Darell ang nagparamdam sa akin.
Kasalukuyan na ako ngayong naririto sa hospital at walang patid ang pagluha sa sakit na nararamdaman ko habang ini-ire ang baby kong lalabas na.
"Sige, kaya mo pa 'yan. Kaunti na lang, besty!" pagtsi-cheer sa akin ng kaibigan kong si Lala, na Shiela din ang pangalan. Kapareho ng pangalan ko.
Nasa ulunan ko siya at siyang naging alalay ko dahil si Lola ay nakaratay ngayon sa sakit sa barong-barong namin.
"AAAAHHH!!!" malakas naman akong umire kahit pakiramdam ko ay malapit na akong panawan ng ulirat.
Pakiramdam ko ay binibiyak ang buo kong katawan sa sakit na nararamdaman ko.
"Hinga ng malalim, misis. Bilang tayo ng isa, dalawa, tatlo, tulak ulit."
Sinunod ko naman ang sinabi ng Doktora. Hingang malalim, bilang ng tatlo.
"One, two, three. HAAAAHHH!!!" Bigla na lamang nagdilim ang paningin ko kasabay nang tila mga lamang-loob kong naglabasan mula sa pwerta ko.
Kasunod niyon ay palahaw ng munting sanggol.
"It's a baby boy. A healthy baby boy!" dinig kong masayang bulalas ni Doktora ngunit nahihirapan na akong idilat ang aking mga mata.
Sa kadiliman ay may isang napakaguwapong mukha ang biglang lumiwanag at nakangiting nakatitig sa akin.
"D-Darell...m-may baby na tayo. N-Nasaan ka na ba? Nangako ka... pero hindi ka tumupad."
Walang patid sa pag-agos ang mga luha ko sa magkahalong sakit na nararamdaman ko sa mga oras na ito.
Paano na kami ng anak natin? Kinalimutan mo na ba ako ng gano'n ka-dali?
"Misis, heto po si baby. Ano pong ipapangalan natin sa kanya?"
Naidilat ko ang aking mga mata nang maramdaman ko ang bagay na pumatong sa tiyan ko. Bumungad sa akin ang inosenteng mukha ng anghel ko.
Tuluyan nang nagsunod-sunod ang pagtulo ng mga luha ko nang mamukhaan ko kaagad sa kanya ang mukha ng kanyang ama.
"Ang cute! Ang poging baby naman n'yan!" bulalas ni Lala mula sa aking tabi.
"K-Kamukha ng tatay," naiiyak kong sagot sa kanya. "Darell Jr. Guinsod Delavega po, Doc. 'Yon po ang pangalan niya."
Nakangiti akong bumaling kay Doktora, na kaagad ding tumango sa akin.