Nakangiwi ako nang makita ko ang babaeng nakasalampak sa ibaba. Habang ang mga mata nito ay nanlilisik at nakatingin sa akin. Parang gusto akong patayin sa titig nitong tumatagos sa katawan ko.
"You! Papatayin mo ba ako?!" pasigaw na tanong ng
babae sa akin. Hanip din si Mr. Anderson. Hindi man lang hinawakan nang maayos ang babae. Hinayaan lang na mahulog sa ibaba.
"Hindi naman kasi ito hotel para magtukaan kayong dalawa rito," pabalang na sagot ko rito. Hindi ko na ininda ang galit nito sa akin. Bagkus ay muli ko ulit pinatakbo ang sasakyan.
"Babe, sino ba ang babaeng ito? Na saan na dating driver mo? Bakit ganiyan iyan kung makasagot?!" palatak ng babae. Narinig ko ring gumalaw ito, siguro'y muling babalik sa kandungan ng binata.
Kay Mr. Anderson naman ay wala akong narinig na salita. Hanggang sa bigla na naman akong tumingin sa mirror sa itaas ng kotse.
Anak ng tipa! Wala ba silang hiya sa katawan? Hindi ba nila naisip na may ibang tao rito sa loob. Akala siguro nila ay maiinggit ako sa knaila. Malabo iyong mangyari. Mga pasaway talaga! Kaya naman kinabig ko pakaliwa ang kotse.
Hindi naglaon ay nakarating ako sa lugar na dapat nilang paglagyan. Agad akong bumaba ng kotse para kausapin ang isang staff na sumalubong agad sa akin.
"Yung pinaka magandang kwarto ang ibigay mo sa akin. Dahil hindi basta-bastang tao ang mag-check in doon!" seryosong sabi ko sa staff ng hotel. Pagkatapos ay muli akong bumalik sa kotse para puntahan ang dalawang tao na nagtutukaan pa rin.
"Mr. Anderson at Ms. Vanes, puwede na kayong bumaba, okay na ang room na gagamitin ninyo!" asar na sabi ko, nang buksan ko ang pinto. Gusto ko pa ngang matawa sa ayos nilang dalawa.
"Ano'ng room?" tanong ng babae sa akin, sabay tingin sa labas ng bintana. Masamang tingin din ang binigay sa akin ni Mr. Anderson. Parang gusto akong tirisin sa inis.
"Sa room na iyon, puwede kayong magtukaan doon. Lahat ng gusto ninyong gawin ay magagawa ninyo. Kaysa naman diyan kayo magtiis sa loob ng kotse. Masikip pa at hindi pa kayo makakagalaw ng maayos. Saka, may kasama pa kayong ibang tao rito. Hala! Sige na, pumasok na kayo sa loob ng hotel. Maghihintay na
lang ako rito sa labas," tuloy-tuloy na litanya ko sa dalawang tao na kaharap ko.
"Bumaba ka na, Vanes. At ikaw na babae ka, pumasok ka rito sa loob dahil aalis na tayo!" pasigaw na sabi sa akin ni Mr. Anderson.
"Trigger, bakit pati ako nadamay? Dapat ang babaeng driver mo lang?" asar na sabi ni Vanes.
"Bumaba ka na, Vanes!"
"Pero, Trigger----"
"Get out of my car!" Parihas kaming nagulat ni Vanes sa malakas na sigaw ng lalaki. Ako naman ay nagmamadaling pumasok sa loob. Ngunit si Vanes ay parang natulala lamang.
"T-Trigger, hanggang ngayon ba'y wala pa ring pagbabago? Hindi pa rin ba tumi----"
"Stop it, Vanes! Kung ayaw mong kaladkarin kita papalabas ng kotse ko, ay umalis ka sa harap ko, ngayon din!" nang-gagalaiti sa galit si Mr. Anderson nang sabihin iyon. Kaya ayon dali-daling bumaba ang namumutlang babae.
"At ikaw? Simulan mo nang magmaheno. Ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang kasong isasampa ko sa 'yo, babae!" pagbabantang sabi sa akin nito.
Naku po! Gagawin nga yatang ipapakulong ako. Madali lang iyong gawin ng lalaki lalo at isa pala itong lawyer. Diyos ko! Ano'ng gagawin ko? Dapat ba akong humingi ng tawad dito? Peste naman, oh!
"Doon tayo tumuloy sa bahay ninyo at kakausapin ko ang mga magulang mo!" biglang sabi ng lalaki. Maliksi tuloy akong bumaling dito. Nakita kong nakapikit na ito.
"Mr. Anderson, baka naman puwedeng pag-usapan na lang natin ito?"
"Wala tayong dapat pag-usapan. Tumingin ka sa harapan mo at baka mabanga tayo, babae!" masungit na sabi nito sa akin.
Kagat labing pinagpatuloy ko na lang ang pagmamaneho. Malalagot talaga ako oras na malaman nina inay at itay ang ginawa ko. Naman! Ano bang kabaliwan ang nagawa ko noon?
Hindi naglaon ay nakarating na rin kami sa bahay namin. Naunang bumaba ang lalaki. Pagkatapos ay tuloy-tuloy na naglakad papasok sa loob ng tahanan namin. Sinundan ko lang ito ng tingin. Hanggang sa pamatingin ako sa likuran bahagi ng kotse na kung saan nakaupo kanina si Mr. Anderson.
Namataan ko ang tatlong paper bag. Dali-dali ko itong kinuha para tingnan ang laman. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong puro mga chocolate ang laman nito. Agad akong kumuha ng isang kahon. Tama ang aking gagawin. Kukuha ako rito at ito ang ibibigay ko sa lalaki para hindi niya ako ipakulong.
Naku! Ang galing ko talaga. Kaya naman agad kong tinago ang chocolate. Dali-dali rin akong bumaba ng kotse at sa likod bahay dumaan papunta sa aking kwarto. Walang kahirap-hirap akong sumampa sa bintana para lang makapasok sa aking silid.
Agad kong kinuha ang kwintas para ibalik na sa lalaki. Pagkatapos ay muli akong dumaan sa bintana para pumunta ulit sa kotse ni Mr. Anderson. Pagdating sa harap ng sasakyan ay agad kong binuksan ang pinto. Sa upuan ko lang nilagay ang kwintas at chocolate para madali nitong makita.
Nang mailagay ko'y nagtatakbo na akong sa likod bahay para bumalik sa aking silid. May ngiti sa mga labi ko dahil tapos na ang aking problema.
"Bombie, nandiyan ka ba sa kwarto mo?" mga katok at pagtawag sa akin ni Inay na nasa labas ng pinto ng silid ko.
"May kailanga ka po ba sa akin, inay?" tanong ko. Ngunit kabado ang aking dibdib lalo at alam kong nandoon pa si Mr. Anderson sa sala ng bahay namin.
"Lumabas ka muna riyan anak ko. Mag-uusap tayo sa sala. Sumunod ka na sa akin," bilin ni Inay. Hindi na ako nagsalita lalo at narinig kong humakbang na ito papalayo sa harap ng pinto ng silid ko.
Kahit ayaw kong lumabas ay napilitan ako. Baka mayroon silang sasabihin sa akin. Pero nakakakaba, baka alam na nila ang ginawa kong pagnanakaw. Paktay ako!
No choice naman ako kundi ang sumunod sa aking ina. Kaya naman maingat kong binuksan ang pinto ng silid ko at marahang humakbang papalabas. Tuloy-tuloy akong pumunta sa sala kung saan nandoon sina inay at itay.
Kumunot ang aking noo nang makita kong wala na rito si Mr. Anderson, baka umalis na ang lokong lalaki. O kaya ay nasa labas lang ng bahay?
"Anak, maupo ka muna rito!" pagtawag sa akin ni Inay. Agad naman akong naupo sa tabi nito.
"May sasabhin po ba kayo sa akin, inay, itay?"
Nakita kong nagkatinginan ang mga magulang ko.
"Anak, limang buwan kaming mawawala ng itay mo. May binili kasing farm si Mr. Anderson sa malayong probinsiya. At ang gusto niya ay kami ng iyong ama ang mag-asikaso roon," malungkot na sabi sa akin ng inay ko.
Kumunot naman ang noo ko. "Inay, bakit kayo ang pupunta roon? Paano naman ako? Puwede ba akong sumama?" malungkot na tanong ko.
"Kami lang ng tatay mo ang pinapupunta roon. Ikaw ay maiiwan dito Bombie. Kapag kailangan ng driver ni Mr. Anderson ay ikaw ang magmamaneho para sa kaniya. Huwag kang mag-alala kasi dadalaw naman ako rito anak," anas muli ng inay ko.
"Kailan po ang alis ninyo, inay?"
Narinig kong nagbuntonghininga ito. "Ngayon araw, anak. Pinagmamadali kasi kaming papuntahin ni Mr. Anderson sa farm." Malungkot akong tumingin sa aking ina. Wala naman akong magagawa kahit pigilan ko sila. Dahil sila pa rin ang masusunod para sundin ang gusto ng lalaking iwan na iyon.
"Stksss! May daga na namang kumuha ng chocolate ko!" Maliksing bumaling ang ulo ko sa taong nagsalita mula sa pintuan. Nakita ko lang naman si Mr. Anderson. Seryoso itong tumingin sa akin. At tila nagbabanta.
"Lord, may daga bang nakapasok sa kotse mo?" tarantang tanong ng Itay ko, sa lalaki.
"Yes, isang malaking daga!" mariing sabi ng lalaki. Ngunit wala pa ring kangiti-ngiti habang nagsasalita.
Naku po! Hindi kaya alam na nito ang ginawa ko? s**t na malagkit!
"Ha-Hanapin ko po ang daga, Lord..." kabadong sabi ng Itay ko.
"No, need. Maghanda na kayo. Dahil aalis na tayo. Ako mismo ang maghahatid sa iyo. At doon sa dagang malaki ako na ang bahala roon!" seryoso pa ring anas ng lalaki. Pagkatapos ay agad na tumalikod para lumabas ulit ng bahay. Subalit nag-iwan ito nang nagbabantang tingin.
Nagpaalam naman ako sa aking mga magulang para pumunta sa aking kwarto. Kailangan kong mag-isip ng paraan para lusutan ang ginawa kong kasalana. Lagot na talaga ko. Baka ikulong na ako ng lalaking iyon. Lalo at isa itong lawyer.
Para akong ipo-ipo para lang makapunta sa aking silid. Agad kong inilock ang pinto ng kwarto ko sabay sandal at pikit ng mga mata ko.
"Hindi ka na talaga nadadala, babae?"
"Ha?" tanging nasabi ko. Pagkatapos ay dahan-dahan kong iminulat at mga mata ko. At ganoon na lang ang panlalaki ng aking mata nang makita ko si Mr. Anderson. Nakasandal ito sa bintana ng kwarto ko.
"Alam mo bang, nakabatay sa halaga ng ninakaw mo ang haba ng pagkakakulong mo. Naka depende rin sa laki ng ninakaw ang piyansa mo. Anim hanggang labing dalawang taon ang tagal ng pagkakakulong sa ilalim ng prision mayor. Mas mabigat na parusa ang maipapataw sa mga gumawa ng robbery, batay sa danyos."
"Ipapakulong mo ako, Mr. Anderson?"
"Yes, kailanga kong sundin ang batas dahil nakagawa ka ang kasalanan sa akin, Ms. Bombie! Ngayon pa lang ay paghandaan mo na!" seryosong sabi nito sa akin.
"Oh! No!"