Tumakbong Manok 1
Napabalikwas ako nang bangon nang marinig ko ang kalampag ng lata na malapit lang sa aking tabi. Pagmulat ng mga mata ko ay tumambad sa aking harapan si Inay.
"Inay namama, eh. Nakikita mong natutulog pa ako!" reklamo ko sa aking inay.
"Aba naman, Bombie. Baka gusto mong bumangon na! Isang linggo ka nang nakahilata riyan. Ano petsa? Tirik na ang araw pero ikaw ay humaharok pa riyan!" palatak ng inay ko.
"Mga sampung minuto pa Inay at tatayo na po ako," sagot kong inaantok pa.
"Hindi puwede! Tumayo ka riyan. Tingnan mo nga ang iyong sarili Bombie. Kakulay ka na ng sukang maputla!" sermon sa akin ng Inay ko. Habang panay hampas sa latang dala-dala nito. Kaya naman lalong narindi ang tainga ko dahil sa ingay nito.
Napakamot na lang ako sa aking ulo. Gustuhin ko mang umangal sa aking Ina, oh. Magpalusot rito ay titirahin naman ako nang bibig nitong parang masingan sa ingay. Kaya kahit antok na antok pa'y napilitan akong tumayo.
Halos isang linggo pa lang ako rito sa bahay namin. Pero ang aking tainga ay naririndi na sa ingay ng mahal kong Inay. Daig pa ang manok na putak nang putak. Kailangan ko yatang bumili ng maraming bulak para ipapasak ko sa aking tainga.
Wala naman sana akong balak umuwi rito. Ito lang talaga si Inay. Halos araw-araw akong tinatawagan at pinapauwi. Dito na lang daw ako magtrabaho. Labis daw itong nag-aalala sa akin kapag nandoon ako sa Maynila.
Kahit ano'ng paliwanag ko kay Inay, na kaya ko na ang aking sarili, ayaw pa rin nitong makinig sa akin. Tinakot pa nga ako na kapag 'di raw ako umuwi ay kalimutan ko na lang daw siya bilang Ina niya. Kaya heto ako ngayon. Tinitiis ang bunganga ng Inay kong daig pa ang lata ng bigas kapag walang laman, dahil sa sobrang ingay nito. Parang tumatalsik na yata ang mga tutuli ko sa aking tainga.
Napapailing na lang akong pumunta sa munti naming kusina. Agad kong pinaghain ang aking sarili para kumain ng umagahan. Itinaas ko pa nga ang isang paa ko. Subalit bigla naman iyong pinalo ni Inay.
"Kababaeng mong tao ganiyan ka kung makaupo. Hindi ko alam kung tomboy ka ba anak! Nag-iisa ka lang na anak namin ng Itay mo. Pero kung umasta ka ay parang lalaki! Hindi ko alam kung makakapag-asawa ka kung ganiyan ang style mo!" muling palatak ng Inay ko. No choice rin ako kundi ibaba ang paa ko.
"Inay, bakit ba hindi na lang kayo masanay sa akin? Ganito talaga ako. Saka huwag kang mag-alala dahil babae ako. Saka mag-aasawa po ako ng sampu," tuloy-tuloy na litanya ko sa aking Inay.
"Aray!" sigaw ko. Dahil bigla akong binatukan ni Inay.
"Hindi ko sinabing maging kaladkaring babae ka Bombie. Hindi ko ring gusto na maging kabit ka ng isang lalaking pamilyadong tao!"
"Kabit agad, Inay? Hindi ba puwede nagkatitigan muna kami bago nagkahawakan ng kamay, tapos na kiss at napunta sa kama..."
"Aray naman, Inay! Nakakasakit ka na po!" sigaw ko, sapagkat muli na naman akong binatukan ng Nanay ko. Hindi pa nga ako tapos sa sasabihin ko rito.
"Ganiyan ba ang natutunan mo sa Maynila? Ka-babaeng mong tao masyadong bulgar ang bibig mo Bombie. Daig-daig mo pa ang isang lalaki!" muling sermon ni Inay sa akin. Napahilot na lang ako sa aking noo. Dahil sa katatalak ng butihin kong Ina.
Parang gusto ko na lang bumalik sa Maynila. Kaso ayaw ko naman magtampo si Inay sa akin. Kaya naman para hindi na humaba ang usapan ay tumahimik na lang ako. Bigla tuloy akong napasimangot. Bakit kasi nag-iisa lang akong anak? Sana naman nagkaroon pa ako ng kapatid para dalawa kaming sasalo sa sermon ng Inay ko. Kawawa tuloy ang ear grams ko. Bugbog na bugbog na sa ingay nito.
"Siya nga pala, Bombie, pagkatapos mong kumain diyan. Pumunta ka sa likod bahay. Kuhanin mo iyong inahing manok doon. At paki katay mo na rin anak. Dahil mamayang hapon ay pupunta rito ang boss ng Itay mo. Nakakahiya naman kung wala man lang tayong ipapaulam na masarap doon."
"Bakit daw pupunta rito Inay? Saka 'di ba dapat kung sino ang bisita siya ang may dalang pagkain," baliw na sabi ko sa aking Ina.
"Diyos ko po! Bakit ganiyan ang utak ng aking anak. Para yatang naging abnormal na!" palatak ng Inay ko. Nakasimangot tuloy akong tumingin sa aking Ina. Ito naman ay umiiling-iling na lang na umalis dito sa kusina.
Napabuntonghininga na lang ako habang sinusundan ko ng tingin ang Inay kong maingay daig pa ang lasing. Hanggang sa magpatuoy na lang ako sa pagkain ko. Pagkatapos mag-umagahan ay nagdesisyon na akong pumunta sa likod bahay. Kinuha ko rin ang kutsilyong matalim upang ipang gilit sa ulo ng manok.
Marunong naman akong magkatay ng manok. Nakikita ko kasi kay Tatay rati ang gawaing ito. Pagdating sa likod bahay ay nakita ko agad ang kulungan ng mga manok. Namataan ko rin ang sinasabi ni Inay na inahing manok na aking gigilitan sa leeg.
Mukhang makakahigop ako ng masarap na sabaw ng manok. Medyo nakakasama rin ng loob si Inay. Dahil halos isang lingo na ako rito. Pero hindi man lang ako pinagkakatay nito. Maigi pa iyong darating na bisita, naaalalang ipagkatay nito! Napaghahalata tuloy ang Inay ko na baka 'di ako anak.
Kapag nagreklamo naman ako kay Inay. Tiyak na sermon ang aabutin ko, grabe pa naman ang bunganga noon parang laging naka full charge. Pero kahit ganoon iyon ay mahal na mahal ko pa rin ito.
"Anak, nagawa mo na ba ang pinag-uutos ko sa 'yo?" narining ko ang boses ni Inay, papalapit ito rito sa likod bahay. Kaya naman nagmamadali akong lumapit sa kulungan para kuhanin ang inahing manok na kakatayin ko. Walang harip-hirap ko itong nahuli.
"Kakatayin ko na po, Inay," sagot ko sabay harap sa aking Ina. Alam kong nandito na rin ito sa likod bahay mabilis kasi itong maglakad.
"Siya sige. Kapag nakatay mo na ang manok. Ilagay mo na lang sa lababo, ako na ang bahala riyan. Maiiwan mo na kita rito. May bibilhin lang ako sa tindahan," paalam sa akin ni inay.
"Sige po, inay," magalang na sagot ko.
Muli naman akong bumaling sa manok na hawak ko. Pagkatapos ay agad kong kinuha ang kutsilyo. Napangisi pa nga ako na tila nababaliw na.
"Siguradong mapaparami ang kain ko nito mamaya," sabi ko pa, habang nakatingin sa manok.
"Magdasal ka na, kasi mailalagay ka na sa minit na kawali," baliw na kausap ko sa manok na hawak ko.
Bago simulan ang aking balak sa manok ay nilagyan ko muna ng tali ang paa nito. Para madali kong magigilit ang leeg nito. Pagkatapos ay sinimulang ko nang katayin ang manok. Wala naman itong kagalaw-galaw, siguro'y tanggap na nito na magiging ulam siya mamaya.
At nang matiyak kong wala ng buhay ang manok ay inalis ko na ang pagkakatali sa mga paa nito. Saka alam ko naman 'di na ito tatakbo dahil sa gilit sa leeg nito. Nagdesisyon muna akong ibaba ang manok na wala nang buhay, sapagkat kailangan kong mag-init ng tubig. Subalit hindi pa ako nakakalayo nang makita kong tumatakbo ang manok na aking kinatay. Habang ang leeg nito'y nakalaylay na.
Peste! Dahil papunta na ito sa labas ng gate. Kaya naman nagdesisyon akong habulin ito. Malalagot ako kay Inay kung sakaling makatakas ang manok. Wala itong ipapaulam sa bisita nito mamaya.
"Hey, you! Bumalik ka rito!" sigaw ko sa manok na patuloy na tumatakbo. Nakita ko ring hinabol ito ng mga tandang na manok. Anak ng tukwa may balak pa yatang gahasain ang inahing manok na akong kakatayin at magiging ulam mamaya.