“Kuya, sigurado ka bang atin na ang lahat ng kayamanan ng mga Chiu?” tanong ng bunsong kapatid na si Crista.
Tumango ako at saka ngumiti.
“Oo, atin na ang lahat ng kayamanan pero sa ngayon ay huwag na muna kayong magpapahalata. Marami tayong mga kalaban sa paligid dahil tiyak na ako ang numero unong paghihinalaan ng pagdukot kay Carmencita,” sagot ko sa kapatid ko.
“Siyempre naman kuya. Ikaw talaga ang paghihinalaan dahil wala namang ibang paghihinalaan na magkakainteres sa kayamanan ng bobang asawa mo.”
“Ikaw ang boba!” sabay batok ni Mama kay Ayin ang sumunod sa akin.
“Aray! Bakit ka naman nambabatok, Ma? “ reklamo ng kapatid kong may kahinaan talaga ang utak dahil na rin siguro kakabatok na rin ni Mama sa kanya.
“Itikom mo ang bibig mo para hindi ka nababatukan. Kahit kailan ay hindi ka marunong mag-isip. Paano kung may ibang taong makarinig sa sinabi mo? Gaga ka talagang mag-isip, Ayin. Lakas mong makapagsalita ng boba gayong ikaw itong patron ng mahihina ang utak. Hindi ko talaga alam kung kanino ka nagmana dahil iba ang utak mo.” Sermon na may kasamang panlalait ni Mama kay Ayin.
“Oi di kayo na. Kayo na matalino!” sagot naman ng kapatid ko.
Nagtatalo pa sila ni Mama ng may makatanggap ako ng tawag sa isang kilalang reporter sa isa rin kilalang tv station at tinatanong ako kung pwede ba raw akong ma-interview sa pagdukot kay Carmencita.
“Kuya, pumayag ka na para isipin ng madla na talagang wala kang tinatago. At saka, isama mo na rin kami para malaman din ng mga manonood na malungkot tayo sa ginawang pagdukot kay Carmencita,” ang suggetion ni Ayin.
“Mabuti naman at nakaisip ka ng magandang suggestion, Ayin? Akala ko ay talagang walang dumadaloy sa utak mo,” ani pa ni Mama.
Kagaya ng suggestion ni Ayin ay sumagot ako ng yes sa sikat na tv reporter.
Namili pa kami ng bagong puting damit at mga shades sa mata para sa pagkukunwari na namumugto ang mga mata lalo na kapag nakaharap na kami sa camera.
“Sir, hanggang ngayon ba ay hindi pa rin tumatawag ang mga kidnappers para ipatubos si Miss Chiu?” tanong ng babaeng reporter sa akin habang nakaharap na ako sa kanila. Sina mama at ang dalawa kong kapatid ay nasa likod ko para suportahan ang pagsisinungaling ko.
Umiling ako at walang kahit na anong reaksyon para mas kapani-paniwala ang arte ko.
“Nakatanggap na ko ang kaso lang ay narinig ko ang boses ni Carmencita na huwag na huwag daw akong magbibigay ng pera kapalit niya dahil papatayin din daw siya ng mga kidnapper.” Ang imbento kong sagot sa malungkot na boses.
Narinig kong suminghot-singhot si Mama at mga kapatid ko at kunwari ng mga umiiyak.
“Pakiusap namin sa mga kidnappers na kahit magkano ay handang ibigay ng anak ko kapalit ng asawa niya kaya tumawag na sila para makipagnegosasyon,” agaw ni Mama sa microphone na sa akin nakatutok.
“Huwag niyo pong sasaktan si ate Carmencita dahil wala naman siyang ginagawang masama sa inyong mga kidnapper kayo,” dagdag pa ni Ayin.
“Maawa kayo sa kuya ko at sa pamangkin ko. Napakabata pa ni Connor. Kaya tumawag na kayo at ibalik ng buhay si Ate Carmencita. Please,” si Crista na nakikiusap na on national tv.
“Awang-awa ako sa manugang kong yan dahil napakabait at wala masasabi ang sinuman sa ugali niya,” si Mama na panay hugot pa ng tissue kahit wala namang luha sa mga mata na natatakpan lang ng malaking salamin na may kulay.
Marami pang tinanong ang sikat na tv reporter tungkol sa pagdukot kay Carmencita na hindi ko naman pinaunlakan ng sagutin at baka mahuli pa ako sa sarili kong bibig.
“Mabuti naman at natapos na ang interview. Sayang nga lang at hindi ko naipakita ang mukha ko sa tv. Pagkakataon ko na sana yon para makita ako ng mga naghahanap ng fresh face para i-manage!” palatak ni Ayin ng tanggalin ang malaking salamin sa mata.
“Sus! As if naman na mapapansin ka? Hindi ka kagandahan, Ate kaya manahimik ka. At saka, mamaya may question ang answer portion kapag na discover ka. Ipahiya mo pa kaming buong pamilya mo!” kontra ni Crista.
Sanay na ako sa bangayan ng dalawa kong kapatid kung sino ang matalino at kung sino ang maganda na wala namang mananalo.
Hindi ko sila sinasagot dahil ayoko silang masaktan sa isasagot ko.
“Manahimik! Ang iingay nyong dalawa. Sa oras na mapahamak tayo dahil sa mga kadaldalan niyo ay humanda talaga kayo. Hihilahin ko ang mga dila niyong dalawa. Matuto nga kayong kumilos ng maayos para namang may mayamang binata na makapansin sa inyo.” Pagpapatigil ni Mama sa dalawa kong kapatid na babae.
“Ma, tama ba ang mga naging sagot ko kanina? Napakinggan mo ba?” tanong ko na kay Mama tungkol sa ginawa kong paraan ng pagsagot.
Nilapitan ako ni Mama at inayos ang kwelyo ng damit ko.
“Of course, my son. Sinunod mo ang mga sinabi ko kaya kakaawaan ka ng mga tao at makikisimpatya sila sayo sa nangyari kay Carmencita.” Ang sagot ni Mama.
“Ang problema na lang ay si attorney. Hindi natin alam kung anong masasabi niya sa oras na malaman na dinukot ang tagapagmana ng mga Chiu.”
Iyon talaga ang pinag-aalala ko pero sabi nga ni Mama ay lahat natatapatan ng pera.
Pero wala pa si attorney at hindi ko alam kung kailan darating.
“Ano kaya kong patahimikin mo na rin si attorney, kuya?” ani Crista.
Naisip ko na rin ang bagay na yon pero nag-aalangan akong gawin.
Pero bahala na kapag dumating na si attorney.
Kinagabihan ay pinakita na rin sa isang sikat na news program na panggabi ang ginawang interview sa aming pamilya.
“Gosh! Ang ganda ko kahit may malaki akong salamin sa mga mata!” puri pa ni Ayin sa kanyang sarili ng ma-focus sa kanyang mukha ang camera.
Nakatutok kaming pamilya sa ilang sandali na nakikita kami sa buong national tv.
“Wait, nakita niyo ba yon?” tanong ni Crista.
“Crista, kitang-kita ko talaga ang beauty ko. Kaya huwag mo ng itanong pa.” Ang sagot ni Ayin.
“Shut up! Iyong babae sa pinakalikod natin. Para kasing kamukha niya si Ate Carmencita,” sabi ni Crista at talagang kababakasan ang mukha ng pagtataka at takot.
“Wala naman akong napansin, Crista. At saka, maraming mga tao sa likod natin pero malayo naman ang agwat.” Komento ko dahil namutla ang mukha ng bunso kong kapatid.
“Hindi naman pwedeng ireplay ang balita kaya abangan na lang natin sa official page nila kung maipo-post,” si Ayin.
“Nakaside lang siya habang naglalakad pero parang talaga siya si Ate Carmencita,” patuloy na giit ni Crista kaya umuwi na lang sila sa bahay namin habang ako ay naiwan sa opisina ko.
Sigurado akong patay na si Carmencita kaya imposible ang nakita at sinabi ni Crista.
Pinanood ko ng paulit-ulit ang pagmamalupit ng mga inutusan ko mayabang at bobang babaeng ampon at hindi ko talaga mapigilan na mapa igik kapag naririnig ko siyang dumadaing sa sakit pero deserved naman niya ang lahat ng mga pagpapahirap sa kanya.
Tiyak na hindi ako bibiguin ng tatlong lalaki na inutasan kong dukutin, pahirapan at patayin si Carmencita.
May mga malaki silang pagkakautang sa akin lalo na si Rambo na tumayong leader sa grupo nila.
Hindi talaga ako kumuha ng professional hired killer dahil sobrang mahal ng bayad lalo pa at bilyonarya ang ipapatumba ko.
Tatlong daang libo lang ang ibinayad ko sa tatlong yon kapalit ng pagpatay nila kay Carmencita.
Hindi sila magsasalita dahil tinakot ko sila. Hindi rin nila ako mababaliktad dahil alam ko ang mga address nila at na sa akin ang kumpletong listahan ng pamilya nila.
“Kawawa ka naman, Carmencita,” sabi ko habang pinapanood na palauin ng paluin ng baseball bat ang isang malaking sako kung saan nakasilid ang katawan ng kaawa-awa kong asawa.
“Ikaw naman kasi. Masyadong matalim ang dila mo at masyado kang matapang. Biruin mong saktan mo si Desiree na siyang babaeng maha ko. Kaya nararapat lang na maranasan mo rin ang walang hanggang sakit na naranasan ni Desiree,” kausap ko pa sa screen ng cellphone ko.
“Wala ka namang kwenta kaya wala ka na ring dapat na gawin pa sa mundo. Huwag kang mag-alala at hindi ko naman pababayaan si Connor dahil anak ko naman siya. Manahimik ka na lang sa kung nasaan ka.”
Matapos kong makitang wala ng liwanag sa labas ng glass wall ng aking opisina ay nagmadali na akong bumaba para makauwi na at makapagpahinga.
Ngunit habang naglalakad na ako patungo sa aking sasakyan ay may bumato sa akin kasabay ng pagtawag sa aking pangalan.
“Santi,” anang boses babae.
Kinilabutan ako at bahagyang natigilan.
Kilalang-kilala ko kasi ang boses na yon.
Si Carmencita.
Ganun na ganun niya bigkasin ang pangalan ko lalo kapag nasa harap kami ng ibang tao.
Unti-unti akong humarap sa likod ko pero wala namang tao.
Nasa basement na ako dahil dito nakapark ang kotse ko.
Lumakad pa ako ng ilang hakbang para maghanap kong may ibang tao pa ba dito maliban sa akin pero wala talaga.
Malalaking hakbang ang ginawa ko patungo sa sasakyan ko para agad ng makaalis sa lugar na ito.
Pinaharurot ko agad ang sasakyan ko palabas ng basement at agad na itinigil sa gilid ng mataong lugar.
“Sigurado ba kayong hindi na nakaligtas pa ang babaeng pinapatay ko sa inyo?”
Tinawagan ko agad si Rambo para magtanong.
“Boss, nakita mo naman siguro sa mga video kung paano namin itinapon ang sako sa dagat. At saka may pabigat ang loob ng sako kaya hindi na lulutang.” Sagot ni Rambo.
Totoo naman.
Nakita ko naman talaga sa video kung paano nila itinapon ang sako kung saan nakasilid ang katawan ni Carmencita. Kaya imposibleng buhay pa ang bobang yon.
Patay na siya at nasa ilalim ng dagat ang katawan niya.
Hindi naman kaya nagmumulto siya?
Pinagmumultuhan niya kami?
Sinampal ko ang sarili dahil sa kung anu-anong mga naiisip.
Hindi totoo ang multo.
Patay na si Carmencita at wala na siya.