“Carmen, tikman mo itong niluto ko. I'm sure na magugustuhan mo,” alok ng biyenan kong babae.
Birthday niya ngayon kaya naman narito kami ng anak kong si Connor para batiin siya.
“Nakakapagselos talaga. Lagi na lang si Ate Carmen ang dapat na unang tumikim sa mga pagkain,” nangingiting komento ni Ayin sumunod kay Santi. Ang kapatid niyang babae na sa sakit ng ulo ng kanyang mga magulang dahil hindi nag-aaral ng mabuti at pagbubulakbol lang ang inatupag.
Laging laman ng mga bar kasama ang kanyang mga barkada.
Pinagbigyan ko ang biyenan kong babae at tinikman ko ang luto niya.
“Wow! Ang sarap po talaga ng luto niyo, Ma.” Ang komento ko kahit ang totoo ay alam ko namang hindi niya luto itong pinagmamalaki niyang luto niya raw dahil lingid sa kanyang kaalaman ay alam ko kung saan niya restaurant inorder ang lahat ng mga pagkain na makikita na nakahain sa mahabang lamesa sa kanilang dining area.
“Maaga pa lang talaga ay bumangon na ako para magluto,” kwento pa ng biyenan kong babae na ubod naman talaga ng sinungaling kaya natatawa na lang ako sa mga pinagsasabi niya.
“Ate, tingnan mo itong mga jewelriess sa bagong catalog na inilabas ng mamahalin at kilalang Gold shop. Gustong-gusto kong makabili ng isa sa mga yan,” singit ni Crista. Ang bunsong kapatid ni Santi.
Ganyan ang ugali niya.
Mahilig siya sa mga mamahalin na bagay. At ubod ng arte. Kaya malamang na kahit panty niya ay hindi niya alam na labhan.
“Ang gaganda nga, ano?” komento ko.
“Kaso lang ay nakakalula naman pala ang presyo. Halos house and lot na rin kung tutuusin,” dagdag ko pa dahil milyon-milyon ang halaga ng mga gold at diamonds sa catalog na kanyang hawak.
“Oo, ate. Pero kapag may suot ka niyan ay talaga namang pagtitinginan ka ng mga socialite na alam kumilatis ng totoo kumpara sa pwet ng baso.”
Bahagya akong natawa sa kanyang tinuran at saka ko hinawakan ang suot kong kuwintas.
“Kung ganun ay alam na alam mo pala na peke ang suot kong kuwintas?” siyang tanong ko.
“No way, ate. But, true ba na fake ang suot mo knowing na afford mo kahit ang mga ganitong presyo ng mga alahas?” ang hindi niya makapaniwalang tanong.
“Crista, hindi ako mahilig sa mga mamahaling bagay. Kung may mga original man akong gamit ay natitiyak kong hindi ako bumili kung hindi regalo lang sa akin ng aking Mama at Papa.” Tugon ko pa.
Alam ko naman ang nais niyang iparating sa akin. Malamang na nagpaparinig siya at nagpapaawa para bilhan ko ng alahas na nagkakahalaga ng milyones.
“Maganda namang investment ang mga jewelries pero hindi kasi ako mahilig sa mga ganyan. May mga bagay na mas mahalaga at pinaglalaanan ng pera lalo na kung ito ay pinagpaguran.” Paliwanag ko pa at saka ako sumimsim ng green tea na hinain sa akin.
Nakita ko sa sulok ng mga mata ko kung paano sumama ang mukha ng hipag ko.
“Makakabili ka rin niyan, Crista. Kaya mag-aral kang mabuti at kapag nagkaroon ka na ng magandang trabaho ay madali na lang sayo ang makabili ng ganyang mamahaling bagay.”
Akala niya ay yata ay mauuto niya ako.
Ako nga ay hindi bumibili at nagsusuot ng mga ganun klaseng alahas pagkatapos ay maghahangad siya?
Nagpaalam si Crista na may gagawin muna sa silid niya.
Siguradong nagpupuyos ang dibdib niya sa pagkapikon sa akin.
“Mabuti at napagsabihan mo ang batang yan,” ani ng biyenan kong ibang putahe naman ng pagkain ang inilapag sa plato ko.
“Masyadong maluho sa katawan. Ang lagi ko rin na bilin sa kanya ay mag-aral ng mabuti tulad ng Kuya Santi nila. Napaka successful ng kuya nila ngayon at tumatayo ng CEO ng isang malaking kumpanya.”
Natatawa ako sa loob-loob ko.
Paanong naging successful si Santi na sa mga magulang ko naman ang pinagmamalaki niyang kumpanya.
Siya lang ang tumatayong CEO ngunit hindi pa rin siya ang nagdedesisyon sa lahat.
Si Papa pa rin ang nagdedesisyon bilang chairman.
Sa tantiya ko ay masyado pang hilaw ang kaalaman ng asawa ko sa mga dapat na isinasaalang-alang sa pagnenegosyo.
Akala niya ay hindi ko alam na nagalit sa kanya ang isang investor at muntik mag pull out ng mga na invest sa kumpanya?
Mahilig lang umastang matalino si Santi pero alam kong wala pa rin siyang ibubuga.
“Ang dapat po pala ay ngayon pa lang ay hanapan niyo na sina Crista at Ayin ng mayaman na mapapangasawa,” suhestiyon ko.
“Kahit po anong itsura ng lalaki basta ang mahalaga mayaman.” Kaswal ko lang na pagkakasabi ngunit may laman.
At alam kong hindi bobo ang biyenan kong babae para hindi maintindihan ang nais kong iparating sa kanya.
Kunwari ay bahagya akong natawa sa naisip ko.
“Baka naman po matagal niyo ng nahanapan ng mayamang lalaki ang mga hipag ko, Ma?” tanong ko pa ngunit nag-iba na talaga ang hilatsa ng mukha ng nanay ni Santi.
Hindi naman nakapagtataka kung talagang meron na nga.
Ang pamilya Cheng ay mga mukhang pera. Mga linta kung tutuusin.
Kung saan sila mas nakikinabang ay doon pa sila kakapit.
Sisipsip.
Marunong talagang kumilatis ng mauuto ang mga magulang ni Santi kaya hindi na ako magtataka kung ganun din silang mga anak.
Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga.
Ngumiti lang ang biyenan kong babae ngunit nawala na sa mood sa mga pinagsasabi ko.
Maya-maya ay dumami na ang mga bisita ng nanay ni Santi.
Mga may kaya sa buhay ngunit ang alam ko ay nagkukunwari na lang ang iba sa kanila dahil ang totoo ay baon ang iba sa utang dahil nakikipagsabayan sa totoong mayaman tulad na lang ng pamilya ng asawa ko.
Hindi magkamayaw ang biyenan ko dahil sa mga nagmamahalang regalo galing sa kanyang mga amiga.
Kanya-kanya silang plastikan.
Nagpapasiklaban sa presyo ng mga suot nila. Sa mahal ng bag na dala nila. Sa mga naging lagay ng mga negosyo at sa kung anu-ano pang dapat nilang ipagyabang.
“Thank you sa gift, amiga. Napakamahal nito kaya naman sobra kong na appreciate,” arte pa ng biyenan ko ngunit alam kong sa loob-loob ay tuwang-tuwa sa natanggap na mamahaling bag.
“Naku! Huwag mong alalahanin, amiga. Ang totoo ay nag-aalangan pa nga akong ibigay dahil alam kong lahat ng mga gamit mo ay mamahalin at hindi basta ang presyo,” sagot ng kanyang amiga.
Ang sakit sa tainga ng takbo ng mga usapan nila. Akala mo ba ay mga totoo pero sigurado lang na kapag hindi na sila magkakaharap ay mga nagsisiraan na.
Lumapit sa akin ang anak kong si Connor dahil nainip na yata at mag-isa lang na naglalaro sa isang bahagi ng bahay ng pamilya ng tatay niya.
“Nagugutom ka na ba? Anong gusto mong kainin?” tanong ko sa anak ko at pinamimili ko pa ng pagkain sa lamesa.
Nagmano naman ang anak ko sa mga bisita ng kanyang Lola.
“Napaka gwapo naman talaga nitong apo mo, Conchita. Ang kaso lang ay hindi yata nakuha ang mukha ni Santi at kay Carmen nagmana,” pagpuna ng isa mga amiga ng biyenan ko.
Hindi naman talaga kamukha ni Santi ang anak namin. Malayong-malayo naman talaga.
“Magbabago pa ang itsura ng apo ko habang lumalaki. Isang araw ay magtataka ka na lang at kamukhang-kamukha na siya ni Santi.” Tugon ng biyenan kong babae sa amiga niyang ang lahat na lang ay napapansin.
Kilala kong amiga niya na talaga namang lahat ay napupuna. Tanda kong ang amiga niya rin na ito ang nagsabing mas mukha pa raw akong katulong sa mga kasambahay ng biyenan ko.
Kahit daw pala bihisan ako ng magaganda at mamahaling mga damit ay hindi pa rin maaalis ang katotohanan na galing pa rin ako sa lansangan.
Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat ng ampon lang ako ng mga magulang ko dahil nga kilala sina Mama at Papa.
Tanda ko pa nga noon na talagang kapag may mahalagang okasyon sa pamilya ni Santi ay iniimbita ako ng mas maaga ko kaya naman late na late sa tunay na oras ng party.
Kinahihiya nila na iharap ako sa mga bisita nila dahil talagang kung paano ako ng mahirap ako ay hindi ko binago ang mga nakasanayan kong isuot na siyang ayaw nilang ipakita sa mga bisita nila.
Hindi ako mag-a-adjust para sa mga kapritso nila.
Sila ang mag-adjust dahil sa tingin ko ay sila ang mas may problema.
Sigurado akong nag-e-expect ng mamahaling regalo ang biyenan kong babae mula sa akin ganun din sa mga magulang ko na hindi na nakarating bagamat may inbitasyon mula sa birthday celebrant.
Ang sabi ko na lang kay Mama at Papa ay ako na ang bahalang magdahilan kung bakit wala sila sa party. Ayaw din naman ng mga umampon sa akin ng mga ganitong party. Nagpupunta lang sila sa mga pagtitipon kung may kinalaman sa charity.
Pero ang katulad ng mga ganito ay madalang silang mag-abala.
Matapos magbigay ang mga amiga ni Mama ng kanya-kanyang pagpapasiklab na regalo na ay ako naman ang lumapit sa biyenan ko at inabot ang regalo ko para sa kanya.
Nakalagay pa sa magandang sobre ang inabot kong regalo kaya naman nagningning ang mga mata ng biyenan ko.
“Ma, happy birthday po ulit. Heto po ang special na regalo namin para sa inyo,” sabay abot ko na ng malaking sobre na kulay pula.
“Thank you, Carmen. Hindi ka na sana nag-abala pa,” aniya pa at saka na sinilipa ang laman ng sobre.
Nawala ang ngiti sa kanyang mukha ng makita kung anong laman ng sobreng inabot ko.
“Ano ito?” nagtataka niyang tanong ng makita na ang bukod tanging laman ng inabot ko ay isang papel na naglalaman ng sulat kamay ni Connor bilang pagbati sa kanyang kaarawan.
“Sulat kamay mismo ni Connor yan, Ma. Talagang pinaghirapan niyang gawin ang sulat na yan ng siya lang mag-isa,” nakangiti kong kwento.
“Hindi po ba nakakatuwa na marunong ng magsulat at magbasa ang apo niyo?” tanong ko pa.
Napilitan ng ngumiti ang byenan ko.
Batid kong dismayado siya binigay kong regalo dahil ang inaasahan niya ay magbibigay ako ng higit sa mahal ang presyo sa lahat ng mga natanggap niya.
Noong nakaraang kaarawan niya ay binigyan ko siya ng set of jewelries.
Ngunit ang hindi ko lang alam kung alam niya ng bang fake lahat ng mga alahas na yon.
Nabili ko lang online.
Pero wala naman ako pakialam.
Basta nagregalo ako ay tapos na yon.
Unti-unti ng nagpapaalam ang mga bisita kaya naman gusto ko na rin umuwi.
Hinanap ko ang biyenan ko para magpaalam na kaming aalis.
“Napaka cheap talaga niya, Ma! Anong gagawin mo sa sulat kamay nj Connor? Ipapalaminate? Grabe talaga ang kuripot ng asawa ni Kuya. Narinig niyo kanina kung gaano pa siya ka proud na fake ang suot niyang alahas?!” narinig kong paghuhumerantado ni Crista.
Nasa labas lang ako ng pinto ng kwarto ng biyenan kong babae para nga sana magpaalam ngunit dahil pati ang pagsara ng pinto ay kinatamaran nila kaya naririnig ko sila.
“Akala ko pa naman ay cheque ang ibibigay niya. Iyon pala ay isang sulat lamang. Kung hindi lang talaga malaki ang pakinabang sa ampon na yan ay hinding-hindi ko siya gugustuhin na ipakasal sa kuya niyo!” ang naiinis na pahayag ng nanay sa kanyang mga anak.
“Dapat talaga ay mamaya niyo na siya pinapunta. Napahiya pa tuloy kayo sa mga amiga niyo dahil sa regalo niya na isang basura!” si Ayin ang nagsalita.
Ang pa-plastik talaga!
Mga mukhang pera.
Pagod na ako kaya kailangan ko na talagang magpahinga. Hindi na bago sa akin ang pag-usapan nila ako kaya sanay na ako.
Kumatok na ako bago ko itinulak ng bahagya ang nakabukas naman na pinto.
“Ma, magpapaalam na po sana kami ni Connor,” paalam ko na sa tatlong mukha na nagulat dahil nasa pinto lang ako.
“Ah, okay, Carmen. Mag-iingat kayo ni Connor sa pag-uwi. Hindi ko na kayo mapagbabalot ng pagkain at baka may mga bisita pang dumating,” ang sagot ng nanay ng asawa ko na halatang nawalan ng gana.
Tumanngo lang sina Crista at Ayin.
“Ma, binasa niyo na ba ang sulat ni Connor para sa inyo? Nakakaiyak ano, ho? Noong binasa ko kasi ay naiyak ako sa mga sinulat niya para sa inyo. Mahal na mahal niya po talaga kayo,” pang-aasar ko pa bago ako tuluyang umalis sa bahay ng mga demonyo.