“Umamin na kayong dalawa, nasaan ang mga alahas na galing sa mansiyon?” ang galit na galit na tanong ni Mama sa dalawa kong kapatid na babae.
Naisipan kong magtuloy dito sa bahay namin kaysa mag-isa lang sa condo.
Hindi kasi maganda ang pakiramdam ko at ayokong mapag-isa.
Mula kanina ng lumabas ako sa kumpanya na may narinig akong tumawag sa akin kasabay ng may bumato na tumama pa sa batok ko ay hindi na talaga ako mapakali.
Nangingilabot ako na hindi ko maintindihan dahil walang ibang tao sa paligid kanina at ako lang mag-isa.
Pero may bumato talaga sa akin dahil nagkalat ang maliliit na bato sa kinatatayuan ko. At saka, hindi talaga ako maaaring magkamali. Narinig ko talaga na may tumawag sa pangalan ko. At ganun na ganun talaga ako tawagin ni Carmencita.
Pero imposible.
Kitang-kita ko naman kung paano pinahirapan si Carmencita ng mga lalaking inutusan ko.
Nakita ko rin kung paano siya isilid sa sako at walang patumanggang pibagpapalo pa ng baseball bat.
Nakita ko pa nga kung paanong umagos ang dugo niya. Kung paanong tumalamsik ito sa iba't-ibang bahagi ng lugar ang pulang likido mula sa katawan ni Carmencita kaya hindi maaaring buhay pa siya.
At saka, hindi na siya makakaahon pa sa ilalim ng dagat. Hinding-hindi na siya makakabalik pa ng buhay.
“Ma, hindi ko nga alam. Magkakasama naman tayo mula kanina, hindi ba? Walang humihiwalay sa atin mula ng nanggaling tayo sa bahay na yon kaya bakit pinipilit mo kami na ilabas ang mga alahas? Ninakaw na nga natin nanakawin pa ba namin ulit?” sagot ni Ayin kaya nabatukan na naman siya ni Mama.
“Boba ka talaga! Anong pibagsasabi mong ninakaw natin? May nakakita na kinuha natin kaya hindi natin ninakaw. Itikom mo na lang ang bibig mo at huwag na huwag ka na lang magsasalitang babae ka. Hindi ko talaga alam kung bakit ako nagkaroon ng anak na kulang sa utak!” inis na inis pang sermon ni Mama kay Ayin.
“Ma, paanong naman niyong nasabi na hindi natin ninakaw? Hindi naman sa atin pero kinuha natin, hindi ba? Kaya pagnanakawa yon. Kahit piso lang at kinuha mo na walang paalam ay condired ng pagnanakaw kaya huwag niyong sabihing bobo ako dahil turo yan ng teacher ko.” Pagmamalaki pa ng kapatid kong sumunod sa akin.
“Anong gusto mong palabasin? Na magnanakaw tayo?” ani pa ni Mama.
“Kayo ang nagsabi niyan, Ma.”
Kahit ako ay napapikit na lang sa kahinaan talaga ng utak ni Ayin.
Pero sa puntong ito ay may laman naman talaga ang mga sinabi niya.
Hindi biro ang halaga ng mga alahas na pag-aari ng mga Chiu dahil nagkakahalaga ito ng milyon-milyo at baka nga nasa bilyon na.
May collection ng mga nagmahalang mga diamonds ang biyenan kong babae na ang iba ay namana niya pa sa mga ninuno niya kaya talagang isang piraso lang ay nakakalula na ang halaga.
“Ma, wala talaga sa amin ang nagtago o kumuha ng mga bag na yon. Magkakasama naman talaga tayo,” giit ni Crista na bahagya pang natogilan.
“My gosh! Hindi kaya kinuha na ng multo ni Ate Carmencita?”
Napatingin kaming lahat sa bunso kong kapatid na nanlalaki pa ang mga mata sa naisip.
“Ma, hindi ba at huminto nga tayo sa kalsada kanina kung saan namin nakita ni Ate Ayin iyong babae na kamukha ni Ate Carmencita? Baka siya ang kumuha habang wala tayo sa sasakyan.”
Nangunot ang noo ko sa narinig.
Anong nakita nila si Carmencita?
“Saan niyo kamo nakita si Carmecita?” tanong ko na.
“Doon sa daan na malapit sa bahay nila. Hindi ko napansin dahil malabo na mga mata ko. Pero itong dalawa mong kapatid pilit ginigiit na kamukha raw ng babaeng yon iyong babaeng nasa gitna ng daan at tumingin sa amin.” Kwento ni Mama.
“Kuya, dalawa kaming nakakita ni Crista. At talagang si Carmencita ang nakita namin. Nanlilisik pa nga ang mga mata niya habang nakatingin sa amin kaya bigla kong na preno ang sasakyan.” Si Ayin.
“Pero ng hanapin sa paligid ang babaeng yon ay bigla siyang nawala. Hinanap namin siya sa kung saan siya naglakad pero nawala siya ng parang bula.” Si Crista.
“Santi, nakausap mo na ba ang mga lalaking inutusan mo kung napatay ba talaga nila ang babaeng yon?” tanong na ni Mama.
Tumango ako at nag-isip.
“Ma, multo nga ni ate Carmencita ang nakita natin. Nagbalik talaga siya para maghiganti lalo pa at karumal-dumal ang sinapit niya bago siya nawalan ng buhay,” takot na takot na sabi ni Crista.
“Bakit ba kasi hindi mo na lang pina shoot to kill, kuya? Pwede naman na nilason mo na lang. Bakit kasi pinahirapan mo pa at kinuhanan ng video. Kaapg pumipikit tuloy ako nakikita ko ang mukha niya na namimilipit sa akin at naririnig ko ang sigaw niya sa sakit.” Paninisi ni Ayin.
“Tumahimik kayo! Walang multo kaya alisin niyo sa utak niyo yan! Lagi niyo kasing iniisip na may multo kaya natatak sa isip niyo kahit hindi naman totoo.” Ang sermon ni Mama.
Pero sa nangyari sa akin sa basement at sa kwento ng mga kapatid ko ay parang gusto ko ng maniwala na nagmumulto nga si Carmencita.
Nagbabalik nga ba ang kaluluwa niya dahil sa karumal-dumal na sinapit sa kamay ng mga dumukot sa kanya?
Paulit-ulit ko ng napanood ang mga video clip ng pagpapahirap sa kanya at talagang hindi naman nagbabago ang mga napapanood ko.
Sa sinabi ni Ayin ay ayoko na nga rin panoorin ang mga video dahil parang nadagdagan na ang takot ko at pangingilabot ko.
“Inutos ko talaga na pahirapan ang babaeng yon dahil sa mga ginawa niyang pananakit kay Desiree na kinukuhanan niya rin ng video. Tama lang na magbalik sa kanya ang mga pananakit na nagawa niya sa kapwa.” Wala akong pinagsisisihan sa mga nagawa at inutos ko para pahirapan hanggang sa patayin ang babaeng yon.
Masyado niyang kinawawa at ilang beses na pinahirapan habang sinasaktan si Desiree.
“Ang mabuti pa ay puntahan natin ang lugar kung saan hinulog ang katawan ni Ate Carmencita at magtirik tayo ng kandila. Hindi ba ganun ang ginagawa ng ibang tao? Halimbawa may na aksidente at namatay. Kung saang lugar namatay ay magsisindi ng kandila para sa kaluluwa ng namatay.” Suhestiyon ni Crista.
“Siguro nga.” Pagsang-ayon ko.
“What? Ibig mo bang sabihin ay naniniwala ka sa walang kwentang multo story na yan, Santi?!” asik ni Mama.
“Ma, wala namang mawawala kung susundin natin ang sinabi ni Crista.” Sagot ko at saka na nga kami bumiyahe sa lugar kung saan itinapon ang katawan ni Carmencita.
“Bakit ba ganitong oras tayo nagpunta? Napa creepy ng paligid,” komento ni Ayin habang nakayakap sa sarili.
Wala ngang tao sa paligid at madalang lang ang dumadaan na sasakyan.
Padilim na rin ang paligid. Malakas ang hangin at ang tanging ingay ay ang mga huni ng hayop at ang tahimik na alon ng dagat sa ilalim ng tulay kung nasaan kami.
“Nasaan na ba ang kausap mo, Santi? Bakit ang tagal namang dumating? Delikado ang lugar na ito kapag gabi dahil nga malayo sa kabayan. “ Reklamo na ni Mama.
“Kung sindihan na kaya natin ang mga kandila? Alam ko kahit hind naman sa saktong lugar kung saan namatay. Basta makapagsindi na tayo,” si Crista na inilabas na ang mga kulay puting kandila na nakalagay sa maliit na kahon na dala niya.
Ngunit maya-maya ay may namataan na akong sasakyan na parating at hindi nga nagtagal ay tumigil na ito malapit sa kung saan nakahimpil ang sasakyan namin.
Si Rambo.
“Nasaan ang dalawa mong kasamahan?” tanong koa agad dahil mag-isa lang na dumating.
“Boss, pagbigay niyo ng pera bilang kabayaran sa utos niyong pagdukot at pagpatay sa asawa niyo ay agad na silang sumibat pauwi na sa kani-kanilang mga pamilya.” Ang sagot ni Rambo.
“Saan niyo banda itinapon ang katawan ng babaeng yon? Ituro mo na at ng matapos na ang kalokohang pinaggagawan ng mga anak ko.” Utos ni Mama kay Rambo.
“Bakit ho ba, Ma'am? Ano ho ba ang problema?” usisa pa ni Rambo kay Mama.
“Huwag ka ng maraming tinatanong. Ituro mo na lang.” Ang sabi ko.
Lumingon-lingon sa paligid si Rambo.
“Hayun!” aniya at saka nilapitan ang parte ng kalsada na kanyang itinuro.
“Heto pa pala ang bakas ng dugo ng babaeng yon.”
At may bakas nga sa kalsada. Kulay itim na ito dahil natuyo na pero naroon pa rin ang mantsa.
“At dito mismo sa pwesto na ito itinapon namin ang sako.” Turo na ni Rambo sa mismong pwesto ng pinagtapunan sa katawan ni Carmencita.
“Let's go. Sindihan na natin ang mga kandila at mag-alay tayo ng mga dasal para matahimik ang kaluluwa ni Ate Carmencita.” Binigyan na kami ni Crista ng kanya-kanyang kandila pero hindi namin masindihan sa sobrang lakas ng hangin sa paligid.
“Ate, sorry sa mga nagawa namin sayo pero manahimik ka na sa kung nasaan ka man ngayon,” bulong pa ni Crista ng makahanap ng pwesto para matakpan ang hangin at hindi mamamatay ang apoy ng kandila.
“Huwag niyong sabihin na minumulto kayo ng babaeng yan?” usisa pa ni Rambo na nakangisi habang nakamasid sa paghihirap namin na masindihan ang lahat ng mga kandila na dala namin.
“Nakakatuwa at ngayon lang ako nakakita ng mga taong pinapatay ang isang tao pero sila mismo ang nagtitirik ng kandila para sa kaluluwa nito,” komento pa ni Rambo na bahagya pang natawa.
Tinatawanan niya kami dahil nakakatawa nga naman itong ginagawa namin para matahimik ang kaluluwa ni Carmencita.
“Pwede ba kung sino ka man ay manahimik ka kung wala kang magandan sasabihin. Palibhasa halang na ang iyong kaluluwa kaya ka ganyan ng mag-isip at kumilos. Hindi ba at ikaw ang siyang dumukot, nagpahirap at pumatay kay Carmencita?” pagpapatigil ni Ayin kay Rambo.
“Miss, ako nga. Pero hindi ako naniniwala sa multo. Pananakot lang ang kayang gawin ng multo pero hindi na siya makakapanakit pa. Sa buhay na tao ka dapat matakot dahil kayang-kaya ka talagang saktan at patayin. Tulad niyo, hindi ba? Nakakatakot kayo dahil nakuha niyong magpapatay ng isang tao.”
Mabilis kong dinakot ang kwelyo ng damit ni Rambo at saka nanlilisik ang mga matang tiningnan ko siya.
“Relaks lang, boss. Masyado ka naman pikon na nagsasabi lang naman ako ng totoo,” katwiran ni Rambo na tinaas lang naman ang mga kamay na tanda ng hindi siya lalaban.
“Itikom mo ang bibig mo dahil hindi ko gusto ang lumalabas. Mabuti pa ay umalis ka na at iwan mo na kami bago pa magdilim ang paningin ko at isinunod ko ang katawan mo sa katawan ni Carmencita sa dagat na yan.” Banta ko pa kay Rambo na nakangisi lang naman.
Binitawan ko na siya at saka na rin siya naglakad patungo sa kanyang sasakyan.
“Mabuti pa ay umuwi na rin kayong lahat. Delikado ang lugar na ito dahil madalas may mga nag-aabang para mang-hijack. At muli kong paalala na mas nakakatakot ang taong buhay kaysa sa multo.” Paalala ni Rambo bago pa sumakay sa kanyang sasakyan.
“Ang mabuti pa nga ay umalis na tayo. Nakapagsindi na rin naman tayo ng mga kandila at nanalangin s katahimikan ng kaluluwa ni Ate Carmencita,” pagyaya ng umalid ni Crista.
“Palamig na ng palamig ang simoy hangin at nakakadagdag kilabot sa paligid. Para bang may nakamasid sa atin. Nakakakilabot!” usal ni Ayin at saka niyakap na naman ang sarili.
Sobrang tahimik talaga ng lugar kung nasaan kami sa kabila ng sementado naman at maayos ang mahaba at matibay na kalsada at tulay.
Kung totoo man na nagmumulto si Carmencita ay matahimik na sana siya.
“Patawarin mo ako sa nagawa ko sayo, Carmencita. Nakipagmatigasan ka pa naman kasi. Kung sanang naging mabait ka at naging sunod-sunuran na lang sa mga nais ko ay baka hinayaan na lang kitang mabuhay kasama pa ang anak nating si Connor. Manahimik ka na rito at huwag mo na kaming takutin at guluhin pa dahil wala ka na rin namang magagawa pa. Patay ka na. At mananatili ka na lang isang alaala,” bulong ko pa sa hangin habang nakatingin sa tubig ng dagat. Inihulog ko na rin ang kandila na sinindihan ko at saka ang bulaklak na alay ko sa katawan at kaluluwa ng babaeng dahilan kung bakit mabubuhay na ako sa paraan na gusto ko.
Ang nakahiga sa pera.