ANNALOU
"OH, my, God, Annalou!" masayang salubong sa kanya ni mama Sandara.
Naabutan ko silang dalawa ni papa Benedict na nakaupo sa sala.
Mahigpit niya akong niyakap. Lumapit na rin sa amin si papa Benedict at tinapik ang aking balikat.
"Welcome back, iha. Mabuti naman at bumalik ka," aniya ng naka-ngiti.
Nahihiya akong ngumiti sa kanya.
"Annalou, 'wag mo na ulit uulitin ang umalis, ha. Masyado mo kaming pinag-alala," umiiyak na sambit naman ni Mama. Hinaplos ko ang kanyang likod upang pakalmahin siya.
"S-Sorry po," hingi ko ng pasensya sa kanya. Lumambot ang puso ko nang marinig ko ang mga katagang binitawan niya. Nakonsensya tuloy ako. Hindi ko lubos akalain na hahanapin nila ako at nag-alala sila sa akin. Maging ako ay napaluha na rin.
Bumitaw siya sa akin at tinitigan akong mabuti. Pinaghalong saya at pag-aalala ang mababanaag sa kanyang mga mata.
"Kumain ka na ba?" may pag-aalala niyang tanong.
Hindi pa man ako nakakasagot ay biglang sumulpot sa likuran ko si Steven.
Ngumiti si Mama sa kanya at nilapitan upang yakapin.
"Thank you, son, for bringing her back here," sambit ni mama sa kanya.
Si mama pala ang nag-utos na hanapin ako. Sabagay bakit naman niya ako hahanapin at pipilitin na pauwin dito, 'e ayaw nga niya sa akin! Sa isip-isip ko.
Flashback:
"Open this goddamn door, woman!" malakas niyang sigaw mula sa labas at sinabayan niya pa ito ng malalakas na pagkatok sa pinto. Kanina pa ako nabibingi sa kanya at kanina pa ako nakakarinig ng reklamo mula sa mga kapitbahay. Sobrang nakakahiya na ang ginagawa niya.
Ano na ba ang dapat kong gawin? Ayaw ko na ngang bumalik doon dahil sa kanya tapos heto siya't susunduin ako dito.
Maya-maya ay tumahimik na sa labas. Nakahinga ako ng maluwag dahil doon. Pero hindi pa lumipas ang dalawang minuto ay may kumatok ulit sa aking pintuan. Ngunit mahinahon na ang katok, hindi na kagaya kanina.
"Ineng, buksan mo ang pinto!" sigaw ng landlady mula sa labas. Napatayo ako sa aking pagkaka-upo sa semento. Nanlaki ang aking mga mata. Bwisit talaga! Mukhang pinuntahan niya ang may-ari para magpatulong na buksan ko ang pinto.
Dahan-dahan akong naglakad palapit sa pinto at ponihit ang seradura nito. Sumilip ako at hindi ko pa ito binuksan ng tuluyan.
Nahihiya akong ngumiti sa kanya.
"Bakit po, ate?"
Pinameywangan niya pa ako bago nagsalita.
"Hays, buti naman at nagbukas ka na ng pinto. 'Yong boyfriend mo kanina pa katok nang katok dito sa labas. Nakaka-istorbo na rin kayo sa mga kapitbahay. Ang aga-aga niyo mambulahaw!" tuloy-tuloy niyang sabi.
Sa dami ng sinabi niya ay isa lang talaga ang tumatak sa utak ko at paulit-ulit kong naririnig.
Boyfriend? Nagpakilala siyang boyfriend ko? Ano bang trip niya?
"I'm sorry, Mam sa istorbo. Don't worry I will pay for the damages," sabat ni Steven na nasa gilid lang pala at nakatayo. Hindi ko siya nakikita dahil nakaharang ang pinto na hanggang ngayon ay hawak ko pa rin. Matamis naman siyang nginitian ng landlady.
"Walang anuman iyon, pogi," kinikilig nitong sambit. Napairap na lang ako sa kanilang dalawa.
Nang makaalis na 'yong landlady ay hindi ko napag-handaan ang ginawang pagtulak ni Steven sa pintuan.
"Ano ba?!" singhal ko sa kanya. Ngunit hindi man lang siya natinag sa sigaw ko. Masama niya lang akong tinitigan.
"Alam mo kanina pa ako nagtitimpi sa'yo. Kung wala lang talagang makakakita sa gagawin ko, kanina ko pa sana ginawa!" singhal niya.
"Bakit? Ano bang plano mong gawin sa akin?" Balik sigaw ko sa kanya.
Hindi ko alam kung saan ako kumukuha ngayon ng tapang para sagutin siya at sigawan siya ng ganito. Hindi ako sanay sa mga ganitong eksena kaya mabilis akong panlambutan ng mga tuhod. At hindi ko iyon pinahalata sa kanya.
Hindi niya ako sinagot sa halip nilibot niya ang mga mata sa kabuuan ng bahay. At maya-maya lang ay lumapit siya kung saan nakalagay ang mga gamit ko.
"S-sandali.. s-saan mo dadalhin 'yan!" pigil ko sa kanya.
Galit niya akong nilingon.
"Uuwi na tayo, okay. I don't want to make an argue with you here. Kung ayaw mo sumama, p'wes maiwan ka dito, pero dadalhin ko mga gamit mo!" matigas niyang sabi at mabilis na humakbang palabas nitong bahay. Nataranta ako nang tuluyan na siyang makalabas.
'Yong mga gamit ko!
Hindi ko alam kung kukunin ko pa ba ang mga gamit na nabili ko kagabi. Wala na akong choice kun 'di ang sumama sa kanya. Nandoon sa mga gamit ko ang kaisa-isang ala-ala ni Mama.
At imposibleng ibibigay niya iyon sa akin.
Kinandado ko na lang ang pinto ng bahay at tumakbo para habulin siya.
"Sandali!" sigaw ko nang tuluyan ko na siyang mahabol.
Lumingon naman siya sa akin. Nandito na kami sa labasan at nakatingin na sa amin ang halos lahat ng kapitbahay. Eskinita ito at lugar ng mga squatter kaya kapag ganitong umaga'y maraming tao dito sa labas. Kagaya lang din kung saan kami tumira noon ni Mama.
"What? Sasama ka na ba?"
Tumango ako.
Nagulat ako sa biglang paghagis niya ng mga gamit ko sa kain. Mabuti na lang ay nasalo ko ang mga ito.
"Nag-iinarte ka pa, sasama ka rin pala," sambit niya.
Inirapan ko siya bago ko binaba ang tingin sa hawak kong bag.
'Kung tumakbo na lang kaya-'
"Kung binabalak mo na tumakas, 'wag mo ng balakin. Kung ayaw mong buhatin pa kita papasok ng kotse ko," matigas niyang pagbabanta na tila ba narinig niya ang nilalaman ng utak ko kanina.
Padabog akong nakasunod sa kanya hanggang sa makarating kami kung saan nakaparada ang kotse niya.
"Get in!" utos niya. Binuksan niya pa ang passenger seat at hinintay akong makapasok sa loob bago niya pabagsak na sinara ang pinto.
Napapitlag ako sa gulat.
"Bakit dito mo ako pinasakay? Pwede namang sa likod," tanong ko sa kanya. Masama siyang tumingin sa akin habang inaayos ang seatbelt niya.
"I'm not your driver!" matigas niyang sabi. "At pwede ba, 'wag kang maingay hanggang sa makarating tayo sa bahay. I want a peace ride," paalala niya pa.
Tumango na lang ako at hindi na nagsalita pa. Gusto ko pa sana itanong 'yong tungkol sa sinabi kanina ng landlady na pagpapakilala niya bilang boyfriend ko, kaso nanahimik na lang ako at sinunod ang kanyang utos. Sa buong byahe ay nakatingin lang ako sa labas ng bintana. Siguro ay babalik na lang ulit ako doon para kunin ang mga gamit ko. Sayang din iyon.
"Kumain ka ng marami, Annalou. Feeling ko pumayat ka na agad," saad ni Mama Sandara. Nilagyan niya ng sinangag ang plato ko at nilagyan niya pa ng dalawang itlog at hotdog.
Naiilang naman ako sa pag-aasikaso na ginagawa niya dahil ramdam ko na naman ang mainit na titig ni Steven sa akin. Hindi ko na nga inaangat ang tingin ko para hindi magtama ang mga mata naming dalawa.
"Oh, gatas para sa'yo," si Manang Cecil.
Tiningala ko siya at nginitian.
"Salamat po, Manang."
Binalingan ko naman si Mama. "Salamat po, mama."
Ngumiti siya sa akin at hinaplos ang buhok ko.
"Kumain ka nang kumain. Pagkatapos mo diyan, mag-ayos ka na sa kwarto mo at aalis tayo mamaya," wika niya. Nagtaka naman ako.
"Saan po tayo pupunta?"
"Ipapasyal kita sa mall mamaya," masaya niyang pahayag sabay baling ng tingin kay Steven. "Samahan mo kami, Steven," aniya dito. Hindi ko nakita ang ekspresyon ng kanyang mukha dahil sinasadya ko talagang hindi mapatingin sa kanya.
Lahat ng atensyon nila ay nasa akin. Sobra akong natutuwa dahil doon. Ang sarap sa pakiramdam na kahit wala na akong mga magulang ay narito sila para iparamdam sa akin na hindi ako nag-iisa.
Pero hindi ko pa rin maiwasan ang makaramdam ng pagka-ilang. Lalo na kapag tumititig sa akin si Steven. Pakiramdam ko kasi ay naaagaw ko ang atensyon ng mga tao sa paligid niya na dapat ay nasa kanya.
Pagkatapos mag-almusal ay umakyat na ako para magtungo sa aking silid.
Natigilan ako sa paglalakad nang makita ko si Steven na nakasandal sa pintuan ng kanyang kwarto.
Yumuko ako at dumiretso lang sa aking paglalakad hanggang sa matapat ako sa kanya.
"Why don't you show your true colors so that mommy and daddy will dislike you?" sarkastiko niyang tanong.
Nilingon ko siya at diretsong tumingin sa kanyang mga mata.
"H-Hindi ko alam ang sinasabi mo," sambit ko.
Ngumisi siya at humakbang palapit sa akin. Umatras naman ako hanggang sa mapasandal na ako sa pinto ng kwarto ko. Nakalagay pa ang kanyang mga kamay sa magkabilang bulsa ng kanyang pantalon.
"C'mon, I know that you're only after the money of this family. And you really plan to take everything from me, huh?"
"Wala akong inaagaw sa'yo. At ang sinasabi mong pera lang ang habol ko dito, 'e 'di sana hindi na ako sumama sa'yo pabalik dito. Kaya kong mabuhay mag-isa. Kaya kong buhayin ang sarili ko. 'Wag mo akong paparatangan na pera lang ang habol ko sa pamilya mo. Malaki ang utang na loob ko kina Mama Sandara at Papa Benedict," mahaba kong saad.
Bago ako tumalikod ay nakita ko pa ang pagkagulat sa kanyang mukha na agad rin namang nawala.
"Your true personality will eventually come out. And when that day comes, I'll make sure that Mommy and Daddy themselves will be the ones to kick you out of here," galit niyang banta sa akin.