Chapter 4 - Tumakas

1389 Words
ANNALOU "OKAY ka na ba dito, ineng?" tanong sa akin ng landlady habang ngumunguya siya ng bubble gum. Ang may-ari nitong uupahan ko na kwarto dito sa eskinita malapit sa palengke. Maliit lang pero pwede ng pagtyagaan, ako lang naman ang mag-isa. Ang importante ay may matutulugan ako at matutuluyan. Mabuti na lang ay may pera ako na naitabi mula sa mga abuloy na natanggap ko no'ng burol ni Mama. Hindi ko naman na kasi ito nagalaw dahil sinagot na nila Mama Sandara ang natirang bayarin sa punerarya. "Maraming salamat po, ate," saad ko sa kanya at tuluyan na akong pumasok sa loob. Inabot niya sa akin ang susi na agad kong tinanggap. "Maiwan na kita dito. Kung may kailangan ka, puntahan mo lang ako sa bahay," paalam niya sa akin. Nilingon ko siya at nginitian. Marahas na bumuntong hininga ang pinakawalan ko. Nilibot ko ang mata sa buong kwarto. Maganda na rin dahil may sariling banyo dito sa loob. Hindi gaya sa iba na ang banyo ay iisa lang at nasa labas pa. May bintana na maliit, binuksan ko ito para may makapasok na hangin. One thousand five hundred ang upa ko dito pero nagbayad ako ng one month advance at one month deposit. Sa tubig naman at kuryente ay sub-meter. Twenty five per kilowatts sa kuryente at fifty per cubic naman sa tubig. May natitira pa akong pera, makakabili pa ako ng kahit maliit na electricfan at banig para sa aking hihigaan. Nagsimula na akong maglinis. Hindi naman gaanong marumi dahil nilinis na raw ito ni Ate kahapon. Konting walis na lang at punas ng sahig ang ginawa ko. Pagkatapos maglinis ay inayos ko na ang mga dala kong bag na pinaglagyan ko ng mga damit. Nilagay ko sa gilid kung saan ako matutulog. Naglabas na rin ako ng damit ko na pamalit. Maliligo muna ako bago pumunta sa palengke para bumili ng iba pang gamit, bibili na rin ako ng pagkain ko dahil nakaramdam na rin ako ng gutom. Gabi na. Mabuti na lang ay may night market dito kaya may mabibilhan pa ako. Habang naliligo ay nanumbalik sa isip ko ang ginawa kong pagtakas kanina sa mansyon. "Mama Sandara, mabuti naman po at uuwi na dito si Steven," masaya kong sambit sa kanya. Ang ngiti niya ay abot hanggang kanyang mga mata at ayaw kong mawala iyon. Inisip ko na magpaalam sa kanya, pero hindi ko na tinuloy. Pagkatapos mag-ayos ng hapag-kainan ay nagpaalam akong aakyat muna ng aking silid. Nagkunwari akong maliligo muna bago sumapit ang tanghalian. Pagkapasok sa kwarto ay agad kong binitbit ang dalawa kong bag. Kung ano lang ang dala ko no'n magpunta dito, ay 'yon rin ang bitbit ko paalis. Busy sila sa baba. Mula dito sa hagdan ay rinig ko sila sa kusina na nagtatawanan. Sinamantala ko ito. Mabilis akong tumakbo patungo sa pinto. Lagi naman itong nakabukas kapag ganitong oras. Habang naglalakad palayo sa mansyon ay malakas ang pagtahip ng aking dibdib. Kinakabahan ako dahil baka may makakita sa akin na kasambahay. Nang makarating ako sa gate, nakahinga ako ng maluwag nang walang nakabantay na guard. Marahil ay kumuha na ito ng pagkain sa loob ng mansyon. Dalawa lang kasi ang guard dito. Ang isa ay naka-duty sa umaga at ang isa naman ay sa gabi. Mabilis kong tinakbo ang gate at agad itong binuksan. Napalingon-lingon ako kung sa kaliwa ba o sa kanan ako dadaan. Mabuti na lang ay may dumaan na guard nitong subdivision. May dala siyang tricycle ngunit walang bubong ang sidecar. "Iha, saan ka ba pupunta?" tanong niya sa akin. Naglumikot ang mga mata ko at naghanap ng magandang sasabihin. Baka kasi akalain niyang magnanakaw ako dahil sa mga dala kong bag. "Ahm.. Kuya, palabas na po kasi ako nitong subdivision, pwede mo po ba akong ihatid palabas?" "Pwede naman," pagpayag niya kaya naresolba rin ang problema ko. Pagkuwan ay napatingin naman siya sa bitbit ko na bag. "Ano ba iyang mga dala mo?" "A-Ahh... mga d-damit ko po. M-Magbabakasyon po kasi ako sa probinsya namin," mabilis kong sabi. Nagkanda-utal utal pa ako dahil sa matinding kaba na aking nararamdaman. Pinasakay naman niya ako agad pagkatapos kong sagutin ang katanungan niya. Bago makalayo ng tuluyan sa mansyon ay sumulyap pa muna ako doon. 'Maraming salamat po sa inyo!' bulong ko. Hapon na nang makarating ang sa palengke. Mas inuna ko muna ang maghanap ng matitirhan na bahay. Marami akong nahanap kaso hindi kaya ng budget ko. At swerte ko naman na nakahanap ako ng mas mura lang at alam kong afford ko. "Bili na kayo mga bagong labas na damit, singkwenta pesos lang!" "Bargain na lang, bargain na lang mga suki!" Sigawan ng mga tindero at tindera habang inaalok ang kanilang mga paninda. Malawak ang palengke nila dito. Maraming nagtitinda at marami ring tao kahit gabi na. Nang makita ko ang pakay ko ay doon ako agad na nagtungo. "Ate, magkano po ang banig niyo?" "Ano'ng size ba?" "Single lang po," tugon ko. "Two hundred fifty lang." "Wala na po bang tawad?" "Bibili ka ba?" paniniguro niya. Tumango ako. "Sige, tutal magsasara na rin ako maya-maya, two hundred twenty na lang," aniya. Agad akong dumukot ng pera sa aking wallet. "Maraming salamat po," sabi ko at kinuha sa kanya ang nilagay niya sa plastic na banig. Pinagpag niya pa sa lahat ng paninda niya ang binayad ko na pera. Naglakad-lakad pa ako hanggang sa makakita naman ako ng nagtitinda ng kumot at unan. Marami sana kaming ganito noon sa bahay, ang kaso pinamigay ko na sa kapitbahay namin. Hindi ko naman kasi alam na mangyayari ito, 'e 'di sana dinala ko rin ang mga iyon sa mansyon. "Bili ka na ate, unan at kumot. Dalawa two hundred fifty na lang, magsasara na kasi ako," alok sa akin ng binatilyo. Mura na kaya binili ko na. Sunod na pinuntahan ko naman ay ang tindahan ng mga electricfan. Ang mahal at kukulangin na ako sa pera. Kailangan kong tipirin ito hanggang sa makapaghanap ako ng trabaho, kahit dito lang sa palengke. Nagtiyaga na lang ako sa clip fan, mahangin rin naman ito. Kumpleto na ang gagamitin ko para sa ngayong gabi. Sunod na pinuntahan ko naman ay ang karinderya. Isang ulam at isang kanin lang ang in-order ko. Kulang ito para sa akin pero kailangan kong magtipid, dahil hindi ko alam kung kailan ako makakakuha ng trabaho. Kung makakuha man ako agad ay hindi rin naman arawan ang sahod. Ang alam ko kasi dito ay lingguhan ang sahod o kaya naman ay tuwing kinsenas at katapusan. Pagka-uwi sa bahay ay agad kong inayos ang aking higaan. Ni-lock ko ng mabuti ang aking pintuan. Mahirap na at baka pasukin ako dito, ako lang pati ang mag-isa. Nang maayos ko na ang hihigaan kong banig ay nahiga na ako. Mabuti na lang at sanay ako sa ganitong buhay kaya hindi mahirap para sa akin. Hindi naman mawala sa isip ko sina Mama Sandara at Papa Benedict. Napapa-isip ako kung hinahanap ba nila ako ngayon o hindi. Siguro ay hindi na nila mapapansin na wala ako sa mansyon dahil masaya sila ngayon. Umuwi si Steven at kumpleto na silang pamilya. Sigurado ring masaya na si Steven ngayon at pipirme na siya sa bahay nila dahil wala na ako at hindi na niya ako makikita pa. May ganoon pa lang tao na kahit wala ka namang ginagawang masama sa kanya ay galit na agad sa'yo. Nakatulog ako mula sa malalim kong pag-iisip. KINABUKASAN nagising ako mula sa sinag ng araw na pumapasok galing sa bintana. Dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata. Nakalimutan ko pa lang isarado ang bintana kagabi. Dahil sa sobrang pagod ay nakatulog ako ng mahimbing. Bumangon na ako at nagtungo ng banyo para makaligo. Kailangan kong umalis ng maaga para maghanap ng trabaho. Doon na rin ako magkakape at kakain ng almusal. Nasa banyo pa lang ako ay may naririnig na akong kumakatok sa aking pintuan. Marahil ay ang landlady ito. "Sandali lang!" sigaw ko. Binilisan ko na ang pagbabanlaw ng aking katawan. Dito na rin ako nagbihis sa banyo. Habang nagsusuklay ng aking mahabang buhok ay binuksan ko ang pinto. "Bakit po at-" naiwan sa ere ang sinasabi ko nang buksan ko ang pinto. Muntik pa akong mapasubsob sa gulat ng mapag-sino ko ang tao na kumakatok mula pa kanina. 'Paano niya ako nahanap?'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD