Chapter 37
Ayesha's POV
Hindi ko alam kung saan ako nakakakuha ng lakas ng loob para salubungin ang mga tingin ng mahal na reyna. Basta ang alam ko lamang ay nais ko nang malaman na niya ang totoo. Sa paglipas ng sandali na nananatili akong tahimik ay unti-unti ko na namang nararamdaman ang paghigpit ng kapit niya sa aking braso.
Pakiramdam ko tuloy ay namamanhid na ito dahil hindi na ganoon kasakit. O sadyang nakokontrol na ng mahal na reyna ang hawak niya sa akin.
"Sa Kaliwag, mahal na reyna." Hindi ko alam kung paano ngunit oo, nagawa kong umamin sa kanya. Mas lalo pa na humigpit ang kapit niya sa akin. Ngunit agad rin naman niya akong patulak na binitiwan.
"Mula ngayon ay hindi ka muna lalabas ng iyong silid." Nagulat ako sa sinabi niya. Alam ko na nabakas sa mukha ko ang pagprotesta kaya muli na naman siyang nagsalita. "Subukan mo akong suwayin sa pagkakataon na ito, Ayesha, may kalalagyan ka sa akin," sambit na mahal na reyna na hindi ko alam kung bakit hindi man lang nagdulot ng takot sa akin.
"Ngunit--"
" Wala nang ngunit, Ayesha! Ang gusto ko ay hindi ko muna lalabas ng iyong silid! Nagkakaintindihan ba tayo?" Naikuyom ko na lang ang aking kamao dahil sa mga gusyo niyang mangyari.
"Hindi, mahal na reyna. Hindi tayo nagkakaintindihan. At kahit na kailan ay hindi ko kayo maiintidihan." Halos matawa ang mahal na reyna dahil sa sinabi ko. At hindi ko maiwasan ang mainsulto sa ginawa niyang pagtawa.
"Pwes, Ayesha, hindi ka lalabas—nagkakaintindihan man tayo o hindi!" matigas pa niyang sabi na siyang nakapagpainis sa akin.
"Hindi ninyo ito maaaring gawin sa akin, mahal na reyna!" sambit ko at pinipigilan ko na hindi magtaas ng boses. Ayoko naman na mabastos ko ang aking ina ngunit hindi rin nsman niya ito pwedeng gawin sa akin.
"At bakit hindi, Ayesha? Bakit hindi namin ito maaaring gawin sa iyo gayong nakakaya mo na takas-takasan lang kami?" Hindi na napipigilan ng mahal na reyna at unti-unti nang tumataas ang boses niya. May kirot ako na naramdaman sa aking dibdib sa sinabing iyon ng mahal na reyna.
Hindi ko tuloy maiwasan ang makonsensya dahil tama naman siya. Nagagawa ko na takasan sila para lang makapaglibang. Ngunit sobra naman ang kagustuhan niya na hindi muna ako lalabas ng aking silid. Para namang labis na kaparusahan ang nais niya na mangyari. Alam naman niya na hindi ako nakakatagal sa loob ng aking silid nang walang ginagawa.
Kaya nga madalas niya akon kagalitan noon dahil sa lagi akong gumagala sa labas ng palasyo. Ngunit nang magsawa na ako sa mga nakikita ko sa loob at labas ng palasyo ay naghanap ako ng bago. Hanggang sa makaramdam ako ng kuryosidad tungkol sa kung ano ang mayroon sa Kaliwag at kung bakit hindi ko iyon maaaring mapuntahan. Kaya nag-isip ako ng paraan at inalam ko ang lahat sa kung paano ako makakarating doon.
Kaya ngayon na pagbabawalan niya ako na akong makalabas ay paano ko pa malilibang ang aking sarili? Hindi ko kakayanin ang magtagal dito sa aking silid nang walang ginagawa.
"Ngunit hanggang kailan ninyo itong gagawin sa akin, mahal na reyna?" tanong ko at muli ay marahan siyang natawa gayong wala namang nakakatawa sa tanaong ko. At sa tingin ko ay iniinsulto ako ng mahal na reyna sa kanyang mga tawa.
"Hanggang sa magtanda ka, mahal na prinsesa! Huwag mo akong susubukan. Masyado nang lumalaki ang iyong ulo. Unti-unti nang humahaba ang iyong sungay. Kailangan nang putulin ang mga iyan bago pa kami ang masuwag mo!" Hindi ko naman naiwasan ang mapakunot ang aking noo dahil sa sinabing iyon ng mahal na reyna. Nagdulot ito sa akin ng labis na kalituhan.
Tila ay nahalata niya ang pagkalito sa aking mukha ngunit hindi ko man lang siya nakitaan ng pag-aasam na ipaliwanag ang bagay na kinalito ko. Hindi naman din na ako nagtanong pa at hinayaan ko na lamang iyon.
"Mahal na reyna, nakikiusap ako sa iyo! Huwag naman ninyo itong gawin sa akin." Pagmamakaawa ko ngunit tila ba wala siyang naririnig. Hinawakan ko siya sa braso ngunit tinanggal niya rin naman ang pagkakahawak kong iyon.
"Maswerte ka pa nga at iyan lang ang iyong kaparusahan. Hindi mo ako madadaan sa pagmamakaawa mo, Ayesha! Dito na nagtatapos ang ating usapan. Hindi ka lalabas ng iyong silid. Lalabas ka lamang sa oras ng iyong pagsasanay!" Nagsimula nang humakbang ang mahal na reyna papunta sa pintuan ng kwarto ko. Palabas na siya ngunit hindi ko pa rin siya nakukumbinsi na bawiin ang kaparusahan niyang iyon.
Sigurado ako na maninibago ako kung susundin ko siya. Sanay na akong pumunta ng Kaliwag. At sigurado ako na magtatakha si Javadd sa oras na hindi na ako muli pang nagpakita sa kanya nang wala man lang paalam. Baka mag-alala pa siya sa akin. Lagi ko na lang siyang pinag-aalala at ayoko nang mangyari ulit ang ganoon. Kaya kung itutuloy ng mahal na reyna ang pagpaparusa sa akin na hindi lalabas ng silid hangga't hindi niya sinasabi ay wala akong ibang magagawa kundi ang mag-isip ng paraan upang muling makatakas.
Bigla na lamang bumagsak ang magkabila kong balikat nang tuluyan na ngang makalabas ang mahal na reyna ng aking silid. Talagang tinotoo niya ang kaparusahan ko. Naupo ako sa aking kama at napatulala na lang. Hindi ko lubos maisip na magagawa ito sa akin ng mahal na reyna. Alam ko na kalabisan ang ginawa ko ngunit sobrang kaparusahan naman ito.
Ngunit hindi ako makakapayag dahil ngayon pa lamng ay mag-iisip na ako ng paraan upang muli ay makatakas sa lahat. Sa Kaliwag lamang ako tunay na nagiging malaya.
Tumayo ako at muling lumapit sa balkonahe ng aking silid upang tanawin ang ibang bahagi ng kaharian ng Vittoria upang makita kung ano pa ba ang maaari kong magawa.
Ngunit pagsilip ko pa lang sa baba ay halos malaglag ang panga ko sa aking nakita. Mayroon nang mga kawal ang nagbabantay sa ibaba ng balkonahe ng aking silid. Naikuyom ko na lang aking aking magkabilang kamao dahil ala ko na ang mahal na reyna ang nagtalaga sa mga iyon. Tila ba iyon agad ang ginawa niya paglabas na paglabas pa lamang niya mula sa aking silid.