Chapter 1
Chapter 1
Ayesha's POV
"Magandang araw, Prinsesa Ayesha..." sunod-sunod na bati sa akin ng mga tagasilbi. Tango lamang ang tangi kong sagot. Nagtungo ako sa aking silid kasama si Markiya, ang aking tagapangalaga.
Inihanda niya agad ang aking damit-pantulog. Hinubad ni Markiya ang aking marangyang kasuotan at tinulungan akong magpalit.
"Sigurado po ba kayong hindi mo sasabayan sa hapunan sina Haring Horhe at Reyna Rodora?" tanong ni Markiya. Umiling ako at humiga na. Wala na siyang nagawa kundi ang kumutan na lamang ako at narinig ko na ang pagsarado ng pinto.
Ako si Ayesha. Naninirahan kami sa La Vitre—ang ang ilalim ng mundo. Kaming mga Lavitran ay naniniwala na sa itaas ng aming mundo ay mayroong mga naninirahang ibang lahi. Mundong ibabaw kung tawagin namin ang lugar sa itaas kahit wala pang nakakapagpatunay na mayroon ngang buhay sa labas ng aming mundo.
Ilang sandali na rin mula nang maiwan akong mag-isa ay muli akong bumangon. Inilabas ko ang aking sumpil—ang maskarang puti na palatandaan na ako ay taga-rito sa Vittoria.
Vittoria ang kahariang pinamumunuan ng aking mga magulang. Sa labas nitong Vittoria ay ang Kaliwag, tirahan ng mga pangkaraniwang Lavitran. Sa kabilang dulo ng Kaliwag ay ang kaharian naman ng mga taga-Argenia.
Pinakamahigpit na katunggali naming mga Vittorian ang mga Argenian. Ang magkabilang panig ay parehong naghahangad na pamunuan ang buong La Vitre.
Sa bintana ng aking silid ako lihim na dumaan. Maingat akong bumaba upang hindi marinig ng mga kawal na nagbabantay sa aming palasyo. Nang marating ko ang aking pakay ay hinawi ko agad ang mga halaman na tumatakip sa nilikha kong maliit na butas sa matayog na pader.
Ngayon ko pa lamang makikita kung anong mayroon sa labas ng aming kaharian. Hindi ko alam kung anong sasalubong sa akin doon. Bilang isang prinsensa, hindi ako maaaring tumapak sa labas ng kaharian hangga't wala pa ako sa hustong gulang na dalawampo. Labing-walong taon pa lamang ako sa ngayon at hindi ko na mahihintay ang dalawa pang taon.
Nang makalusot ako sa butas ay mga halaman din ang sumalubong sa akin. Ilang gabi ko ring pinagpuyatan ang butas na 'to. Matiyaga akong nagtibag ng bato sa tuwing wala ritong bantay.
Nang mahawi ko ang mga halaman ay tumambad sa akin ang dami ng mga Lavitran. Hindi kasinggarbo ng mga nasasakupan namin sa Vittoria ang kanilang kasuotan. Ang nagsusuot sa amin ng ganiyang kasuotan ay pinakamababang uri ng tagasilbi.
Itinali ko ang puting maskara sa likod ng aking ulo. Tinatakpan ng maskara ang aking ilong, bibig, pisngi at baba. Mata lamang at noo ang kita sa aking mukha. Sabi ng aking ina, nagsusuot kami ng puting maskara sa tuwing may digmaan o di kaya'y lalabas ng kaharian.
Sinubukan kong humakbang at pinagtinginan agad ako. Mabilis nilang natukoy ang lahi ko dahil sa aking maskara. Mas mabuti na ang ganito. Alam lamang nila na isa akong Vittorian at hindi ang pagiging prinsesa ko.
Sinubukan kong makisabay sa mga naglalakad hanggang sa mapunta ako sa tila ay kanilang pamilihan. Nakakita ako ng mga nakapilang tindahan ng mga pagkain. Ngayon lamang ako nakakita ng ganito. Hindi naghahanda ng ganito sa palasyo. Gusto ko pa naman sanang tikman dahil tila sarap-sarap ang mga Lavitran na tumitikim.
"Bili ka na," alok ng tindera nang madaanan ko ang tindahan ng maliliit na prutas.
"Magkano?" tanong ko.
"Isang pilak lamang." Nagulat ako dahil sa mura ng tinda ritong pagkain. Hindi man ako nakakapamili sa malaking pamilihan namin sa loob ng Vittoria dahil gawain iyon ng mga tagasilbi pero batid kong hindi bababa sa dalawampung pilak ang piraso ng aming kinakain.
Inilabas ko ang aking pitaka ngunit wala ritong pilak. Inabutan ko na lamang siya ng ginto. Nagulat ang tindera dahil sa aking ibinayad.
"Wala akong pilak. Ginto lamang ang aking maibabayad. Puwede na ba 'to?"
"Sige lang, sige lang. Kumuha ka pa kahit ilan ang gusto mong kainin." Natuwa ako sa sinabi niya. Iba't ibang uri ng kakanin at prutas ang tinda niya kaya kumuha ako ng tag-iisa.
"Ayos lang po ba kung ganito karami?" tanong ko.
"Ayos lang iyan. Kulang pa nga ang iyong kinuha sa laki ng binayad mo. Kumuha ka pa ng gusto mo," sabi ng tindera.
"Ayos na siguro ito. Sa inyo na kung magkano man ang labis." Umalis na ako at nagpatuloy sa paglalakad bitbit ang supot ng mga pagkain. Sa paglalakad ay nadaanan ko ang umiiyak na mga bata dahil pinapagalitan sila ng isang lalaki.
"Ito lang ang napagbentahan n'yo ng mga tela? Saan n'yo dinala ang mga pilak?" sigaw ng lalaki. Pinagtitinginan lang sila ng mga dumaraan dahil mukhang mga natatakot din sila sa lalaki. "Mga walang silbi!" bigkas niya at pinaghahampas ng patpat ang mga bata.
"Itigil mo 'yan!" sigaw ko at lumapit sa nagkakagulo. Nakangisi akong hinarap ng lalaki.
"Ano namang pakialam ng isang Vittorian sa mga kaganapan dito sa Kaliwag?" tanong nito at napagtanto kong walang halaga ang aking salita rito dahil hindi nila alam na isa akong prinsesa.
"Huwag mong saktan ang mga musmos!" Umikot ako sa ere at sinipa siya sa mukha. Bumagsak ito sa lupa kaya niyaya ko na ang mga bata. "Halina kayo!" Tumakbo kami ngunit hinabol kami ng lalaki.
Dumukot ako sa supot na dala ko at pinagbabato ang lalaki. Nakidampot din ang mga bata at tumulong sa pagbato. Nagpatuloy kami sa pagtakbo hanggang magkahiwa-hiwalay kami.
"Ah—" Napatili ako nang may humila sa akin papunta sa isang madilim na lugar at tinakpan ang bibig ko.
"Sshh..." sabi ng lalaking nakatakip pa rin sa aking bibig habang nakasandal ako sa isang pader. Nagulat ako nang mapansin ang itim na maskara sa kanyang mukha.
Isa siyang Argenian.
Buong lakas ko siyang tinulak at may espadang nakasuksok sa kanyang tagiliran. Inihanda ko ang sarili ko sa maaari niyang pag-atake. Ngunit itinaas niya ang kanyang magkabilang kamay tanda ng hindi paglaban.
"Huwag kang matakot, hindi ako masama," aniya ngunit hindi ako naniniwala. Hindi lingid sa aking kaalaman ang pag-aasam ng mga Algenian na mapabagsak ang kaharian namin.
"Sinungaling," sabi ko pero umiling ang lalaki.
"Hindi kita sasaktan. Kaibigan ko ang mga batang kasama mo kanina." Natigilan ako sa kanyang sinabi. Batid kong nagsasabi siya ng totoo. Hinubad niya ang kanyang maskara at nasilayan ko ang mukha niya. "Paumanhin kung natakot kita."
"Anong uri ng Algenian ka?" tanong ko. Hindi ganoon kagarbo ang kanyang kasuotan. Batid kong hindi ganoon kataas ang kanyang katungkulan.
"Ako ang prinsip—kawal. Isa akong kawal sa kaharian ng Algenia. Ikaw? Anong uri ng Vittorian ka?" ganti niyang tanong. Hinubad ko ang aking maskara upang magpakilala. Mabuti na lamang at tanging mga Vittorian lamang ang nakakakilala sa akin.
"Isa akong tagasilbi." Tumango ang estranghero. Naglahad siya ng kamay tanda ng pakikipagkilala. Tinanggap ko naman ito. Masyadong malambot ang kamay niya para sa isang kawal. Tila kamay ng isang maharlika ang aking kadaupan.
"Ang lambot ng 'yong palad. Sigurado ka bang isa kang tagasilbi?" tanong niya at natataranta kong binawi ang aking kamay. Hindi niya puwedeng malamang isa akong prinsesa. Baka kung anong gawin niya sa aking masama at gamitin laban sa aming kaharian.