Chapter 38
Ayesha's POV
Hindi ko matanggap ang ginawa sa akin ng mahal na reyna. Hindi ko akalain na magagawa niya ito sa akin. Talagang tinuloy niya ang pagkulong sa akin. Ano ba sa tingin niya ang mapapala niya kung hindi niya ako papalabasin ng aking silid? Sa tingin ba niya ay papayag ako sa gusto niya? Sa tingin ba niya ay hindi ako gagawa ng paraan para makatakas?
Matagal na akong kilala ng mahal na reyna. Dapat ay alam na niya na hindi niya ako mapapasunod. Dapat ay alam na niya na gagawa at gagawa ako ng paraan. Alam ko na bukod sa mga kawal na talagang nagbabantay sa tapat ng kwarto ko ay sigurado ako na nagdagdag pa siya ng kawal doon. Ngunit kahit na ilang kawal pa ang pagbantayin niya sa baba ng balkonahe ko at sa tapat ng kwarto ko ay makakaisip ako ng paraan.
Sigurado naman ako at tiwala ako sa sarili ko na hindi magtatagal ay may maiisip din ako na paraan. Ngunit sa ngayon ay aaminin ko na blangko pa rin ang utak ko hanggang sa ngayon. At alam ko na dahil iyon sa mga nangyari sa akin. Nakakaramdam na rin ako ng pagod at hinahanap-hanap na rin ng katawan ko ang malambot kong kama dahil nga sa isang hindi komportableng lugar ako nakatulog sa gitna ng kagubatan.
Kaya naman pinatawag ko na si Markiya at nagpatulong na sa kanya sa paliligo at pagpapalit ng damit. Mas mapapasarap ang tulog ko kung maliligo ako dahil nakakaginhawa iyon ng pakiramdam.
Nang matapos si Markiya sa gawain niya rito ay agad ko naman na siyang sinabihan na lumabas na para makapgpahinga na rin muna siya kahit papaano. Nasabi niya kasi sa akin kanina habang naliligo ako na halos wala pa siyang tulog dahil kung saan-saang sulok ng palasyo at kaharian na niya akong hinanap. Sobra daw ang kanyang naging pag-aalala. Dahil kasalanan ko rin naman ang lahat ay hinayaan ko na munang makabawi siya ng tulog.
Alam ko rin naman na marami talaga ang madadamay sa ginagawa kong ito na pagtakas. Alam ko na isa sa mga sisisiihin nila ay si Markiya dahil siya ang aking tagasilbi. Ngunit sana ay maging bukas ang kaisipan ng mahal na reyna at hindi niya idadamay si Markiya dahil ako lang naman ang may gusto ng lahat ng ito. Hindi alam ng lahat ang pagtakas ko. Ako lang ang dapat na managot kung darating man ang panahon at mapaparusahan ako.
Nang tuluyan na ngang makalabas si Markiya ng aking silid ay napagdesisyunan ko nang mahiga na sa aking kama at magsimula na sa pagpapahinga. Dahil nga sa wala naman akong ibang magawa ay nakatitig na lang ako sa kisame. Hindi naman ako inaantok dahil nakatulog naman ako sa gitna ng kagubatan. Gusto ko lang muling makalapat ang likod ko sa malambot kong kama. Sa tingin ko ay dito lang ako magiging komportable.
Matagal na rin ako na nakatulala lang sa kisame nang bigla na lamang pumasok sa isip ko si Javadd. Kumusta na kaya siya? Ano na kaya ang ginawa niya? Mapaparusahan ba siya? Ayokong maparusahan siya. Ngunit kung mapaparusahan man siya, sana ay hindi ganoong katindi. Sana ay hindi nila maisipan na pahirapan at saktan siya para lang mapanagot sa kanyang kasalanan.
Sa tingin ko ay maghapon at magdamag kong iisipin ang maaaring kinahantungan ng pagbalik ni Javadd sa kanilang kaharian. Ngunit paano kung sobrang higpit pala sa Algenia? Paano kung ang kaparusahan sa ganoong kasalanan ay kamatayan? Wala sa sarili akong napailing. Kung may iba man na nakakakita sa akin ay sigurado ako na iisipin na nahihibang na ako dahil umiiling ako nang mag-isa. Ang tanging hiling ko lamang ngayon ay hindi siya mapaano.
Dahil sa pag-iisip ko ng kung anu-ano ay bigla na lamang tuloy akong nakaramdam ng antok. At hindi ko alam kung matutulog na ba ako o mag-iisip ns lamang muna ng paraan kung paano makakatakas mula rito sa aking kwarto.
Ang nais ko sana ay mag-isip na muna ng paraan kung paano makakatakas upang sa paggising ko ay isasagawa ko na lang kung ano man ang maisip at maplano ko ngayon.
Ngunit hindi naman nakikisama ang mga mata ko na ngayon ay tila ba nag-uunahan na sa pagpikit. Pero dahil alam ko rin naman sa sarili ko na hindi ako makakapag-isip ng ayos ngayon dahil sa antok ay minabuti ko na muna ang matulog. At umaasa ako na sana sa paggising ko ay may naisip na akong paraan.
Nang magmulat ako ng mga mata ay sobrang gaan ng pakiramdam ko. Tila ba nabawi ko ang lahat ng pagod at hirap ko nitong mga nakalipas na oras. Gusto ko pa sanang magpatuloy na muna sa paghiga ngunit alam ko na kinakailangan ko nang bumangon.
Nang makaupo na ako sa aking kama ay napansin ko nandito na pala si Markiya. Hindi ko inaasahan na magiging ganito siya kaaga sa loob ng kwarto ko. Minsan kasi ay sa tapat ng kwarto ko siya naghihintay kapag alam niya na tulog pa ako. At tatawagin ko na lamang siya kapag maliligo na ako.
Napansin ko rin na nakahanda na rin ang susuotin ko na nakapatong sa may paanan ng aking kama. Kung nagawa na niyang ihanda ang aking kasuotan, ang ibig sabihin lamang nito ay kanina pa siya nandito.
Nangkukusot pa ako ng mata nang muli ko siyang balingan ng tingin.
"Ang aga mo naman yata, Markiya?" Pinilit ko na itago ang pagtatakha sa tono ko at pinilit na magtunong kaswal sa pagtatanong.
"Oo, Prinsesa Ayesha. Pinag-utos ng mahal na reyna na simula sa araw na ito ay hindi kita iiwan. Hindi ako aalis ng iyong silid hangga't hindi ka nakakatulog. At kinakailangan din na nandito na ako bago pa man magmulat ang iyong mga mata." Nawala ang antok ko dahil sa sobrang inis nang marinig ko ang sinabing iyon ni Markiya.
Talagang mandadamay pa siya ng ibang Vittorian? Napakalaking abala nito sa kanya. Dahil imbis na nahihimbing na siya ay hihintayin pa niya na makatulog ako bago siya makapunta sa kanilang silid.
Ganito na ba kadesperada ang mahal na reyna na bantayan ako?