Chapter 20

2010 Words
Chapter 20 Ayesha's POV Kung ngayon pa nga lang na hindi pa tinotodo ni Digno ang lahat ng nalalaman niya sa pakikipaglaban ay malaki na ang lamang niya sa akin. Paano pa kaya kung buong lakas na niya ang gagamitin niya sa akin? Sigurado ako na wala pa ako sa kalahati ng lakas niya. Kung iisipi ko na isa siyang Algenian ay sigurado ako na wala akong magigig laban sa kanya. Hindi rin naman pwede na si Digno ang maging basehan ko ng lakas ng mga taga-Algenia dahil alam ko na mayroon sa kanilang lahi ang papantay o mas lalakas pa sa kanya. Alam ko rin naman na imposible pero kung kakayanin ko na mas higitan pa ang lakas ni Digno ay gagawin ko. Siguro nga ay pwede. Ngunit mangyayari lamang iyon kung simula pa lamang ng lahat ng pagsasanay na ito ay sineryoso ko na. Ilang beses pa na umatake si Digno ngunit lahat naman ng iyon ay nasasalag ng espada ko. Ngunit alam ko naman na kaya ko lang nagagaw na salagin ang mga iyon ay dahil normal na lakas at bilis lamang ang gamit niya. Sa tunog ng mga nagtatama naming espada ay alam ko na wala pa sa isip niya ang paghinto. Ngunit nakakaramdam na ako ng pagod kaya kung hindi pa ito mtatapos sa ngayon ay hindi ko alam kung tatagal pa ako. Ngunit kailangan na isa sa amin ni Digno ang tumapos sa labanan. Kanina pa kami naglalaban ngunit hindi ko maalala na nagkaroon na ako ng pagkakatao na umatake ako o sumubok man lang. At sa tingin ko ay oras na para ako naman ang kumilos. Patuloy ko na sinalag ang bawat tama ng espada ni Digno. Hanggang sa sinalag ko ng kalasag ang isang atake niya at kinuha ko ang pakakataon na iyon upang umabante at sa kauna-unahang pagkakataon ay susubukan ko na umatake. Matapos kong tabigin ang espada niya gamit ang kalasag ko ay nakita ko ang bahagya niyang pag-atras. At sinamantala ko ang pagkakataon na iyon at umikot ako at tututukan ko si Digno ng espada sa leeg. Ngunit pag-ikot ko ay nagulat na lamang ako at hindi ko na nagawa pa ang plano ko dahil nakatutok na pala sa leeg ko ang espada niya. Napangiti siya at alam ko na pinagtatawanan niya ang pagkakagulat ko sa sitwasyon namin. Bakit nga ba umasa ako na makakaisa man lang ako sa kanya. Sigurado ako na kayang-kaya na niya na bumasa ng magiging hakbang ng mga nakakatunggali niya. Isama pa ang bilis niya sa pag-atake at pag depensa. Dahil alam ko naman na wala na akong laban pa ay tinaas ko na ang magkabila kong kamay bilang pagsuko. Saka lamang niya binaba ang espada na nakatutok sa aking leeg. Ilang sandali pa lamang nag nakakalipas mula nang ibaba namin ang kanya-kanya naming sandata ay nasa harapan ko na si Markiya at agad niya akong pinunasan ng pawis sa noo. "Ayos ka lamang ba, mahal na prinsesa?" tanong niya sa akin. Ngumiti ak at tumango. Kahit na bahagya akong hinihingal ay masasabi ko na talagang ayos lamang ako dahil inaasahan ko na rin naman ang ganitong resulta. "Mabuti naman po kung ganoon. Sadyang napakahusay ng iyong pinakita, mahal na prinsesa." Hindi ko alam kung totoo ba ang sinabing iyon ni Markiya o sinabi lang ba niya iyon upang pagaanin ang loob ko. Ngunit nakita ko naman sa mga mata niya na talagang natuwa siya sa nasaksihan niya pakikipagtunggali ko kay Digno kaya kahit papaano ay naniniwala na ako na nagpakita nga ako ng isang kahusayan. Ilang sandali pa ang lumipas nang nilapitan ako ni Digno upang makipagkamay. Nakangiti ko namang iyon na tinanggap. Pilit kong binabasa ang mga mata niya upang malaman sana ang saloobin niya tungkol sa naganap namin na tunggalian dahil hindi siya nagsasalita. Ngunit nananatiling blangko ang mukha niya. Pakiramdam ko tuloy ay sobrang hina ng pinakita niya kaya tila ganito na lamang ang pagkadismaya niya. Ngunit kahit papaano naman ay nawala ang kaba ko nang nakita ko ang mga ngiti niya bago bitiwan ang kamay ko. "Maganda ang iyong pinakita, mahal na prinsesa para unang beses na sumalang sa ganitong uri ng pagsasanay," sabi niya na nakapagpahinga sa akin nang maluwag at nakapag-alis ng tinik sa aking lalamunan. "Totoo ba iyan, Digno?" Natawa siya nang mahimigan ang sobrang kagalakan na nararamdaman ko nang dahil lamang sa natanggap ko na papuri mula sa kanya. Ngunit anong magagawa ko? Labis naman talaga akong nagagalak dahil kahit papaano ay nagbunga ang napipilitan kong pagpunta sa pagsasanay na ito. Hindi naman pala nasayang ang oras ko rito. "Totoo ang tinuran ko, mahal na prinsesa. Wala naman akong nakikita na dahilan upang magsinungaling sa iyo," sambit pa niya kaya napangiti na lamang ako. "Ngunit ganoon pa man ay alam ko naman na may mga bagay ka pa na kailangang pagtuunan ng pansin tungkol sa pakikipaglaban. Tulad na lamang sa kung paano ka natalo," dugtong pa ni Digno. Hindi ako nakapagsalita dahil ko naman ang tungkol sa bagay na iyon. Alam ko na masyado akong nagpadalus-dalos kanina sa pagsugod sa kanya dahil lamang sa kagustuhan ko na matapos na ang laban namin. Hindi ko iyon pinag-isipan nang mabuti. At tama si Digno sa sinabi niya na iyon nga ang dahila ng naging pagkatalo ko. Nginitian ko naman siya at tumango. "Alam kong matalino ka, mahal na prinsesa. Kaya alam ko na kayang-kaya mong malaman ang ano pa ang mga kulang sa pakikipaglaban mo." Muli akong ngumiti at tumango sa sinabi niya. "Alam kong pagod ka na rin, mahal na prinsesa kaya mabuti pa siguro kung maupo na muna tayo." Niyaya kami ni Digno sa isang upuan at doon ay magkatabi kami na nagpahinga. Ikinuha naman kaming parehas ni Markiya ng maiinom dahil batid niya ang pagod namin ni Digno. Matapos ang ilang sandali pa naming pagpapahinga ay tumayo na ako. Sa tingin ko naman ay kaya na ng katawan ko ang magbihis at umuwi. Tutal ay may dala naman kaming karwahe. Nagpaalam na ako kay Digno at sumang-ayon naman siya. Naghiwalay na kami ng landas ni Digno dahil may mga bagay pa raw siya kinakailangan niyang asikasuhin. Sinamahan naman na ako ni Markiya na magpalit ng damit at hindi rin naman nagtagal ay lulan na kami ni Markiya ng karwahe. Hanggang sa makarating kami ng palasyo ay nakakaramdam pa rin ako ng kaunting pagod. Sinabi ng mga tagasilbi kung nasaan ang mahal na reyna at mahal na hari kaya roon agad kami nagtungo ni Markiya upang ipabatid ang aking pagdating. Ngunit hindi pa man namin nararating ang tanggapan kung nasaan daw ang mga magulang ko ay natanaw ko na agad ang mahal na reyna na sasalubungin ako. Hindi pa man kami tuluyan na nagkakaharap ay nakita ko na agad ang kunot sa kanyang noo at alam ko na mula sa kinaroroonan niya ay tanaw na rin niya ang pagod sa mukha ko. Alam ko na iyon na agad ang itatanong niya sa akin sa oras na magkaharap kami at taas noo ko naman siyang sasagutin upang ipagmalaki kung ano man ang nangyari kanina. Hindi ko alam kung matutuwa ba siya o magiging kulang pa para sa kanya ang resulta ng nangyari ngayon. At nang magkaharap nga kami ay hindi nga ako nagkamali sa una niyang itatanong sa akin. "Bakit tila pagod na pagod ka, mahal na prinsesa?" Hindi ko alam kung ano ang tamang emosyon ng mahal na reyna sa paraan ng pagtatanong niyang iyon dahil nahihimigan ko ang pag-aalala at purong kuryosidad sa boses niya. Ngunit mas pinaniwalaan ko ang kaototohanan na maaari nga na nais niyang malaman kung ano ang nangyari sa akin. "Nagkaroon lamang kami ng isang aktwal na pagsasanay ni Digno," sabi ko at agad kong nakita ang pagkabigla sa mukha ng mahal na reyna. Ngunit saglit lamang na nagtagal ang hitsura niyang iyon nang mapagtanto niya na talagang darating kami sa puntong iyon. "Kumusta naman ang naging resulta ng pagsasanay ninyong iyon?" Napagod na akong suriin nang mabuti ang tono ng mahal na reyna dahil ako lang din naman ang nahihirapan. Alam ko na ayaw niyang mabasa nang sino man tunay niyang saloobin sa bawat bagay kaya siya ganito. Hindi na rin naman ako mabibigla pa sa bawat trato niya sa akin dahil sanay na rin naman na ako na pabago-bago siya ng trato pagdating sa akin. "Mabuti naman ang naging takbo ng pagsasanay namin, mahal na reyna. Bagaman marami pa raw akong pagkukulang at kailangang isaalang-alang sa pakikipaglaban ay hindi na raw masama ang pinakita ko para sa unang beses na sumalang sa ganoog uri ng pagsasanay," sabi ko ngunit hindi nagbago ang hitsura ng mahal na reyna. At alam ko na hindi niya nagustuhan ang bagay na iyon. Halata sa mga mata niya ang pagkadismaya sa naging resulta. At wala na akong magagawa kung hanggang doon lang ang kinaya ko. "Binabayaran nang malaki ang tagapagsanay na si Digno upang mapagtuunan ka niya nang pansin ngunit ang sasabihin mo na resulta ng pagsasanay ninyo mula pagkabata ay 'hindi na masama?'" Hindi naman na ako nabigla pa sa naging reaksyon ng mahal na reyna dahil sa totoo lang ay ito na ang inaasahan ko. At wala na akong lakas pa para magpaliwanag sa kanya dahil kahit ano namang gawin ko ay tila maliit ang tingin niya sa akin. Bigla na lamang tulog akong natawa sa aking isip nang maalala ang sinabi ni Markiya kanina na labis ang pagmamahal sa akin ng mahal na reyna. Dahil para sa akin, hindi niya ako nakikita bilang isang anak kundi isang tagapagmana na magpapanatili sa kanila sa trono. Dahil ngayong alam ko nang maaari akong mawala sa pagiging tagapagmana ay naintindihan ko nang lahat kung bakit nais niya na seryosohin ko ang lahat ng ito. Dahil kailangan kong maging karapat-dapat na tagapagmana upang hindi sila mawala sa pwesto. "Ginawa ko naman na ang lahat ng makakaya ko, mahal na reyna. At ang tangi ko lamang magagawa sa ngayon ay humingi ng tawad dahil hindi ko naman akalain na hindi pa pala sapat para sa iyo ang lahat ng ginagawa ko." Hindi ko napigilan ang magtonong sarkastiko sa pagsasalita ko ngunit hindi naman iyon pinansin ng mahal na reyna kahit pa halata naman sa kanya na nahimigan niya iyon. Alam ko rin naman na sanay na siya sa ganitong paraan ng pagsagot ko sa kanya. "Hindi maisasalba ng patawad mo ang ating kaharian. Ang tagal mo nang naghahanda, Prinsesa Ayesha ngunit tila hindi umuusad ang iyong pagsasanay. Dapat sa mga oras na ito ay handa ka na sa lahat ng posibilidad. Paano kung bukas ay sumiklab na ang digmaan na pinaghahandaan ng lahat? Ano ang maitutulong mo bilang isang prinsesa? Ano ang magiging laban mo sa Algenian? Kung sana noon pa lamang ay sineryoso mo ang ang mga pagsasanay mo ay nakakasigurado ako na matagal ka nang bihasa sa pakikipaglaban." Hindi ako nagsalita sa mga narinig ko mula sa mahal na reyna. Hindi dahil wala akong laba sa kanya kundi dahil nagsasawa na akong makarinig ng ano mang salita mula sa kanya na minamaliit ang kakayahan ko. At alam ko na kapag nagsalita pa ako ay mas lalo lamang hindi matatahimik ang mahal na reyna. Kailangan na isa sa amin ang manahimik. At dahil kahit na ganito siya sa akin ay ina ko pa rin siya kaya ako na lamang ang mananahimik. Bilang respeto na rin sa pagiging reyna niya. At aminado rin naman ako kahit papaano na ay may punto siya sa kanyang mga sinabi. Hinintay ko ang mga susunod pang salita na bibitiwan ng mahal na reyna ngunit wala na rin akong narinig pa mula sa kanya. Halata naman na naghihintay siya ng sagot mula sa akin ngunit nanatili rin akong tahimik. "Magpapahinga na po muna ako, mahal na reyna," sambit ko nang mapagtanto na hindi na muling magsasalita pa ang ina ko. At totoo ang sinabi ko na gusto ko na sanang magpahinga. Masyado akong napagod sa araw na ito. Napagod ako nang dahil sa pagsasanay na nangyari at napapagod ako sa pakikinig sa pangmamaliit ng sarili kong ina sa aking kakayahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD