Chapter 19
Ayesha's POV
Siguro nga ay totoo ang sinasabi ni Markiya na pinagtatakpan ako ng mahal na reyna. Hindi ko nga lang alam ang dahilan kung bakit patuloy niya akong pinagtatakpan gayong halatang-halata naman sa kanya na ubos na ubos na ang pasensya niya sa akin. Ang tanging sigurado ko lang ay ang kaotohanan na mahal ako ng mahal na reyna dahil sino ba naman ang ina na hindi magmamahal sa kanyang anak.
Hindi nga lamang ako naniniwala na labis iyon dahil hindi naman niya iyon pinapakita. Ang katotohanan lamang na mag-ina kaming dalawa ang pinanghahawakan ko upang masabi na mahal ako ng mahal na reyna.
Matapos kong makipag-usap kay Markiya ay pumunta na ako sa gitna kung saan kami nagsasanay ni Digno upang hindi naman masayang ang binigay niya na oras sa akin. Hawak ang espada ay nagsanay ako sa hangin. Iniisip ko na mayroon akong kaharap na isang Algenian. Ayoko man itong gawin ngunit wala naman akong ibang magagawa dahil kaya lang naman ako nagsasanay ay bilang paghahanda sa kaharian ng Algenia. Kaya mas mabuti pa lamang kung ngayon pa lang ay nakatatak na iyon sa aking isipan.
Ngunit medyo nahihirapan ako dahil wala naman akong nakikitang imahe ng isang Algenian sa aking isipan. Pinilit ko na gumawa ng isang imahe sa aking isip na siya kong pagsasanayan. Patuloy ako sa pakikipagtunggali sa hangin hanggang sa bigla na lamang akong matisod nang biglang may pumasok na isang imahe ng isang Algenia sa aking isip.
Ngunit ang imahe na nakita ko ay hindi lamang isang kathang-isip dahil alam ko na talagang nabubuhay siya. Dahil sa pagkakatisod ko ay nawalan ako ng balanse at napasalampak na lamang ako sa sahig. Dahil sa hindi pa rin ako makapaniwala sa imaheng naisip ko ay napatulala na lamang ako.
Sa dinama-rami kasi ng maaari kong makita na Algenian ay si Javadd pa tinuturing ko nang isang kaibigan. Masyadong mabait si Javadd para pagsanayan ko ang imahe niya. Isa siyang mabuting Algenian na alam kong mahirap pagtangkaan ang buhay. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay totoong-totoo ang pakikipagtunggali ko sa kanya.
"Mahal na prinsesa!" Narinig ko ang mabibilis na yabag ni Markiya nang makita niya ang pagkakatumba ko ngunit nanatili akong nakatulala dahil sa mga naisip ko. Ang isipin pa lamang na masasaktan si Javadd sa mga kamay ko ay hindi na kaya ng konsensya ko.
Nang makalapit sa akin si Markiya ay nginitian ko siya para lamang sabihin na ayos lang ako. Dahil iyon naman ang totoo. Ayos lang ako at hindi nasaktan. Inalalayan na lamang niya ako sa pagtayo ayt pinagpagan ang damit ko. Nang masiguro niya na wala akong galos ay hindi na rin naman siya nagsalita pa at iniwan na lamang ulit ako sa gitna.
Ang buong akala niya siguro ay hindi magpapatuloy ako sa aking ginagawa ngunit matapos ang nangyaring iyon ay bigla na lamang akong nawalan ng gana. Hindi ko na magawa pang muli na magsanay mag-isa. Kung nandito na siguro si Digno ay magagawa ko nang muli na magsanay. Ngunit pakiramdam ko na hangga't wala akong ibang katunggali kundi hangin ay si Javadd ang lagi kong makikita.
Naupo na lamang ako sa mismong gitna at nakita ko na nagtatakha akong tiningnan ni Markiya. Ngunit hindi naman na siya nagtangka pa na lapita ako at hinayaan na lamang ako sa kung ano man ang plano ko. Mabuti na lamang at natuto na siya kahit papaano na kung minsan ay kailangan kong mapag-isa at hindi kakailanganin ang kung sino man.
Matiyaga ko na lamang na hinintay si Digno. At nang matanaw ko nga na kapapasok pa lang niya sa pintuan ay agad na rin naman akong tumayo at hinintay ang paglapit niya sa akin. Malayo-layo pa lang siya ay napansin ko na agad ang nakakunot niyang noo. At alam ko na dahil iyon sa pagtatakha niya kung bakit nakaupo lamang ako gayong ang sabi niya sa akin ay magsanay ako. At hindi nga ako nagkamali sa iniisip niya dahil pagkalapit na pagkalapit niya sa akin ay agad na siyang nagtanong.
"Bakit nakaupo ka lamang diyan, mahal na prinsesa? Hindi ba't ang sinabi ko ay magsanay ka?" sambit niya ngunit hindi naman nagtono na pinagagalitan niya ako dahil alam din naman niya na hindi niya iyon maaaring gawin dahil nga sa ako ang prinsesa nila.
"Nagsanay naman ako, Digno. Hindi na ba ako pwedeng magpahinga?" Umarte ako na nasasaktan dahil sa bintang niya na hindi ako nagsanay at natatawa lang naman siya na umiling.
"Kung gayon ay halika na. Tingnan natin kung talagang nagsanay ka," sabi niya at dinampot ang espada ko na nakalimutan kong bumagsak nga pala kanina nang matisod ako. Iniaibot niya iyon sa akin ang buong pagmamalaki ko naman na tinaggap.
Biglang hindi ako makaimik nang mapagtanto na tuloy na tuloy na sa oras na ito ang sinasabi ni Digno na seryosohan naming pagsasanay. At kaya pala siya muling umalis kanina ay dahil may binalikan pa siyang gamit na kakailanganin namin. At ang gamit na iyon at metal para sa magkabila naming braso at proteksyon sa ulo.
Nilahad ni Digno ang kanyang kamay. Noong una ay napakunot pa ang noo ko dahil sa pagtatakha kung bakit naglalahad siya ng kamay. At ilang sandali rin ang lumipas bago ko mapagtanto kung ano ang nais niya na mangyari. At nang akmang iaabot ko na ang braso ko sa kanya ay kusa na niya itong kinuha.
Marahan niya ako hinila upang mas mapalapit sa kanya. Bagaman marahan lamang iyon ay sapat na upang mabigla ang katawan ko kaya hindi ko maiwasan ang halos pagsubsob ko sa kanyang dibdib. Halata rin naman na nabigla rin siya dahil sa nangyari dahil nahalata ko kung paanong natigilan at nanigas ang katawan niya kahit na hindi ko pa siya tinitingala.
Nang maka-recover ako mula sa pagkakabigla kahit na hawak pa niya ako sa braso ay sinubukan ko nang mag-angat ng tingin sa kanya. At bigla na lamang akong nagsisi na tiningala ko siya dahil hindi ko inaasahan na ganito na lamang pala kaliit ang pagitan ng mga mukha namin dahil nakababa pala ang tingin niya sa akin. At sa tingin ko ay kanina pa siya nakatingin sa akin.
Hindi ko alam kung bakit bigla na lamang akong nakaramdam nang pagkailang dahil sa posisyon namin. Gusto ko sanang kumawala mula sa pagkakahawak niya sa braso ko ngunit hindi ko naman magawa na kumilos man lang dahil natatakot ako na dahil lang sa isang maling galaw ay maaari ko siyang...maaari ko siyang mahalikan.
"Mahal na prinsesa!" Ilang sandali pa ang lumipas nang sabay naming lingunin si Markiya nang dahil sa naging tawag nito sa aki. At tila ay ngayon lamangg kami natauhan ni Digno. Mabuti na lamang at naisipan akong tawagin ni Markiya. Dahil kung hindi ay hindi ko alam kung gaano katagal kami ni Digno na mananatili sa ganoong posisyon.
At nang makita ko si Markiya na naglalakad palapit sa amin ay nakikita ko ang pagkabigla sa kanyang mukha. At alam ko na dahil iyon sa naabutan at nasaksihan niya na posisyon namin ni Digno. At hindi ko rin naman siya masisisi kung ganito na lamang ang pagkabigla sa mukha niya dahil alam ko naman na kahit sino ang makakakita sa amin ay mabibigla. At nakakasigurado ako na hindi ko makokontrol kung ano man ang maaari nilang isipin.
Agad ko namang binawi ang braso ko kay Digno na agad rin naman niyang binitiwan. Nang tuluyan nang makalapit sa amin si Markiya ay nagtatanong ang kanyang mga mata. Ngunit alam ko naman na wala akong dapat ipaliwanag sa kanya kaya nagkibit balikat na lamang ako.
Kahit na alam kong nagtatanong ang isip niya ay wala rin naman akong narinig na ano mang salita mula sa kanya. Bagkus ay hinarap na lamang niya si Digno at nginitian ito.
"Ako na ang magsusuot niyan sa mahal na prinsesa, Digno," sambit ni Markiya at nilahad pa ang kamay upang msaiguro na ibibigay talaga ni Digno ang metal na dapat sana ay isusuot niya sa akin kung hindi lamang siya napasama ng hila sa akin. Hindi naman na rin nagsalitapa si Digno o nagprotesta at binigay na lamang nang tahimik ang metal kay Markiya. Muli niya akong hinarap at sa akin naman naglahad ng kamay. "Ako na ang magsusuot nito sa iyo, mahal na prinsesa."
Napangiti na lamang ako at hindi na rin nagsalita pa. Binigay ko na lamang nang tahimik kay Markiya ang kamay ko tulad ng sinabi niya. Seryoso naman niyang sinuot sa magkabila kong braso ang mga metal na magbibigay proteksyon sa mga braso ko. Habang ginagawa naman iyon ni Markiya ay hindi ko naiwasan na tingnan si Digno at nakita ko naman na maging siya ay nagsusuot na ng ganito sa kanyang sarili.
Sinunod naman na ni Markiya ang proteksyon ko sa ulo at nakita ko rin na ganoon din si Digno. Napangiti si Markiya nang sa wakas ay naisuot na niya ito sa akin.
"Galingan mo, mahal na prinsesa!" Natawa pa ako nang tila ay palakasin niya ang loob ko. Sinenyasan ko na lamang siya na kaya ko ang lahat at natawa siya. Matapos gawin ang gusto niyang gawin at sabihin ang gusto niyang sabihin ay tumakbo na si Markiya pabalik sa kaninang kinaroroonan niya kung saan siya nakatanaw sa amin kanina.
Nang maiwan ulit kaming dalawa ni Digno sa gitna ay agad niya akong hinarap at nginitian. At nang dahil sa ngiti niya na iyon ay nawala ang pagkailang na kanina ko pa nararamdaman at nginitian ko rin siya. At sa tingin ko ay tuluyan na ngang nawala ang ilangan namin dahil sa nangyari at pakiramdam ko ay makakakilos na ulit ako nang normal sa harapan niya ay niyaya na niya ako na magsimula.
Hawak ang kanya-kanya naming esapada ay magkaharap na kaming nagtinginan sa gitna. Marahan kaming humakbang paatras sa isa't isa para sa paghihintay ng hudyat na maaari na kaming kumilos.
"Sa bilang na tatlo ay saka pa lamang kayo maaaring kumilos," sambit ni Markiya mula sa kinatatayuan niya kaya naman naghanda na agad ako. Hindi pwede na kasisimula pa lamang ng bilang ay malalamangan na agad ako ni Digno.
"Isa..." Nagsimula na sa pagbibilang si Markiya kaya sabay na kaming tumalikod ni Digno. "Dalawa," patuloy niya. At hindi ko naiwasan na mapahigpit ang kapit ko sa espada na hawak ko. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa pagbigkas niya ng ikatlong bilang. Ngunit hindi dapat ako kabahan nang sobra dahil wala namang bilang ang isang tunay na labanan. Hindi dapat ako kabahan sa pagbilang.
Alam ko na hindi naman ako mawawala sa focus hangga't hindi mauulit ang pagsulpot ni Javadd sa aking isip.
"Tatlo!" Sa hudyat na iyon ni Markiya ay agad akong humarap sa kung nasaan si Digno. Ngunit nanlaki na lamang ang mga mata ko nang makita ko na tumatakbo na siya pasugod sa akin. Agad na lamang akong nakaramdam ng pagkataranta dahil hindi ko alam kung ano ang pinaplano niya.
Alam ko na mali ang nararamdaman kong ito dahil hindi dapat ako makaramdam ng takot. Ngunit ito kasi ang unang beses na mararanasan ko ang makipaglaban nang ganito kaya normala lang naman sigurong maituturing kung kabahan man ako.
Kung nakasugod agad si Digno nang hindi ko inaasahan ay ibig sabihin lamang nu'n na masyado akong mabagal kung ikukumpara sa kilos ni Digno. Ngunit hindi dapat maging mabagal ang mga mata ko sa panonood sa mga susunod niyang hakbang.
Gamit ang espada ay sinalag ko ang tangka niyang pag-espada sa akin. Napangisi naman siya sa ginawa kong depensa. Ngunit kahit na nagawa ko siyang depensahan ay hindi ako nagpakakampante dahil alam ko na iyon pa lamang ang unang niyang atake.
Hindi nga ako nagkamali dahil nasundan agad ang una niyang atake. Mabuti na lamang at nagawa ko iyon na muling salagin. At dinig na dinig mula sa pagtatama ng aming mga espada kung gaano iyon kalakas. Naramdaman ko rin iyon dahil halos mabitiwan ko na ang hawak kong espada.
Hindi ko alam kung ilang porsyente ba ng kanyang kakayahan ang ilalabas niya sa akin ngunit nakakasigurado ako na hindi niya iyon itotodo sa akin. Kaya alam ko na masyado pa akong mahina.