Chapter 26

2028 Words
Chapter 26 Ayesha's POV Nang tuluyan na nga kaming nakalabas ng bakuran ay isang kakahuyan naman ang pinagdalhan sa akin ni Javadd. At sa tingin ko ay isang malawak na bakanteng lote ang nasa kabilang dulo nitong gubat na siyang lalabasan namin. At doon nga namin isasagawa ang pangangabayo. Dahil nga pagpapalakad pa lang ang ginagawa namin sa mga kabayo ay medyo nagtatagal kami. Parehas pa lang kaming kumukuha ng bwelo para patakbuhin ang kanya-kanya naming kabayo. Nang sa tingin ni Javadd ay ligtas na para sa amin at para sa mga kabayo ang tumakbo ay nilingon na niya ako bilang hudyat. Tumango naman ako bilang tugon na naiintindihan ko ang nais niyang sabihin. Itinabi niya muna ang kabayo niya upang paunahin ako. At alam ko ang dahilan niya kung bakit nais niya akong mauna. Iyon ay upang agad niyang makikita ang kung ano mang mangyayari sa akin na parehas naming hindi inaasahan. Makikita nga niya ang mga nangyayari sa akin ngunit ako naman ay hindi ko makikita ang mga nangyayari sa kanya. Kung pwede nga lang sana na magsabay na lamang kami sa pagtakbo ay iyon na lamang ang sasabihin ko. Pero alam ko naman na mahirap iyong gawin sa kagubatan. Kaya hinayaan ko na lamang ang nais niyang mangyari. Sa tingin ko ay wala akong ibang magagawa kundi ng hilingin na sana ay walang ano mang mangyari kay Javadd sa gagawin naming ito. "Halika na, Ayesha." Sa sinabing iyon ni Javadd ay agad kong nilatigo ang kabayo at kumaripas na ito ng takbo. Narinig ko na lamang din ang pagkaripas ng takbo ng kabayong sinasakyan ni Javadd. Dahil nga nasa gitna kami ng kagubatan ay tinuon ko nang mabuti ang atensyon ko sa aking dinaraanan upang hindi ako maaksidente. Lubhang delikado rin kasi talaga ang mangabayo sa loob ng kagubatan na aming binabagtas lalo pa at hindi ko alam kung may posibilidad ba na may bigla na lamang humarang sa daan. Natatakot ako na baka bigla na lamang akong masagasaan na mga hayop. At nang dahil lamang sa kapabayaan ko ay makasakit ako. Hindi rin ako pwedeng maaksidente dahil alam ko na kapag nangyari iyon ay hindi magdadalawang isip si Javadd na bumalik na lamang kami at itigil na ito. At sigurado rin ako na hindi na rin siya magbabalak pa na muli akong yayain sa susunod pang mga araw. Pakiramdam ko naman ay magiging matiwasay ang lahat. Napakapayapa ng kagubatan na ito. Wala akong ibang naririnig kundi ang takbo ng kabayong sinasakyan ko at ng kabayo na sinasakyan ni Javadd na alam kong sapat lamang ang distansya mula sa akin. Dahil sa pagiging kalmado ng lahat ay naging panatag ako. At sa sobrang kapanatagan nga na nararamdaman ko ay hindi ko namalayan na nasa dulo na pala kami ng kagubatan at nahila ko na lamang ang tali ng kabayo ko upang agad ito n pahintuin. Ilang sandali lamang mula nang mapahinto ko ang aking kabayo ay naramdaman ko na rin ang paghinto ng kabayo ni Javadd sa tabi ko. Nilingon ko siya at nginitian niya ako. Muli kong binalik ang paningin ko sa tanawin na bumungad sa akin. Tulad nga ng inaasahan ko ay isa itong malawak na bakanteng lote kung saan malawak ang matatakbuhan ng mga kabayo namin. Walang ibang Lavitran ang nandito kundi kaming dalawa lamang. "Maligayang pagdating, Ayesha," sambit niya kaya muli ko siyang nilingon. Abot tainga ang ngiti ni Javadd sa akin kaya hindi ko na rin naiwasan ang mapangiti. Muli ay binalik ko ang aking paningin sa malawak na lupain. Sa bawat sandali na tatapak yata ako rito sa Kaliwag ay plano ni Javadd na sorpresahin ako. Lahat na lang yata ng pagdadalhan niya sa akin ay magugustuhan ko. Hindi ko alam kung anong bahagi na ito ng Kaliwag ngunit magiging isa na yata ito sa pinakapaborito ko. Mali yata na nagbitiw agad ako ng salita na ang pinakapaborito kong lugar dito sa Kaliwag ay ang lawa. Dahil ngayon naman ay ang lugar na ito naman na ang pinakapaborito ko. Ngunit ayoko naman na magsalita na naman nang tapos. Dahil alam ko na marami pang ipapakita sa akin si Javadd sa mga susunod pang pagbisita ko rito sa Kaliwag at alam ko na sa lugar na ikamamangha ko na naman niya ako dadalhin. "Ano ang iyong masasabi, Ayesha?" tanong niya. "Maganda rito, Javadd. Sobrang nagustuhan ko ang lugar na ito. At nais kong magpasalamat dahil dinala mo ako rito," sabi ko ngunit hindi ko siya nililingon dahil abala ang mga mata ko sa paglilibot ng tinigin sa kabuuan ng lugar na ito. "Mabuti naman, Ayesha at nagustuhan mo." Tango na lamang ang naisagot ko. Sa totoo lang ay gustong-gusto ko nang patakbuhin ang kabayo ko para masubukan ko na ang lugar na ito ngunit ayoko naman na pangunahan si Javadd. Baka kasi mamaya ay nagpapahinga pa siya o pinapahinga pa niya ang mga kabayo dahil malayo-layo rin ang tinakbo namin. Nagtatakha lamang ako dahil sa kabila ng ganda ng lugar na ito ay tila hindi ito madalas na puntahan ng mga Lavitran. "Wala ba talagang masyadong Lavitran ang nagtutungo rito?" tanong ko. Hindi ko mapigilan ang mapatanong dahil kung ako ay tagarito sa Kaliwag ay aaraw-arawin ko ang pagpunta rito. "Wala, Ayesha. Dahil sa totoo lamang ay mahirap puntahan ang lugar na ito. Masyadong malayo. Hindi ito kayang puntahan nang naglalakad lamang. Kakailanganin mo na mangabayo. At walang sapat na kaalaman at mga taga-Kaliwag sa pangangabayo kaya imposible na makarating sila rito," sabi pa ni Javadd at tumango-tango ako bilang pagsang-ayon. Totoo rin naman kasi ang sinabi niya na mahirap puntahan ang lugar na ito. "Sayang naman kung ganoon. Hindi nila makikita ang magagandang tanawin dito ngayon," sambit ko at natawa siya. Napakunot ang noo ko dahil ginawa niyang pagtawa. Pinagtatawanan ba niya ang mga Lavitran na hindi nakakapunta rito? Napailing-iling si Javadd kaya nilingon ko na siya. "Hindi mo pala alam, Ayesha?" tanong pa niya na siyang mas lalong nakapagpakunot sa noo ko. Kung gayon ay ako pala ang pinagtatawanan niya at hindi ang mga Lavitran. "Hindi alam ang alin?" Hindi ko naiwasan ang tono ng pagkainsulto sa tawa niya dahil lang sa tila may hindi ako nalalaman. Bago sumagot ay pinalakad na muna ni Javadd palapit sa akin si Kiba upang lalo pa kaming magkalapit at magkatabi. "Kung anong bahagi na ng Kaliwag ang kinaroroonan natin..." Napataas ang kilay ko dahil pakiramdam ko ay sinasadya na ni Javadd ang bitinin ako tungkol sa impormasyon sa kung nasaang bahagi na ba talaga kami ng Kaliwag. "Anong bahagi na ba ito ng Kaliwag, Javadd?" Hindi ko na tinago pa sa kanya ang pagkainip sa tono ko at sinadya ko na talagang ipahalata sa kanya para naman diretsuhin na niya ako ayt hindi na bitinin pa. "Nandito na tayo sa kabilang dulo ng Kaliwag. At nakikita mo ba ang malaki na tarangkahang iyon?" tanong ni Javadd at tinuro ang may kalayuan na maaaring matanaw ng aming paningin. At doon nga ay natanaw ko ang isang ilog at ang malaking tarangkahan na tinuturo niya. At ang tarangkahan na iyon ang siya ring magsisilbing tulay sa ilog upang makatawid sa oras na ibaba iyon. At naging isang malaking katanungan sa akin kung ano ang mayroon sa likod ng tarangkahan na iyon. Nakasarado kasi iyon. Gustuhin ko man na tawirin ang lugar na iyon ay imposible rin naman dahil nga sa nakaangat ang tulay sa ilog. "Nakikita ko, Javadd," sambit ko. Nauubos ang oras namin ni Javadd dahil lang sa pambibitin niya sa akin. At sana naman na ang mga susunod niyang bibitiwan na salita ay ang sagot na nais ko nang marinig. "Sa oras na tawirin mo ang ilog na iyan ay ang kaharian ng Algenia na ang bubungad sa iyo," sabi niya na halos magpalaglag sa panga ko. Kahit na nakangiti siya nang sabihin niya iyon sa akin ay alam ko naman na nagsasabi siya ng totoo. Ngunit hindi ko lubos maisip na kasalukuyan ko nang natatanaw ang bukana ng kaharian ng mortal na kalaban ng aming kaharian. "Tunay ba ang iyong sinabi?" tanong ko pa kahit nababasa ko naman na sa mga mata niya ang katotohanan. Marahan siyang tumango. Hindi ko alam kung bakit ako dinala rito ni Javadd. Gusto ko sanang isipin na isa itong pain at nais niya na madampot ako rito sa oras na ito ngunit alam ko rin naman na hindi ito magagawa sa akin ni Javadd. At isa pa ay hindi naman niya alam na ako ang prinsesa ng mg Vittoria. Ano naman ang mapapala niya sa pagbihag sa isang tagasilbi? "Hindi ba delikado rito? Hindi ba tayo parehas malalagay sa kapahamakan?" tanong ko at nagkibit balikat si Javadd. Alam ko na oras na may makakita sa amin na kahit isang Algenian sigurado ako na malalagot kami. Maaari nila akong dakpin, parusahan o ipagtabuyan dahil sa pagiging Vittorian ko. Habang si Javadd naman ay maaari nilang alisin at tanggalin sa pagiging kawal nito. Dahil bukod sa alam ko na tumatakas lamang din siya para makapunta rito sa Kaliwag ay siguradong hindi gugustuhin ng iba pa niyang kalahi ang pakikipagkaibigan niya sa isang Vittorian na tulad ko. "Magsisinungaling ako kung sasabihin ko na hindi delikado rito. Lalo na sa tulad mo na nagmula sa kaharian ng Vittoria at sa tulad ko na isang takas na Algenian. Ngunit magiging delikado lamang tayo kung bababa ang tarangkahan dahil ang ibig sabihin lamang nu'n ay may lalabas o hindi naman ay inaabangan na pagpasok," sai niya at muli kong nilingon ang tarangkahan ng kanilang kaharian. At tama naman siya. Magiging delikado lamang kami kung may lalabas mula roon. Ngunit kung nananatili iyong nakataas at nakasarado ay malaya kami rito sa labas. "Madalas ba na may lumalabas sa kaharian ninyo?" tanong ko. "Isa iyan sa dahilan kung bakit malakas ang loob ko na yayain ka rito. Iyon ay dahil alam ko na sobrang bihira lamang ang pagkakataon na may lalabas sa tarangkahan na iyan." Dahil sa sinabing iyon ni Javadd ay nawala kahit papaano ang takot a kaba na nararamdaman ko sa pagkakataon na ito. Siguro naman ay hindi naman papayag si Javadd na mahuli kami dahil sigurado na mawawala siya sa kanyang pagiging kawal. "Mabuti naman kung ganoon, Javadd." Ngumiti na lamang ako nang pilit. Wala sa isip ko ang umatras at umuwi na lamang ngunit hindi ko rin naman magawa na hindi mangamba sa mga posibilidad na maaarng mangyari lalo na sa kung ano at nasaan ako nakatapak ngayon. Alam ko na mali ang ipagpatuloy pananalagi ko sa lugar na ito. At alam ko rin na dapat ay kanina pa ako nagyaya na umuwi nang marinig ko pa lang mula sa kanya kung nasaan ako. Ngunit hindi ko naman na magawa pa dahil gusto ko rin naman ito. "Natatakot ka ba, Ayesha? Nangangamba ka ba para sa iyong kaligtasan?" tanong niya at ngumiti ako nang pilit. Iniisip ko lang na paano kung may lumabas ang makakita sa amin nang hindi namin namamalayan? Batid ko na wala pa akong sapat na kakayahan. Baka nga sa isang Algenian pa lamang ay wala na akong laban. Paano pa kaya kung napapaligiran na nila ako? Ngayon ko lamang napagtanto ang kahalagahan ng laging sinasabi sa akin ng mahal na reyna tungkol sa pagiging handa ko sa pakikipaglaban sa ano mang oras. "Hindi mo maiaalisa sa akin ang pangamba," pag-amin ko sa kanya at nakita ko ang bigla niyang pagseseryoso. "Wala kang dapat na ipangamba, Ayesha. Dahil hindi naman kita dadalhin sa isang lugar na alam kong mapapahamak ka lamang. Pinapangako ko na hindi ka mapapahamak sa lugar na ito. Hangga't kasama mo ako rito ay walang sino man ang makakagalaw sa iyo rito," sabi niya. A hindi ko alam kung ano ang mayroon sa mga salita ni Javadd ngunit bigla na lamang nawala ang lahat ng takot at pangamba na kanina lamang ay bumabagabag sa akin at hindi ko alam kung paano aalisin. Hindi ko naman akalain na mga salita lamang pala ni Javadd ang kailangan upang maglaho iyon. Tumango ako sa sinabi niya at napangiti naman siya. Hindi ko lubos maisip na hindi lmang pala pamamasyal ko rito sa Kaliwag ang kaya kong ipagkatiwala sa kanya. Maging ang kaligtasan ko rin pala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD