Chapter 9
Ayesha's POV
Hindi ko alam kung ano nga ba ang dapat kong gawin nang mapagtanto ko na ako na lamang mag-isa sa pwesto ko dahil nga sa iniwan ako ni Javadd. Pinag-iisipan ko nang mabuti kung dapat na ba akong umahon kahit pa ngayon ko pa lamang unti-unting nagugustuhan ang lamig ng tubig sa aking mga paa at binti. O kailangan kong sundan si Javadd kahit pa wala naman siyang sinabi na sumama ako sa kanila. Niyaya lamang niya ako na lumusong.
Nakita ko ang paghinto ni Javadd nang tuluyan na nga niyang narating ang kinaroroonan ng mga bata. Agad niya akong nilingon dito at tinaas pa niya ang kanyang kamay para kawayan ako. Hanggang sa sinenyasan na niya ako na lumapit doon. Iyon lamang naman ang hinihintay ko kaya hindi na ako nagdalawang isip pa na lumapit sa kung nasaan sila. Bahagya pang napakunot ang noo ko nang makita ko na tila ay may binubulong si Javadd sa mga bata. Hindi ko tuloy maiwasan ang mapatanong sa aking sarili kung ano ang maaari niyang binulong sa mga bata.
Hindi ko pa man din sila tuluyang nakakaharap ay halos maligo na ako nang sabay-sabay sila na yumuko at sumalok ng tubig gamit pa rin ang kanilang mga palad at sinabuyan ako. Lahat ng iyon ay ginawa nila sa hudyat ni Javadd. At hindi ko pa man siya nakokompronta ay alam ko na agad na iyon ang binulong niya sa mga bata habang papalapit ako sa kanila.
Ngunit imbis na mainis na tulad ng nangyari kanina ay naging ayos lamang sa akin kahit pa basang-basa na ako. Ngunit hindi ako pumayag na hindi ako makakaganti kaya sinabuyan ko rin sila ng tubig.
Hanggang sa gumanti ulit sila sa akin. Naggantihan kami ng mga bata ng pagsasaboy ng tubig sa isa't isa. Hindi nga lamang patas para sa akin ang laban dahil ako lamang mag-isa at magkakakampi silang lahat. Pati si Javadd na may malalaking palad ay kakampi nila kaya alam ko na wala akong laban. Hindi ko man lang nga alam kung nababasa ko ba sila o nag-aaksaya lamang ako ng lakas.
Hindi ko namalayan na nakangiti na pala ako habang nakikipagbasaan sa kanila. Masyado na yata akong nalilibang at naaaliw sa gawain na ito. Huminto ako sandali dahil nakaramdam na ako ng pagod. Huminto rin naman sila na halatang mga napapagod na rin. Nilingon ko si Javadd nang maramdaman ko na nakatingin siya sa akin.
Nginitian ko siya dahil nginitian niya rin ako. Humakbang siya palapit sa akin kahit pa medyo nahihirapan siya dahil nga sa tubig siya naglalakad. Natatawa kaming parehas habang papalapit siya sa akin. Ngunit kaiht pa nakangiti siya ay hinanda ko pa rin ang sarili ko dahil baka mamaya ay muli na naman siyang mambasa kung kailan hindi ako handa. Nang tuluyan na nga kaming magkaharap ay doon ko napansin na medyo naghahabol pa siya ng hininga dahil sa pagod kaya nasisiguro ko na hindi pa niya magagawa na mag-umpisa ng panibagong basaan.
Ilang sandali na rin mula nang magkaharap kami ni Javadd ngunit wala pa rin siyang binibitiwan na ano mang salita. Nakatitig lamang siya sa ako. Hindi naman nakakailang ang paraan ng ginagawa niyang pagtitig sa akin. Ngunit kung hanggang mamaya niya ako plano na titigan ay nasisiguro ko na maiilang na ako.
"Masarap ba ang maging bata, Ayesha?' tanong ni Javadd nang sa wakas ay tila maumay na siya sa mukha ko dahil sa tagal ng pagkakatitig niya sa akin.
At sa tanong niyang iyon ay saka ko lamang napagtanto na ito pala ang ibig niyang sabihin sa snabi niya kanina na hindi pa naman huli ang lahat para maranasan namin ang maging bata. At sa tingin ko ay tama nga siya. Kahit paano ay naging bata kami.
Hindi ko pa man nararamdaman ang pakiramdam na maging bata ay nasisiguro ko naman na ito na ang akiramdam na iyon. Sabi nila ay masarap daw ang maging bata dahil wala kag iniisip na ano mang problema. At iyon ang naramdaman ko kanina. Nakalimutan ko ang lahat at tanging kasiyahan lamang ang naramdaman ko. Pansamantala akong nakaramdam ng kapayapaan ng pag-iisip.
Hindi man lang pumasok sa isip ko ang pressure sa mamanahin kong trono na sa totoo lang ay matagal ko nang pinoproblema. Pini-pressure ako ni inang reyna na maging handa ngunit siya rin naman ang kauna-unahan sa mga nagsasabi na hindi ko kaya.
Kung pwede nga lamang bumalik na lamang sa pagkabata ay gagawin ko ngunit sisiguraduhin ko na mamumuhay ako bilang isang normal na Lavitran.
"Sobrang sarap, Javadd. Salamat sa kakaibang karanasan na ito," sabi ko at napangiti siya. Alam ko na damang-dama niya sa tinig ko ang sinseridad. At mabuti naman na naramdaman niya iyon dahil talagang sobra-sobra ang pasasalamat ko sa kanya. Dahil kung hindi ko naman nakilala si Javadd ay hindi ko rin makikilala ang mga batang ito na siyang magiging basehan ko kung ano nga ba ang pagkabata.
Alam ko rin at nasisigurado ko na ang mga bata ring ito ang nagturo at nagparanas sa kanya na maging bata. Kaya ganito na lamang din siya na naging malapit sa kanila.
"Kung totoong naiibigan mo ang pagiging bata ay nasisiguro ko na handa ka ulit sa panibagong round ng basaan?" Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at halos makalimutan ko na rin ang tungkol doon. Medyo nawala na ang pagiging handa ko para doon kaya mabilis ko iyong binalik kung sakali man na magsimula na naman siya.
Mukhang nakabawi na siya ng lakas kaya malakas na ang loob niya na muling manghamon at ganoon di naman ako. Hindi na ako nakakaramdam ng pagod kaya handa ako na tanggapin ang kanyang hamon.
Ngunit bago pa man magsimua ang panibago naming labanan ay nakita ko na nagtatakbuhan ang mga batang babae palapit sa akin. Ang mga batang lalaki namin ay palapit kay Javadd.
"Para patas ang laban, dito kami kay Binibining Ayesha," sabi ng isang batang babae nang makapwesto na sila sa likuran ko. Nagkibit balikat na lamang si Javadd na hindi ko naman nakitaan ng ano mang pagtutol. Talagang hindi na siya dapat pang tumutol dahil hindi naman ako nagreklamo nang mag-isa lang ako kanina laban sa kanilang lahat.
Nilingon ko ang mga batang nasa likuran ko at tinaasan sila ng hintuturo. Ngumiti naman sila at tinaasan din ako ng hintuturo. Naghanda kami sa muling pakikipagbasaan. Hanggang sa nagsimula na nga ang lahat at napuno na naman ng tawanan ang buong lugar na ito. Walang halo ng ano mang pagsisisi na nagpadala ako rito kay Javadd. At tama lamang na nagtitiwala ako sa kanya sa ganitong klaseng bagay.
Hanggang sa pauwi na kaming lahat ay punong-puno pa rin ng kasiyahan ang aking puso. Para ngang ayaw ko pa na bumalik sa palasyo ngunit alam ko naman na hindi iyon maaari. At alam ko rin na kinakailangan na rin ni Javadd na umuwi dahil parehas lamang kaming mga takas sa kanya-kanya naming mga kaharian. Siya ay takas na kawal, habang ako naman ay takas na prinsesa.
Nang muli kong masilayan ang palasyo ng aming kaharian ay tila hinihila na ako ng aking mga paa pabalik ng Kaliwag. Alam ko na agad kasi na sermon na naman ang gigising sa akin mamaya. Pagising na ang kaharian ng Vittoria samantalang ako na kanilang prinsesa ay patulog pa lamang.
Sigurado ako na magtatakha na naman ang inang reyna kung late na naman akong magigising. Nang masilayan ko ang malambot kong kama ay saka ko lamang naramdaman ang labis na pagod. Parang nang-iimbita na matulog na ako. Bigla na lamang nanakit ang katawan ko. Lalo na ang mga binti ko na sa tingin ko ay dahil sa haba ng nilakad namin.
Ngunit kahit na ganito naging kasakit ang katawan ko ay walang-wala naman ito kung ikukumpara sa naging kapalit na saya at tuwa. Sulit na sulit ang lahat ng pagod at hirap ko marating lang ang lawa. Medyo nahuli nga ako nang kaunti sa oras ng pag-uwi ko dahil kinailangan pa namin na magpatuyo ng mga nabasa naming kasuotan dahil hindi naman ako pwedeng umuwi ng kaharian na parang isang bang sisiw.
Nagpalit na agad ako ng damit kong pantulog para makapaghanda na rin sa pagtulog. Dahil sa tingin ko ay kailangan ko na ng pahinga. Naghahalo na ang antok, pagod at gutom sa akin. Hindi ko naman magawa na kumain na muna dahil hindi na mga pagkain dito ang hinahanap ng tiyan ko. Kung pwede nga lamang na magpabili ako ng mga pagkain sa Kaliwag ay ginawa ko na.
Ngunit alam ko na magtatakha lamang sila sa kung paano ko nalaman ang mga pagkain na roon lamang matatagpuan gayong hindi naman ako maaaring lumabas.
Matapos kong magpalit ng damit at humiga na ako sa aking kama. Nakatulala lamang ako sa kisami. Hindi naman ako nag-aalala na ilang oras na lamang ang maaari kong maging pahinga dahil alam ko naman na mabilis at agad akong makakatulog nang dahil sa labis na pagod.
Hindi nga ako nagkamali dahil ilang sandali pa lamang mula nang pumikit ako ay nakaramdam na agad ako ng antok.