Chapter 8

1517 Words
Chapter 8 Ayesha's POV Walang dahilan para hindi ko magustuhan ang lugar na ito. Hindi ko pa man nalilibot ang kabuuan ng Kaliwag ay ila nahanap ko na ang pinakapaborito kong lugar dito. Ito ang unang beses na nakagala ako sa ganito kaya hindi ko alam ang mga dapat gawin. Hindi ko rin alam kung pwede nga ba itong lusungan, hindi tulad ng sa aming kaharian na talagang may kawal pa na nagbabantay para lamang makasigurado ang inang reyna na wala talagang sino man ang makakalusong o makakaligo man lang. Napaawang pa ang bibig ko nang makita ko ang paglusong ng isang bata. Tila namamangha pa ako nang makita iyon. Ito rin kasi ang unang beses na may nakita ako na lumulusong sa lawa. Bigla rin tuloy akong nainggit at napatanong kung ano ang pakiramdam ng lumusong sa lawa. Tila ba nais ko iyon na subukan. Nabaling muli kay Javadd ang tingin ko nang mapansin ko na may ginagawa siya. At nang makita ko kung ano iyon ay nagtatagal siya ng kanyang sapatos. Nagkakaroon na ako ng hinala sa kung ano ang gagawin niya ngunit nais ko muna na makasigurado. Napalingon naman ako sa iba pang direksyon nang mapansin ko na naghuhubad na rin ng iba pa niyang kasuutan si Jaadd. Hanggang sa shorts at sando na lamang ang natitira niyang suot. Dahil may saplot pa naman siya sa katawan ay hindi ko na ininda ang pagkailang sa ginawa niya. Nang tapos na siya sa ginawa niya na pagtatanggal ng iba niyang saplot ay nilingon naman niya ako. Hindi ko naman alam kung mananatili ba ang panonood ko sa kanya o muli na lamang ako titingin sa ibang direksyon. Ngunit dahil huli na rin para makapag-isip at dahil na rin sa labis ko na pagkataranta ay sinalubong ko na lamang ang mga tingin niya. At agad namang napakunot ang noo ko nang maglahad siya ng kamay. Natawa naman siya nang makita niya ang aking pagkalito sa nais niyang sabihin. Mula sa pagkakalahad ng kamay niya sa aking harapan ay tinuro niya ang lawa na ngayon ay may ilang bata na ang nakalusong. At unti-unti ko naman nang naintindihan ang nais niyang sabihin. Ngunit hindi ko maiwasan ang mag-alangan dahil nga nasanay ako sa isang lawa na pinagbabawal na lusungan. At ang isa pa sa naiisip ko na maaaring mangyari ay paano kung talagang pinagbabawal nga ng pamunuan ng Kaliwag ang paglusong dito. Na sadyang may katigasan lamang ang ulo ng mga batang ito--at maging si Javadd kaya nagagawa pa rin nila na gawin ito. at ang mas nakakatakot sa lahat ay paano kung may mga bantay na bigla na lamang dumating st sitahin kami. Mabuti na lamang kung basta sita lamang ang gagawin at pagsasabihan kami. Pero paano kung basta na lamang kaming damputin at ikulong kami? Sigurado ako na hindi ako makakabalik sa palasyo nang tama sa oras. Isang malaking gulo ang magagawa ko kung hindi ako makikita ng aking inang reyna at amang hari. Kaya kahit na gaano ko pa kagusto na sumali sa plano nila ay hindi ko rin naman magagawa. Kaya ang mas mabuti pa siguro ay kumpirmahin ko na muna sa kanila. "Hindi ba pinagbabawal ng pamunuan ng Kaliwag ang paglusong sa lawa?" tanong ko at natatawa siya na umiling. Hindi ko alam kung nagsasabi nga ba siya ng totoo o sinabi niya lang iyon para mapalusong niya lang ako sa lawa. Ngunit kung pagbabasehan ko ang mga mata at ngiti niya ay mukha naman siyang nagsasabi ng totoo. Sana nga lamang ay hindi ako nagkakamali ng hinala at pagbasa sa mukha niya. "Totoo ba ang iyong sinasabi?" tanong ko pa at muli na naman siyang natawa. Hindi naman siya mukhang naiirita sa mga tanong ko na tila ay hindi ko siya lubusan na pinagkakatiwalaan. Ngunit kung nalalaman lamang sana ni Javadd ang dahilan kung bakit hindi dapat ako mapahamak sa plano na ito. "Totoo ang sinasabi ko, Ayesha. Hulaan ko, pinagbabawal din ba sa inyong kaharian ang pagligo sa lawa?" sabi niya at mukhang ganoon din pala sa kaharian nila. Tumango-tango ako at napangiti siya. "Huwag kang mag-alala, Ayesha dahil naiintindihan kita. Pinagbabawal din iyon sa aming kaharian kaya nga nakikita ko sa iyong mukha ang pagkamangha na naramdaman ko noon nang unang beses ko silang mapanood na lumusong sa lawa." Kung ang pagkamangha ko ay kanyang naramdaman, sigurado ako na maging pagkasabik at kagustuhan ko na masubukan iyon ay nakita niya rin. Kaya wala na sigurong dahilan pa para itago iyon. Tutal ay sa kanya naman nanggaling na naiintindihan niya ako dahil ganoon din sa kanilang kaharian. At dahil na rin nga sa sinabing iyon ni Javadd at kasiguraduhan ko na nagsasabi siya ng totoo na hindi nga pinagbabawal ang paglusong dito ay naghubad na rin ako ng ilan sa mga kasuotan ko. Ang sapatos ko ang unang hinubad at sumunod na ang mga damit. Nang sa tingin niya ay nakahanda na ako sa paglusong ay muling naglahad ng kamay si Javadd. Ngunit bago ko iyon tanggapin ay napatingin pa ako sa mga bata na ngayon ay masasaya nang nagtatampisaw sa lawa. Nakita ko pa ang pagkaway sa akin ng isa sa kanila kaya naman nabaling din sa akin ang tingin ng lahat ng baya. Maging sila ay kumaway na rin na tila ba sinasabi na subukan ko na rin. Hindi ko mapigilan ang matawa. Hanggang sa nalaman ko na lang na kumakaway na rin ako pabalik sa kanilang lahat. Saka ko lamang tinanggap ang kamay ni Javadd at inalalayan na niya ako papunta sa lawa. Kakaibang kuryente ang dumaloy sa buo kong katawan nang madampian ng malamig na tubig ng lawa ang paa ko kaya agad ko itong binawi. Hindi ako sanay na maligo sa malamig na tubig dahil maligamgam ang panligo ko sa palasyo. Maging kung maliligo man ako ng bukal ay mainit din ang nilalabas na tubig doon. Narinig ko ang malulutong na tawanan ng mga bata dahil sa naging reaksyon ko sa tubig. Maging si Javadd ay narinig ko ang tawa. Ngunit imbis na mainis ako dahil pinagtatawanan nila ako ay hindi ko na rin napigilan ang pagtawa sa aking sarili. Sinubukan ko na lamang na muling tumapak sa tubig. Ilang beses ko pa na sinubukan hanggang sa masanay na ang sarili ko sa lamig. Tuluyan na nga akong nakalusong at patuloy pa rin naman sa pag-alalay sa akin si Javadd. Alam ko na ang mga bata ang nilalapitan namin. Hindi ko ulit maiwasan ang mag-alala dahil nagbabasaan sila. Magsasalok sila ng tubig mula sa lawa sa pamamagitan ng kanilang magkabilang palad at ibabato sa isa't isa. Alam ko na maaari kaming mabasa kung mas lalapit pa kami sa mga bata. Ngunit hindi ko naman alam kung paano pipigilan si Javadd sa ginagawa niya na mas lalo pang paglapit dahil tila iyon talaga ang plano niya. Tulad nga ng inaasahan ko, hindi pa man kami tuluyang nakakalapit sa mga bata na nagbabasaan at nagtatampisaw sa lawa ay nahagip na nga kami ng tubig. Noong una ay nabigla pa ako at naiwang nakabuka ang aking bibig. Ngunit nang ilang ulit na akong natamaan ng tubig ay nasanay rin naman ako. Ngunit ang sumunod na mga pangyayari ay naging sobrang bilis kaya hindi agad ako nakakilos at napanganga na lamang. Akala ko kasi kung bakit bigla na lamang yumuko si Javadd. Iyon pala ay upang sumalok din ng tubig para sadyain na ibato sa akin. At hindi ko alam kung ako ang mararamdaman ko. Naiinis ako na natatawa. Muli kong narinig ang tawanan ng mga bata at ang malulutong din na tawa ni Javadd. Ngunit dahil mas nangibabaw ang inis na nararamdaman ko ay yumuko rin ako para sumalok ng tubig mula sa lawa para isaboy sa kanya. Ngunit ang buong akala ko na makakaganti na ako sa kanya sa ganoong paraan ay isa palang pagkakamali dahil nagawa niya na makailag. Mukhang nahulaan na niya ang plano ko kaya napaghandaan niya. Kaya ngayon ay hindi ko na alam kung paano ako makakabawi gayong parang mababasa niya ang lahat ng kilos ko. Muli na lamang akong nagulat nang muli ay may tumamang tubig sa akin. Nakakasiguro ako na hindi si Javadd ang may kagagawan nu'n dahil hindi ko naman inaalis ang paningin ko sa kanya. Nang lingunin ko ang pinanggalingan ng tubig na tumama sa akin ay ang mga bata ang nakita ko. Hindi ko naman sila magawang pagalitan kahit pa alam ko na sinasadya nila iyon. Hindi nawawala ang mga ngiti nila sa labi at tila ba nais nilang ulitin. "Hindi ba't sinabi ko sa iyo na hindi pa naman huli ang lahat para maranasan nating ang pagkabata? Kaya ano pa ang hinihintay mo, Ayesha. Halika na at makipaglaro sa mga bata. Walang masama kung magiging bata ulit tayo sa ilang sandali lamang," sabi niya. Binitiwan niya ang kamay ko at tumakbo na siya sa kinaroroonan ng mga bata sa hindi kalayuan. Dahil nga sa tumatakbo siya ay nagtalsikan na ang mga tubig at hindi naman niya iyon inalintana kahit pa mas lalo lamang siyang mababasa. Natulala na lamang ako habang pinapanood siya na tumatakbo palayo sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD