Chapter 10
Ayesha's POV
Nagmulat ako ng mga mata nang hindi ko alam kung ano ang mangyayari ngayon. Alam ko na late na naman ako ng gising dahil mula rito sa kwarto ko ay naririnig ko na ang abalang kapaligiran sa ibaba ng palasyo. Ngunit kahit pa alam ko na ang posibilidad na uusok na naman ang ilong ng aking inang reyna ay hindi ko pa rin magawa na bumangon.
Kahit kasi late na ay alam ko na iilang oras pa lamang ang naitutulog ko kaya ganito na lamang ang antok na nararamdaman ko. Ngunit alam ko na kailangan ko nang bumangon. Dahil nasisigurado ko na kung sa mga susunod na oras at hindi pa rin ako nakikita ng inang reyna ay pupuntahan na naman niya ako rito na madalas na niyang ginagawa mula nang matutunan ko ang pumunta sa Kaliwag.
At ayokong pumupunta siya rito dahil alam ko naman na si Markiya na naman ang pag-iinitan niya at papagalitan niya. At ayokong pinapagalitan niya ang kaibigan ko na iyon lalo pa at alam ko naman na wala siyang kasalanan at mas lalong wala siyang alam sa mga ginagawa ko.
Sinubukan ko nang bumangon at agad na nagtungo sa bintana para sumilip. Hindi nga ako nagkakamali sa hula ko dahil marami nang Vittorian ang nasa labas na abala na sa kani-kanilang trabaho. Ang lahat ay ginagawa na ang kanilang tungkulin, habang ako ay heto at kababangon pa lamang. At alam ko rin naman sa sarili ko na hindi ko nagagawa ang tungkulin na mayroon ako--ang tungkulin ng isang prinsesa.
Dahil bukod sa hindi ako nakikinig sa payo ng inang reyna ay hindi ko rin siniseryoso ang pagsasanay na mayroon ako. Tulad na lamang ng pagsasanay ko sa araw na ito. Kahit pa alam ko nang kapag hindi pa ako nagsimulang kumilos ngayon ay mahuhuli na ako sa pagsasanay ni namin ni Digno.
Alam ko naman na hindi niya ako magagawa na pagalitan. Dahil bukod sa ako ang prinsesa ay kaibigan niya ako. Bata pa lamang kami ay siya na ang naging tagapagsanay ko. At wala akong natatandaan na pagkakataon na pinagalitan niya ako. Hindi ko na mabilang pa ang pagkakataon na pinaghihintay ko siya ngunit kahit na kailan ay wala akong narinig sa kanya na ano mang reklamo.
Kung may magrereklamo man ay si inang reyna iyon. Kung minsan pa nga ay pinapagalitan at pinagsasabihan niya ako sa mismong harapan ni Digno. Minsan nga ay nakakaramdam na ako ng hiya kaya talagang sinusubukan ko na dumating sa tamang oras. May mga ganitong pagkakataon lamang talaga na napapasarap ang tulog ko.
Pinakiramdaman ko ang paligid nang tila ay may marinig ako na pamilyar na yabag. Nagmadali akong bumalik sa higaan ko at nagtalukbong ng kumot nang makumpirma ko na sa inang reyna ang papalapit na yabag na iyon. Mayamaya lang din ay narinig ko na ang malalakas na katok sa pintuan. Alam ko na hindi ang inang reyna ang may gawa nu'n. Siguro ay inutos niya lamang sa kawal na nagbabantay sa tapat ng aking kwarto.
"Prinsesa Ayesha!" Bakas sa tono ng aking inang reyna ang labis na inis at pagkainip. Alam ko na kanina pa nila hinihintay ang paggising ko para sa pagkain namin ng agahan. Ayaw kasi ng amang hari na hindi kami sabay-sabay na kakain. Kaya walang ibang nagagawa ang inang reyna kundi ang maghintay sa akin.
Hindi ako sumagot at nanatili lamang ako na nakahiga sa aking kama. Kahit na anong mangyari ay hindi ako sasagot at hindi ko siy pagbubuksan ng pinto dahil alam ko na doon niya ako kagagalitan kahit pa maraming tagasilbi ang makakarinig. Kaya mas makakabuti kung hahayaan ko na lang siya na kusang pumasok dito sa loob ng aking silid at dito na lamang niya ako kagalitan.
Hindi naman na susunod pa ang ibang tagasilbi rito dahil alam naman nila na isa sa pinaka-ayaw ko ay ang may ibang Vittorian ang papasok sa kwarto ko. Tanging ang aking mga magulang at si Markiya lamang ang hinahayaan ko na pumasok dito. Makakapasok lamang ang iba kapag alam ko na importante ang kanilang sadya.
"Markiya, ang susi!" Hindi naman na bago sa pandinig ko ang pagpapakuha ng susi ni inang reyna kay Markiya. Alam ko na iyon na talaga ang sunod niyang gagawin matapos ang ilang ulit pang pagkatok at pagtawag niya sa akin nang hindi ako sumasagot. Hanggang sa marinig ko na nga ang pagsusi sa pinto ng kwarto ko. Narinig ko na rin ang pagbukas nito at ang mabibilis na yabag ng aking inang reyna na tila ba hindi na makapaghintay na harapin ako.
"Mahirap gisingin ang nagtutulog-tulugan," inis na sambit ni inang reyna sa kalagitnaan ng paglalakad niya palapit dito. Muli na akong pumikit nang maramdaman ko na malapit na siya sa higaan ko. Dalawang yabag ang naririnig ko kaya alam ko na kasunod niya si Markiya.
Kung ako kay Markiya ay hindi na ako sumunod pa dahil sigurado ako na kung makita ng inang reyna na hindi ko siya pinapakinggan ay sa kanya mababaling ang inis nito. Alam ko naman na alam niya iyon pero hindi ko alam kung bakit ginagawa pa rin niya.
"Ayesha! Prinsesa Ayesha, bumangon ka na riyan," sambit niya ngunit nanatili akong nakapikit. Hindi ko alam kung naniniwala pa ba siya na tulog ako ngunit base sa sinabi niya kanina ay alam na niya na gising na ako at nagtutulug-tulugan lamang. Ngunit nanatili ako sa aking pagkakapikit at pagkakahiga.
"Mahal na prinsesa..." Bigla na lamang akong kinabahan nang marinig ko ang pagtawag ng mahal na hari sa pangalan ko. Hindi ako pwedeng magkamali dahil wala namang hindi nakakakilala sa boses niya. Kung gayon ay hindi pala yabag ni Markiya ang narinig ko na kasama ng inang reyna. Dahil ang amang hari pala ang dinala niya.
Hindi ko na tuloy alam kung magmumulat na ba ako o magpapagising pa ako. Kung magmumulat kasi agad ako ay mahahalat nila na nagtutulug-tulugan lang ako dahil agad akong mapapabangon sa isang tawag pa lamang ng mahal na hari. Ngunit ayoko rin naman na paghintayin siya dahil kahit na aman ko siya ay siya pa rin ang nag-iisang hari ng Vittoria.