Chapter 22

2006 Words
Chapter 22 Ayesha's POV Nang dahil nga sa pagod ay naging masarap ang tulog ko na halos hindi ko na rin naalala kung gaano ako kabilis nakatulog. Nagising na lang ako na magaan na ang pakiramdam ko na tila ba ay handa na ako sa kung ano man ang nakaplano kong gawin ngayon. Inisip kong mabuti ang mga gagawin ko ngayon at isa na roon ay ang pagpunta sa Kaliwag. Oras na rin naman talaga ng pagpunta ko roon kaya hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at bumangon na ako. Tiningnan ko pa nang mabuti ang kabuuan ng kwarto ko upang makita kung wala na ba talaga si Markiya rito. At nang masiguro ko na ako na lamang ang nandito ay dumiretso na ako para makapaligo na. Hindi naman ako ganoon katagal na nag-asikaso dahil ilang sandali lang din ay nakahanda na ako. Tulad pa rin ng lagi kong ginagawa ay lumabas na ako sa bintana at maingat na nagtungo papunta sa butas na siyang lulusutan ko. Wala naman akong naging problema sa paglabas ko at narating ko naman ang Kaliwag nang mapayapa. Dahil nga sa naging masarap ang pagtulog ko ay pakiramdam ko tuloy ngayon na huli na ako sa usapan namin ni Javadd. Kaya naman malalaki na ang ginawa kong hakbang para lamang makarating na sa pupuntahan ko. Baka kasi mamaya ay iniwan na pala ako ni Javadd dahil nainip na siya sa paghihintay sa akin. Huwag naman sana ngunit baka gawin na lamang niya nang mag-isa ang dapat sanang gagawin niya na kasama ako. Ayokong naman na mangyari iyon dahil sayang naman ang punta ko ngayon kung ganoon nga ang mangyayari. Kahit na ilang beses pa lang kaming nagkakasama ni Javadd ay masasabi ko sanay na ako na siya ang kasama rito sa Kaliwag. Kaya kung hindi ko siya makakasama ngayon ay sigurado ako na mahihirapan ako na mag-isip kung saan pwedeng pumunta o ano ang pwede kong gawin. Nakikita ko rin ang posibilidad na maaari akong umuwi na lamang kaysa maglibot sa Kaliwag nang mag-isa. Ngunit lahat ng pangamba ko ay bigla na lamang naglaho nang matanaw ko na si Javadd sa eksaktong pwesto kung saan kami laging nagkikita. Taliwas sa kanina ko pa iniisip at kinakatakot na naiinip na siya ay wala naman akong nakikitang bakas ng ano mang pagkainip sa mukha niya. Bagaman halata sa kanya na may hinihintay siya ay mukha namang matiyaga siyang naghihintay. Hindi ko na kailangan pa na tanungin ang sarili ko sa kung sino ang hinihintay niya dahil alam ko naman sa aking sarili na ako iyon. Hindi ko naman naiwasan ang mapangiti na lamang dahil matiyaga niya akong hinintay. Dahil may kalayuan pa ako sa kanya ay hindi pa niya ako nakikita pa. Kaya mas lalo ko na lamang binilisan sa paglalakad upang tuluyan na akong makalapit sa kanya at makapagsimula na kami sa plano namin. Nang mapansin niya siguro na may paparating ay agad niyang nilingon ang nilalakaran ko. Napaayos siya ng tayo upang hintayin na ako. Nginitian niya ako habang hinihintay ang paglapit ko sa kanya at bahagya pang kinawayan. Sinagot ko naman ang mga ngiti niya hanggang sa tuluyan ko na ngang marating ang kinaroroonan niya. Hindi nga ako nagkamali na ako nga ang hinihintay. Nang magkaharap kami ay agad na akong nagyaya na umalis na at simulan ang aming plano para marami-rami kaming magawa at mapuntahan ngayon. Wala naman na akong problema sa katawan ko dahil sobra-sobra na ang pahinga ko. Ang isipin pa lang kasi na maglilibot na naman kami sa Kaliwag ay nakakawala na ng pagod. Wala naman akong nakitang problema kay Javadd nang magyaya agad ako. Bagkus ay ngumiti pa nga siya at tumawa. "Tila sabik na sabik ka sa pamamasyal natin na ito, Ayesha?" puna ni Javadd nang tila ay mapansin niya na ilang sandali na rin mula nang magsimula kaming maglakad ay hindi naaalis ang ngiti sa aking mga labi. Hindi ko rin alam kung bakit ganito na lamang ang mga ngiti ko. Ngunit sa tingin ko ay dahil lamang ito sa natutuwa ako na nagawa akong hintayin ni Javadd kahit na sa tingin ko ay may katagalan ako ngayon. "Palagi naman akong nasasabik sa tuwing naiisip ko na mamamasyal ako rito sa Kaliwag," sagot ko at narinig ko ang marahan niyang pagtawa. "Parehas pala tayo, Ayesha. Ngunit ano ba ang nais mong mapuntahan ngayon?" tanong niya. Wala pa naman akong gaanong nalalaman sa lugar na ito kaya wala pa akong mabibigay na lugar sa kanya kung ano nga ba ang nais kong puntahan. "Ikaw, Javadd? Ano ba sa tingin mo 'yung mga lugar na magugustuhan ko?" Hindi naman siya agad nakasagot at halata na bigla siyang napaisip. Ilang sandali ko rin siyang hinintay na mag-isip bago ko nasilayang muli ang ngiti niya nang tila ay may pumasok na sa isip niya. Tumango-tango siya. Gusto ko sanang itanong kung bakit siya tumatango-tango ngunit alam ko naman na sarili niya siya tumatango at nakakahiya kung magtanong ako. "Kung iyan ang iyong nais, Ayesha. Ngunit sa ngayon ay kumain na muna siguro tayo." Dahil sa sinabing iyon ni Javadd ay bigla na lamang akong nakaramdam ng gutom at bigla kong naalala na hindi nga pala ako kumain sa palasyo. Hindi ko na nagawa pa na sumabay sa mahal na hari at mahal na reyna sa pagkain dahil mas pinili ko na lamang ang magpahinga. Ngunit sino ba naman kasi ang gaganahan na kumain kasabay sila kung ganoon ang mga binitiwang salita ng mahal na reyna. Kung ang mahal na hari lamang ang makakasabay ko ay wala akong magiging problema. Kahit hinihila na ako ng kwarto ko para magpahinga ay sasabayan ko pa rin ang mahal na hari sa hapag. Ngunit dahil nga makakasabay ko rin ang mahal na reyna ay pinili ko na lamang ang makapagpahinga. Hindi na ako tumanggi pa sa yaya ni Javadd na kumain na muna. Agad naman kaming naghanap ng mabibilhan ng pagkain namin. Mabilis lang ang ginawa naming pagkain dahil nais naming makapahinga agad at makaalis na. Hindi rin naman nagtagal ay nagpatuloy na kami sa aming paglalakad patungo naman sinasabi ni Javadd na pamamasyalan namin. May kalayuan din pala ang lugar na pagdadalhan sa akin ni Javadd ngunit hindi ko naman iyon ininda. Alam ko rin naman kasi na magiging sulit ang lahat ng ito oras na marating namin ang lugar na iyon at alam ko na magugustuhan ko roon. Tiwala naman ako sa desisyon ni Javadd dahil alam ko naman na hindi niya ako dadalhin sa isang lugar na hindi ko naman magugustuhan. Tulad na lamang nang dinala niya ako sa may lawa. Ang buong akala ko ay hindi ko magugustuhan doon. Ngunit naging iyon pa ang pinakapaborito kong lugar dito sa Kaliwag. Kaya ngayon pa lang ay nakakasigurado ako na magugustuhan ko sa pagdadalhan sa akin ni Javadd at magiging sulit ang haba ng nilakad namin. "Malapit-lapit na rin tayo, Ayesha," sabi niya sa akin at hindi ko tuloy alam kung nabakasan na ba ako ng pagod kaya nagsabi na siya sa akin na malapit na kami. Ngunit sa tingin ko naman ay hindi pa ako mukhang pagod dahil sa totoo lang ay nasisiyahan pa nga ako sa ginagawa naming paglalakad. Siguro ay sinabi niya iyon upang mas lalo lang akong pasabikin. Ang kasalukuyan naming dinaraanan ni Javadd ay maihahalintulad sa dinaanan namin noong nagtungo kami sa may lawa. Habang ppalapit kami nang papalapit sa may lawa ay mas dumadalang ang mga kabahayan na dinaraanan namin. Kaya ngayon pa lang ay alam ko nang hindi talaga pangkaraniwan ang pupuntahan namin. "Nandito na tayo." Napalingon ako sa paligid nang sabihin iyon ni Javadd at hindi ko naiwasan ang mapakunot ang noo ko dahil wala naman akong ibang nakikita kundi ang bakod na yari sa mga kahoy. Nagulat na lamang ako nang buksan niya ang pinto ng bakod at tiningnan niya ako. At sa mga tingin pa lang niya ay alam ko na pinapapasok niya ako. Mabilis at sunud-sunod naman na iling ang hinding-hindi niya ako mapapapasok doon. Baka mamaya ay kung sino pa ang nakatira doon at masita pa kami. Baka bigla na lamang kaming damputin. Dahil sa ginawa ko na pag-iling ay natawa siya. "Bakit, Ayesha?" tanong niya at napangiwi ako. Seryoso ba siya na nagtatanong pa siya kung bakit ganoon na lamang ang pag-iling ko? Seryoso ba siya na plano niyang pasukin ang bakuran na iyan "Ano ka ba naman, Javadd? Sa tingin ko ay hindi tayo pwede na basta na lamang pumasok sa lugar na iyan," sabi ko at natigilan siya. Tila iniisip pa niya nang mabuti kung ano ang nasa isip ko. Sa tingin ko kasi ay pinagbabawal ang pagpasok sa loob ng bakuran na ito dahil nga sa nakasarado ang tarangkahan. Kung hindi ito pinagbabawal ay hahayaan lamang nila na nakabukas ito. "Bakit naman hindi, Ayesha? Pwedeng-pwede tayo rito," sabi niya ngunit sinamaan ko siya ng tingin kaya unti-unti na siyang natatawa dahil sa labis ko na pagtutol sa plano niya at nais na mangyari. Alam ko na pipilitin niya akong pumasok doon. "Sarado ang tarangkahan, Javadd. Sa tingin mo ba ay hahayaan nila na may makapasok na kung sino man?" Tuluyan na siyang natawa sa sinabi ko. Ilang sandali pa ang kinailangan niya bago siya tuluyan na makakilos ulit. At nagulat na lamang ako nang hawakan niya ako sa palapulsuhan at hinila papasok ng bakuran. Dahil sa pagkabigla ay wala na rin akong nagawa pa. Agad namang sinarado ni Javadd ang tarangkahan nang makapasok na kami. Pipigilan ko pa sana siya na isarado iyon ngunit nailapat na niya ang mga iyon. Ayoko naman na makipagtalo pa sa kanya kaya hinarap ko na lamang ulit siya upang kalmado siyang pagsabihan. Ngunit nang harapin ko siya ay agad nawala sa kanya ang atensyon ko dahil sa makaagaw pansin na tanawin sa kanyang likuran. Nakita ko ang pagngiti ni Javadd nang makita ko ang kung anong nasa likuran niya at sa hindi ko maintindihan na reasyon ng mukha ko ngayon. Pakiramdam ko ay pinagtatawanan niya ang mukhang ewan kong mukha ngayon. Ngunit hindi niya naman ako masisisi dahil sa labis na pagkamangha. Sa may bandang dulo ng bakuran ay nakapila ang kwadra ng mga kabayo na mga nakalusot ang ulo. At dahil doon ay namangha ako na tingnan sila. Kung gayon ay ito ang naisipan na lugar na pagdalhan sa akin ni Javadd. Kung gayon ay hindi na naman siya nabigo dahil talagang magugustuhan ko rito. Pakiramdam ko tuloy ay kilalang-kilala na ako ni Javadd upang malaman niya na mapapasaya ako ng ganitong mga bagay. Oo nga at nalaman niya na marunong akong mangabayo dahil sa insidente noon ng batang si Boki ngunit hindi ko naman nabanggit sa kanya na gusto ko ang ganitong mga bagay. Tila manghang-mangha kong tiningnan ang mga kabayo. Gusto ko sana silang lapitan ngunit natatakot ako na baka may bigla na lamang sumita sa akin. Marami rin namang kabayo sa kaharian namin sa Vittoria ngunit mahihirap silang paamuhin dahil mga sinanay sila para sa digmaan. Hindi tulad ng mga kabayo na nandito na sa tingin pa lamang ay halata nang madaling paamuhin. Hindi ako makatiis na hindi sila lapitan at kung hindi ko lang iniisip ang may-ari ng lugar na ito ay pinuntahan ko na sila isa-isa. Nagulat na lamang ako nang mglahad ng kamay si Javadd at sa tingin ko ay isa iyong paanyaya na lumapit kami sa mga kabayo. Ngunit tulad ng naging tugon ko kanina ay sunud-sunod na iling ang ginawa ko dahil sa labis na pagtututol. "Huwag kang matakot, Ayesha. Kaibigan ko ang may-ari ng lugar na ito," sabi niya na kinabigla ngunit kinatuwa ko. Ngunit hindi ko alam kung totoo ba ang sinabi niyang iyon. Wala naman sa hitsura niya ang nagsisinungaling kaya gusto ko sana siyang paniwalaan. Ngunit hindi ko naman mapigilan na isipin na maaaring sinabi niya lang na kaibigan niya ang may-ari nito upang hindi na ako mag-alangan pa na pumayag sa yaya niya na lapitan ang mga kabayo. Natawa na lamang si Javadd dahil sa hindi maalis-alis na pag-aalinlangan sa mukha ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD