Chapter 54
Ayesha's POV
Ilang sandali na rin mula nang magsimula kaming maglakad ni Javadd ay hindi pa rin namin nararating ang silid na sinasabi niya. Masyadong malaki ang palasyong ito kaya hindi iyon nakakapagtakha pa. Matiyaga na lamang akong naglakad at sumunod kay Javadd. Pakiramdam ko naman din kasi ay malapit na kami.
Ngunit kahit saan naman kami makarating ay ayos lang sa akin basta si Javadd ang kasama ko. Alam ko kasi na sa kanya lang ako ligtas.
Matapos pa nga ang ilang sandali naming paglalakad, sa wakas ay huminto na kami sa tapat ng isang pinto. Agad naman iyong binuksan ni Javadd.
"Tuloy ka, Ayesha." Mas nilakihan pa niya ang pagkakabukas sa pinto para lang makapasok na ako. At dahil pinatuloy na niya ako ay pumasok na ako sa loob. At nang parehas na nga kaming nasa loob ng silid ay sinarado na niya ang pinto. Saka lamang ako nakaramdam ulit ng totoong kapayapaan nang si Javadd na lang ang kasama ko. Ngayon na lang ulit yata ako nakahinga nang maluwag. Hindi ko akalain na kanina pa pala ang ginagawa kong sobrang pagpipigil.
Agad namang nabaling ang mga mata ko sa isang higaan na sa tingin pa lang ay halatang sobrang lambot na. Binato ko ang aking sarili sa kama na tulad ng lagi kong ginagawa sa aking silid sa tuwing uuwi ako ng palasyo galing sa Kaliwag nang pagod na pagod.
Pakiramdam ko kasi ay pagod na pagod ako ngayon kaya hindi ko na napigilan ang sarili ko na gawin iyon. Pakiramdam ko rin na nasa sarili ko akong kwarto kaya nagawa ko iyon. Ayoko sanang isipin ni Javadd na masyado akong ignorante sa malambot na kama dahil mayroon rin naman akong ganito. Pero dahil na rin sa labis na pagod ay hindi ko na napigilan pa ang aking sarili.
"Nasaktan ka ba, Ayesha?" tanong ni Javadd dahil hindi na akong muli pang kumilos mula nang mahiga ako. Nakatingin lamang ako sa kisame. "Bakit ka ba kasi tumalon?" nag-aalalang tanong niya at narinig ko na ang mga yabag niya na papapit sa akin akaya hindi ko na napigilan ang pagtawa. Masyado naman yatang naging maalalahanin itong si Javadd.
"Ayos lamang ako, Javadd. Gusto ko lang talaga na mahiga," sabi ko pa at bumuntong hininga. Siguro ay dahil sa inis at pag-aakala niya na may nangyari na sa aking masama.
"Kung gayon ay magpahinga ka na muna. O nais mo na munang kumain?" tanong niya at agad naman akong umiling. Ayoko munang maiwan dito nang mag-isa dahil baka may bigla na lang pumasok.
"Hihintayin ko na munang maluto ang pagkain at makakain tayo nang sa gayon ay dire-diretso na ang pagtulog at pahinga ko," sabi ko at tumango si Javadd.
"Wala ka bang gawain ngayon na maabala dahil da pag-aasikaso mo sa akin?" bigla kong naitanong. Kung prinsipe si Javadd, ibig sabihin lang ay abala siyang Algenian. Kaya imposible na wala akong nasasagasaan sa mga nakaplano niyang gawin ngayon.
"Wala naman masyado, Ayesha. Pwede ko namang ipagpaliban muna." Kung wala masyado at ipagpapaliban niya, ang ibig sabihin lamang nito ay mayroon. Bigla tuloy akong nakaramdam ng hiya dahil imbis na ginagampanan niyaang kanyang tungkulin ay heto siya at ako ang iniintindi.
"Sige na, Javadd, asikasuhin mo na ang mga dapat mong asikasuhin. Balikan mo na lamang ako pagtapos mo," sabi ko pero umiling siya bilang pagtutol sa sinabi ko.
"Hindi ko rin naman maaasikaso ang mga kailangan kong asikasuhin kung ikaw ang nasa isip ko, Ayesha. Alam ko na hindi rin ako mapapakali dahil sa pag-aalala ko sa iyo. Kaya aasikasuhin ko na lamang ang lahat pagtapos ng aking kaarawan." Mas lalo aoong nahita dahil sa sinabi niyang iyon.
Ngunit hindi ko naman na siya pinilit pa na umalis na muna. Ilang sandali pa ay nakarinig na kami ng katok sa pintuan upang sabihin na nakahanda na ang aming mga kakainin. Kaya naman niyaya na ako ni Javadd na lumabas muli. Ngayon ay may ideya na ako sa aking tutulugan kahit papaano.
Hanggang sa marating namin ang kanilang hapag at doon at naabutan nga namin ang mga nakahain nang pagkain. At lahat ng ito ay mukhang masasarap. Hindi pa man ako tuluyang nakakaupo ay pinoproblema ko na kung alin sa mga nakahain ang una kong titikman..
Pero kahit na gaano pa kasarap ang mga ito ay aasal pa rin ang nang tama sa harapan ni Javadd at sa harapan ng pagkain. Nagulat pa ako nang pinaghila ako ni Javadd ng upuan. Ngunit hindi lamang ako ang nagulat dahil maging ang mga tagasilbi na nakakita sa ginawa niya ay mga nagulat din. Hindi ko na lamang pinansin ang mga kakaiba nilang tingin sa akin.
Ngunit nang makaupo na ako, kahit ang paghawak sa mga kutsara't tinidor ay hindi ko magawa dahil sa pagkailang sa mga tingin nila. Tiningnan ako ni Javadd nang mapansin niya na hindi ako mapakali. Tinaasan niya ako ng kilay na halatang nagtatanong kung ano ang problema ko.
Hindi ako nagsalita at nginitian siya nang pilit. Sino ba naman kasi ang makakakain nang ayos kung may ganitong mga mata sa paligid. Nang tila ay mapansin ni Javadd ang dahilan ng pagkailang ko ay tiningnan niya ang mga tagasilbi na nakapalibot sa amin.
"Lumabas na muna kayo," sabi niya sa mga tagasilbi at nakita ko agad ang pagtutol sa kanilang mukha. Alam ko na ayaw nilang iwan si Javadd dahil walang magbibibgay ng kailangan niya kung may kailanganin man siya. Ganito rin naman kami sa aming palasyo. Maraming tagasilbi ang nakapalibot sa amin habang kumakain.
"Ngunit mahal na prinsipe, kailangang may maiwan na tagasilbi rito na maaari mong utusan," sabi ng isang babae na siyang pinakamatanda yata sa kanila.
"Tagasilbi rin naman si Ayesha," aniya at tinuro pa ako. "Siya ang bago kong tagasilbi. Kaaya maaari na kayong lumabas." Mababakas ang unti-unting pagkainip sa mukha ni Javadd dahil mukhang wala talaga silang plano na umalis.
"Ngunit--" Hindi na naituloy pa ng isa pang tagasilbi ang kanyang sasabihin dahil tiningnan na siya nang masama ni Javadd. Kaya kahit na napipilitan ay wala na silang nagawa pa kundi ang umalis at lumaba na ng kusina.
"Kumain ka na, Ayesha," sabi niya. Ngumiti naman ako at tumango.