Chapter 53
Ayesha's POV
Kahit na natatawa ako dahil sa labis na pag-aalala ni Javadd tungkol sa pagkain ko ay mas pinili ko na lamang ang manahimik. Gusto ko rin naman kasi talaga sa pakiramdam ang ganito si Javadd pagdating sa akin.
Hindi naman na hinintay pa ni Javadd ang sagot ko at nagsimula na siyang maglakad palabas ng kanilang tanggapan. Dahil ayaw kong malayo sa kanya at maiwan dito nang mag-isa ay wala na akong iba pang nagawa kundi ang sumunod sa kanya.
Hindi ko rin naman tatanggihan ang pagkain na iaalok niya sa akin lalo pa at mukhang may mga pagkain sila rito sa Algenia na bago sa aking paningin at bago sa aking panlasa.
Sinabayan ko si Javadd sa kanyang paglalakad. Nilingon naman niya ako at nginitian.
"Nais mo bang pumasok sa aming kusina o hihintayin mo na lamang ako hanggang sa makabalik ako rito?" tanong ni Javadd nang huminto kami sa tapat ng isang pinto. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot.
Ayokong maiwan dito sa labas pero ayoko rin naman na sumama pa sa loob. Baka kasi mamaya ay kung sinu-sino pa ang makakita sa akin doon. Sigurado naman ako na hindi lamang iisang Algenian ang nasa loob ng kanilang kusina dahil sa pinto pa lamang nito ay halatang malaki na ito at maraming tagasilbi.
"Dito na lamang siguro ako, Javadd. Hindi ka nama siguro magtatagal sa loob, hindi ba?" Hindi ko naitago sa tono ko ang pangamba at takot na mahiwalay kay Javadd. Hindi ko rin naman plano na ilihim iyon sa kanya. Kahit sino naman siguro ang nasa kalagayan ko ay hindi nanaisin na mawalay sa nag-iisang nilalang na kakilala niya sa lugar na hindi ako pamilyar.
"Oo naman, Ayesha. Hindi rin naman ako papayag na maiwan kita nang matagal. Ngunit papasok na muna ako sandali sa loob nang sa gayon ay matapos din ako agad. Huwag na huwag kang lalayo rito, Ayesha." Natatawa akong tumango sa sinabi niya sa akin kahit na pakiramdam ko ay ginawa niya akong bata. Ngunit hindi ko naman iyon minasama dahil alam ko naman na nag-aalala lang siya sa akin.
"Sige na, Javadd." Tumango siya at muli nang nagpaalam bago naglakad papunta sa pinto ng kanilang kusina at agad naman siyang pinagbuksan ng mga kawal na nagbabantay roon. Matiyaga kong hinintay si Javadd at nagtiwala na lamang sa kanyang sinabi na hindi siya magtatagal sa loob dahil nga sa ayaw niya akong iwan nang matagal.
Hanggang sa hindi nga nagtagal at tulad na rin ng sinabi ni Javadd ay ilang sandali lang din ay nakita ko na ang paglabas niya sa pintuan. Alam ko naman na tutuparin niya ang kanyang sinabi ngunit hindi ko naman akalain na magiging ganito siya kabilis. Hindi man lang nga yata ako nakaramdam ng ano mang pagkainip sa ginawa niyang pagpasok doon.
Habang naglalakad na siya palapit sa akin ay sinalubong ko naman siya ng ngiti. Ngayon pa lamang niya nasabihan ang mga taga-kusina na maghanda ng aming makakain kaya sigurado ako na maghihintay pa kami. Hindi naman ako panigurado na maiinip dahil kaya ko pa namang tiisin ang gutom. Nakakain naman na ako kanina ng mga tinapay kahit papaano.
Ang iniisip ko lamang sa ngayon ay kung saan kami maaaring tumambay ni Javadd habang naghihintay na maihanda ang aming pagkain nang hindi ako nakikita ng iba. Pakiramdam ko ay nakakahiya rin nang kaunti kapag nagsalo kami ni Javadd sa iisang mesa gayong isa siyang prinsipe habang ako naman ay isang hamak lamang na prinsesa.
Ngunit sa tingin ko naman ay hindi magiging ganoon katagal ang paghihintay namin dahil kung si Javadd ang nagpaluto sa kanila au sigurado ako na mabilis ang kanilang magiging kilos.
Kasabay ng paglapit sa akin ni Javadd ay ang paglapit naman sa kanya ni Sunil kaya muli kaming nagkaharap na tatlo.
"Nakahanda na po ang silid ng taga-Kaliwag, mahal na prinsipe," pahayag nito. Kung nalalaman lang sana niya na hindi ako taga-Kaliwag dahil taga-Vittoria talaga ako. Siguro ay kukumbinsihin niya na si Javadd na huwag na akong pagtakpan dito. O hindi naman kaya ay siya na mismo ang magsisiwalat sa tunay kong pagkakakilanlan.
"Ayesha, Sunil. Ayesha ang itawag mo sa kanya at huwag taga-Kaliwag. Dahil baka mamaya ay mapahamak si Ayesha. At kapag nagkataon nga na mapahamak siya dahil lang doon ay sinisiguro ko sa iyo na ikaw ang sisisihin ko." Bigla namang napalunok si Sunil dahil sa naging banta sa kanya ni Javadd.
"Paumanhin, mahal na prinsipe. Hindi na po mauulit." Tumango na lamang si Javadd sa naging paghingi ng tawad ni Sunil at hinarap na akong muli.
"Nais mo ba munang tingnan ang magiging silid mo habang nandito ka sa aming kaharian?" tanong ni Javadd at sunud-sunod ang tango ko. Dahil nga sa mas gusto ko na umiwas sa mga Algenian. Kung nasa silid ako na sinasabi ni Javadd ay sigurado ako na wala kaming ibang makakasama roon kundi kaming dalawa lamang ni Javadd. Iyon ay kung si Javadd ang magtuturo sa akin ng silid.
"Nais mo ba na ako na lamang ang maghatid sa kanya sa kanyang magiging silid, mahal na prinsipe?" tanong ni Sunil ngunit nakita ko na napangiwi si Javadd.
"Syempre, hindi, Sunil. Ako ang maghahatid sa kanya." Tila naman natauhan si Sunil at hindi na sumagot pa. Hanggang sa nagpaalam na rin ito kay Javadd kaya niyaya na ako nito na sumama sa kanya upang siya na raw ang maghatid sa akin.
Kaya naman sinundan ko na siya sa kanyang paglalakad hanggang sa maabutan ko siya at sinabayan na. Nilingon naman niya ako at nginitian.
Naging tahimik naman ang paglalakad namin ni Javadd. May mangilan-ngilang Algenian kaming nadaanan at lahat sila ay napapadalawang lingon sa akin. At alam ko na dahil iyon sa ngayon lamang nila ako nakita kaya talagang hindi ko rin sila masisisi sa mga tingin at lingon na ginagawa nila sa akin.
Ngunit nang tingnan ko naman si Javadd ay wala naman siyang ano mang reaksyon. Parang wala naman siyang pakialam sa mga nadaraanan namin at sa kung ano man ang sasabihin nila. At mukhang ang tanging nasa isip niya lamang ay ang marating namin ang silid na pagdadalhan niya akin.