Chapter 55

2519 Words
Chapter 55 Ayesha's POV Kung hindi npa pinalabas ni Javadd ang mga tagasilbi, siguro ay hindi pa rin ako nakakaisang subo hanggang ngayon. Kaya ngayon na kaming dalawa na lamang ang naiwan dito sa hapag-kainan ay malaya akong nakakakain. Hindi ko nga lamang alam kung hanggang kailan ako magiging palagay rito dahil pakiramdam ko ay mayroong hindi inaasahan na mangyayari. Kanina ko pa iniisip kung ano nga ba ang nais kong makita ngunit hindi ko naman mawari kung ano iyon. Ngunit imbis na pahirapan ko ang aking sarili sa pag-iisip sa kung ano ang maaaring mangyari ngayon ay minabuti ko na magpatuloy na lamang sa pagkain upang busugin ang aking sarili dahil hindi ko alam kung hanggang kailan lang ako magiging malaya nang ganito. Dahil pakiramdam ko na ano mang oras ay may papasok sa hapag na ito kaya lulubus-lubusin ko na. Parehas kaming natigilan ni Javadd nang may bumukas na naman ng pinto ngunit hindi naman siya nag-angat ng tingin dahil tila ba nakikilala niya ang may-ari ng mga yabag na ngayon a naglalakad na palapit sa amin. Nasa likuran ko ang pintuan na pinanggalingan ng mga papasok. Dalawang may-ari ng yabag ang naririnig ko kaya alam ko na hindi lang nag-iisa ang makakaharap ko. At kahit gaano ko pa gusto na masilayan kung sino ang paparating ay hindi ko naman magawa dahil natatakot ako sa kung sino ang bubungad sa atin. "Ang sabi ng mga tagasilbi na nasa labas ay may bago ka raw tagasilbi?" tanong ng isang lalaki na sigurado ako ngayon na nasa likuran ko na. Tango lamang naman ang sinagot ni Javadd at nagpatuloy sa kanyang pagkain. At kahit na hindi ko sila nakikita ay alam ko na nakatingin sila sa likuran ko. Bigla na lamang tuloy akong nakaramdam ng pagkailang. Tiningnan ko si Javadd at sinalubong naman niya ang mga tingin ko. Tinaasan niya ako ng kilay na tila ba nagtatanong sa kung ano ang problema ko. Sinenyas ko ang mga nasa likuran ko na agad naman niyang nakuha ang ibig kong sabihin kaya tumayo siya. Napatayo na lamang din ako at inilang hakbang ang pagitan namin ni Javadd para tumabi sa kanya. Mamaya ay bigla na lamang ako sugurin ng mga iyan. Nang nasa tabi na ako ni Javadd ay saka lamang ako nagkaroon ng lakas ng loob na tingnan ang mga bagong dating. At halos lumuwa ang mga mata ko nang makita sila. Hindi pa man sinasabi ni Javadd kung sino sila ay agad ko na silang nakilala dahil sa pananamit pa lamang na mayroon sila. At hindi lamang sila mga pangkaraniwan na Algenian. Sa tindig pa lamang nila ay alam mo nang sila ang may pinakamataas na posisyon sa kaharian na ito. "Ito si Ayesha, ang napili ko na bagong tagasilbi. Ayesha, sila naman ang aking mga magulang. Sila ang hari at reyna ng Algenia." At halos isumpa ko na si Javadd dahil pinakilala pa niya nang ganoon ang hari at reyna ng Algenia. Maaari silang magduda dahil magtatakha sila kung bakit kailangan pa niya silang ipakilala gayong ang pagkakaalam nila ay isa akong Algenian kaya dapat ay kilala ko sila. Mas lalo lang tumindi ang kaba ko nang mapakunot ang mga noo nila. Mas mabuti sana kung pinakilala na lamang nila ako. "Magandang araw, mahal na reyna, mahal na hari," bati ko at sa tingin ko naman ay nagtagumpay ako na hindi manginig ang boses ko kahit pa sa totoo lang ay hindi ko alam kung paano ko sila babatiin. May tamang paraan ba ang mga Algenian sa pagbati sa kanilang hari at reyna. Ngunit wala naman akong nakitang reklamo sa mukha nila sa naging paraan ko ng pagbati kaya sa tingin ko ay ayos lang ang lahat. "Magandang araw din sa iyo, Ayesha. Maupo na kayo at ipagpatuloy ang pagkain," sabi ng reyna na bagay na kinataka ko. Mukhang magiliw siyang kausap na taliwas sa paglalarawan ng mga Vittorian tungkol sa mga namumuno sa kaharian ng Algenian. Ang pagkakaalam ko ay masasama sila. Ngunit kung ang mga ngiti nila sa akin ngayon ang pagbabasehan ko ay hindi sila nababakasan ng ano mang kasamaan. Maging ang hari na hinahalintulad nila sa isang halimaw ay mukha namang mabait. Ngunit mapanlinlang ang pisikal na kaanyuhan kaya hindi dapat ako magpadala sa kung ano ang nakikita ko. Kahit na ganao pa kabuti ang ipakita nila sa akin ay dapat pa rin akong mag-ingat. Hinding-hindi nila dapat malaman na isa akong Vittorian at mas lalong hindi nila dapat malaman na isa akong prinsesa dahil mapapaslang ako rito nang walang kalaban-laban. Kaya pala tila kanina pa may hinahanap ang mga mata ko. Ito pala iyon. Sila pala iyon. Ang hari at reyna pala ng Algenia ang hinahanap ng mga mata ko at ngayon ko lang napagtanto. Hindi lamang dahil sila ang namumuno sa kaharian na tinatapakan ko ngayon. Kundi dahil sila ang mga magulang ni Javadd. At akala ko ay hindi na ako magkakaroon pa ng pagkakataon na makilala ang pamilya niya. "Magpapaalam na rin naman kami, Prinsipe Javadd dahil marami pa kaming aasikasuhin ng mahal kong reyna," sabi naman ng hari at pumasok lang yata sila rito para makita ako. At mas mabuti na rin iyon kaysa naman sa naisipan pa nila na saluhan kami ni Javadd sa pagkain. Nang tuluyan na ngang makalabas ang mga magulang niya ay hindi ko na napigilan pa na maibuga ang hangin na kanina ko pa iniipit. Hindi ko rin namalayan na pinagpawisan na pala ako nang malamig. Ngunit sana ay hindi nila iyon napansin. Hanggang sa marinig ko na lang ang mahihinang tawa ni Javadd at sigurado ako na ako ang pinagtatawanan niya. Kaya tiningnan ko siya nang masama at hinampas sa kanyang braso. Mas lalo lamang naman siyang natawa dahil sa ginawa kong iyon. "Walang nakakatawa, Javadd. Halos atakihin na ako sa puso dahil doon," sambit ko at tumigil na siya sa pagtawa. Ngunit nakikita ko ang pagtaas-baba ng balikat niya kaya halatang nagpipigil siya ng tawa. "Huwag kang matakot sa mga magulang ko, Ayesha. Hindi naman sila kasing sama ng mga iniisip ninyong taga-Vittoria." Tila ba hindi na bago sa kanya ang isipin namin na masama ang kanyang mga magulang. At sa tingin ko ay may ganoon din silang tingin sa hari at reyna ng Vittoria. Ngunit hindi ko na susubukan pa na alamin kung ano ang tingin nila sa mga magulang ko. Dahil baka mamaya ay may hindi ako magustuhan sa isasagot niya at madulas ako sa kung sino ba talaga ako. Hindi pa rin kasi ako handa na malaman niya ang totoo. At kahit madalas naman kaming hindi magkasundo ng mahal na reyna ay hindi naman ako papayag na may magsasalita ng masama tungkol sa kanya dahil kahit na anong gawin ko, pagbali-baliktarin man ang mundong ilalim ay ina ko pa rin siya. Ipagtatanggol ko siya. "Oo na, Javadd. Pero pwede bang kumain na ulit tayo?" sabi ko na lang at natatawa siyang umiling. Muli naman niya akong pinaghila ng upuan para sa muling pagpapatuloy ng aming pagkain. At makalipas lang din naman ang ilang sandali ay natapos na nga kaming parehas ni Javadd. Hindi pa man kami nakakapagpahinga ng ayos ay bigla na lamang napatayo si Javadd nang tila ay may maalala siya. Tinaasan ko siya ng kilay nang nginitian niya ako. At hindi ko gusto ang mga ganitong ngiti ni Javadd dahil alam kong may pinaplano siya. "Ano na naman iyon, Javadd?" Wala pa man siyang sinasabi ay inunahan ko na siya ng pagtatanong. Natawa naman siyang muli dahil tila ba alam ko na agad na may naiisip siya. "Kung nagawa kita na ipasyal sa Kaliwag, bakit kaya hindi kita ipasyal dito sa Algenia?" sabi niya at nagustuhan ko naman ang ideya niyang iyon. Pero nagdadalawang isip din ako dahil sigurado na marami kaming makakasalubong at makakasalamuha na ibang Algenian. Hindi ito tulad ng Kaliwag na isang pangkaraniwang Lavitran lang ang tingin sa amin. Maaaring pangkaraniwan ang tingin nila sa akin ngunit dahil kasama ko ang kanilang prinsipe ay alam ko na makukuha namin ang atensyon ng lahat ng madaraanan namin. Pero gusto ko talaga na mamasyal dito dahil isang pambihirang pagkakataon ang makatapak sa lugar na ito at nais ko sanang sulitin. Kaya kung gusto ko talaga na mamasyal ay hindi ko na papansinin ang iba pang Algenian. Napangiti naman si Javadd nang marahan akong tumango. Tila ba gustong-gusto niya talaga na maipasyal ako sa kanilang kaharian. Maging ako man ay gusto ko sana siyang maipasyal sa aming kaharian kung mabibigyan man ng pagkakataon ngunit alam ko naman na imposibleng mangyari pa iyon. Niyaya na nga ako ni Javadd na lumabas para sa sinasabi niyang pamamasyal namin. At hindi pa man din kami tuluyang nakalabas ng kanilang palasyo ay nakita ko na agad ang pagsunod ng tingin sa amin ng mga tagasilbing Algenian. Alam ko na nakarating na sa kanila ang balita tungkol sa bagong tagasilbi ng kanilang prinsipe kaya alam ko na nagtatakha sila kung bakit parang hindi naman ako tagasilbi at nakukuha pa na mamasyal kasama ang pinaglilingkuran kong prinsipe. Ngunit saka ko na siguro poproblemahin ang mga iniisip nila sa akin. Ang tanging kailangan kong gawin sa ngayon ay ang mag-enjoy sa pupuntahan namin ni Javadd kahit na maging siya ay mukhang wala pang naiisip na lugar na pagdadalhan sa akin. "Saan mo nais pumunta, Ayesha?" Wala naman akong alam sa mga lugar dito kaya hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa tanong niya. "Siguro ay dalhin mo na lang ako sa pinakapaborito mong lugar dito sa Algenia, Javadd," sabi ko at hindi naman na siya nahirapan pa na mag-isip dahil mukhang mayroon talaga siyang paboritong lugar dito sa Algenia. At mas lalo kong gusto na marating iyon dahil gusto kong malaman kung ano ang mayroon doon para maging paborito siya ni Javadd. "Mahaba-habang lakarin ang kinaaroroonan ng paborito kong lugar dito sa Algenia, Ayesha. Handa ba ang iyong katawan ngayon? Kung hindi ay pwede naman na sa susunod na araw na lamang natin puntahan," sabi niya at umiling ko. Hindi namin pwedeng ipagpaliban pa ang mga bagay na pwede naman naming gawin na ngayon. Marami kasing pwedeng mangyari sa loob ng ilang araw na pananatili ko rito. "Kaya ko naman, Javadd. Malalayo nga rin ang mga nilalakad natin sa Kaliwag," sabi ko at ngumiti siya. "Ngunit planado naman ang mga naging pamamasyal natin sa Kaliwag, Ayesha. Hindi tulad nitong gagawin nating ito na biglaan. Ngunit kung talagang desidido ka na ituloy ito ay pagbibigyan kita," sabi niya habang patuloy pa rin kami sa paglalakad. Malakas ang loob ko na magyaya sa mahahabang lakarin dahil hindi naman ako napapagod sa tuwing si Javadd ang kasama ko. Lagi niya rin akong inaalalayan. Ngunit kung hindi ko siya kasama ay sigurado ako na nakakailang hakbang pa lang ako ay pagod na ako. Tulad na lamang nang nilakad ko pauwi ang palasyo para lang makatakas sa inang reyna. Kaya walang dapat na ipag-alala si Javadd. Ngunit tulad nga ng sinabi niya ay malayo ito. Matagal-tagal na rin mula nang magsimula kami sa paglalakad ngunit hanggang ngayon ay wala pa yata siyang plano na huminto man lang. Hindi rin ako nagkamali sa pag-aakala ko na maaagaw namin ang atensyon ng mga Algenian na nadaraanan namin. Ngunit dahil hindi naman sila pinapansin ni Javadd ay hindi ko na lamang din sila pinapansin. Dire-diretso lamang kami sa aming paglalakad. "Naiinip ka na ba, Ayesha?" tanong ni Javadd. Ngumiti naman ako at umiling. "Hindi naman, Javadd. Bakit ikaw ba? Naiinip ka na?" ganting tanong ko. Ngumiti rin naman siya at umiling. "Hindi, Ayesha. Ngunit nasasabik na ako na makarating sa ating pupuntahan. Hindi na ako makapaghintay na ipakita iyon sa iyo," sabi niya at mas lalo lang tuloy akong nasabik na mapuntahan din iyon. Dahil iyon ang paboritong lugar ni Javadd sa kaharian na kinalakihan niya ay sigurado ako na mas lalo ko pa siyang makikilala. At gusto kong matuklasan ang maraming bagay tungkol kay Javadd. Nais kong malaman kung saan ko siya matatanggap. "Malapit na tayo, Ayesha. Maghanda ka na," sabi niya at sa wakas ay malapit na rin kami. Ngunit hindi ko alam kung bakit niya ako pinaghahanda. Ano bang mayroon sa lugar na iyon? "Nandito na tayo, Ayesha," sabi niya at bigla tuloy akong napalibot ng tingin. Wala naman akong ibang nakikita kundi ang isang malaking bahay. Hindi naman ako nadismaya na isang bahay lang ang ipapakita sa akin ni Javadd ngunit wala akong nakikitang espesyal sa bahay na natatanaw ko ngayon. Ngunit dahil ito ang paboritong lugar ni Javadd ay sigurado ako na mayroong kakaiba sa lugar na iyan. Nilingon ko si Javadd at tanging ngiti lang ang sinagot niya sa mga tanong sa mata ko. Hanggang sa naglahad siya ng kamay sa akin. Ilang sandali rin akong nakatingin lang sa kamay niya bago ko ito tinanggap. At magkahawak kamay kaming naglakad palapit sa bahay. Hindi pa man kami tuluyang nakakalapit doon ay nakakarinig na ako ng ingay na nagmumula roon sa loob ng bahay. At habang papalapit kami nang papalapit sa bahay ay papalakas nang papalakas ang ingay. At nang ilang hakbang na lang ang layo namin sa bahay ay saka lamang ako nalinawan sa kung ano ang mga ingay na naririnig ko. At ang mga ingay na iyon ay tawanan at sigawan ng mga bata. Bigla na lamang tuloy akong napalingon kay Javadd. Hindi naman niya ko sinulyapan man lang dahil nanatili ang mga tingin niya sa bahay na tila ba hindi na niya mahintay na pasukin. "May mga ipapakilala lang ako sa iyo, Ayesha," sabi niya nang mapansin ang pagtatakha sa aking mukha. Nginitian ko naman siya bilang pagpayag dahil ayoko naman na isipin niya na napipilitan lang ako. Kung ito man ang paboritong lugar ni Javadd ay nais ko pa rin na makita. Hanggang sa marating namin ang tapat ng pintuan ng malaking bahay at hindi naman nag-atubili si Javadd na buksan agad ang pinto. At pagbukas niya ng pinto ay saka naman tuluyang nawala ang ingay ng mga. Ngunit sandaling katahimikan lamang ang nangyari dahil matapos ang ilang sandali ay muling bumalik ang ingay ng mga bata. "Prinsipe Javadd!" sunod-sunod na sigaw at tawag sa kanya ng mga bata at narinig ko pa ang kanilang mga yabag na kumakaripas ng takbo. Bigla na lamang tuloy akong pumunta sa gilid dahil pakiramdam ko ay masasagi ako ng mga bata. Lahat ng bata ay sumusubok na makayakap sa kanya. Tila ba aliw na aliw sila kay Javadd. May isang batang lalaki pa nga ang tumalon sa kanya at natatawa naman niya itong sinalo. Habang kalong pa rin niya ang bata ay isa-isa niyang ginulo ang buhok ng mga batang nagpupumilit na makayakap sa kanya. Dahil sa dami ng bata na nandito ay sigurado ako na isa itong bahay-ampunan. Mayroon din naman kaming ampunan sa aming kaharian ngunit walang pagkakataon na napadpad ako roon. Hindi sumagi sa isip ko ang puntahan sila. Ngunit si Javadd, nasisiguro ko na madalas siyang pumunta rito dahil mukha ring lagi siyang inaabangan ng mga bata rito. At sa tingin ko ay malapit na malapit sa puso niya ang mga bata. Isang patunay ang mga batang nakilala niya sa Kaliwag.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD