Chapter 7

1516 Words
Chapter 7 Ayesha's POV Hindi ko alam kung bakit kailangang mahiya ni Javadd nang dahil lang sa sinabihan niya ako na maganda. Ngunit mas hindi ko alam kung bakit nakaramdam din ako ng hindi lamang basta hiya, kundi pagkailang nang dahil lamang sa sinabihan ako ng maganda ni Javadd. Sanay naman ako na sabihan ng maganda ngunit pakiramdam ko ay dahil lamang iyon sa isa akong prinsesa. Pakiramdam ko ay pinupuri lamang nila ako dahil iyon ang dapat nilang gawin at nais lamang nilang patunayan sa akin na may maganda silang tingin sa akin. Ngunit itong si Javadd ay pinuri niya ako at sinabihan ng maganda nang hindi ko man lang nalalaman. Na kung hindi pa sabihin sa akin ng mga bata ang tungkol sa sinabi niyang iyon ay hindi ko malalaman. "Hindi ko akalain na maganda pala ako sa iyong paningin," sabi ko dahil gusto ko na lamang na idaan sa biro ang pagkailang na nararamdaman ko. At sana ay maisipan din ni Javadd na gawin iyon dahil ayoko naman na magkaroon kami ng ilangan nang dahil lamang doon. Mukhang hindi naman ako nabigo sa sinimulan kong biro dahil nakita ko ang pagngiwi ni Javadd na tila ba kumukontra sa sinabi ng mga bata. "Huwag ka nang umasa pa, Ayesha. Hindi ko alam kung saan napulot ng mga batang iyan ang mga sinabi nila." Hindi ko maitatanggi ang galing sa pag-arte ni Javadd dahil tila kapani-paniwala ang mga pagtanggi niya. Bigla ko tuloy naisip na baka nga wala siyang sinasabi. Sa sobrang galing niya, maging ako ay napapaisip na rin. "Pero totoo naman po na sinabihan ninyong maganda si--" Hindi na natuloy pa ang dapat sana ay sasabihin ng bata dahil tinakpan na ni Javadd ang bibig nito. Hindi naman ako tanga para hindi malaman ang gustong sabihin ng bata at lahat ng kasiguraduhan na sinabihan nga ako ni Javadd nang maganda ay bumalik. Napailing na lamang ako. Umayos naman na si Javadd ng tayo at alam ko na may plano siya. At ang tangi ko na lamang na gustong malaman sa ngayon ay kung ano ang ibig niyang sabihin na pwede pa naman naming maranasan ang pagkabata. Nang tila ay maalala na ni Javadd ang dahilan kung bakit muli kaming bumalik sa mga bata ay lumuhod siya para makapantay ang mga bata. "Sino sa inyo ang gustong pumunta sa may lawa?" tanong niya at nagtaas ng kamay ang lahat ng bata. Ang iba sa kanila ay nagtatalon pa nang dahil sa pagkasabik. Samantalang ako ay napakunot ang noo dahil hindi ko alam kung ano naman ang gagawin namin sa may lawa. Mayroon kaming lawa sa aming kaharian ngunit bawal naman siyang lusungan dahil pinagbabawal ng mahal na reyna. Ngunit kung gusto nilang puntahan ang lawa, siguro ay pwede iyong lusungan at tambayan. Ngunit kahit na anong pilit na isip ko ay hindi ko makita ang dahilan para maisipan ng sino man ang pagtambay sa may lawa. Wala akong nakikita na ano mang saya para manabik sila nang ganito. Ngunit dahil nga ganito sila kasaya nang malaman na maaari silang pumunta sa lawa ay alam ko na may hindi ako nalalaman. At kung doon man nga sila magkakayayaan ay wala naman na rin akong magagawa pa kundi ang sumama na lamang. Alangan namang magpaiwan ako rito gayong hindi pa naman oras ng uwi ko. "Kung gayon ay makakasama ba kayo sa amin ni Binibining Ayesha kung pumunta man nga kami sa may lawa ngayon?" Tila hindi naman na nagdalawang isip pa ang mga bata sa pagsagot nang sabay-sabay silang nagsitanguhan. Hindi tuloy namin napigilan ni Javadd ang matawa dahil sa mga bata. Ang gaganda nilang panoorin. Malayong-malayo sila sa mga bata na niligtas ko noon na pinagmamalupitan ng gahaman na pinagtatrabahuhan nila. Niyaya na namin sila at sabay-sabay kaming naglakad na sa tingin ko ay papunta na sa may lawa. Mas lalo nang dumalang ang mga bahay na nadaraanan namin. Ngunit mas lalo naman itong gumaganda at mas lalong umaaliwalas sa paningin. Medyo liblib na ang lugar na ito ngunit hindi naman ako nakakaramdam ng ano mang takot. Dahil bukod sa marami naman kami ay kitang-kita rin naman kay Javadd na hindi ito ang unang beses na makakapunta siya roon. Lalo na ang mga bata. Tila ba papunta sila sa lugar na panatag na panatag na sila. "Malayo pa ba tayo?" tanong ko kay Javadd sa gitna ng paglalakad namin. Nilingon naman niya ko at umiling siya. "Malapit na tayo, Ayesha. Pagod ka na ba?" tanong naman niya ngunit mabilis naman akong umiling. Kahit malayo-layo na rin ang nalalakad namin ay hindi pa naman ako nakakaramdam ng pagod dahil masyado na yata akong nalilibang sa pakikinig sa kwentuhan ng mga bata na kung minsan ay napapangiti pa ako. Marami na silang napagkukwentuhan na talaga namang maaaliw ka kahit nakikinig ka lang. At higit sa lahat ay alam ko na maging si Javadd ay nakikinig din dahil nararamdaman ko kanina ang mararahan niyang pagtawa. Kaya kung siya ay nararamdaman ko, sigurado ako na nararamdaman din niya ang pakikinig ko sa mga bata. "Hindi pa naman ako napapagod. Natanong ko lang," sagot ko naman. Sana ay hindi masamain ni Javadd ang tanong ko. Sana ay hindi naman niya isipin na nagrereklamo na ako sa pagod dahil hindi naman talaga. "Mabuti naman kung ganoon, Ayesha. Ngunit kung makaramdam ka man ng pagod ay nasisiguro ko naman sa iyo na magiging sulit ang pagod mo pagdating natin doon," sabi niya at napangiti ako. Tumango ako dahil naniniwala naman ako sa sinabi niya. "Ngunit magsabi ka lamang, Ayesha kung hindi mo na kaya pa ang pagod dahil maaari naman kitang pasanin." Kasabay ng pagtawa ko sa sinabi niya ay ang pag-iling din. Hinding-hindi ako magpapapapasan sa kanya. "Ano ka ba naman, Javadd? Huwag mo akong masyadong intindihin. Paano ko naman masusulit ang kung ano man na naghihintay sa akin doon sa may lawa kung hindi ko naman pagpapaguran at paghihirapan ang pagpunta roon," natatawa kong sabi at napangiti siya. Tila natauhan naman siya sa gusto niyang mangyari. "Alam ko na hindi ako ipapahiya ng pinakapaborito kong bahagi ng Kaliwag," sabi niya. Kung ganoon ay papunta pala kami sa paborito niyang lugar. Dahil sa nalaman kong iyon ay mas lalo lamang akong nanabik na marating iyon. Hindi na ako makapaghintay pa na malaman kung ano ang mayroon doon. "Bakit at sa paanong paraan mo naman naging paborito ang lugar na iyon, Javadd?" Hindi ko mapigilan ang mapatanong. Hindi ko rin alam kung bakit gustong-gusto ko iyon na malaman. "Doon ko kasi unang nakilala ang mga batang ito. Doon din ako unang beses na nakaramdam ng inggit. At higit sa lahat ay doon ko rin napagtanto kung ano ang kulang sa buhay ko. At iyon nga ay ang kabataan." Tumango-tango ako sa pagsang-ayon sa mga binigay na dahilan ni Javadd. "Madalas ba kayo roon?" tanong ko. "Medyo madalas din naman. Lalo na noon. Pero ngayon na lang ulit ako makakapunta roon. At natutuwa rin ako na sa pagkakataon na ito ay makakasama ka namin." Napangiti akong muli dahil sa sinabi niya. "Nandito na tayo." Mayamaya lamang ay inanunsyo na rin ni Javadd ang pagdating namin sa lawa. Hindi ko na tuloy napigilan ang maglibot ng tingin. At halos malaglag ang panga ko nang makita kung gaano kaganda ang lugar na ito. Puno ng makukulay na bulaklak ang paligid ng lawa. Habang ang lawa naman ay asul na asul. Napakalayo ng lawa na ito sa lawa na mayroon kami sa aming kaharian. Ang lawa sa amin ay hindi naman ganoon kagandahan at mas lalong hindi ganoon kalinis pero sobra-sobra kung paalagaan ng mahal na reyna. Samantalang ang lawa na ito ay ubod ng linis at ganda pero bukas para sa lahat. Gusto kong malaman kung sa paanong paraan nila pinangangalagaan ang lugar na ito pero gusto ko iyong malaman para magawa ko rin sa lawa sa kaharian namin. Wala naman sigurong masama kung gagawin ko iyon at sigurado naman ako na hindi nila ipagdadamot ang paraan nila. Liban na lamang kung sikreto iyon. Pero nakahanda naman ako na magbayad para lang malaman. "Ano ang iyong masasabi, Ayesha?" tanong ni Javadd ngunit hindi pa rin ako matapos sa kakatingin sa kabuuan ng paligid. Parang kahit habang-buhay ko itong tingnan ay ayos lamang dahil hindi nakakasawa ang ganda nito. "Maganda, Javadd. Sobrang ganda. Hindi ko akalain na may ganitong kagandang lugar sa Kaliwag." Napangiti naman si Javadd dahil naging komento ko. Masaya siya na nagustuhan ko ang pinagyayabang niya sa akin at sinasabi niya na pinakapaborito niyang lugar sa buong Kaliwag. At hindi ko naman siya masisisi kung paanong ito ang naging paborito niya. Ayokong isipin niya na gaya-gaya ako pero sa tingin ko ay itong lawa na rin na ito ang paborito kong lugar. "Mabuti naman at nagustuhan mo, Ayesha. Sulit ba ang naging pagod mo?" Sunud-sunod ang ginawa ko na pagtango. Alam ko naman na halata na sa mukha ko na sulit na sulit para sa akin ang pagod kaya hindi ko alam kung bakit nagtatanong pa siya. "Salamat sa pagdala sa akin dito, Javadd," sabi ko. Ngumiti lamang naman siya at tumango.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD