Chapter 30
Ayesha's POV
Nang humupa ang pagod ko ay nagsimula na ako sa paglalakad para makapaganap ng pwede kong paghugasan. Ngunit sa totoo lang ay hindi ko alam kung saan nga ba ako dapat na magsimula sa paghahanap. Dahil habang nagpapahinga ako kanina ay sinubukan ko na mahanap ng ilog ngunit wala naman akong ibang namataan kundi mga puno at putikan na pinanggalingan ko.
Wala man lang nga akong ideya kung may mapapala ba ako sa daan na tinatahak ko dahil walang kasiguraduhan kung may mahahanap ba ako rito na ilog. Habang naglalakad ako ay bigla na lamang akong napaisip kung tama ba ang ginagawa ko na paglalakad at paglayo sa pinag-iwanan sa akin ni Javadd. Dahil nakakasigurado na kung saan niya ako iniwan ay doon niya ako babalikan. Hindi bale na. Dahil pagtapos na pagtapos kong magbanlaw ay babalik agad ako sa malapit sa putikan kung saan madali pa rin akong makikita ni Javadd.
Dumiretso na lamang ako sa paglalakad dahil hindi na ako makatagal sa ganitong hitsura ko. Nagsisimula na rin kasi na mangati ang katawan ko dahil hindi naman ako sanay sa ganitong karumi na kakapit sa akin. Pakiramdam ko ay magkakasakit na ako. Napagtanto ko na mahaba-haba na rin ang nalalakad ko ngunit wala pa akong nakikita na ano mang senyales na mayroong ilog sa hindi kalayuan. Wala rin naman akong naririnig na agos na pwede kong sundan na magdadalala sa akin sa lugar na may tubig.
Ngunit ganoon pa man ay naagpatuloy pa rin ako sa paglalakad at nagbaka sakali na may bubulaga sa akin na tubig na maaari kong pagliguan. Ngunit nang mapagtanto ko na walang ano man na maaari kong pagliguan ay minabuti ko na bumalik na lamang sa pinanggalingan ko.
Bagsak ang balikat akong pumihit pabalik sana sa nilakaran ko ay bigla na lamang akong nanlamig nang pagtalikod ko hindi ko na alam kung saan ako dapat na dumaan. Puro puno kasi rito at walang landas na maaari kong sundan. Hindi ko alam kung alin ang mga nilakaran ko. Bigla akong nanlamig at hindi makakilos.
Masyadong masukal ang gubat na ito at wala akong ibang naririnig kundi ihip ng hangin at lagaslas ng mga dahon. Hindi ko magawa na humakbang dahil alam ko na maaaring maling landas ang tahakin ko na maaari akong dalhin sa kung saan. Natatakot din ako na baka mamaya ay mapadpad ako sa bahagi ng kagubatan na punung-puno ng mababangis na hayop.
Kay Javadd na mismo nagmula kanina na lubhang mapanganaib ang kagubatan na ito. Na sa tingin pa lang naman ay halata na. Hindi naman iyon sinabi ni Javadd para lang takutin ako. Kaya nang sinabi niya na delikado ang bahaging ito ng kagubatan ay talagang delikado nga ito.
Ngunit hindi naman pwede na hindi ako kumilos. Walang darating na tulong kung mananatili lamang ako rito sa kinatatayuan kong ito na alam kong delikado dahil baka mamaya ay may mabangis na hayop na pala ang naghihintay lamang ng pagkakataon na sakmalin ako. Kaya kahit natutuliro na ako ay ginawa ko pa rin na ihakbang ang mga paa ko.
Wala man lang akong nakuha na palatandaan man lang upang masabi na tama ang dinaraanan ko. Basta ang alam ko lang ay kinakailanga ko nang makabalik sa pinanggalingan ko dahil oras na balikan ni Javadd ang lugar na iyon at hindi niya ako makikita ay aalis siya upang hanapin ako. At baka mas lalo lamang na hindi kami magtagpo kung parehas lamang kaming naghahanapan. Malaki ang posibilidad na maubos ang oras nain sa pagsasalisihan.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Ngunit matagal-tagal na rin akong naglalakad ay hindi ko pa nakikitang muli ang putikan na tinalon ko kanina. Nagsimula na akong kabahan dahil sa tantiya ko ay mas matagal na ang ginawa kong paglalakad papunta rito kaysa sa ginawa ko na paglalakad sa paghahanap ng ilog. Kung tama ang dinaraanan ko pabalik ay kanina ko pa sana narating ang pinanggalingan kong putikan.
Napaupo na lamang ako sa malaking bato dahil pakiramdam ko ay nanghihina na ako sa dami ng tumatakbo sa isip ko. Isama pa ang pagod at hirap sa ginawa ko na paglalakad. Nahihirapan na rin ako sa kasuotan ko na dagdag pasanin pa sa paghihirap kong ito. At ang mas kinaiinis ko sa lahat ay alam ko na kasalanan ko ang lahat ng ito. Sigurado naman ako na babalikan agad ako ni Javadd sa oras na makawala siya sa mga kapwa niya kawal ng kaharian ng Algenia ngunit naging mainipin ako at hindi ko nagawa na maghintay na lamang sa kanya.
Alam ko na sa mga oras na ito ay nabalikan na ako ni Javadd. Ngunit imbis na kasama na niya ako palabas ng kagubatan ay heto ako at pinagsisisihan na lumayo ako sa putikan. Tila ba nais ko nang umiyak ngunit ayoko naman na magpakita ng kahinaan sa pagkakataon na ito kung saan kinakailangan kong maging matatag. Paano kung bigla na lang akong makita ni Javadd ngayon? Ayokong isipin niya na ganito kahina ang loob ko.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ako mananatili rito ngunit sana ay dumating na s Javadd dahil siya lang ang pag-asa ko na makalabas dito. Tahimik ako na nagpatuloy sa pag-upo dahil pinapakiramdaman ko ang paligid. Hinihintay ko na may marinig akong yabag ng pagtakbo ng kabayo ngunit wala akong nakita.
Kahit man lang sana ang puting kabayo na sinakyan ko kanina ay dumating para naman may magamit sana sa paghahanap ng tulong. Sa ganoong paraan ay hindi na ako makakaramdam ng pagod sa paglalakad at bukod roon ay mapapabilis pa ako kung ikukumpara sa kung maglalakad ako.
Ngunit ilang sandali na rin mula nang maupo ako rito ay wala man lang sa mga hiniling ko na tulong ang dumating. Walang Javadd at walang puting kabayo. Natatakot naman ako na oras na muli akong maglakad ay mas lalo lamang akong mapalayo sa dapat sana ay pinaglagian ko.
Sigurado ako na magagalit sa akin si Javadd dahil nahirapan na nga siya na itakas ako ay papahirapan ko pa siya na hanapin ako. At dahil maiinis siya sa akin ay hindi ko alam kung babalikan pa ba niya ako sa mga susunod pa na araw.
Bigla naman akong natauhan sa iniisip kong iyon. Dahil paano na lamang kung abutin nga ako rito nang ilan pang mga araw. Sigurado ako na magkakagulo sa buong kaharian ng Vittoria oras na malaman ng lahat ng nasasakupan namin ang pagkawala ko. Sigurado ako na maraming madadamay at mapagbibintangan na mga wala namang kasalanan dahil palihim lang naman ang mga ginagawa ko na pag-alis.
Sana ay hindi agad ipag-utos ng mahal na reyna ang paghahanap sa akin dahil magsasayang lamang sila ng pagod at hirap na hanapin ako sa bawat sulok ng aming kaharian gayong nanditp naman pala ako sa Kaliwag.
Kanina pa ako nakatingin lang sa kawalan. Sa ganitong mga oras ay dapat nasa palasyo na ako at naghahanda na sa pagpapahinga. Ngunit heto ako at nakaupo lang sa gitna ng kagubatan na hindi alam kung saan pwedeng magpahing dahil sa totoo lang ay kanina pa ako napapagod.
Hinahanap-hanap na ng katawan ko ang aking malambot na higaan at alam ko na ano mang oras ay babagsak na ang talukap ng aking mga mata. Pakiramdam ko ay may posibilidad na bigla na lamang akong mawalan ng malay dahil sa pagod.
Hindi ako sanay na mapag-isa nang ganito kaya hindi ko na lolokohin pa ang sarili ko at aaminin ko nang natatakot na ako. Ngunit wala namang maitutulong sa sitwasyon ko ang takot na nararamdaman ko kaya pinipilit ko na lamang ito na labanan.
Upang hindi na ako kung mapaano pa kung bigla na lamang akong mawalan ng malay ay naghanap na ako ng maaari kong higaan. At napili ko ang damuhan sa ilalim ng puno. Dito na lamang ako hihiga. Higit na mas komportable kaysa sa pag-upo sa damuhan.
Kahit papaano ay naging komportable ako rito sa damuhan. Ang mahalaga lang naman kasi sa akin ngayon ay mailapat ang likod ko na kanina pa nangangalay. Ayoko naman na humiling pa ng mas higitn pa rito kaya nakuntento na lamang ako sa lambot na naibibigay ng mga d**o sa akin. Kahit papaano ay nakakapahinga ako.
Ngunit kahit pa nasa isang komportableng posisyon na ako ay hindi ko pa rin magawa na iwasan ang mga posibleng kaganapan sa palasyo sa mga orad na ito. Kalimitan sa ganitong oras ko sa palasyo ay pinapagising na ako ng mahal na reyna kay Markiya. Ngunit ano na lamang kaya ang magiging reasyon ni Markiya kung mapag-alaman niya na wala ako sa aking silid.
Siguro naman ay hindi agad nila iisipin na may nangyayari na sa akin. Sigurado ako na ang unang iisipin ng mahal na reyna ay nagpasaway na naman ako at umalis nang hindi nagpapaalam. Iisipin niya na nasa loob lamang ako ng kaharian na may kung anong pinagkakaabalahan dahil iyon naman ang pagkakakilala sa akin ng mahal na reyna. At wala naman na sa isip ko ang itama pa iyon dahil may pagkakataon din naman kasi talaga na totoo iyon.
Dahil sa dami ng iniisip ko at kagustuhan ko na makapagpahinga na ay hindi ko na inisip pa ang posibilidad na may sumunggab sa akin na mababangis na hayop. Pinanatag ko na lang ang aking pag-iisip kahit pa alam ko na nasa isang delikadong lugat at sitwasyon ako ngayon. Hindi ko namalayan na unti-unti nang bumibigat ang mga talukap ng akin mata at dahan-dahan nang bumabagsak.
Hanggang sa tuluyan na nga akong makatulog nang hindi alintana kung gaano kadelikado ang napili ko na tulugan. Ang huling nasa isip ko bago ako tuluyang makatulog ay ang hiling na sana paggising ko ay may dumating nang tulong. Sana pagmulat ko ay si Javadd na ang makikita ko.
Hindi ko alam kung gaano katagal na ang aking naitulog ngunit nagising ako dahil sa naninigas kong katawan dahil sa mga natutuyo nang putik sa aking katawan. Hindi ko magawang kumilos dahil bukod sa nahihirapan ako ay pakiramdam ko na bitin na bitin pa ang tulog ko.
Kaya nanatili na lamang akong nakapikit. Tinatantiya kong mabuti kung makakatulog pa ba ako o hindi na. Ngunit bigla na lamang nawala ang antok ko at napalitan ng kaba nang makarinig ako ng kaluskos. Mas nagpakaba pa sa akin ay ang katotohanan at kasiguraduhan na ang pinanggalingan ng kaluskos na iyon ay malapit lamang sa akin.
Ang mga sumunod na ingay kong narinig ay tunog ay halinghing ng kabayo na siyang naging dahilan ng pagmulat ko. Hindi pa man ako nakakapaglibot ng tingin para hanapin ang pinanggalingan ng kabayo ay nakarinig naman ako ng isang pamilyar na pamilyar na boses.
"Kiba, huwag ka munang gumawa ng ano mang ingay. Hindi mo ba nakikita na natutulog si Ayesha?" Hindi ako pwedeng magkamali sa kung sino ang may-ari ng tinig na iyon. Bigla na lamang tuloy akong napabangon. At umaasa ako na hindi sana iyon isang guniguni lamang. Sana nga ay totoo na nandito si Javadd.
Nang makabangon nga ako ay agad ko siyang hinanap sa paligid. At hindi naman ako nabigo sa mga hiniling ko dahil namataan ko si Javaad na hinahaplos-haplos pa si Kiba sa ulo dahil nga sa kinakausap niya ito at pinagsasabihan. Ngunit huli naman na dahil nagising na rin naman ako.
Nabigla pa si Javadd nang lingunin niya ako ay nakaupo na ako. Ayokos sanang magpakita sa kanhya nang ganito ang hitsura ko ngunit wala na rin naman akong magagawa dahil hindi talaga ako makakapaghugas man lang. At sigurado rin ako na kanina pa niya ako nakikita na ganito at hindi rin malabo na napagmasdan na niya ako kanina habang natutulog ako.
Hinanda ko na lamang ang sarili ko sa posibilidad ng pang-aasar niya tungkol sa hitsura ko. Pero wala ba akong pakialam sa magiging asar niya dahil ang mahalaga sa akin ay nandito si Javadd at alam ko na ligtas na ako. Kahit na asarin niya ako hanggang sa magsawa siya ay ayos lang sa akin.
"Gising ka na pala, Ayesha. Paumanhin kung nagising ka sa ingay ni Kiba. Ngunit halika na. Nandito ako upang sunduin ka na." Hindi ko nagawa na magsalita at napatitig na lamang sa kanya.