Chapter 14

1521 Words
Chapter 14 Ayesha's POV Hindi ko alam kung paano babalansehin ang buhay na mayroon ako. Kung hindi lamang sana ako ang kinikilala bilang tagapagmana ay magiging sobrang dali lang ng lahat para sa akin. Wala akong ibang susundin kundi ang magiging kaligayahan ko. Ngunit dahil nga hindi ako pwedeng maging makasarili at ang kailangan kong isaalang-alang ay ang responsibilidad na mayroon ako ay hindi ako lubusang magiging masaya dahil ang pakiramdam ko ay lagi na lamang may hadlang. Ngayon pa nga lamang na isa pa lamang akong hamak na prinsesa ay sobra-sobra na ang pressure na nararamdaman ko. Paano pa kaya kung ako na ang nakaupo sa trono bilang isang reyna. Sigurado ako na wala na akong oras nu'n para gawin pa ang mga bagay na magpapasaya sa akin kaya habang prinsesa pa lang ako ay gawin ko na ang lahat ng gusto ko. Dahil doon ay bigla akong nagkaroon ng lihim na kasunduan sa aking sarili. Na ngayon ay malaya pa akong gawin ang mga gusto ko. Ngunit pinapangako ko na kung dumating man na ang oras na kinakailangan ko nang maupo sa trono bilang kahalili ng mahal na hari ay wala na akong iba pang aatupagin at iintindihin kundi ang aming kaharian at ang aking responsibilidad. Ang aking mga magiging tungkulin ang lagi kong uunahin. Dahil sa sinabing iyon ng hari ay naging tahimik na ang mga sumunod na sandali. Tila wala na ang nais pang magsalita at sa tingin ko ay siyang mas makabubuti para mas makatagal ako sa harapan nila. Kapag kasi hindi pa sila tumigil sa pagsasalita ay baka mawalan na ako ng galang at bigla na lamang akong magpaalam kahit na hindi pa ako tapos kumain. Dahil nga sa wala na ulit pang nagsalita ay naging mabilis na ang pagkain ng bawat isa at hindi ko namalayan na tapos na pala ang aming agahan. Ngunit ang buong akala ko na tapos na ang araw ng pagbisita nila ay nalaman ko na nagkakamali lang pala ako dahil muli silang nagbukas ng panibagong paksa na maaari naming pag-usapan nang bumalik na kami sa aming tanggapan. "Naniniwala ako na kabisado na ni Prinsesa Ayesha ang pasikut-sikot dito sa palasyo?" Pinigilan ko ang aking sarili na mapairap dahil sa tanong ni Liyo Azul. Dito na ako pinanganak sa palasyong ito. Dito na ako lumaki at nagkaisip. Kaya paanong hindi ko makakabisado ang kabuuan ng palasyo? Kahit pa sabihin na sobrang laki ng palasyo na ito ay makakaya mo naman itong makabisado kung araw-araw kang nandito. "Oo naman, Liyo Azul," sagot ko at sinadya ko talaga na hindi itago ang pagkabagot sa kanyang naging tanong. Narinig ko naman ang marahan niyang pagtawa. "Naalala ko noong mga bata pa kayo ni Kaira. Nililibot ninyo ang palasyo ngunit naligaw kayo. Samantalang ang sabi mo noon ay kabisado mo na ito. Nakabalik lamang kayo sa amin at sinabi na si Kaira ang nagturo ng daan pabalik kahit pa iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nilibot niya ang palasyo." Napataas ang kilay ko sa sinabi niyag iyon na hindi ko alam kung para saan. Hindi man lang ako makakita ng maaari niyang dahilan para maging ang bagay na iyon ay kanya pang alalahanin. Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang mahinang tawa ni Kaira at alam ko na ako ang pinagtatawanan niya. Wala naman akong nakikitang masama sa nangyaring iyon. Hindi yata nila alam na masyado pa kaming bata noon at iyon din ang kauna-unahang pagkakataon na nagawa kong malibot ang palasyo. Bilang bata na wala pang muwang ay sinabi ko lang na kabisado ko na ang pasikut-sikot sa palasyo bilang pagyayabang. Hindi ko naman akalain na masyado pala silang mapagpatol sa pagiging bida-bida ng mga bata. "Hindi ko naman akalain na paniwalain pala kayo, Liyo Azul. Naniwala kayo sa pagyayabang isang musmos?" natatawa kong sambit. Halata naman sa kanya ang pagkainsulto nang dahil sa sinabi ko ngunit agad naman siyang ngumiti at nagkibit na lamang ng balikat. "Ano kaya kung muli na lamang kayong maglibot?" Mabuti na lamang at nagawa kong pigilan ang pagtawa. Dahil alam ko kung gaano magiging kalakas ang halakhak ko kung natuloy iyon. Hindi ko kasi alam kung saan ba napulot ni Liya Ursula ang ideya na iyon at naisipan niya na maaari kaming maglibot ni Kaira na tulad noong mga bata pa kami. Siguro naman ay alam nila na sa tinginan pa lang namin ni Kaira ay halos magpatayan na kami. Kaya bakit nila kami hahayaan na magsama? Baka mas mauna pa na sumiklab ang giyera sa pagitan namin ni Kaira kaysa giyera sa pagitan ng Vittoria at Algenia. "Ano sa tingin mo, mahal na prinsesa?" Isa pa itong kapatid ng aking ama. Gusto ba talaga nila ng gulo sa palasyo? Isa na naman ba ito sa mga plano nila? "Ngunit hindi na lamang basta sa palasyo..." Napataas ang kilay ko. "Ano kaya kung sa pagkakataon na ito ay ang buong kaharian ng Vittoria ang libutin ninyo? Siguro naman ay kabisado mo na ang bawat sulok ng kaharian na nakatakda mong manahin at pamunuan?" Bigla na lamang akong nag-alangan sa sinabi ni Liyo Azul dahil alam ko sa aking sarili na hindi ko pa kabisado ang kaharian na ito. Oo nga at nalibot ko na ang kabuuan nito ngunit kasama ko naman lagi si Markiya. Hindi ko naman pwedeng isama si Markiya at siya ang maglilibot sa amin. "Ano kaya kung hindi na lang?" sagot ko at napahalakhak siya. Alam ko na nahalata niya ang pagkairita sa tono ko at nagbigay lamang iyon sa kanya ng ligaya. Mukhang tuwang-tuwa siya sa pagpapakita ko ng pagkainis dahil halata naman na iyon talaga ang pinunta nila rito. Alam ko na bumibisita lang sila para bwisitin kaming lahat dito. Bahala na. Kung magpumilit man sila na tumuloy kami ni Kaira sa pamamasyal ay pipilitin ko na lamang na alalahanin ang lahat ng tinuro sa akin ni Markiya. Siguro naman ay may maaalala ako kahit papaano. "Prinsesa Ayesha naman. Dinayo ka pa ng pinsan mo tapos ay hindi mo pala siya mapagbibigyan?" Hindi ko na napigilan ang mapairap. Ngunit mabilis din naman akong ngumiti. Hindi dapat ako magpakita sa kanila ng pagkainis dahil ayoko silang maging maligaya. Kaya kung ito ang gusto nila ay pwede ko naman silang pagbigyan. Tutal ay nasimulan na rin naman ang araw na ito nang puro pagpapanggap ay wala naman na sigurong mawawala pa kung itutuloy-tuloy na. Hindi naman na siguro ito magiging mahirap sa parte ko kaya nagkibit balikat ako at tumayo na. Sabay-sabay pa nila akong tiningala dahil nga sa ginawa ko na biglaang pagtayo. "Kung gusto talaga ninyo, bakit hindi? Kung mapilit kayo, sige pagbibigyan ko kayo," sambit ko na mas lalo lamang nilang kinabigla. Ano? Ito ang gusto nila, hindi ba? Hindi ba nila akalain na papayag ako? Hindi ba nila akalain na mapipilit nila ako? Kung gusto nila na makipaglaro sa akin ay walang problema dahil makikipaglaro ako sa kanila. "Sigurado ka ba riyan, Prinsesa Ayesha?" tanong ng mahal na reyna. Nginitian ko siya at tinanguan. "Sigurado ako, mahal na reyna. Tutal ay wala rin naman akong nakaplano na gawin ngayon. Bakit hindi ko na lang pagbigyan ng kagustuhan ng ating mga panauhin," sabi ko. Hindi ko man lang sila matawag na pamilya. "Kung gayon ay lumakad na kayo," sabi ni Liyo Azul. Halata na sa hitsura ni Kaira ang pagkairita dahil mukhang napasubo na siya ideya na ang ama niya ang nakaisip at nagsimula. Alam ko na kung ako lamang ang nandito ay hinding-hindi siya papayag. Pero dahil kaharap pa rin namin ang hari ay hindi naman na siya makatanggi pa at wala nang iba pang magagawa kundi ang pumaya. Matapos kalmahin ang kanyang sarili ay ngumiti na si Kaira at tumayo na rin. Nilingon niya ako at binigyan ng isang pekeng ngiti. Hindi naman ako nagdalawang isip na suklian iyong ng isang peke ring ngiti. Nagpaalam na kami sa kanya-kanya naming magulang hanggang sa lumabas na kami ng aming tanggapan. Sa buong paglalakad namin ni Kaira palabas ng palasyo ay wala sa amin ang nagsalita. Magkasama kami ngunit mahahalata ang distansya namin sa isa't isa. "Alam mo naman na ayaw ko sa iyo, Ayesha, hindi ba? Bakit pumayag ka pa sa sinabi ng aking ama?" tanong niya nang tuluyan na kaming makalabas ng palasyo at kasalukuyan na naming binabagtas ang aming kaharian. Hindi ko maiwasan na matawa dahil sa sinabi niya. "Alam mo ba na may kaukulang parusa ng sino man na hindi tatawag at kikilala sa amin bilang mga hari, reyna at prinsesa kapag nandito ka sa loob ng aming kaharian?" sabi ko at napangiwi siya. Hindi ako papayag na hindi niya ako tatawagin sa aking pagkakakilanlan. Ako ang prinsesa ng kaharian na tinatapakan niya sa ayaw man niya o sa gusto. "Sa tingin mo ba may pakialam ako?" Nagmamayabang at nagmamataas pa siya. "Seryoso ako, Kaira. Hindi ako papayag na hindi mo ako kikilalanin bilang isang prinsesa kahit pa dalawa lamang tayo rito. Kayang-kaya kong ipagbawal ang pagpasok ninyo sa aming kaharian. Ikaw at ang pamilya mo. Kaya huwag mo akong susubukan." Nawala ang pagmamalaki sa hitsura niya dahil sa sinabi ko. Alamin niya kung saan siya dapat na lumugar.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD