Chapter 13

1520 Words
Chapter 13 Ayesha's POV Hindi ko alam kung para saan ang mga inggit na nararamdaman ng pinsan kong si Kaira sa akin. Gayong hindi rin naman maitatanggi sa kasuotan niya ang karangyaan na mayroon ang kanilang pamilya. Naninirahan ng kanilang pamilya sa Kaliwag at base na rin sa pagkakaalam ko ay isa ang pamilya nila sa pinakakilala sa buong Kaliwag. Hindi ko alam kung bakit mas pinili nila na roon manirahan gayong may posibilidad na mas mapaganda pa ang buhay nila rito. Ngunit nasabi noon sa akin ng aking inang reyna na kaya raw doon nila napiling manirahan ay dahil iniisip ng Liyo Azul na ipapamukha lamang sa kanila ng amang hari na siya ang hari at nakaupo sa pwesto. Hindi ko nga lamang alam dahil baka mamaya ay mas pinapalala lamang ng inang reyna ang alitan sa aming pamilya. Ngunit hindi na rin naman ako mabibigla pa kung totoo man nga ang sinasabi niyang iyon dahil sa ugali na taglay ng kapatid ng amang hari. Ngunit isa pa sa iniisip ko na maaaring dahilan kung bakit mas pinili nila sa Kaliwag na lamang manirahan ay dahil sa masyadong matataas ang tingin nila sa kanilang mga sarili at hindi sila kailanman magpapasakop sa Lavitran na labis nilang kinaiinggitan. Alam ko na wala sa plano nila ang magpasailalim sa kapangyarihan at pamumuno ng aming pamilya. Parehas namang magaganda ang buhay namin kaya hindi ko alam kung para saan ang mga nila. Ang pinagkaiba lamang naman namin sa kanila ay mayroon kaming mga trono at pagkilala mula sa aming mga nasasakupan. Ako pa nga ang dapat na maiggit sa kanila dahil mayroon silang normal nabuhay. Hindi limitado ang mga galaw nila at nagagawa nila ang ano mang gusto nila. Hindi tulad ko na tila nakasunod sa akin ang mata ng lahat. "Nariyan ka na pala, Prinsesa Ayesha." Nakangiti akong sinalubong ng Liya Ursula na tila ba hindi nagtaas ng kilay sa akin kanina. Ngunitian ko na lamang siya hindi na ako sumagot pa. "Nakahanda na ang hapag. Halina at kumain na muna tayo," yaya sa amin ng amang hari at sabay-sabay naman na kaming sumunod sa kanya papunta sa malawak na dining area ng palasyo. Tahimik ang naging simula ng aming kainan ngunit alam ko naman na hindi matatapos ang pagsasalo namin na ito nang wala silang napupuna sa aming pamilya. Hindi nila palalampasin kahit na ang pinakamaliit na pagkakamali na makikita nila. Kaya kailangan ko rin na ihanda ang aking sarili dahil ang pagpuna na naging ritwal na nila sa tuwing nandito sila ay sinisimulan nila sa akin. Hanggang sa mapunta ang mga puna sa mga tagasilbi na mayroon kami. At kung minsan pa, kapag wala na silang makikita na maaari nilang punahin sa amin ay disenyo na ng palasyo ang pagbabalingan nila. Na sa totoo lamang ay wala naman talagag kapuna-puna. "Tila napasarap ang tulog ng mahal na prinsesa at nagawa tayong paghintayin ng ilang sandali." Nabaling ang atensyon naming lahat nang magsimula sa pagsasalita si Kaira. Nakangiti siya ngunit halata sa mukha niya ang pagkainsulto dahil nagawa ko silang paghintayin. At iyon marahil ang dahilan kung bakit tila halos kadarating ko pa lamang sa aming tanggapan kanina ay aburido na ang mukha niya pagkakitang-pagkakita niya sa akin. Nagkibit balikat ako sa puna niya dahil wala akong dapat na ipaliwanag sa kanya. Hindi ako hihingi ng tawad sa kanila dahil sa ginawa nilang paghihintay sa akin. "Prinsesa naman ako. Sigurado naman ako na walang masama kung may pinaghihintay man ako. Ang mga tagasilbi nga ay sanay nang maghintay sa akin," tanging sagot sagot ko at kumuha ng isang prutas na nakahain sa mesa. Gusto ko pa sanang kumain pero hindi ko na yata matatagalan ang pakisamahan man lang sila. "Pero hindi kami mga tagasilbi para paghintayin mo." Hindi na nga niya naitago pa ang pagkairita na kanyang nararamdaman lalo na sa sinabi ko. Hindi ko rin napigilan ang mapangiwi dahil sa naging reaksyon niya roon. Wala naman akong sinabi na tagasilbi sila. "Pero mas mataas pa rin kami sa iyo," sambit ko at nakita ko kung paano niya ikuyom ang magkabila niyang kamao. Tinago pa niya iyon sa ilalim ng mesa ngunit huli na dahil mabilis ang mga mata ko sa ganyang mga bagay. "Wala rin naman kasing masama sa ginawa ng anak ko. Sanay na rin naman kasi kami na lagi siyang nahuhuli sa paggising," sambit ni inang reyna ngunit napailing si Liya Usrula. "Hindi dapat ganoon, Prinsesa Ayesha. Hindi mo dapat laging pinaghihintay ang iyong mga magulang. Bakit hindi ka tumulad rito kay Kaira? Hindi niya nakasanayan at hindi niya ugali ang paghintayin kami," sambit pa nito at nakita ko ang pagngisi ni Kaira na tila nagmamalaki sa sinabi ng kanyang ina. At sa tingin ko ay nagsisimula na sila sa pamumuna sa akin at sa aming pamilya. Sinasabi ko na nga ba at kumukuha lamang sila ng bwelo. "Ganoon talaga, Ursula. Hindi naman prinsesa ang iyong anak kaya wala siyang karapatan na paghintayin ang sino man," nakangiti pa si inang reyna nang sabihin iyon. At halos matawa ako nang marinig iyon lalo na nang makita ko kung paanong unti-unti na naglaho ang mga ngisi ni Kaira at pagmamalaki na kanina lamang nasa kanyang mga mukha. Nilingon ko ang inang reyna at nginitian siya. Nginitian naman niya ako pabalik. Narinig ko na lamang na tumikhim ang hari upang kuhanin ang atensyon naming lahat at alam ko na nararamdaman na niya ang tensyon sa amin. At kilala ko na ang mahal na hari, lubhang mapagpasensyahan siya sa pagdating sa kanyang kapatid. At alam ko na magsasalita siya sa pagkakataon na ito. "Naiintindihan naman namin, Ursula kung madalas kaming paghintay ng aming mahal na prinsesa. Madalas siyang napupuyat nang dahil sa mga pagsasanay na mayroon siya. Ayaw naman namin na mapabayaan niya iyon," sambit ng amang hari. Hindi naman nababakasan ng pagsisinungaling ang mahal na hari kahit pa alam ko sa aking sarili na hindi naman iyon totoo. Iyon ang madalas kong dinadahilan sa kanya sa tuwing mahuhuli ako ng gising at hindi ko naman akalain na pinaniniwalaan niya ang mga iyon. Kung sabagay, ang inang reyna nga lamang pala ang wala nang tiwala sa akin. At sanay na ako sa mga salita niya. "Kung gayon ay marami nang nalalaman ang mahal na prinsesa tungkol sa tamang pamumuno ng isang malaking kaharian?" tanong ni Liyo Azul na tila ay may panghahamon. Ngunit bakit naman kailangan pa niya ako na hamunin? Tila may mapapala siya sa oras na bumagsak ako bilang isang tagapamana. "Tama ka riyan, Azul. Kaya kailangan mo nang ipahinga ang iyong isip sa kung paano pamumunuan ang buong Vittoria sa oras na sa tingin mo ay kakailanganin na ng mahal na hari ng isang kahalili," sambit ni inang reyna na kinabigla ko. Agad ko siyang nilingon pero hindi naman niya ako tiningnan. Hindi ko alam ang tungkol sa bagay na iyon. Hindi ko akalain na bukod sa akin ay may iba pa maaaring magmana sa trono ng amang hari. Ang buong akala ko ay ako lamang ang nag-iisang tagpagmana kahit na anong gawin ko. Hindi ko alam na magkakaroon pala ng pag-asa ang kapatid niya sa kanyang trono. Wala naman kasing nababanggit ang inang reyna sa akin tungkol doon. Narinig ko ang pagtawa ni Liyo Azul at umiling-iling sa sinabi ng inang reyna bilang pagprotesta. "Nagkakamali ka, mahal na reyna. Hindi ko naman iniisip na mapamumunuan ko ang buong Vittoria dahil tulad ninyo ay malaki rin naman ang tiwala ko na magagawa ni Prinsesa Ayesha na humalili sa kanyang ama. Kaya nga kahit papaano ay nagtuturo kami sa kanya ng mga dapat niyang gawin," sagot pa nito at hindi ko naitago ang aking pagngisi dahil sa labis na halata sa pagpapanggap sa bawat binitiwan niyang salita. Nginitian siya ng aking inang reyna ngunit talagang sinadya niya na ipahalata na isa lamang iyong pekeng ngiti. "Maraming salamat kung ganoon. Ngunit wala naman na kayong dapat pang ikabahala sa bagay na iyan. Dapat lamang na magtiwala kayo sa aming anak dahil nasa pangangalaga siya ng pinakamahusay na hari na nagkaroon ang Vittoria. Sinusubaybayan siya ng amang hari mula noong maliit pa lamang siya. Hindi ba, mahal kong hari?" sabi ni inang reyna at nilingon pa ang hari. Lahat tuloy kami ay nabaling ang tingin sa kanya dahil lahat kami ay naghihintay sa isasagot niya. Nakita ko naman na ngmiti ang hari. Sa lahat ng ngiti na nasaksihan ko sa umagang ito ay ang ngiti ng hari lamang ang nakikita ko na totoo. "Oo naman, mahal kong reyna. Sinusubaybayan ko ang paglaki ng ating anak. At susubaybayan ko siya, siya man ang tagapagmana o hindi. Malaki ang tiwala ko sa prinsesa. Hindi naman siya ang ipagkakaloob sa atin kung hindi siya nararapat," sabi ng hari at naramdaman ko ang katotohanan sa sinabi niyang iyon para sa akin. Hindi ko tuloy maiwasan ang makaramdam ng hiya dahil sa mga pinaggagawa ko nitong mga nagdaang araw. Ang buong akala ng mahal na hari ay talagang nagsasanay ako ngunit ang hindi niya alam ay tinatakasan ko lamang sila. Gusto ko nang sundin ang mga magulang ko ngunit hindi ko pa kayang bitiwan ang Kaliwag.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD