Chapter 15
Ayesha's POV
Matapos ang pagbabanta ko kay Kaira ay nagawa pa niya na makipagtitigan sa akin nang ilan pang sandali. Ngunit agad rin naman siyang nagbawi ng tingin at nagsimula na sa muling pagpapatuloy ng paglalakad. Sinabayan ko siya sa paglalakad at hindi ko naman na ulit siya narinig pa na magsalita. I did see fear in her eyes nang dahil lamang sa mga banta.
Sa tagal ng pakikipagpataasan sa akin in Kaira ay ngayon lang yata siya tinablan ng ganito. At siguro ay dahil alam niya na seryoso ako sa pagkakataon na ito. Pumapayag ako na magpanggap ang pamilya namin na gusto ang isa't isa kahit pa halatang-halata ang inis nila sa amin dahil ayaw namin na palakihin pa ang problema.
Pero ibang usapan na kapag harap-harapan na nila kaming binabastos. Kahit pa sabihin niya na malaki nag galit niya sa akin ay kailangan niya pa rin akong kilalanin bilang prinsesa habang nandito siya sa loob ng aming kaharian sa ayaw man niya at sa gusto. Dahil sa totoo lang ay hindi na namin dapat sila pinapapasok pa rito dahil nga sa ayaw namin sa kanila at wala rin naman silang naitutulong sa kaharian.
Ngunit dahil nga sa kamag-anak pa rin namin sila ay iniisip na lamang namin ang sasabihin ng mga nasasakupan namin kapag nalaman nila na hindi pinapapasok ng hari ang kanyang pamilya. Kailangan pa rin namin silang harapin at pakisamahan kahit para na lamang sa reputasyon ng aming pamilya.
Alam naman nila na iyon na lamang ang dahilan kaya nagagawa pa rin namin sila na pakisamahan. At dahil alam ni Kaira na isang paglabag sa batas ang ginawa niya sa akin ay magkakaroon na ako nang dahilan para ipag-utos na huwag na silang papasukin kailanman. At iisipin ng mga nasasakupan namin na tama lamang ang aming ginawa. Magiging maganda pa ang dating nu'n sa kanila dahil mapapatunayan namin na walang pinipili ang batas ng hari. Na maging ang sarili nitong kapatid at pamilya nito ay nagawa niyang patawan ng kaparusahan.
Nasa amin ang alahat ng pabor kung gagamitin ko ang nangyari kanina para mapalayas sila sa palasyo ngayon mismo. Pasalamat na lamang siya at may naitatabi pa akong bait para sa kanilang pamilya.
"Saan ba tayo dapat na magsimula, mahal na prinsesa?" tanong niya at pinagdiinan niya talaga ang pagtawag sa akin ng prinsesa. Napangisi ako dahil mukhang nawala na ang takot niya. Pero mas mabuti na rin ang ganito. Bukal man sa loob niya ang pagtawag sa akin ng prinsesa o hindi ay wala na akong pakialam. Pagkilala lang ang kailangan ko. Tanggapin man niya ang katotohanang iyon o hindi ay wala na akong pakialam. Hindi naman nito maaapektuhan ang pagiging tagapagmana ko.
"Hindi ko rin alam. Bakit ako tinatanong mo? Tingin mo ba talaga ay nandito ako para ilibot ka?' sambit ko at nabakas ang labis na inis sa kanyang mukha dahil sa sinabi ko. Bahagya tuloy akong natawa. Talagang umasa siya na ipapasyal ko siya sa kabuuan ng kaharian namin? Sa laki nito, tingin ba niya pagtitiyagaan ko siya na makasama?
"Ano pala ang gagawin natin dito, mahal na prinsesa?" Sa bawat bigkas niya ng prinsesa ay laging may diin. At alam ko na madalas ko na iyong maririnig sa kanya kaya dapat lang siguro na sanayin ko na ang aking sarili. At alam ko naman na ginagawa niya lang iyon para mainis ako.
Pero hindi niya ako maiinis lalo pa at nakikita ko na siya ang naiinis sa tuwing tinatawag niya ako na prinsesa. Kaya gawin niya ang bagay na iyan hangga't gusto niya. Hangga't nakikita ko ang pagkairita sa mukha niya hindi ko iyon mamasamain.
"Gusto ko lang makasama ang aking pinsan sa paglilibot dito. Hindi naman siguro iyon masama? Kailan nga ulit tayo huling nakapamasyal nang magkasama? Kung tama ang aking pagkakatanda ay noong pitong taong gulang pa lamang tayo?" sabi ko habang patuloy lang kami sa paglalakad. Hindi naman sumagot si Kaira ngunit alam ko naaalala pa niya iyon.
Imposible niyang makalimutan ang huling pamamasyal namin dahil naligaw pa kami noon. Hindi pala, mali ako. Dahil sinadya niya akong iligaw at pinalabas na nagkahiwalay kami. Doon nagsimula ang mga pagtatalo namin. At hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung bakit iyon nagawa sa akin ni Kaira. Dahil kung ikukumpara ang trato namin ni Kaira sa isa't isa ngayon ay sobrang layo sa kung paano namin itrato ang isa't isa noon.
Wala akong naalalang away namin hanggang sa nagpitong taon na kami. At mula nang araw na niligaw ako ni Kaira ay nagbago na ang lahat sa amin. Mukhang alam na ni Kaira kung saan mapupunta ang pagtatanong kong iyon kaya minabuti na lamang niya na manahimik na lamang.
Wala naman talaga akong plano na ungkatin pa iyon. Gusto ko lamang malaman kung naaalala pa ba niya ang pangyayaring iyon. At nakuha ko naman ang sagot kahit na hindi ko iyon inungkat. Dahil kitang-kita ko sa mga mata niya ang pagbalik ng alaalang iyon. Dapat lamang na hindi na niya iyon makalimutan pa dahil gusto kong ipaalala sa kanya ang bangungot na nangyari sa akin noon nang dahil sa kanya.
"Kumukulimlim na. Mabuti pa siguro kung bumalik na tayo sa loob ng palasyo." Hindi naman na siya tumutol pa nang magyaya na akong bumalik sa loob ng palasyo. Dahil bukod sa totoo ang sinabi ko na kumukulimlim na ay alam niya rin naman na hindi rin naman talaga kami mamamasyal kaya magsasayang lang kami ng oras sa paglalakad.
Nang marating namin ang palasyo ay agad na kaming dumiretso pabalik ng aming tanggapan. Naroon pa rin ang mga magulang namin ngunit hindi na sila nag-uusap-usap pa. Mga napagod na yata sila na pakisamahan ang isa't isa. Mas mabuti na rin ang ganitong tanawin kaysa makita ang mga mapagpanggap nilang ngiti.
Tila naiinip naman na ang mga magulang ni Kaira kaya nang mapansin na nila ang ang pagdating namin ay saka lang nawala ang inip sa kanilang mukha. Agad nilang sinalubong si Kaira para lamang sabihin na uuwi na sila. Hinayaan na lamang namin sila na lumabas ng pinto at may mga kawal na ang maghahatid sa kanila tulad ng nakasanayan.
Nang tuluyan na silang makalabas ay nakita ko nang halos mawala na ang itim sa mga mata ng mahal na reyna dahil sa labis na pag-irap. Mabuti na lamang at napigilan ko ang pagtawa ko dahil kung maririnig ko ng aking ina ay sigurado ako na makakagalitan niya ako.
"Inaantok ka pa ba, mahal na prinsesa? Nais mo ba na bumalik na muna sa pagtulog dahil batid ko naman na ikaw ay naistorbo lamang sa pagdating ng iyong mga Liyo Azul. Paumanhin kung naputol ang iyong pagpapahinga," sabi ng mahal na hari. Sa totoo lang ay gusto ko pa na bumalik sa kwarto ko para sana matulog ulit. Pero bigla akong nahiya sa naging alok ng hari kaya wala na akong nagawa pa kundi ang umiling.
Nakita ko na rin kasi ang masamang tingin sa akin ng mahal na reyna na tila ba sinasabi na malalagot ako kapag bumalik pa ako sa pagtulog ko. Kaya kahit na pakiramdam ko ay bitin na bitin pa ako sa tulog ay naghintay na lamang ako ng ilan pang sandali para sa oras ng pagsasanay ko. At sa pagkakataon na ito ay nais kong serysohin ang pagsasanay kong ito. Gusto ko na may matutuhan naman ako kahit papaano hindi 'yung lahat ng tinuturo sa akin ni Digno ay mabilis kong makakalimutan dahil lamang sa wala akong focus.
"Markiya, ihatid mo na pabalik sa kanyang silid ang mahal na prinsesa at bihisan siya para sa kanyang pagsasanay," utos ng mahal na reyna kay Markiya matapos ang ilang sandali kong pagpapahinga. Kahit na tinatamad pa ko at gusto ko munang ipahinga ang mga paa ko dahil malayo-layo rin ang nilakad namin ni Kaira ay tumayo na rin ako bago pa muli na namang umandar ang bibig ng aking ina sa pagpapagalit sa akin.
"Opo, mahal na reyna." Nilapitan na ako ni Markiya upang sunduin dito sa kinauupuan ko kaya nang marating niya ang gilid ko ay tumayo na ako. Tulad ng pinag-utos ng mahal na reyna ay hinatid na niya ako aking silid at inihanda ang isusuot ko. Dahil nakaligo naman na ako ay diretso na ako sa pagpapalit ng susuotin ko sa aking pagsasanay.
Mula sa magarbong kasuotan ay napunta sa damit pansanay. Parehas lang naman sila na mabigat isuot at sanay na ang katawan ko sa ganitong bigat. Nang mabihisan na ako ni Markiya ay iniharap na niya ako sa salamin habang inaayos niya ang iba pang detalye ng damit.
"Handa ka na bang umalis, mahal na prinsesa?" tanong niya ilang sandali matapos niya akong bihisan. Nang masiguro ko naman na handa na ako at wala na akong nakalimutan pa na mga gamit ay tumango na ako. Nagsimula na siyang maglakad para pagbuksan ako ng pinto.
Paglabas namin ng palasyo ay may nakaabang na sa amin na isang karwahe na maghahati sa amin kay Digno. Inalalayan kaming sumakay ng isa sa mga kawal hanggang sa tuluyan na ngang pinatakbo ang karwahe.