Chapter 12
Ayesha's POV
Hindi ako mapakali sa suot ko dahil hindi ko alam kung tama na ba ito. Alam ko naman sa sarili ko na ayos na ang lahat sa akin ngunit gusto ko lamang din iwasan ang mga panibagong puna mula sa kanila. Kung sarili ko lamang na reputasyon ang nakasalalay ay wala akong pakialam kahit pa buong buhay nila akong husgahan.
Ngunit nakasalalay rin sa akin ang reputasyon ng aking inang reyna at lalo na ng amang hari. Ayokong ilagay silang parehas sa kahihiyan. Kaya hangga't maaari ay ayokong may makita ang Liyo at Liyo na magiging dahilan ng pagpuna nila sa pamamaraan ng pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang.
Dahil sa totoo lamang ay wala naman talagang mali sa pagppapalaki nila sa akin. Alam ko na nasa akin nag problema. At maging ako man ay naiinis sa aking sarili dahil hindi man lang ako makaramdam ng ano mang pag-aasam sa trono. Pakiramdam ko ay hindi ako pinanganak sa mundong ilalim para mamuno. Tila walang nananalatay ng pamumuno sa aking dugo.
Nang sa wakas ay makuntento na ako sa wakas ay nakuntento na ako sa hitsura at kasuotan ko ay humarap na ako sa salamin sa huling pagkakataon at saka hinagod ng tingin ang kabuuan ko. Kahit pa sabihin ni Markiya na perpekto na ang lahat sa akin ay hindi yata ako mapapakali. Ganito pakiramdam ko sa tuwing dadalaw ang pamilya ng aking amang hari. Hindi alaga ako komportable sa kanila kaya ayokong nandito silang tatlo.
Huminga ako nang malalim bago tumango kay Markiya para yayain na siya na lumabas ng aking silid. Mabiilis naman niya iyong naintindihan kaya agad siyang naglakad para pagbuksan ako ng pinto.
Sa paglalakad namin papunta sa aming tanggapan ay maraming tagasilbi ang nagsisiyuko sa pagdaan ko ngunit wala man lang sa kanila ang nagawa kong batiin pabalik dahil nakatuon na ang atensyon ko sa daratnan ko sa aming tanggapan. Malayo pa lamang ay natanaw ko na ang dalawang kawal na nagbabantay sa tapat ng pintuan ng tanggapan.
At nang malapit na ako ay agad nila iyong binuksan at hinintay na marating ko sila. Hindi ko na rin nagawa pa na magpasalamat man lang sa kanila dahil pagdating ko pa lamang sa tapat ng pinto ay pumasok na agad ako sa loob. At doon ay naabutan ko na nagtatawanan at nagkukwentuhan ang inang reyna at Liya Ursula. Pinigilan ko agad ang aking sarili sa pag-irap dahil alam ko naman na parehas lamang silang nagpapanggap na gusto ang isa't isa.
Halata sa mga ngiti nila na napipilitan lamang sila. At hindi na ito bago sa paningin ko dahil bukod sa ganito lagi ang tagpo sa tuwing nandito ang pamilyang ito ay alam ko rin naman na parehas nilang alam ang nararamdaman nila sa isa't isa.
Maging ang ngiti at tawa ng Liyo Azul sa kaharap at kakwentuhan niyang amang hari sa kabilang lamesa ay hindi rin maitatago ang pagkukunwari. Ang tanging may totoo lang yata na pinapakita sa kanila ay ang mahal na hari. Walang ano mang bahid ng pagkukunwari ang paraan ng pakikitungo niya sa kanyang kapatid.
Ngunit alam ko rin naman na hindi tanga ang mahal na hari para hindi maramdaman ang inggit at galit sa kanya ng kanyang kapatid. Pasalamat na lamang din ang Liyo Azul na lubhang mabuti at mabait ang aking ama. Dahil kung ako lamang ang masusunod ay hindi ko na hahayaan pa na makatapak sa palasyong ito ang kanilang pamilya. Sa ganitong klase ng pag-iisip ay alam ko na parehas lamang kami ng inang reyna ng gusto.
Ngunit alam namin parehas na ang hari pa rin ang masusunod at alam namin na hindi papayag ang hari na pagbawalan ang kanyang pamilya na tumuntong dito kaya hindi na rin kami nagsalita pa ng ano mang pagtutol laban sa kanila.
Wala pa sa kanila ang nakakapansin sa pagdating ko maliban na lamang kay Kaira na kasalukuyan na palang nakamasid sa akin. At sa tingin ko ay nakita na niya agad ako pagpasok ko pa lang ng pinto. Tulad na rin ng nakasanayan ko ay wala akong nabasa na ano mang emosyon sa kanyang mukha sa tuwing makikita ako. Pero ano pa nga ba ang aasahan ko kung alam ko na ganoon din ang ugali ng mga magulang niya.
Alam ko na wala siyang plano na ipabatid sa mga magulang namin ang aking pagdating dahil tila ba natutuwa siya sa tuwing hindi ako nakakakuha ng ano mang atensyon. At hindi ko alam kung paano niya iyon naging kaligayahan gayong mas pabor nga sa akin sa tuwing wala sa akin ang atensyon ng mga nandito.
Dahil sa totoo lang ay sanay na ako roon. Kaya iba sa pakiramdam kapag alam ko na makakakilos ako nang maayos dahil walang sino man nakasubaybay sa akin.
"Isang pagbati sa inyo, Liyo Azul at Liya Ursula. Ganoon din sa iyo, Kaira," bati ko sa kanila at saka ko lamang nakuha ang kanilang atensyon. Natigil sila sa pakikipagkwentuhan at hindi naman nanakaligtas sa matalas kong paningin ang pagtaas ng kilay ng Liya Ursula sa akin na sa tingin ko ay dahil sa napansin niyang kasuotan ko.
"Prinsesa Ayesha, ano ka ba naman? Sinabi naman na namin sa iyo ng iyong amang hari na nandito ang iyong Liya at Liyo ngunit bakit hindi ka man lang nag-ayos muna bago humarap sa kanila," sabi ng inang reyna na halos ikbahala ko.
Ngunit nang mabasa ko ang pagmamalaki sa kanyang mukha ay doon ko lamang naintindihan ang nais niyang sabihin. Napailing na lamang ang amang hari dahil alam ko na maging siya ay maiitindihan ang nais ipahiwatig ng kanyang asawa. Ngunit alam ko naman na hindi sasakay ang mahal na hari kaya wala na akong magagawa pa dahil alam ko na kailangan kong sakyan ang inang reyna.
"Pinagmamadali na ninyo ako, inang reyna. Kaya kung ano na lamang ang nadampot ko ay siya ko na lamang na isinuot," sabi ko na lamang at nakita kong napangiwi ang Liya Ursula. Muli kong binalingan si Kaira at saka ko lamang napagtuunan ng pansin ang kanyang kasuotan.
At tulad nga ng sinabi ni Markiya ay magarbo nga iyon na tulad ng sinusuot sa mga pagtitipon. Ngunit hindi rin naman sa pagmamayabang ngunit hindi hamak naman na mas maganda at mas magarbo ang aking kasuotan kung ikukumpara sa kasuotan Kaira. At muli ay nakita ko ang inggit sa kanyang mga mata.