Chapter 60

2514 Words
Chapter 60 Ayesha's POV Hindi ko alam kung ano na nga ba ang nangyari ngunit natapos ang usapan namin ni Javadd nang malabo pa rin ang lahat. Ngunit mas pipiliin ko na ang ganito kaysa naman bigyan ng linaw at ang linaw na iyon ang lalong mapapakomplikado ng lahat. Tama nang ganito kami ngunit alam namin ang halaga ng isa't isa. Kasalakuyan na nga kaming naglalakad ngayon pabalik ng palasyo dahil para daw matapos na ang pag-iisip ko ng tungkol kay Riva ay ilalayo na muna niya ako roon. Paulit-ulit din niyang sinasabi na wala talaga siyang nararamdaman para kay Riva kaya hindi ko raw kinakailangan na magselos sa kanya. Ang seryosong paliwanag at pagkumbinsi niyang iyon sa akin ay unti-unting naging pang-aasar. At iyon ang dahilan kaya nagyaya na ako pabalik ng palasyo. Ngunit kahit papaano naman ay natutuwa ako dahil nagagawa na lamang naming tawanan ang isang pag-amin na ang buong akala ko ay makakapaglayo sa akin kay Javadd. Dahil kabaliktaran ang nangyari dahil pakiramdam ko ay mas lalo lang kaming naging malapit ni Javadd sa isa't isa. Habang naglalakad ay naramdaman ko ang pagsulyap sa akin ni Javadd. Sa katunayan ay kanina ko pa nahahalata ang madalas niya na pagsulyap sa akin ngunit ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na lingunin din siya. Wala namang sinabi si Javadd ngunit ngumiti siya. Walang halong ano mang pang-aasar ang mga ngiti niya ngayon hindi tulad kanina na halos pumikon sa akin. Parang pinapakit niya na masaya siya ngayon. Hindi ko rin tuloy napigilan ang mapangiti. Nakikita ko ang pagsulyap niya sa kamay ko at alam ko na gusto niya sana iyong hawakan habang naglalakad kami. Ngunit parehas naming alam ni Javadd na hindi maaari dahil maraming Algenian ang makakita. Hindi man niya magawa na hawakan ang kamay ko ay nagawa naman niya na mas lalo pang dumikit sa akin. Nabaling na lang tuloy ang atensyon ko sa daan at umarte nang normal. Nagpatay malisya ako sa kinilos niyang iyon at narinig ko ang marahan niyang pagtawa. "Kung nasa Kaliwag lamang sana tayo, Ayesha ay kanina ko pa hinawakan ang kamay mo," sabi ni Javadd na nakapagpalambot ng tuhod ko. Ngunit mabuti na lamang at nagawa ko pa rin na makapaglakad nang diretso. Alam ko rin na pinamulahan ako ng pisngi dahil sa sinabi niyang iyon ngunit talagang nakaramdam ako ng hiya. Bagaman mas nangingibabaw ang hiya ay hindi ko rin nman itatanggi ang kilig na naramdaman ko. Muling kong nilingon si Javadd para sana samaan siya ng tingin ngunit hindi ko na nagawa pa dahil nakita ko na bumalik na naman ang mapang-asar niyang mga ngiti. Mukhang pinagtatawanan na naman niya ako. "Ang iyong pulang-pulang mukha na yata ang pinakapaborito kong tingnan mula sa mga oras na ito, Ayesha." Hinampas ko siya sa kanyang braso at narinig ko ang kanyang pagtawa. May ilang Algenian pa nga ang napalingon sa amin dahil talagang makaagaw pansin ang ginawa niyang tawa. Para lamang tigilan na ako ni Javadd ay minabuti ko na bilisan na ang aking paglalakad. Narinig ko naman ang mga yabag niya na muling sumunod sa akin ngunit sa pagkakataon na ito ay hindi na siya muli pang nang-asar o nagsalita man lang. Mabuti naman na sa wakas ay napagod rin siya sa ginagawa niyang pang-aasar sa akin. Hanggang sa marating na nga namin ang kanilang palasyo ay nanatili ang pananahimik ni Javadd kaya kahit papaano ay nagkaroon akong katahimikan. Hindi ko alam kung hanggang kailan magtatanggal ang katahimikan na binibigay sa akin ni Javadd ngunit lulubus-lubusin ko na ito kaya magpapasama na ako sa kanya papunta sa silid na tutulugan ko. Hindi ko pa kasi kabisado ang daan papunta roon dahil na rin sa isang beses pa lang naman akong nakakapunta roon. "Napagod ako, Javadd. Nais ko na sanang magpahinga na muna," sabi niya at tinitigan pa niya ako nang mabuti para alamin kung nagsasabi ba ako ng totoo o nagdadahilan lang para makalayo sa kanya. Bakit naman ako magdadahilan at bakit ko naman gugustuhin na malayo sa kanya? Kahit lagi niya pa akong asarin ay ayos lang kung kapalit naman nu'n ay makasama siya. Nang makita naman ni Javadd ang pagod sa mga mata ko ay ngumiti na siya at tumango upang sabihin na ihahatid na niya ako sa aking tutulugan. Kaya naman sinabayan ko na siya sa paglalakad hanggang sa marating na nga namin ang tapat ng pintuan ng silid na tutulugan ko. "Hanggang dito na lang siguro, Ayesha. Bukas ulit?" sabi niya at natatawa akong tumango. Pinagbuksan niya ako ng pinto ngunit hindi na rin naman siya pumasok. Bagkus ay nagpaalam na siya at sinarado na nga rin niya ang pinto. Habang ako naman ay napasandal na lamang sa pinto at napabuga ako ng hangin. Ngayon lang nakakaya ng isip ko na iproseso ang lahat ng nangyari at naging usapan namin ni Javadd. Bigla akong napatanong sa aking sarili sa kung saan ako nakakuha ng lakas ng loob para maunang umamin sa kanya. Siguro ay talagang naipit lamang ako sa mga tanong ni Javadd. Pero kahit na naging biglaan ang lahat ay wala naman akong naging pagsisisi na nangyari ang lahat ng ito dahil kahit na malabo pa rin ang aming ugnayan ay naging malinaw naman ang nararamdaman namin sa isa't isa at nalaman ang halaga. Ayoko nang humigit pa kami roon dahil kung ipagpipilitan namin ang imposible ay baka mas lalo lang kaming walang kahantungan. Sapat na sa akin kahit na ganito lang kami. Patakbo kong tinungo ang malambot na higaan at binato ko ang aking sarili doon. Dahil sa gaan at sarap ng pakiramdam, pakiramdam ko ay sa ulap ako nahiga. Nagawa ko pa nga na magpagulong-gulong sa higaan na kung may iba lamang na nakakakita sa akin ay mapagkakamalan na akong nasisiraan ng bait. Ngunit totoo naman yata na nasisiraan na ako. Sino ba naman kasing nasa matinong pag-iisip ang aamin sa kalaban ng kanilang lahi. Ngunit wala na rin namang magagawa pa dahil hindi ko na maaari pang bawiin ang mga nasabi ko na. Ngunit kahit na mababawi ko pa ay hindi ko rin naman gagawin. Nangyari na ang nangyari at naging masaya naman ako sa kinalabasan. Dahil pakiramdam ko na magiging maganda ang tulog ko ay minabuti ko na pumikit na. Kahit na nasa ibang kaharian at nasa ibang kama ako ay hindi naman ako nahirapan na dalawin ng antok. Dahil ilang sandali lang din ang lumipas mula nang mahiga ako ay nakatulog na ako. At tulad ng inaasahan ko, pagkagising ko kinabukasan ay naging maganda ang umaga ko. Pakiramdam ko ay ito ang unang beses na naging ganito kaganda ang gising ko. Hindi ko pa kasi naranasan ang gumising nang ganito sa aming kaharian. Hindi naman kasi ako makatulog doon nang dire-diretso dahil oras na lumagpas ako sa tinakdang oras ng gising ko ay papasukin na ako ng maha na reyna para siya niyang gisingin. Hindi pa siya makukuntento sa pang-iistorbo sa tulog ko dahil hindi siya lalabas ng aking silid hangga't hindi niya ako nagagawa na kagalitan kahit na minsan ay wala naman siyang dapat na ikagalit. Samantalang dito, unang tulog ko pa lang ay pakiramdam ko na agad na nakakumpleto ako ng tulog. Parang nagawa ko rin na bawiin ang lahat ng tulog na naistorbo sa akin nitong mga nagdaang araw. Ngunit bigla naman akong nag-alala sa oras. Baka sa sobrang sarap ng tulog ko ay sobrang huli na rin ako ng gising. Sayang naman ang oras ko rito sa kaharian ng Algenia kung naubos lang sa pagtulog. Marami akong plano habang nandito ako kaya sana ay hindi naging ganoon kahaba ang oras ng pagtulog ko. At isa pa ay nakakahiya naman sa mga tao rito lalo pa at isa lang naman akong tagasilbi. Hindi ako pwedeng tutulog-tulog. Kailagan ko pang magtrabaho para hindi sila magdududa sa akin. Dapat ay hayaan din ako ni Javadd na gumawa sa gawain dito sa palasyo para hindi magtakha ang mga tagarito. Kaya naman minabuti ko na bumangon na muna. At nagulat ako dahil pagbangon ko ay mga kasuotan ang nakita ko. At ang kasuotan na ito ay tulad ng sa mga tagasilbi rito. Bigla tuloy akong napangiti. Ito ang unang beses na magsusuot ako ng kasuotan ng taga-Algenian at nais ko na subukan. Nagmamadali akong naligo at sinuot ang kasuotan. Humarap ako sa salamin at nakit ko ang repleksyon ko. Napangiti ako dahil nagustuhan ko ito. Mas komportable pala ang ganitong uri ng kasuotan dahil hindi hamak naman na mas magaan ito kung ikukumpara sa mga kasuotan na mayroon ako. Bakit nga ba ako nagtitiyaga sa ganoong kagarbo at kabigat na kasuotan kung pwede naman pala ang ganito. Nakikita ko rin naman na bagay sa akin ang ganitong kasimpleng damit. Pagbalik ko sa aming kaharian ay agad akong magpapatahi ng kasuotan na ganito lamang kaliit at kagaan. Siguro naman ay pagbibigyan ako ng mahal na reyna sa kagustuhan kong ito. Dahil sa pagkaaliw ko sa kasuotan na ganito ay hindi ko mapigilan ang mapaikot sa harap ng salamin at natutuwa ako sa paglobo ng aking suot. Ngunit kahit na gaano pa ako kaaliw sa kasuotan na mayroon ako ngayon ay kailangan ko nang lumabas ng silid na ito dahil hindi ako isang prinsesa na susunduin pa para sabihan na lumabas na. Inisip ko nang mabuti kung ano nga ba ang unang ginagawa ng mga tagasilbi sa aming kaharian bago simulan ang kanilang mga gawain. At sa tingin ko ay kumakain muna sila. Kaya paglabas ko ng silid ay ang kusina agad ang hinanap ko. Mabuti na lamang at nakabisado ko kahapon ang daan para makapunta sa tanggapan. Siguro naman ay maiintindihan nila kung ipagtatanong ko kung nasaan ang kusina dahil bago lang naman ako rito. Nang marating ko ang tanggapan ay wala akong ibang nakita rito kundi mga kawal lamang. Kaya wala akong ibang mapagtatanungan kundi sila lang. Pumili ako ng isang kawal na sa tingin ko ay hindi magsusungit. Nakakatakot kasi ang mga kawal na nakikita ko dahil parang hindi sila mga marurunong ngumiti. Hanggang sa madako ang tingin ko sa isang kawala na sa tingin ko ay halos kasing edad ko lamang. Seryoso rin naman siya na pangkaraniwan na sa isang kawal. Ngunit siya na ang pinakamaamong mukha na nakita ko sa hanay ng mga kawal kaya naman siya ang nilapitan ko. Hindi naman ako nagkamali ng lalapitan dahil nginitian niya agad ako nang mapansin niya na papalapit ako sa kanya. "Magandang araw," bati ko sa kanyaat tinanguan naman niya ako habang nakangiti pa rin. "Magandang araw din naman," ganting bati niya sa akin at napangiti rin ako. "Anong maipaglilingkod ko sa iyo, binibini?" tanong pa niya. "Magtatanong lang sana ako. Saan dito ang daan papunta sa kusina?" tanong ko. Ngunit imbis na sagutin ang tanong ko ay nanatili lang ang tingin niya sa akin. Siguro ay ngayon niya lamang napagtanto na bago lang ako sa kanyang paningin. Pumitik ako sa kanyang harapan para mabalik sa tanong ko ang kanyang atensyon. Makailang ulit naman siyang pumikit at tumikhim nang mapagtanto ang labis niyang pagkakatitig sa akin. "Ano nga iyon?" tanong niya at natawa ako. Hindi pala niya naintindihan ang tanong ako. "Tinatanong ko lang kung saan ang daan papunta sa kusina?" ulit ko sa tanong ko at siguro naman ay naintindihan na niya. Medyo nagmamadali na rin kasi ako kaya sana ay mabigyan na niya ako ng sagot. "May ilang liko rin ang daan papunta sa kusina kaya baka malito ka lang. Nais mo ba na ihatid na lamang kita roon?" tanong niya. At tama naman siya dahil nang unang beses na dinala ako roon ni Javadd kahapon ay marami nga kaming nilikuan. Kaya nga hindi ko ito nagawang kabisaduhin agad. Mabuti na lamang din at nagkusa siya na maghatid sa akin. At sa tingin ko ay tama lang na tanggapin ko ang kanyang alok kaysa naman masayang ang oras ko kung maliligaw pa ako. Medyo kumakalam na rin kasi ang tiyan ko at sa tingin ko ay kailangan ko nang kumain. Hindi rin kasi ako sanay na magutom kaya hindi ko alam ang pwedeng mangyari sa akin kapag nagutom ako ng sobra. Siguro ay hindi kakayanin ng katawan ko dahil nga sa hindi sanay. "Talaga? Maaari mo akong ihatid?" tanong ko at natatawa siyang tumango. "Ngunit wala ka bang masasagasaan na gawain?" nag-aalalang tanong ko dahil baka mamaya ay hindi pala sila pwedeng umalis sa lugar at pwesto kung saan nakatalaga sila na magbantay. "Wala naman. Maaari naman kaming mawala sandali," sabi niya nang mabasa sa akin kung ano ang kinababahala ko. Ngunit pakiramdam ko ay hindi ako kumbinsido sa sagot niya. Pero dahil kailangan ko na rin talaga na marating ang kusina ay papayag na rin ako na ihatid niya ako. Siguro nga ay totoo na pwede silang mawala sandali dahil hindi naman niya siguro ipapahamak ang sarili at trabaho. "Sige, kung maaari ay samahan mo ako," sabi ko at ngumiti siya. Pahakbang pa lang sana ako para sundan ang kawal ngunit agad akong nahinto nang may humarang sa dinaraanan ko. Hindi na rin tuloy nakapagsimula sa paglalakadang kawal. Pamilyar ang pananamit at tayo ng Algenian na nakaharang sa aking daraanan at nang tingalain ko siya ay hindi nga ako nagkamali dahil bumungad sa akin si Javadd na ngayon ay may kakaibang tingin sa akin. "Mahal na prinsipe," bati ng kawal na dapat sana ay maghahatid sa akin sa kusina at sumaludo kay Javadd. Hindi naman siya nilingon man lang ni Javadd at nanatili ang mapanuring tingin sa akin. Nginitian ko siya para sana batiin ng magandang umaga ngunit nang makita ko na hindi niya sinuklian ang mga ngiti ko ay hindi ko na tinuloy ang pagbati. Sinalubong ko na lang ang kanyang mga tingin. Nilingon ni Javadd ang kawal at sinensyan na umalis. Agad namang tumalima ang kawal kaya naiwan kaming dalawa ni Javadd na ngayon ay malayo na sa iba pang Algenian. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" tanong niya na kinangiwi ko. Hindi ko alam kung ano anv ibig niyang sabihin sa tanong niyang iyon. Wala naman kasi akong ginagawang masama. "Anong ibig mong sabihin, Javadd?" tanong ko. Hindi ako sinagot ni Javadd ngunit binalingan niya ng tinhin ang kawal na pinaalis niya na ngayon ay sa may pintuan na nagbabantay. Nagsalubong pa ang kilay ko habang nakatanaw sa kawal dahil hindi ko talaga maintindihan ang pinupunto ni Javadd. "Bakit tinitigan mo pa siya, Ayesha? Nandito na ako sa harapan mo ngunit nagagawa mo pa na tumitig sa ibang lalaki." Nabalik lang ang tingin ko kay Javadd dahil sa sinabi niya. Hindi ako nakapagdalita dahil sa sobrang pagkabigla. Ngunit nang mapagtagpi-tagpi ko na ang lahat dahil sa ginawang niyang iyon ay hindi ko na napigilan ang matawa kaya sinamaan niya ako ng tingin. "Nagseselos ka sa kawal, Javadd?" natatawa kong tanong na hindi niya nagustuhan kaya nabakas ang labis na inis sa kanyang mukha. Napailing ako dahil hindi ko lubos maisip na makikita kong ganito si Javadd. Nanatili ang matatalim niyang tingin sa akin at nagpatuloy naman ako sa ginagawa kong pagtawa. Sobrang pinaligaya ako ni Javadd ngayon. Hindi na kasi maipinta ang mukha niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD