Chapter 61
Ayesha's POV
Hindi sumagot si Javadd ngunit hindi rin naman niya tinanggi ang paratang ko sa kanya na nagseselos siya. At sa tingin ko ay talaga ngang nagseselos siya. Sa paraan pa lang ng pagtatanong niya ay alam ko na agad. Nagselos din naman ako sa kanila ni Riva ngunit hindi ko naman siya kinompronta nang ganito. Hinayaan ko pa nga sila ni Riva na maiwan doon. Hindi tuloy mawala ang mga ngiti ko lalo na at nakikita ko ang nakabusangot na mukha ni Javadd.
Ngayon pa lang ay alam ko na agad na hirap si Javadd na kontrolin ang kanyang emosyon. At kung lagi siyang ganito ay baka may mahalatang iba sa amin ang mga Algenian. Nakakatuwa ang mga inaasal ni Javadd ngunit ayoko rin naman na mahalata kaming dalawa. Ngunit dahil malayo naman kami ngayon sa ibang taga-Algenian ay wala naman sigurong masama kung aasarin ko siya ngayon dahil wala namang makakarinig. Para na rin makaganti man lang sa ginawa niyang pang-aasar sa akin kahapon.
Muli kong sinulyapan ang kawal na pinagseselosan ni Javadd ngunit hindi ko pa man siya muling nasisilayan ay hinawakan na ni Javadd ang baba ko at muli akong iniharap sa kanya. Pinandilatan niya ako ng mata dahil sa ginawa ko at hindi ko na naman napigilan ang matawa.
"Bakit, Javadd? Nagsabi siya sa akin na sasamahan niya ako at ihahatid sa kusina," natatawang sabi ko at hindi ko alam kung hanggang saan mapipigilan ni Javadd ang galit niya sa akin. Ngunit sa ngayon ay wala pa akong plano na huminto.
"Sasamahan? Ihahatid? Bakit ka naman sasamahan at ihahatid ng pinakatamad na kawal?" tanong niya at hindi ko alam na ganoon ang pagkakilala rito sa kawal na iyon. Mukha rin namang nagsasabi ng totoo si Javadd at hindi sinisiraan lang ang kawal na nag-alok ng tulong sa akin. Nagkibit balikat ako na tila ba walanv ideya sa kung bakit. Ngunit wala naman talaga akong ideya kung bakit bigla akong inalok na ihatid ng pinakatamad pala na kawal dito sa Algenia.
"Sa totoo lang ay hindi ko alam, Javadd. Hindi rin naman siya nag-alinlangan na alukin ako ng tulong. Wala rin akong ideya kung bakit. Hindi ko alam, ngunit natulala siya sa akin kanina. Siguro ay nagandahan sa akin?" Muli akong nagkibit balikat at nakita ko naman ang halos pag-uusok ng ilong at tainga ni Javadd dahil sa mga huli kong sinabi.
"Alam mo ba ang pinagsasabi mo, Ayesha?" inis niya pang tanong.
"Bakit, Javadd, hindi ba ako maganda?" Ilang ulit kong kinurap ang aking mga mata sa tanong kong iyon. Nakita ko rin ang pagpungay ng mga mata niya habang titig na titig sa akin. Ngunit nang tila mahimasmasan siya ay muli na namang sumama ang tingin niya sa akin.
"Maganda ka, Ayesha. Ngunit gusto ko ay sa paningin ko lang," sabi niya at kung pwede lang na humalakhak ako ay ginawa ko na. Ngunit dahil hindi kami pwedeng makakuha ng sobrang atensyon, ang tangi ko lang nagagawa ay ang mahihinang tawa.
"Ngunit Javadd, hindi ko hawak ang kanilang pag-iisip. Wala akong magagawa kung maganda talaga ang tingin nila sa akin," sabi ko pa at namumula na ang mga mata ni Javadd dahil sa inis. Hanggang sa mayamaya lang ay tinalikuran na niya ako. Nagulat ako sa biglaan niyang paglayas sa harapan ko at alam ko na dahil iyon sa inis.
Kahit na naliligayahan ako sa ginagawa ko na pang-aasar sa kanya ay minabuti ko na tumigil na muna dahil pakiramdam ko ay talagang matutuluyan na ang galit sa akin ni Javadd dahil sa nagawa na nga niya akong talikuran. Kaya bago pa man siya mawala sa paningin ko ay tinakbo ko na ang pagitan namin ni Javadd nang sa gayon ay hindi na siya mas lalo pang makalayo sa akin.
Mabuti na lamang at magaan lang ang aking kasuotan kaya nagawa ko siyang maabutan at kinabig ko agad siya sa braso. Agad rin naman siyang huminto at humarap sa akin. Kitang-kita ko nga ang inis sa mukha niya at kahit papaano naman ay nakaramdam ako ng konsensya. Ngunit hindi ako nagsisi sa ginawa kong pang-aasar sa kanya.
"Ano bang kailangan mo, Ayesha?" Inayos ko ang aking sarili para pigilan na sa pagtawa at hinarap ko na nang ayos si Javadd. Tama na muna siguro ang pang-aasar dahil baka sumobra na ako at mapahamak pa ang kawal kahit pa sabihin ni Javadd na tamad naman iyon.
"Hindi mo ba ako sasamahan sa kusina?" tanong ko sa kanya at ngumiwi siya. Tila ba wala talaga siyang plano na samahan ako.
"Bakit naman kita sasamahan? Sinira mo na ang umaga ko," sabi ni Javadd at napasimangot ako dahil talagang napikon nga siya. Alam ko naman na kasalanan ko nga ang lahat ng ito kung bakit siya napikon pero hindi naman yata tama na tiisin niya ako nang ganito. Hindi ba niya alam na gutom na gutom na ako at hindi ako sanay na magutom kaya sana naman ay umayos na siya.
"Pero nagugutom na ako, Javadd," sabi ko ngunit nanatiling matigas ang mga tingin niya sa akin. Mukhang sinagad ko nga ang pasensya niya.
"Nagugutom ka na pala pero inuna mo pa ang makipaglandian sa kawal na iyon." Napaawang ang bibig ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko inaasahan ang mga salitang iyon mula sa kanya. Sa pagkakaalam ko ay wala akong ginawang masama dahil talagang pagtatanong lang naman ang dahilan ng paglapit ko sa kawal na iyon.
At hindi ko akalain na dahil lang sa pagpayag ko na ihatid ako ng lalaking iyon ay aakusahan na niya ako na nakikipaglandian. Nanatili akong tahimik dahil hindi pa rin ako nakakahanap ng tamang salita para isagot sa mga pang-aakusa niya. Ang tanging malinaw sa akin ay nasaktan ako sa mga paratang niya. Alam ko na naiinis siya pero hindi man lang niya pinag-isipan ang mga salita na bibitiwan niya sa akin.
"Huwag ka na palang mag-abala. Salamat na lang." Hindi na ako humingi pa ng tulong kay Javadd at plano ko na lang na hanapin mag-isa ang kusina. Hindi ko na rin susubukan pa na magtanong man lang sa iba pang mga kawal dahil baka bigla na naman niya akong paratangan ng kung anu-anong salita.
Nilagpasan ko na si Javadd at nagsimula na ako sa aking paghahanap. Ngunit bago ako tuluyang mawala sa tapat niya ay nakita ko naman ang paglambot ng mukha niya nang tila ay mapagtanto ang nagawa at nasabi niya. Ngunit iniwan ko pa rin siya na nakatayo lamang doon na tila ba nabigla rin sa mga nangyari.
Ilang hakbang na rin ang nagagawa ko nang makarinig ako ng mga yabag na sumusunod sa akin. At dahil kilala ko na ang mga yabag ni Javadd ay alam ko na siya ang nasa likuran ko. At kahit na alam kong siya ang sumusunod sa akin ay wala pa rin akong plano na huminto man lang. Bagkus ay mas lalo ko pang binilisan ang aking paglalakad.
Kung siya ay nainis at napikon sa akin, ako naman ay sumama ang loob sa kanya dahil sa mga sinabi niya. At sa tingin ko naman ay may karapatan ako na sumama ang loob dahil talagang mali ang mga sinabi niya lalo pa at wala naman akong ginawang masama.
Hindi ako nakipaglandian dahil talagang nagtanong lang ako sa kawal. Wala naman sigurong masama kung tanggapin ko ang alok niyang tulong dahil nagmamadali na rin ako na mahanap ang kusina.
Hindi man lang nga yata niya inalala ang gutom ko dahil mas inuna pa niya ang pag-iisip na nakipaglandian ako sa kawal samantalang hindi naman ako nagpakita ng ano mang motibo roon. Dahil nga sa mas lalong bumilis ang paglalakad ko ay narinig ko na mas bumilis din ang mga yabag niya. Hanggang sa bigla siyang humarang sa daraanan ko kaya nauntog ako sa matigas niyang dibdib.
Wala na tuloy akong nagawa pa kundi ang huminto at muli siyang tiningala. Natigilan ako dahil sa nangungusap niyang mga mata. Ngunit kahit na ano pang sabihin niya ay nasabi na niya ang kanyang nasabi at hindi na mababawi pa ang sakit na dulot nu'n.
"Hindi ko sinasadya ang mga nasabi ko, Ayesha. Nadala lamang ako ng labis na selos. Sana ay mapatawad mo ako," sabi niya ngunit mananatili akong matigas. Hindi kayang alisin ng patawad ang sakit at sama ng loob na nararamdaman ko ngayon.
"Ano 'yun, bigla na lang lumabas sa bibig mo? Kusang nagsalita?" Inis ko na naitago ang nararamdaman ko at tila ba bigla naman niyang pinagsisihan nang sobra ang ginawa niyang iyon. Sinubukan niya akong hawakan sa aking braso pero umatras ako para hindi niya maituloy. Ilang sandali ring naiwan sa ere ang kanyang kamay bago niya binawi.
"Hindi ko sinasadya, Ayesha. Huwag mo naman akong ganituhin," pakiusap niya sa akin at natawa ako nang may halong panunuya.
"Ako ang huwag mong ganituhin, Javadd," sabi ko at napayuko na lamang siya. Ramdam ko ang pagsisisi sa mga mata niya ngunit hindi ganoon kadaling kalimutan ang mga salita na binitiwan niya sa akin. At hindi ko alam kung umaarte lang ba siya nang ganito para makuha niya ang aking simpatiya at mapatawad siya. Ginagamit niya ang nararamdaman ko sa kanya para kalimutan ko na lamang ang lahat ng sinabi niya sa akin.
At kung pagpapanggap nga lang niya ang lahat ng ito ay hindi ko maitatanggi na sobrang gumagana. Masyado akong nadadala sa mga mata niya na namumungay at nangungusap na patawarin ko na siya. Ngunit gusto ko rin naman na bigyan ng respeto ang sarili ko at nais ko na malaman niya ang kanyang pagkakamali.
Kapag pinatawad ko siya ngayon nang ganito kabilis ay may posibilidad na gawin niya ito nang paulit-ulit dahil alam niya na madali ko naman siyang napapatawad. Kung ang unang beses ay magagawa ko na kalimutan. Ngunit ang susunod na mga ganitong salita na sasabihin niya sa akin ay hindi ko na mapapalagpas pa. Kaya mabuti pa na magtanda siya ngayong unang beses pa lang.
Nginitian ko si Javadd ngunit nilagpasan ko ulit siya. Narinig ko naman ang buntong hininga niya nang hindi ko tinanggap ang paghingi niya ng tawad. Ngunit sa kabila ng muli kong pagtalikod sa kanya ay ang muli rin niyang paghabol sa akin. Narinig kong muli ang mga yabag niya ngunit sa pagkakataon na ito ay mas mabilis na kung ikukumpara kanina.
Kaya naman hindi na ako nagulat pa nang muli na naman siyang sumulpot sa harapan ko.
"Ano na naman, Javadd?" walang interes kong tanong sa kanya dahil nakukulitan na ako sa kanya. Hindi ba niya maintindihan na masama ang loob ko sa kanya? At sa tuwing nakikita ko siya ay mas lalo lang sumasama ang loob ko. Huwag niyang sabihin na maging ang bagay na ito ay dinadaan niya sa biro. Muli kog narinig ang buntong hininga ni Javadd at alam ko na tanda iyon ng pagsuko.
"Mali ang daan na nilalakaran mo. Hindi ito ang daan papunta sa kusina," sabi niya at natigilan ako. Hinintay ko si Javadd na tawanan ako ngunit wala akong narinig na ano mang tawa mula sa kanya. "Ihahatid na kita roon nang sa gayon ay makakain ka na," sabi niya at hindi agad ako sumagot.
Kunyari ay pinag-isipan ko nang mabuti ang alok niya kahit ang totoo ay handa ako na tanggapin iyon. Gutom na rin kasi talaga ako. Kung ayaw niya akong magpahatid sa ibang kawal ay siya na lang din talaga ang pag-asa ko.
"Sige." Mayamaya lang din ay sumagot na ako. Nakita ko siyang ngumiti at agad rin namang nawala ang mga ngiti niyang iyon nang irapan ko siya. "Bilisan mo na," sabi ko at agad namang nagsimula sa paglalakad si Javadd. Tulad ng sinabi niya ay maling daan nga ang tinatahak ko dahil ibang daan na ngayon ang nilalakaran namin.
Nakasunod lang ako kay Javadd dahil ayokong makita niya ang mga ngiti ko. Hindi ko akalain na mapapasunod ko nang ganito ang prinsipe ng Algenia. Isang salita ko lamang ay agad siyang tumalima. Nang maramdaman ko na lilingunin ako ni Javadd ay agad akong nagseryoso at sa tingin ko naman ay hindi niya ako naabutan na nakangiti.
Napansin ko na binagalan niya nang kaunti ang kanyang paglalakad at gumilid siya para magkasabay na kami. Hindi naman na ako nagsalita pa at hinayaan na lang siya sa kagustuhan niya na magsabay kami. May sapat naman kaming distansya na hindi makakaagaw ng atensyon ng mga makakakita sa amin.
Nagpatuloy ang aming paglalakad hanggang sa matanaw ko na ang pamilyar na pinto ng kanilang kusina. At pagpasok pa lang namin doon at may isang tagasilbi agad ang sumasalubong sa akin. Aabutan niya sana ako ng gamit panluto ngunit agad siyang lumihis at hindi na tinuloy ang iaabot sa akin nang makita niya na katabi ko si Javadd. Nilingon ko tuloy si Javadd na wala naman palang ginawa.
"Siya ba ang bagong tagasilbi, Prinsipe Javadd?" tanong ng pinakamatanda rito sa kusina na sa tingin ko ay siyang namumuno rito. Tumango naman si Javadd kaya nginitian ako ng matanda. Kahit na hindi maganda ang araw ko dahil kay Javadd ay sinubukan ko pa rin na suklian siya ng ngiti. At sa tingin ko naman ay hindi iyon nagmukhang pilit. "Maaari ka nang kumain para makapagsimula ka na sa pagtulong dito," sabi pa niya. Tatango na sana ako pero nagsalita si Javadd.
"Hindi siya makakatulong dito," sabi niya na nagpakunot sa noo ko.
"Ganoon ba, mahal na prinsipe? Kung gayon ay sa paglilinis ng palasyo siya nakatalaga?" tanong pa ng matanda pero umiling si Javadd na siyang naging dahilan ng pagkunot ng noo ng matanda. "Kung hindi siya rito sa kusina, at hindi rin siya sa paglilinis, kung gayon ay saan siya nakatalaga?" naguguluhang tanong ng matanda.
"Kailangan ko ng tagasilbi na makakasama ko mga lakad ko. At si Ayesha. Ngayon, kung maaari ay bigyan niyo na siya ng makakain nang sa gayon ay makaalis na kami dahil may lalakarin pa ako," sabi ni Javadd na kinagulat ko.
"Ngunit ang akala ba namin, mahal na prinsipe ay ayaw ninyo ng tagasilbi na laging makakasama?" naguguluhang tanong ng matanda.
"Naisipan ko na tama ang mahal na reyna. Kailangan ko nga ng isa. Kaya sige na, ikuha na ninyo kami ng makakain." Nagpaalam na ang matanda para iutos sa isa pang tagasilbi na abutan ako ng makakain. Ngunit sa tingin ko, dapat ay ako na lamang ang kumuha dahil nakakahiya naman sa tagasilbi na magsisilbi sa kapwa niya tagasilbi. Ngunit dahil pinag-utos na ni Javadd ay wala na kaming magagawa pa.
Hanggang sa ilang sandali nga ang lumipas at dumating ang pagkain namin ni Javadd. Isinantabi ko na muna ang mga tanong ko sa kanya dahil uunahin ko na lamang muna ang kumain dahil gutom na gutom na ako. Sabay kaming nagsimulang kumain ni Javadd dahil hindi pa rin pala siya kumakain.
At hindi ko alam kung dahil lang ba sa ito talaga ang oras ng kanyang almusal o sadyang hinintay niya lang ako. Ngunit wala naman na akong panahon pa para isipin pa iyon dahil kailangan ko nang malagyan ng laman ang aking sikmura. Kaya tahimik na lamang akong kumain at hindi naman na namin pinakialam pa ni Javadd ang isa't isa.