Chapter 58

2503 Words
Chapter 58 Ayesha's POV Kahit na gaano pa kagusto ni Javadd na magtanong ay hindi na niya nagawa. At ang kagustuhan niyang iyon ang nagpatahimik sa kanya. Halata naman na nag-aalangan siyang magsalita dahil baka ang lumabas lang sa bibig niya ay mga tanong. Ilang sandali rin ang kinailangan naming palipasin bago mawala ang pagnanais niya na makakuha ng sagot. Kung hindi pa muling nagsitakbuhan ang mga bata palapit sa amin ay hindi mapupunta sa ibang bagay ang isip niya. Parehas kaming hinila ng mga bata para tuluyang makapasok sa loob ng ampunan at parehas kaming natatawa dahil sa ginawa nilang iyon. Hindi lamang pakikipaglaro ang ginawa ko sa kanila dahil nakipagkwentuhan din ako sa kanila. Inalam ko kung anong buhay ang mayroon sila rito at dito ko napag-alaman na sobra silang naaalagaan ng ampunan na ito. At ang lahat ng ito ay ideya ni Javadd. Ang mga bata rito ay mga naulila ng kanilang mga tagasilbi. Kay bilang pasasalamat sa kanilang paninilbihan ay sinigurado ni Javadd na hindi magugutom at mapapabayaan ang mga anak nila. At mas lalo akong humanga roon. Magkasing edad lang naman kami ni Javadd ngunit wala pa akong nagagawang ganito para sa aming kaharian. Dito ko napatunayan na sobrang napag-iiwanan ako ng prinsipe ng Algenia pagdating sa pagiging responsable. Mukhang tama nga ang mahal na reyna sa kanyang mga sinasabi tungkol sa akin. Siguro nga ay hindi pa ako handa para sa trono at sa pakikidigma. "Bakit Ayesha? May dumi ba ako sa mukha?" tanong ni Javadd nang mapansin niya marahil ang mga tingin ko sa kanya. Sa lalim kasi ng iniisip ko ay hindi ko napansin na nakatitig na pala ako sa kanya. Natawa naman ako sa tanong niya at umiling. "Napapaisip lang ako, Javadd." Napakunot naman ang noo niya dahil sa sinabi kong iyon at alam ko na gusto na naman niyang malaman kung ano ang bigla kong naisip. "Ano naman ang iniisip mo, Ayesha?" tanong niya. "Wala lang, Javadd. Humahanga lang ako sa iyo. Alam mo 'yun? Bata ka pa pero 'yung pagigig responsable mo ay para bang handang-handa ka nang manahin ang trono," sabi ko at binaba niya ang bata na kanyang hawak para harapin ako. "Sa totoo lang, Ayesha ay hindi pa ako handa. Marami pa akong kailangan na matutunan. Marami pa akong kailangan na pagdaanan. Lahat ng ito ay dala lamang ng puso ko para sa aming kaharian. Ngunit ang tatag na kinakailangan ng isang hari? Wala pa ako nu'n. Masyado pa akong malambot." Hindi man pinaliwanag ni Javadd ay tila ba naintindihan ko na ang gusto niyang sabihin. "Sa tingin ko kasi ay kaya mo na," sabi ko at natawa siya. "May handa bang prinsipe na tatakas sa kanilang kaharian? Sa tingin mo ba ang ginagawa kong pagtakas ay gawain ng isang responsableng prinsipe na kakayanin na ang tungkulin ng isang hari?" Hindi ko rin napigilan ang matawa dahil sa sinabi niya dahil kahit papaano naman ay may punto siya. Kung talagang mulat na siya sa responsibilidad ay hindi siya susuway sa kanilang batas. Ngunit pinipili niyang maging bata sa pamamagitan ng pagtakas. "Paano ka nga pala nakakatakas?" tanong ko dahil bigla akong napaisip. "Si Sunil ang kawal na nagbabanta sa daan na pinapasukan at nilalabasan ko. Nasa akin naman ang katapatan niya kaya napakiusapan ko siya na huwag ipaaalam sa kahit na sino man ang tungkol sa gawain ko." Kaya pala si Sunil ang madalas kong nakikita na kasama niya dahil sa kanya pala siya humihingi ng pabor. "Mabuti naman kahit papaano ay may bagay na malakas ang loob mo," biro ko at inirapan niya ako. Maaaring may lakas din siya na sasapat para sa isang digmaan, ngunit wala naman siyang tibay ng loob at sikmura para manakit ng ibang Lavitran. At kung ganoon nga ang nararamdaman niya, siguro nga ay tama siya na hindi pa siya handa. Ang ibig sabihin ba nito na para maging handa ay kailangan niyang matutunan na manakit ng iba nang sa gayon ay makasabak siya sa digmaan? Parang hindi ko yata lubos maisip si Javadd na makakayanan niyang manakit ng iba. Kahit nga unahan mo siya ng p*******t ay hindi siya gaganti. Sa tingin ko ay maling pamilya ang kinabilagan niya. Kung naging isang pangkaraniwang Lavitran lamang siya ay sigurado ako na sobrang tahimik ng buhay niya. Ngunit pinanganak siya para mabuhay bilang isang Algenian. At hindi lamang isang pangkaraniwang Algenian kundi isang prinsipe. At darating ang oras na kinakailangan niyang pumatay upang magtagumpay sa labanan. Bigla na lamang pumasok sa isip ko ang isang eksena kung saan kinakailangan akong paslangin ni Javadd. "Sa tingin mo ba ay kakayanin mo na pumatay?" Hindi ko na napag-isipan pa nang mabuti ang tanong ko kaya ganoon ko siya kadiretso natanong. Halata naman na nabigla ko siya ngunit hindi kalaunan ay naging isang simpleng tanong na lang iyon para sa kanya. Mukha naman kasing alam niya na doon din papunta ang pagiging prinsipe niya at hindi ito ang unang pagkakataon na may nagtanong sa kanya tungkol sa kanyang kahandaan. Nabigla lamang siya dahil hindi niya iyon inaasahan sa akin. "Sa ngayon, Ayesha ay hindi pa talaga. Ngunit paghahandaan ko ang bagay na iyan. Para sa aming kaharian at sa lahat ng aming nasasakupan ay kakayanin ko." Hindi ako nakapagsalita dahil sa sinabi ni Javadd. Gusto ko sanang itanong na paano kung ako ang kinakailangan niyang patayin ngunit natatakot naman ako sa maaari niyang isagot sa akin. Natatakot ako na kaya niya akong patayin para sa katahimikan ng kanilang kaharian. Dahil sino ba naman ako kung ikukumpara sa kanilang mga nasasakupan. Hindi ko naman na kailangan pa na magtanong dahil alam ko na ang sagot. Hindi ko lang kakayanin dahil lubhang magiging masakit kung sa kanya ko mismo maririnig na kaya niya akong paslangin. "Bakit mo nga pala biglang natanong ang lahat ng ito, Ayesha? Hindi ka naman siguro kasama sa digmaan, hindi ba?" tanong niya. Bihira lang sa mga babaae ang makidigma kaya siguro naiisip ni Javadd ang posibilidad na hindi ako kasama sa digmaan. Ngunit hindi lang naman kasi ako basta babae lang dahil isa akong prinsesa. At ako ang kinakailangan na manguna sa digmaan sa aming pangkat. "Oo naman, Javadd. Hindi ako kasali sa digmaan." Hindi ko alam kung nabasa ba ni Javadd sa mga mata ko ang pagsisinungaling ko kaya ngunit napatitig siya sa akin. Matatag ko naman na sinalubong ang mga tingin niya sa akin para lang hindi niya mahalata ang pagsisinungaling ko. Hanggang sa mayamaya lang ay ngumiti siya. "Alam ko naman iyon, Ayesha. Alam ko naman na wala ka ring lakas ng loob na manakit ng iba. Alam ko na likas na ang kabutihan sa iyong puso kaya talagang imposible ang makisali ka." Bigla akong nakonsensya sa sinabi ni Javadd. Kung nalalaman lang sana niya na kasalukuyan na akong sinasanay para sa nalalapit na digmaan. "Javadd..." Wala akong maisip na pwede kong isagot kay Javadd. Ganito kabuti ang tingin niya sa akin. "Ganoon din naman ako, Ayesha. Hindi rin kaya ng loob ko ang manakit ng iba. Ngunit ito na kasi ang nakatadhana kong gawin. Ang pagkakaiba kasi natin ay mayroon akong tungkulin na kailangan kong gampanan kaya kahit na mahirap sa aking kalooban ay wala akong magagawa kundi ang gawin na lamang." Tanging ngiti lamang ang nagawa kong isagot sa kanya. Pakiramdam ko na habang tumatagal ay mas humihirap na pag-usapan ang tungkol sa bagay na ito. Bigla na lamang tuloy akong nagsisi kung bakit ko pa nabuksan-buksan ang usapan na ito. Kung hindi sana ako basta-basta nagtanong ay wala sana akong problema na tulad nito. "Mahirap din ito sa parte ko, Ayesha. Ngunit sana ay hindi magbabago ang tingin mo sa akin. Hinding-hindi naman kita sasaktan dahil hindi ko rin naman kakayanin," sabi niya at bigla ko ngang nakita ang pag-aalala sa mukha niya. Sa dami ng sinabi niya ay talagang ang maaari ko pang isipin ang inalala niya. Nginitian ko naman siya at tinanguan. Kahit naman kasi nalaman ko na handa siyang pumatay para sa kanyang mga nasasakupan ay hindi pa rin ako makaramdam ng ano mang kapahamakan mula sa kanya. Pakiramdam ko ay ligtas pa rin ako. Hindi ko man lang nga pinagsisihan na nandito ako ngayon sa kanilang kaharian dahil alam ko naman na mananatili akong ligtas. "Huwag kang mag-alala, Javadd. Mananatili kang mabuti sa paningin ko. At nais ko na malaman mong naiintindihan ko ang tawag ng iyong tungkulin. Ako man ang nasa katayuan mo ay ganoon din ang gagawin ko. Lagi kong uunahin at isasaalang-alang aking mga nasasakupan" Napangiti naman si Javadd dahil sa sinabi ko at kahit papaano ay nabawasan ang pag-aalala niya. Pinagpatuloy na namin ang pakikipaglaro sa mga bata dahil gusto ko nang tapusin at putulin ang usapan tungkol dito. At wala na akong plano pa na muli iyong buksan. Saka ko na muna siguro poproblemahin ang pagiging komplikado ng mga bagay-bagay sa amin ni Javadd kapag handa na akong bitiwan ang kung ano man ang mayroon kami. Ngunit ano nga ba ang mayroon kami ni Javadd? Wala namang namamagitan sa amin. Ang tanging alam ko lang ay masaya ako kapag nakikita at nakakasama siya. At nararamdaman ko naman na ganoon din siya sa akin. At hindi ko alam kung hanggang kailan kami ganito. Alam ko naman na imposible pero palihim akong humihiling na sana ay hindi na matapos ang mga sandaling ito ng buhay namin ni Javadd. Sana ay habang-buhay na kaming maging magkaibigan. Ngunit dahil nga sa buhay na mayroon kami ay alam ko na darating ang araw na magwawakas ang lahat ng ito sa amin. Kaya siguro ay tama lang na ngayon pa lang ay sanayin ko na ang aking sarili at itatak sa aking isipan na darating ang araw na maghihiwalay kami ng landas. At sa muli naming pagkikita ay parehas na kaming handa sa pakikidigma at kailangan na naming harapin ang isa't isa. Hanggang sa lahat kami ay nakaramdam na ng pagod at napagpasyahan na namin ang magpahinga. Naupo naman si JAvadd sa tabi ko at sinandal ang kanyang ulo sa aking balikat. Habang nagpapahinga at nasa ganoong pwesto pa rin kami ay may isang babae ang lumapit sa amin Sa tingin ko ay kasing edad lang namin siya ni Javadd. May dala itong mga pagkain at iniabot kay Javadd kaya tiningala niya ito. Hindi naman nakaligtas sa aking paningin nang ngitian niya ang babae at kakaibang init ng kalooban ang naramdaman ko. Hindi ko nagustuhan na may nginitian siyang ibang babae bukod sa akin. At ang mas kinainit pa ng dugo ko ay ang ganting ngiti ng babae at alam ko na hindi lang iyon basta ngiti. Babae ako kaya alam ko na may ibang kahulugan ang mga ngiti niya. At hindi ko iyon nagustuhan. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin ngunit ayoko sa babaeng ito. Sana ay kasing lakas ng loob ni Ysa ang loob ko para masabi ko rin kay Javadd na ayaw ko sa babaeng iyon. "Salamat, Riva." Mas lalo namang lumapad ang ngiti ng babae nang banggitin ni Javadd ang pangalan nito. Riva? Hindi man lang niya tinawag na binibini. Ganoon ba sila kalapit sa isa't isa? Hindi naman kasi siya mukhang tagasilbi. "Walang ano man, Prinsipe Javadd. Nang sabihin ng mga bata na nandito ka ay agad akong gumawa ng paborito mong tinapay." Muli namang napangiti si Javadd sa sinabi ni Riva. "May gawaan naman ng tinapay sa palasyo," sabi ko na hindi ko namalayan na naisatinig ko na pala. Ngunit dahil nasabi ko na ay wala na akong plano na bawiin pa. Napalingon tuloy sa akin ang babae na halatang nagtatanong kung sino ako. Hindi rin ba nasabi ng mga bata na may kasama si Javadd? "Nabanggit nga pala ng mga bata na may kasama ka. Siya ba iyon?" tanong pa ng Riva. Mabuti naman at alam niya ang tungkol sa akin. Ngumiti si Javadd at tumango. "Oo, Riva. Ito nga pala si Ayesha. Ayesha, ito naman si Riva. Siya ang namamahala rito sa ampunan. Sa kanya ko pinagkatiwala ang pangangalaga sa mga bata dahil alam ko na mahilig siya sa mga bata." Napataas ang kilay ko dahil sa sinabi ni Javadd. Alam niya ang bagay na iyon tungkol kay Riva kaya alam ko na talagang magkakilala sila. Kung gayon din ay malaki ang tiwala sa kanya ni Javadd. Wala namang ginagawa sa akin si Riva ngunit iba na ang tingin ko sa kanya. Nakita ko na nginitian niya ako ngunit hindi ko naman nagawang suklian ang mga ngiti niya dahil hindi ko talaga kaya. Hindi ko alam kung ano ang iisipin ni Javadd sa akin kapag nalaman niya na ayoko kay Riva. Kung madalas siya rito, ang ibig sabihin ay madalas din sila kung magkita ni Riva. At ano naman ang ginagawa nila kapag nagkikita sila? Ano ang pinag-uusapan nila? Ganito rin ba ang ngitian nila sa isa't isa? Lagi ba niyang pinaghahanda ng pagkain si Javadd sa tuwing matatapos siya na makipaglaro sa mga bata? Para naman pala silang mag-asawa na may sandamakmak na anak. Alam pa ni Riva ang paboritong tinapay ni Javadd. Ganoon ba nila kakilala ang isa't isa? Gusto ko rin malaman ang mga bagay-bagay tungkol kay Javadd. Hanggang saan ba ang nalalaman niya tungkol kay Javadd at hanggang saan ba ang nalalaman ni Javadd tungkol kay Riva? Alam ko naman na hindi ito kumpetisyon pero pakiramdam ko ay nalamangan na ako ni Riva. Hindi ko alam kung saang aspeto pero pakiramdam ko ay ang hirap nang habulin ng pinagsamahan nila. "Ayesha?" tawag sa akin ni Javadd at halos mahiya ako nang mapagtanto ko na nakatitig na pala ako kay Riva. Hindi ko mapigilan ang hagurin siya ng tingin. Dahil lahat ng mayroong siya ay gusto kong ikumpara sa akin. Maganda si Riva. Hindi ko naman itatanggi ang bagay na iyan. Magandan rin ang kasuotan niya ngunit hindi hamak na mas magaganda ang kasuotan na mayroon ako. Kampante ako na sa lahat ng bagay ay lamang ako sa kanya. Ang mga kaalaman tungkol kay Javadd ay pwede ko namang mahigitan dahil madali kong nakikilala si Javadd. Ngunit kung may isang bagay lang na sa tingin ko ay lamang sa akin ni Javadd, iyon ay isa siyang Algenian. Hindi ko naman pinagsisisihan na naging isa akonv Vittorian ngunit kung ang lahi namin ang pag-uusapan ay siguradong wala na akong laban pagdating kay Javadd. Dahil sila ay walang lahi na sagabal at hahadlang. Samantalang kami ni Javadd, kahit simpleng pagkakaibigan ay sigurado na hahadlang ang aming lahi. Kaya balewala rin kung makikipagkumpitensya ako kay Riva dahil sa simula pa lang ay talo na ako. "Paumanhin. Mauuna na ako sa labas, Javadd. Hihintayin na lamang kita roon." Hindi ko na kinaya pa ang mga iniisip ko at tumayo na ako. Nakita ko naman ang pagtatakha sa mukha ni Javadd dauil sa biglaan kong pagpapaalam. Hindi ko alam ang magiging hakbang ni Javadd ngunit umaasa ako na susundan niya ako. Kapag hinayaan niya ako na umalis at nanatili siya kay Riva ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Ayoko ng ganitong pakiramdam. Mababaliw ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD