Chapter 57

2502 Words
Chapter 57 Ayesha's POV Kahit na nakita ko na si Ysa ay hindi ko naman alam kung paano siya lalapitan. Bigla na lamang akong nag-alangan dahil ang pakiramdam ko ay muli lang niya akong susungitan. Natatakot din ako na baka bigla na naman siyang tumakbo palayo at sa pagkakataon na iyon tuluyan na siyang mawala. Nangako pa naman ako kay Javadd na ako na muna ang bahalang kumausap kay Ysa. Kailangan kong maibalik sa ampunan si Ysa nang maayos na ang lahat sa aming dalawa. Sa ngayon ay magpapakumbaba ako dahil bata siya at naiintindihan ko ang pinanggagalingan niya. At ayoko rin na maging ang bagay na ito ay alalahanin pa ni Javadd. Ngunit kailangan ko nang kumilos dahil baka kapag nagtagal pa kami rito ni Ysa ay sundan na kami ni Javadd at akalain niya na parehas na kaming hindi makakabalik. Huminga ako nang malalim bago muling nagpatuloy sa paghakbang. Alam ko na naramdaman na niya ang presensya ko dahil tumigil siya sa pag-iyak na tila ba nakikiramdam sa paligid. Hindi niya alam kung sino ang nagtatangka na lumapit sa kanya ngunit alam ko na nabibigla siya at hindi niya magugustuhan na ako ang bubungad sa kanya. Kaya bago pa man siya mag-angat ng kanyang tingin, dapat ay nakalapit na ako sa kanya nang tuluyan para kung tatangkain na naman niyang tumakbo ay magagawa ko na hulihin siya para pigilan. Saka lamang ako nakahinga nang maluwag nang makaupo na ako sa tabi niya. At nang maramdaman na nga niya ang pagtabi ko sa kanya ay unti-unti siyang nag-angat ng tingin. At bahagya pa siyang napalayo sa akin nang makita niya ako. Kahit na ganito ang naging reaksyon niya sa pagkakakita sa akin ay sinubukan ko pa rin na ngitian siya. Ngunit sa kabila ng mga ngiti ko ay wala akong nakuha na ano mang sukli mula sa kanya dahil nanatili ang gulat sa kanyang mga mata. Mukhang hindi lamang ako ang huling Lavitran na nais niyang makita kundi ako rin ang huling Lavitran na iniisip niya na susunod sa kanya. At hindi man nga yata ako kasama sa listahan ng mga inaasahan niya. "Anong ginagawa mo rito? Ayoko sa iyo!" sambit niya ngunit wala naman na siyang magagawa pa dahil ako ang nandito. "Bakit ka umiiyak? Wala namang nananakit sa iyo," sabi ko at kinunutan niya ako ng noo na tila ba hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko sa kanila. "Sinasaktan mo kami dahil aagawin mo sa amin si Prinsipe Javadd!" Hindi ko alam kung saan niya nakukuha ang ideya na ito dahil wala naman akong plano na gawin iyon. "Bakit ko naman siya aagawin sa inyo?" tanong ko. "Dahil isa siyang prinsipe at nais mo na maging prinsipe." Hindi ko maiwasan ang matawa dahil sa sinabi niya. Mas lalo tuloy nangunot ang noo niya dahil sa pagtatakha sa kung bakit ako tumatawa. "Bakit ka tumatawa? Totoo naman ang sinasabi ko," sabi niya at napailing--iling ako dahil hindi ako makapaniwala sa iniisip ng batang ito. "Bakit ko naman gugustuhin na maging prinsesa ni Prinsipe Javadd gayong prinsesa naman na ako kahit hindi ko siya nakilala." Nawala sa mukha niya ang galit niya sa akin at napalitan ng pagkalito dahil sa sinabi ko. "Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong niya at ngumiti ako. "Gusto ko sana na magsabi sa iyo ng isang sikreto tungkol sa pagiging prinsesa ko ngunit ang nagsasabihan lang naman ng sikreto ay mga magkakaibigan." Halata sa mukha niya ang pagnanais na marinig ang kwento ko. Si Ysa ang tipo ng bata na malaki ang interes tungkol sa mga prinsesa. Sa naging reaksyon pa lang niya sa akin kanina ay nalaman ko na agad. At sa tingin ko na ang tanging paraan para makuha ang loob niya ay ang takamin siya ng kwento tungkol sa mga prinsesa. "Ano bang sikreto iyon?" tanong niya pero umiling ako. Talagang pinakita ko sa mukha ko ang pagkadismaya at panghihinayang a hindi ko maaaring ikwento sa kanya ang sikreto ko. "Hindi naman tayo magkaibigan kaya hindi ako pwedeng magsabi sa iyo ng sikreto. Pipili na lamang siguro ako ng isang bata sa ampunan na maaari kong maging kaibigan na siya kong mapagsasabihan ng sikreto." Nakita ko rin ang panghihinayang sa mukha niya at hinihintay ko lang na sabihin niya ang gusto kong marinig. Ngunit ilang sandali pa ang lumipas bago siya muling nagsalita. "Sa tingin ko ay pwede naman tayong maging magkaibigan." Napangiti na lamang ako sa isip ko matapos kong marinig ang mga salita na kanina ko pang gustong marinig mula kay Ysa. Hindi nga ako nagkamali na ang pagiging isang prinsesa ang makakakuha ng atensyon niya. Kahit na para siyang matanda kung magtaray ay bata pa rin talaga siyang maituturing na madaling mauto. At ngayon nga ay alam ko na magtutuloy-tuloy na ang pagiging palagay ng loob sa akin ni Ysa. "Talaga? Pero ang sabi mo sa akin kanina ay ayaw mo sa akin?" sabi ko sa tono ng pagtatampo. Tuluyan na ngang lumambot ang mukha ni Ysa at alam ko na hindi na isang mang-aagaw ang tingin niya sa akin. "Kanina 'yun noong akala ko na ginagamit mo si Prinsipe Javadd para lang maging prinsesa. Pero ngayon na napag-alaman kong isa ka talagang prinsesa ay gusto na kita," sabi niya. Wala pa mana akong naipapaliwanag sa kanya na ano man ay naniniwala na agad siya sa akin. At sobrang sarap bumalik sa pagiging bata kung saan wala ka nang iisipin dahil paniniwalaan mo ang lahat ng sasabihin sa iyo. Hindi tulad kapag lumaki ka na at nagkaisip. Kailangan mo pang pakiramdaman nang mabuti kung totoo ba ang lahat ng pinapakita ng mga gusto mong pagkatiwalaan. "Talaga? Ibig sabihin ba nito ay magkaibigan na tayo?" tanong ko. Ngumiti naman siya sa akin at tumango. Sa wakas ay nakuha na niya akong ngitian at nakikita ko naman na totoo ang ngiting iyon. "Alam mo ba na ako ang prinsesa ng isang kaharian na kung tawagin ay Vittoria," sabi niya at nakita ko ang pagkamangha sa mga mata niya. Ngunit sa kabila ng pagkamangha niya ay halata rin na wala siyang nalalaman tungkol sa kaharian na nabanggit ko. At sa tingin ko ay purong-puro ang puso ng mga bata na taga-ampunan. Halatang wala silang alam tungkol sa tunggalian ng dalawang kaharian. Kaya mas lalong naging panatag ang loob ko na sabihin sa kanya ang tungkol sa pagiging prinsesa ko. "Vittoria? Hindi ko pa naririnig ang tungkol sa kaharian na iyon ngunit ngayon na nabanggit mo ito ay parang gusto ko na marating iyon." Ang isa sa mga hinahangaan ko sa kaharian na ito ay hindi nila dinadamay ang mga bata sa nakatakdang gulo. Maaaring sasanayin sila sa isang labanan ngunit iyon ang mangyayari lamang pagtuntong nila sa hustong gulang. Hindi tulad sa aming kaharian kung saan ang mga bata ay maagang namulat sa pakikidigma at inalisan ng karapatan na mamuhay bilang isang bata. Tulad ko na bata pa lamang ay sinimulan nang sanayin. "Kung magkaroon ng pagkakataon, Ysa ay bakit hindi? Ipapasyal kita sa aming kaharian. Sana ay magkaroon ng pagkakataon." Natuwa naman siya sa sinabi ko kahit pa alam ko na imposibleng mangyari ang bagay na iyon. Ngunit ayoko naman na tanggihan siya at sabihin na hindi pwede. Dahil pwede naman talaga, mahirap nga lang humanap ng pagkakataon. "Sana ay magkaroon ng pagkakataon, Binibining Ayesha. Kung sakali ba na magkaroon ng pagkakataon na makapunta ako sa inyong kaharian ay mararanasan ko ang matulog sa higaan ng isang prinsesa?" tanong niya at natatawa akong tumango. Napapalakpak naman si Ysa dahil sa tuwa. Sa tingin ko, pangarap niyang maranasan na maging isang prinsesa. Kaya naman natutuwa siya kapag sinasabi ni Javadd na sila ang kanyang prinsesa. Kaya nang inakala niya na may namamagitan sa amin ni Javadd ay naisip niya na matatapos na ang pagiging prinsesa nila. "Ipaparanas ko sa iyo ang pakiramdam ng isang prinsesa," sabi ko. Tanging magagandang bagay lamangng pagiging isang prinsesa ang ipaparanas ko sa kanya dahil ayokong maranas niya ang hirap. Ayokong masira ang maganda niyang pangarap. "Maraming salamat, Binibining Ayesha. At humihingi ako ng tawad sa inasal ko kanina. Hindi ko rin kasi alam na isa ka palang prinsesa." Ngumiti ako at hinaplos siya sa kanyang buhok para sabihhin na ayos lamang iyon at naintindihan ko ang lahat. "Tulad ng sinabi ko sa iyo kanina, Ysa ay isa lamang itong lihim. Makakaasa ba ako na hindi ito ipagkakalat ng kaibigan kong si Ysa?" Ngumiti naman siya at sunud-sunod na tumango. "Oo, Binibining Ayesha. Gusto ko rin magtago ng lihim tungkol sa mga prinsesa kaya hindi ko ipagsasabi ang lahat ng sinabi mo sa akin." Natuwa naman ako sa sinabi niya dahil mukha namang naaliw siya sa inamin ko sa kanya. Kampante naman ako na hindi niya iyon ipagkakalat. Kung dumating man ang oras na malaman niya kung ano at saan ang kaharian ng Vittoria ay sigurado naman ako na wala na ako nu'n dito sa Algenia. "Nag-aalala sa iyo si Prinsipe Javadd. Nais mo na bang bumalik na sa ampunan?" tanong ko at muli siyang tumango nang sunud-sunod. Kaya nauna na akong tumayo at naglahad ng kamay sa kanya. Nakangiti naman niya iyong tinanggap kaya inalalayan ko na siyang tumayo. Matapos naming magpagpag ng aming mga kasuotan ay nagsimula na rin kami ni Ysa na maglakad pabalik ng ampunan. Nang matanaw na namin ang malaking bahay ay nakita ko rin na nandoon si Javadd sa tapat ng pintuan at halatang nag-aalala. Nagpapabalik-balik din siya ng lakad na halatang hindi mapakali. Nang mabaling ang tingin niya sa amin ay saka lang nawala ang pag-aalala sa mukha niya. Tila ba bigla siyang nakahinga nang maluwag nang matanaw kami. Kaya naman hindi na siya nagsayang pa ng oras at nagsimula na siyang humakbang palapit sa amin para salubungin na kami. "Ano nang nangyari sa inyo? Bakit kayo natagalan?" tanong niya at nakikita ko sa mga mata niya na kung hindi pa niya kami nakita pa paparating na ay hindi na siya magdadalawang isip na sundan na kami. Mabuti na lamang talaga at dumating kami nang tama sa oras. Ngumiti ako kay Javadd at tinapik siya sa kanyang braso para sabihin na kumalma siya dahil wala naman na siyang dapat pa na ipag-alala. Napakunot naman ang noo niya dahil doon at napababa ang mga tingin niya sa kamay namin ni Ysa na hanggang ngayon ay magkahawak pa rin. Mas lalo naman siyang nagtakha kung paano ito biglang nangyari na parang kanina lang ay halos isumpa na ako ng bata. Ano bang nakakagulat doon? Wala bang tiwala sa akin si Javadd na makuha ang loob ng ibang Lavitran? "Ysa..." tawag ko kay Ysa kaya nilingon niya ako. Tinanguan ko siya at tumango rin naman siya sa akin. Saka niya binitiwan ang kamay ko at umabante siya para mapunta siya sa harapan ni Javadd. "Humihingi ako ng tawad sa inasal ko kanina, Prinsipe Javadd. Pinapangako ko na hindi na iyon mauulit," sabi ni Ysa at yumuko pa. Napatingin naman si Javadd sa akin na halatang naghihintay ng sagot sa kung paano ko napahingi ng tawad si Ysa. Ngunit nagkibit balikat na lamang ako at hinayaan siya na mabaliw sa kakaisip. Kahit na nalilito pa rin ay nginitian na lamang ni Javadd si Ysa at ginulo pa ang buhok nito. Hanggang sa nagpaalam na ang bata sa aming dalawa na mauuna nang pumasok sa loob. Hinayaan naman na namin siya ni Javadd dahil mukhang gusto niya na makipaglaro na sa iba pang bata. Naiwan naman kaming dalawa ni Javadd sa tapat ng pintuan ng ampunan at doon niya ako muling hinarap. Hindi pa rin nawawala sa isip niya ang mga tanong sa kung ano ang nangyari sa amin ni Ysa. Ngunit kahit na magtanong pa siya ay wala akong plano na sabihin iyon sa kanya. "Anong nangyari, Ayesha?" Halos matawa ako nang hindi na nga nakatiis pa Javadd at nagkaroon na siya ng lakas ng loob para magtanong. Ngunit tulad pa rin ng naging sagot ko sa kanya kanina ay muli lang akong nagkibit balikat. "Seryoso ako, Ayesha. Anong ginawa mo sa batang iyon at bigla na lang naging palagay ang loob sa iyo? Bigla na lang parang naging sobrang lapit na ninyo sa isa't isa," sabi niya at tuluyan na nga akong natawa. "Hindi mo naman na kailangan pa iyong isipin, Javadd." Ngunit imbis na makinig siya sa sinabi ko ay tumalim pa ang tingin niya sa akin dahil sa hindi ko pagsasabi sa kanya ng totoo. Hindi ko na naman tuloy napigilan ang matawa. "Ngunit nais kong malaman, Ayesha." Hindi yata talaga ako titigilan ni Javadd hangga't hindi ko sinasabi sa kanya ang totoo. Ngunit Kahit na magalit siya ay hindi ko pa rin sasabihin sa kanya dahil hindi talaga pwede. At hindi ko na alam ang dapat kong sabihin sa kanya na paliwanag para lang tigilan na niya ako. "Tulad ng sinabi ko sa iyo kanina, Javadd ay babae lamang ang makakaintindi sa kanya. Kaya kahit na sabihin ko sa iyo ay hindi mo maiintindihan." Hindi ko alam kung sapat na ba ang mga salitang iyon para hindi na muling magtanong pa si Javadd. Ngunit nakikita ko pa rin sa kanyang mga mata ang marami pa ring katanungan At nang makita ko nga na muli na namang bubuka ang kanyang bibig na sigurado ako na para magtanong ay agad na rin akong nagsalita bago pa siya makapagtanong ulit. "Kung nais mo talaga na malaman ang nangyari, Javadd ay sige, sasabihin ko. Ngunit ipangako mo na oras na sumagot ako ay wala ka nang mga susunod pang tanong," sabi ko at nabasa ko naman ang pag-aalinlangan sa mukha niya. Parang ang nais niyang mangyari ay magtatanong siya hanggang sa makuha niya ang sagot na kailangan niyang marinig. Ngunit dahil alam niya na hindi ako magsasalita hangga't hindi siya sumasagot ay wala na rin siyang iba pang nagawa kundi ang tumango. "Sige, Ayesha," sambit nito at huminga ako nang malalim. "May sinabi ako na isang lihim kay Ysa." Mas lalo lang nadagdagan ang mga tanong sa mata niya ngunit hanggang dito lang talaga ang masasabi ko. Ngunit dahil pumayag siya na wala na siyang susunod pa na mga tanong sa oras na sumagot na ako ay wala na siyang magagawa pa. Nakita ko naman ang pagsisisi sa mukha niya kung bakit nangulit pa siya na sumagot ako. Dahil ngayon ay mas malaking katanungan na ang tumatakbo sa isip niya at alam ko na hindi siya nito patatahimikin. Mabuti na lamang at mayroon kaming kasunduan na wala na siyang mga susunod pang tanong dahil kung wala ay sigurado ako na uulanin na naman niya ako ng mga tanong. Tinapik ko na lamang si Javadd sa kanyang balikat para sabihn na huwag na siyang mag-isip pa ng kung anu-ano. Ngunit alam ko naman na hindi iyon mangyayari. "Halika na, bumalik na tayo sa loob. Makikipaglaro pa tayo sa mga bata." Hinilia ko na siya sa kanyang braso dahil kung hindi ko iyon ginawa ay sigurado ako na hindi ko siya mayayaya. Kaya ngayon ay wala na siyang nagawa pa kundi ang magpatangay sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD