Chapter 34
Ayesha's POV
Ngunit kahit na tapos pa ako sa aking pagbibihis ay alam ko na may kailangan pa ako na gawin. At ang gagawin ko na iyon ay mayroon na namang kinalaman si Javadd. Alam ko na kakailanganin ko na namang muli ang tulong niya. Kung ngayon pa nga lang ay labis na ang hiya at pagkailang na nararamdaman niya, paano pa kaya sa susunod ko pang hihingiin na pabor.
Para matapos na rin ang lahat ng ito ay sinubukan ko nang kalabitin si Javadd. Marahan lamang ang ginawa ko na pagkalabit sa kanya ngunit agad niya iyong naramdaman at nakita ko rin kung paanong tila bigla siyang natigilan dahil lang sa ginawa ko na pagkalabit.
Hindi ko alam kung ang dapat ko na maging reaksyon sa ginawa niyang iyon ngunit mas nangibabaw at hindi ko napigilan ang matawa.
"Tapos ka na ba sa iyong pagbibihis, Ayesha?" tanong pa niya para lang makasigurado. Hindi ko na naman naiwasan ang mapangiwi sa naging tanong niya dahil bakit ko naman siya kakalabitin at kukuhanin ang atensyon niya kung hindi pa naman pala ako tapos sa aking pagbibihis.
"Oo, Javadd, tapos na ako." Para lamang matapos na ang pag-aalinlangan niya ay sinagot ko na lang din siya. At matapos niyang marinig ang naging sagot ko ay saka lang siya unti-unting humarap sa akin. Saglit na natigilan si Javadd nang makita na niya ako. Hindi ko tuloy naiwasan ang makaramdam ng pagkailang dahil sa ginagawa niya na paninitig sa akin.
Ngayon lamang ako nagkaroon ng pagkakataon na magsuot ng isang pangkaraniwan na kasuotan na sinusuot ng mga pangkaraniwan na Lavitran. Kaya hindi ko alam kung babagay ba sa akin ito o hindi. Ang mga tanging nasusubukan ko pa lang na isuot ay ang mga magagarbo kong kasuotan bilang isang prinsesa at mga kasuotan ni Markiya na kasuotan ng mga tagasilbi. At ngayon na ganito ang mga tingin--o titig sa akin ni Javadd ay wala akong ideya sa maaaring hitsura ko.
"Bakit Javadd? Pangit ba?" tanong niya at marahan siyang natawa na tila ba may nakakatawa sa naging tanong ko gayong kahit na hindi ko nakikita ang aking sarili ay alam ko na seryosong-seryoso ako.
"Hindi, Ayesha. Kailanman ay hindi ka magiging pangit sa aking paningin. Ngunit ngayon ko lamang napagtanto na sadyang nababagay pala sa iyo ang kasuotan ng isang pangkaraniwan na Lavitran." Hindi agad ako nakapagsalita sa sinabi ni Javadd dahil hindi ko naman akalain na walang pag-aalinlangan niyang sasabihin ang bagay na iyon. Ngumiti si Javadd nang tila ay mapansin niya ang pagkabigla ko sa sinabi niya. "Hindi ka na dapat pang mabigla, Ayesha. Ngayon lamang ba may nagsabi sa iyo ng ganitong klaseng papuri?" tanong pa niya.
Madalas ba na magsalita si Javadd ng ganitong mga bagay sa isang babae? Hindi ko alam ngunit tila ba hindi man lang siya nag-alinglangan na sabihin iyon sa akin. Pakiramdamko tuloy ay marami na siyang sinabihan ng ganoong klase ng papuri. Natural lamang ba sa kanilang kaharian ang pagsasabi ng ganoong bagay sa isang babae? Sa aming kaharian kasi ay hindi iyon pangkaraniwan.
Ang pagbibigay ng puri sa isang babae ay pagpapakita ng paghanga o paggusto sa isang babae. Maliban na lamang kung ako ang bibigyan nila ng puri. Isang natural na gawain lamang sa aming kaharian ang batiin at purihin ako ng aming mga nasasakupan. Ngunit kung ibang Vittorian na babae na ang kanilang pupurihin ay pagpapakita na iyon ng paghanga.
Isang pangkaraniwang bagay na sa akin ang makarinig ng ganoon. Ngunit hindi naman kasi alam ni Javadd na ako ay isang prinsesa. Hindi ko alam kung ganoon din ba ang kaugalian sa kanilang palasyo ngunit ayokong mag-isip ng kung ano man. Ayoko nang bigyan ng ano mang kahulugan ang nais niyang sabihin. Kaya ang mabuti pa siguro ay ipagsasawalang bahala ko na lang iyon.
At hindi ko rin alam kung dapat ko ba na sagutin ang tanong niya kung ngayon lang ba may nagsabi sa akin ng ganito o hayaan na lamang iyon. Ngunit ang sagot sa tanong niya ay hindi. Hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong pumuri sa akin.
"Hindi, Javadd," sagot ko na nakapagpakunot sa noo niya.
"Hindi? Marami na ba ang pumuri sa iyo tungkol sa pisikal mong hitsura?" tanong pa niya at hindi ko alam kung bakit kinakailangan pa niya iyon na malaman. Siguro ay dahil tulad ng sa kaharian namin ay malaking bagay rin sa kanila ang pamumuri.
"Marami na rin naman, Javadd." Mas lalo pang napakunot ang noo niya dahil sa naging sagot ko. Ngunit ano ba naman ang magagawa ko kung talagang marami ang pumupuri sa prinsesa ng Vittoria?
Halata kay Javadd na marami pa siyang nais na itanong ngunit mas pinili na lamang niya na magkibit balikat bilang pagtatapos sa usapan naming iyon.
"May kailangan ka pa ba? O kailangan na ipagawa sa akin?" tanong niya para lamang sa pagbabago ng aming paksa. Tinalikuran niya ako upang ayusin na ang sisidlan na nasa likod ng kabayo na pinaglalagyan ng aming mga gamit. Paglabas siguro namin ay didiretso na akong uwi sa aming kaharian.
Mukhang matagal-tagal na rin akong nawawala at nakakasigurado ako na umuusok na ang ilong ng mahal na reyna dahil sa galit sa hindi niya pagkakakita sa akin. At kung magpapatuloy ang hindi ko pagpapakita sa kanya ay sigurado ako na ipapahanap na niya ako sa buong kaharian na siyang maaaring pagmulan ng gulo dahil sa pagkakawala ng prinsesa. Ayoko rin na makagalitan ako ng mahal na hari.
"Mayroon pa akong kailangan, Javadd," sabi ko at napahinto siya sa kanyang ginagawa. Agad-agad ay muli niya akong hinarap upang alamin kung ano ba ang kailangan ko. Hindi ko alam kung bakit kailangan pa niya iyong itanong sa akin. Hindi ba halata sa akin gayong hindi ko mabitiw-bitiwan ang aking kasuotan? Hindi ba ako naghihirap sa paningin niya?
"Ano ang iyong kailangan?" tanong niya. Nakagat ko ang ibaba kong labi dahil hindi ko alam kung paano magsisimula. Inuunahan ako ng hiya dahil alam ko na mahihiya rin siya. Ngunit kailangan ko itong gawin upang matapos na ang lahat ng ito at maplano na naming dalawa ang aming pag-uwi.
Dahil alam ko naman na hindi lamang ako ang hinahanap na sa aming kaharian. Sigurado ako na maging si Javadd ay hinahanap na rin sa kanyang trabaho. Lalo pa at may paglabag sa batas siya na ginawa na hindi niya maitatanggi dahil ilang mga kawal din ang pilit na humabol sa amin. Hindi ko alam kung ano ang maaaring kaparusahan na naghihintay sa kanya ngunit nasisiguro ko na mayroon.
At hindi ko maiwasan ang isipin kung ano ang maaaring maging kaparusahan kay Javadd. Sigurado ako na oras na makarating sa hari at reyna ng Algenia ang tungkol sa ginawa ni Javadd ay agad-agad siyang papatungan ng tiyak na kaparusahan.
At kung sa kaharian namin ibabase ang maaari niyang maging kaparusahan ay hindi malabo na isa iyong kamatayan. Bigla na lamang sumakit ang dibdib ko dahil sa katotohanan na iyon. Hindi nga iyo malabo dahil isang pagtatraydor ang ginawa ni Javadd. Hindi ako natatakot para sa aking sarili dahil alam ko naman na maisasalba ako ng pagiging prinsesa ko sa oras na malaman sa aming kaharian ang pakikipagkaibigan ko sa isang Algenian.
Ngunit si Javadd? Wala siyang posisyon na magsasalba sa kanya ngayon na nalaman na ng ilan sa kanyang mga kasamahan na siya ay nakikipagkaibigan sa isang Vittorian. Dalawa ang aming nilabag. Una ay ang paglabas ng kanya-kanya naming kaharian. At pangalawa ay ang pakikipagtagpo sa kalaban naming kaharian. Hindi ko alam kung paano ito malulusutan ni Javadd ngunit hangad ko ang kaligtasan niya.
"Ayesha?" muling tawag si Javadd nang ilang sandali na mula nang magtanong siya sa akin ay hindi ko pa rin siya nasasagot. Saka ko lamang naalala ang sadya ko kung bakit ko pa siya kailangan ngayon.
"Javadd, maaari mo bang itali ang likurang bahagi ng aking kasuotan?" Natigilan si Javadd sa aking sinabi at nakita ko na ilang beses pa na kumurap ang kanyang mga mata habang sinasalubong ang mga tingin ko.
At sa tingin ko ay pilit na pinoproseso ng kanyang isip kung ano ang sinabi ko. Nagtatanong din ang kanyang mga mata kung tama ba ang kanyang nadinig. Alam ko na hindi pangkaraniwan na gawain ang hinihiling ko na gawin niya ngunit wala akong ibang pagpipilian dahil siya lang ang alam ko na makakatulong sa akin sa pagkakataon na ito.
Hindi ko maisusuot nang tuluyan ang kasuotan na ito kung walang magtatali sa likod. Masyado itong maluwag sa akin kaya kung hindi gagawin ni Javadd ang hiling ko na ito ay malalaglagan ako ng kasuotan. Hindi ko ito abot.
"Sandali lamang, Ayesha. Tama ba ang dinig ko? Nais mo na ako ang magtali sa iyong kasuotan?" tanong pa ni Javadd at tumango ako. Nagkibit balikat ako upang sabihin na wala naman na akong iba pa na pagpipilian.
"May nakikita ka ba na ibang Lavitran na maaari kong hingian ng tulong?" tanong ko ngunit nanatili ang hindi makapaniwala niyang hitsura. "Nais mo ba na kay Kiba na lamang ako humingi ng tulong, Javadd?" sarkastiko kong tanong. Bumuntong hininga siya na hindi ko alam kung para saan.