Chapter 35
Ayesha's POV
Hindi ko alam kung susundin ba nj Javadd ang sinabi ko ngunit hangga't hindi niya iyon ginagawa ay mananatili lamang kami rito sa gitna ng gubat. Bakas na sa mukha niya ang pagsuko na tila ba gagawin na niya ang sinabi ko ngunit ang hindi ko alam ay kung bakit hindi pa rin niya nagagawa na kumilos o humakbang man lang mula sa kanyang kinatatayuan. Tila ba ang nais niya ay ako pa ang lumapit sa kanya para magawa niya ang hinihiling ko.
At kung iyon ang gusto niya ay handa naman akong gawin iyon para lang matapos na ang lahat ng ito. Bakit ba kasi hindi niya man lang masabi sa akin iyon. Madali naman akong kausap. Kailangan ko ang tulong niya kaya wala namang masama kung ako ang makikisama sa ngayon.
Kaya naman hindi na ako nagdalawang isip pa at hi humakbang pa ako palapit sa kanya. Nakita ko pa nga siya na napaatras nang kaunti dahil sa ginawa ko ngunit nanatili rin naman siya sa kanyang kinatatayuan matapos ang ilang sandali. Nagtatakha pa siya sa ginawa kong paglapit.
Ngunit wala na akong oras pa para ipaliwanag sa kanya ang lahat kaya walang sabi-sabi ay tumalikod ako sa kanya. Narinig ko pa ang paghugot niya sa kanyang hininga nang gawin ko iyon. Naramdaman ko rin na tumama sa kanya ang aking buhok. At alam ko na masakit iyon lalo pa at basa ito. Agad naman akong humingi sa kanya ng tawad ngunit hindi ko rin naman siya narinig na sumagot. Kaya hinayaan ko na lamang siya. Hindi naman siguro sasama ang kanyang loob at iisipin na gumanti dahil lang sa natamaan siya sa mukha ng basa kong buhok.
Hinawi ko na lamang ang buhok ko na tumatakip sa aking likod at mabilis kong naramdaman ang hangin sa nakalabas ko na likod. Wala akong suot na ano mang pang-ilalim kaya talagang nanunuot ang lamig. Pakiramdam ko pa nga ay sisipunin na ako. Kaya kinakailangan na talagang maitali ang aking likuran.
Ngunit ilang sandali na rin mula nang tumalikod ako sa kanya ay hindi ko pa rin nararamdaman ang pagkilos niya. Nagsimula na naman tuloy na kumunot ang noo ko. Hanggang kailan ba niya talaga ako plano na paghintayin?
"Javadd?" tawag ko sa kanya at narinig ko siya na tumikhim na tila ba ay natauhan. Sa totoo lang ay hindi rin naman talaga ako komportable sa pinapagawa ko sa kanya.
Dahil tulad nga ng sinabi ko ay wala akong suot na ano mang pang-ilalim kaya nasisigurado ko na kasalukuyang nalalantad sa kanya ang buo kong likod. Kaya siguro hindi rin niya magawa na makakilos. Ngunit kailangan niyang makisama dahil sa totoo lang ay gusto ko nang makalabas ng gubat na ito at alam ko na ganoon din siya.
"Oo, Ayesha, heto na," sabi niya at saka lang ako nakahinga nang maluwag. Ang buong akala ko ay paaabutin pa niya na ipahanap kami para lang makalabas dito.
Mayamaya lang ay naramdaman ko na ang paggalaw ni Javadd sa kasuotan ko. At sa bawat tama ng kamay niya sa aking likod na alam ko naman na aksidenteng dumadampi ay nakakaramdam ako ng kakaibang kilabot. Dahil sa pagiging kakaiba nito ay hindi ko alam kung ako nga ba ito.
Tumatama rin naman minsan ang kamay ni Markiya sa aking likod sa tuwing tinutulungan niya akong magbihis ngunit hindi naman ganito ang nararamdaman ko. Tila ba nakikiliti ako at amg dulot nito ay kilabot.
Pilit kong nilabanan ang kiliti at kuryente na dulot ng paghaplos ng balat ni Javadd sa akin. Mas pinili ko na manahimik na lamang at hintayin siya na matapos. Kung pahihintuin ko siya dahil lang sa nakikiliti ako ay sigurado ako na magtatakha siya dahil hindi naman dapat ganoon ang nararamdaman sa pagdampi lamang ng balat.
At isa pang dahilan kung bakit hindi kk siya pwede na basta na lamang pahintuin ay dahil baka matagalan na naman bago ulit siya makakuha ng lakas ng loob na sundin ang sinabi ko. Kaya hinayaan ko na lamang siya. Nararamdaman ko na rin naman na nasa bandang itaas na ang tinatali niya kaya sigurado ako na malapit na rin siya na matapos.
Ilang sandali pa nga lang din ang lumilipas ay naramdaman ko na ang pagbitiw niya sa aking kasuotan. Pinakiramdaman ko pa nang mabuti kung sapat na ba ang higpit nito upang hindi na malaglag pa mula sa aking pagkakasuot.
At nang makasigurado naman na ako na hindi na ito malalaglag pa ay hinarap ko nang muli si Javadd at nginitian. At halos matawa na lamang ako nang makita ko ang pulang-pula niyang mukha. Alam ko naman na nahihiya at talaga naman na nakakailang ang pinagawa ko sa kanya ngunit hindi ko rin naman akalain na ganito pala katindi ang magiging epekto sa kanya.
Ngunit dahil marunong naman akong tumanaw ng utang na loob at dahil na rin sa tinulungan niya ako ay mas pinili ko na pigilin na lamang ang aking tawa upang hindi na madagdagan pa ang inis na kanyang nararamdaman.
"Wala ka na bang kailangan, Ayesha? Sana naman ay huling pabor na iyon." Sa pagkakataon na ito ay natawa na ako. Ngunit hindi naman niya alintana ang ginawa ko na pagtawa. "Mali pala ang aking sinabi. Maaari ka pa rin na humingi sa akin ng pabor ngunit sana sa susunod ay hindi na ganoon kahirap," aniya at sabay kaming natawa.
Mabuti na lamang at nagagawa na naming tawanan ang lahat kahit pa bago pa lamang ito na nangyayari. At nagpapasalamat ako na bumalik na sa dati ang pagiging komportable ko kay Javadd.
"Ang sa tingin ko, Ayesha ay kailangan na nating umuwi sa kanya-kanya nating kaharian," sabi pa niya at saka ko lamang napagtanto na tama siya dahil talagang kailangan ko nang umuwi bago pa man magkagulo sa buong Vittoria.
Muli ay inalalayan na ako ni Javadd na sumakay na sa kabayo upang makaalis na kami sa delikadong kagubatan na ito.
Nang patakbuhin na niya si Kiba ay saka ko lamang tuluyang naramdaman na tapos na nga ang kalbaryo na pinagdaanan ko. At lahat ng ito ay ipagpapasalamat ko kay Javadd. Ang tanging poproblemahin ko na lamang sa oras na ito ay ang pagpapakita ko sa mahal na reyna na sigurado ako na hilong-hilo na sa paghahanap sa akin.