Chapter 42
Ayesha's POV
Hindi ko alam kung gaano kalayo na ba ang nalalakad ko ngunit napapagod na ang mga paa ko. Mabuti na lamang at kabisado ko kahit papaano ang bahaging ito ng Vittoria. May tiwala naman ako sa sarili ko na hindi ako maliligaw at makakauwi ako sa palasyo nanh ligtas. Hindi nga lamang ako sa mismong palasyo didiretso kundi sa lagusan na ginawa ko noon.
Nararamdaman ko na malapit-lapit na rin ako sa pupuntahan ko. At hindi ko na maiwasan pa ang masabik na muling makatapak sa Kaliwag. Sigurado ako na nandoon na si Javadd. Ngunit bigla na lamang akong nag-alala dahil papaano na lang kung hindi pala muna siya makakapunta dahil kailangan niyang magpalamig dahil sa pagkakahuli sa kanya.
Kung hindi ko makakasama si Javadd sa pamamasyal sa Kaliwag ay sayang lang din pala ang ginawa ko na pagtakas ngayon. Sana pala ay ginawa ko na lang sa ibang araw kung kailan may pagkakataon na magkasama kami ni Javadd.
Pero bahala na. Kung wala si Javadd ngayon ay magiging ayos naman kahit papaano ang pamamasyal ko. Kahit pa alam ko na may kulang na. Pero siguro nama na tulad ko ay makakagawa rin ng paraan si Javadd para makatakas ngayon dahil iisipin niya na maghihintay ako sa kanya.
Hindi rin nagtagal ay natanaw ko na ang palasyo kaya mas lalo ko nang binilisan sa paglalakad. Naging maingat na rin ako sa bawat hakbang na ginagawa ko dahil baka may makakita sa akin na mga kawal. Mababalewala ang hirap at pagod ko sa paglalakad kung maibabalik lang din pala nila ako sa palasyo.
Bawat kawal na madadaanan ko ay siniguro ko na matatakasan ko. Hindi nila ako pwedeng makita. Hindi ako ganoon kalapit sa kanila kaya sigurado ako na hindi nila ako pagbibigyan kahit na pakiusapan ko pa sila. Tuwing may makikita ako na kumpulan ng mga kawal ay bumibilis ang t***k ng puso ko dahil pakiramdam ko ay mahuhuli ako.
Natanaw ko na rin maging ang lagusan na papasukin ko. Mabuti na lamang at wala pa ring mga kawal ang nagbabantay doon dahil marahil ay hindi pa iyon natutuklasan ng mahal na reyna. Mabuti na lang at ganoon dahil oras na malaman niya kung nasaan mismo ang dinaraanan ko ay agad niyang ipapasara iyon.
Halos takbuhin ko na ang lagusan para lang mas mapabilis na makarating ako roon. At halos madapa ako nang matanaw ko sa hindi kalayuan ang mahal na reyna na malalaki rin ang hakbang papunta rito sa akin na tila ba ginagawa ang lahat para lang maabutan ako. Matalim niya sa akin at alam ko na sa pagkakataon na ito ay alam na niya ang dinaraanan ko para lang makapunta sa Kaliwag.
Pero kahit na buking na niya ako ay hindi pa rin ako huminto sa paglalakad nang mabilis. Hanggang sa tuluyan ko na nga itong tinakbo para lang hindi ako maabutan ng mahal na reyna. Oras na maabutan niya ay sigurado ako na hindi na ako makakalabas dahil ipapasarado na niya ito.
Ngunit bago man lang niya iyon gawin ay lalabas ako kahit sa huling pagkakataon. Alam ko naman na hindi ako susundan ng mahal na reyna hanggang sa Kaliwag dahil takot din siya. At nang marating ko na nga ang butas ay agad akong sumuot doon. At sa tingin ko ay nasusugatan ako ng mga d**o dahil sa pagmamadali ko.
Nang tuluyan na akong makatapak sa Kaliwag ay saka ko lang naramdaman ang labis na pagod at pagkahingal. Hindi ko lubos maisip na nagawa kong maglakad ng ganoong kalayo sa loob ng Vittoria nang walang nakakakilala sa akin. Mukhang nakatulong ang hindi ko madalas na pakikisalamuha sa ibang Vittorian.
Pero hindi na dapat ako mabigla pa na nagawa ko iyon dahil nagawa ko na rin naman iyon dito sa Kaliwag. Ang pinagkaiba nga lang ay nalilibang ako rito sa Kaliwag dahil may nakakasama at nakakausap ako sa paglalakad kaya hindi ko alintana ang layo at pagod.
Ngunit mag-isa lang ako sa ginawa ko na paglalakad sa Vittoria kaya pakiramdam ko ay sobrang layo at nakakapagod dahil na rin sa pagkainip.
Hinihingal ako na naupo sa isang malaking bato para kahit papaano naman ay makabawi ako ng lakas. Ayoko rin naman na magmukhang pagod na pagod sa paningin ni Javadd kaya dapat ay may pahinga ako kahit papaano. Naghabol ako ng hininga at kinalma ang aking sarili.
Napag-isip-isip ko na kailangan ko nang makalayo malapit sa lagusan kaya nang pakiramdam ko ay kaya ko nang magpatuloy sa paglalakad ay nagsimula na ako sa paghakbang. Dala-dala ko pa rin ang kaba na baka nga hindi ko maabutan dito si Javadd dahil hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makatakas.
Ngunit agad rin namang nawala ang kaba kong iyon nang matanaw ko na siya sa hindi kalayuan at kumakaway pa rito sa akin. Tinaas niya ang kanyang kanang kamay upang ipakita sa akin ang hawak niya. At hawak niya ang paborito kong prutas dito sa Kaliwag. Kaya naman mas lalo ko pang binilisan ang paglalakad.
Habang naglalakad ay biglang nag-iba ang tingin sa akin ni Javadd. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. At doon ko lang napagtanto na magarbo ang suot ko na damit. Hindi naman ito kasing garbo ng sinusuot ko sa tuwing may pagtitipon o mamamasyal ngunit alam ko na hindi ito kayang bilhin ng isang tagasilbi.
Ang kasuotan kong ito ay nagdulot na ng pagtatakha kay Javadd. Paano pa ka kung nagpalit pa ako ng damit pamasyal na hindi ko na nagawa pa kanina dahil sa pag-istorbo sa amin ng mahal na reyna. Habang patuloy ako sa paglalakad palapit sa kanya ay nag-isip na lang ako ng maaaring idahilan sa kanya.
"Kumusta ang aking kasuotan? Alam mo ba na bigay ito sa akin ng anak ng isang maestro?" sabi ko agad bago pa man siya magtanong. Alam ko rin naman na hindi ako nagtunog defensive dahil natawa siya at tumango.
"Maganda, Ayesha. Sadyang nababagay talaga sa iyo ang ganyang mga kasuotan." Muli akong nakaramdam ng hiya nang sa pangalawang pagkakataon ay sinabihan niya ako nang ganito. Pabiro ko na lang na inagaw ang prutas na inagawa niya at agad ko itong kinagatan. Muli ay natawa na lamang siya dahil sa ginawa ko.