Chapter 41
Ayesha's POV
Sa tingin pa lamang sa akin ng mahal na reyna ay alam ko na isang malaking kasalanan ang ginawa ko para sa kanya. Ngunit kung tutuusin ay wala naman talaga akong ginawa dahil sinagot ko lang ang tanong ng mahal na hari kung nais ko raw ba ba mamasyal na muna.
At sino ba naman ako para humindi gayong ang mahal na hari na mismo ang nagsabi.
"May kailangan ba kayo sa akin, mahal na reyna?" tanong ko sa isang inosenteng tinig na tila ba hindi ko alam kung ano na naman ang ipinunta niya rito. At wala namang bago dahil nandito siya para pagalitan ako. Hindi yata nakukumpleto ang araw ng mahal na reyna kung hindi niya ako magagawa na kagalitan.
"Alam mo ang dahilan kung bakit ako nandito, Ayesha. Talaga bang sinusubukan mo akong bata ka?' May pagbabanta na sa tono ng mahal na reyna.
Ngunit wala naman na siyang magagawa pa kahit gaano pa siya magalit dahil nakahanda na ang lahat ng aking dadalhin at nakaparada na ri sa tapat ng palasyo ang karwahe na sasakyan namin. Kaya kung ako sa mahal na reyna ay hindi na ako mag-aaksaya na pigilan ako dahil magpapatagal lang ito sa dapat sana ay pag-alis na namin. Kung hindi ako pinasok ng mahal na reyna rito ay sigurado ako na nakasakay na kami ng karwahe.
"Masama ba ang mamasyal, mahal na reyna? Kung hindi naman kayo nagsinungaling sa mahal na hari at hindi sinabi na masama ang aking pakiramdam ay hindi naman ito mangyayari."Mas lalo ko pang nakitaan ng inis ang mahal na reyna dahil sa sinabu ko.
"At ano ang gusto mo na sabihin ko sa mahal na hari? Lumabas ka ng Vittoria? Alam mo ba kung gaano ipinagbabawal sa iyo ang lumabas? Ikaw ang pinakahalagang Vittorian, Ayesha!
Isang malaking kaguluhan kung mapapahamak ka!" Tila ba hirap na hirap na ang mahal na reyna sa pagpapaliwag sa akin ng tungkol sa bagay na iyon Alam ko naman iyon at hindi ko kinakalimutan. Kaya nga lagi akong nag-iingat.
"Ngunit hindi naman ako napapaano, mahal na reyna,"sagot ko na marahan niyang kinatawa.
"Sa ngayon ay hindi pa, Ayesha. Ngunit hihintayin pa ba natin ang mapahamak ka bago ka tumigil sa mga kalokohan mo?" Sa pagkakataon na ito ay sabay kong nakita ang inis at pag-aalala sa mahal na reyna. Kahit papaano naman pala ay may pakialam siya sa akin.
"Hindi ako mapapaano sa mga ginagagawa ko, mahal na reyna. Sana naman sa pagkakataon na ito ay pagkatiwalaan ninyo ako. Mauuna na kami." Alam ko na may mga nais pa na sabihin ang mahal na reyna ngunit hindi na rin niya nasabi pa dahil nilagpasan ko na siya. Kahit papaano naman ay nagpaalam ako sa kanya—hindi ko na nga lang nagawa pa na hintayin ang sagot niya.
Dahil nasa labas na si Markiya ay ako na ang nagbuhat ng mga dadalhin naming gamit hanggang sa mabuksan ko na ang pinto. Nagulat pa siya at agad akong dinaluhan nang makita na buhat-buhat ko ang mga gamit.
"Ako na, mahal na prinsesa. Dapat ay tinawag na lamang ninyo ako at hindi na kayo ang nagbuhat.", Nginitian ko na lamang siya binigay na sa kanya ang lahat. Sabay kaming naglakad ni Markiya palabas ng palasyo
Marami-marami ang mga dadalhin namin kaya nais ko sana siya na tulungan lalo pa at binuhat ko iyon kanina kaya alam ko na may kabigatan din ang mga bitbit niya. O maaari din naman na para lang iyon sa akin dahil hindi ako sanay sa ganoong klase ng gawain.
Ngunit kahit gaano ko pa siya kagusto na tulungan ay hindi naman maaari dahil siya lang din naman ang mapapagalitan kahit pa kagustuhan ko na tulungan siya. Hinayaan ko na lang din siya dahil hindi naman niya iniinda ang kanyang mga bitbit na tila ba ay sanay na.
Sa wakas ay narating din namin ang karwahe kaya agad niya akong inalalayan upang makasakay na. Saka niya nilagay sa likuran ang aming mga gamit. Habang nasa biyahe kami ay nag-isip na ako ng maaari kona maging plano. Ayokong masayang ang pagkakataon na ito nang hindi man lang ako makakalabas.
Nang marating namin ang dalampasigan na sadya namin ay agad akong bumaba. Mabuti na lamang at mangilan-ngilan na lamang ang mga Vittorian na nandito kaya makakapag-isip ako nang mabuti.
Agad akong naglibot ng tingin at umaasa na makakakita ng maaari kong maging daan. Ngunit wala naman akong napansin na kakaiba. Kung dito ako muling maggagawa ng butas ay siguradong matatagalan ako sa muling pagtapak sa Kaliwag.
Sa ngayon talaga ay wala akong ibang nakikita na tanging paraan kundi ang ginawa kong lagusan malapit sa palasyo. Mahihirapan nga lang talaga akong makababa dahil sa mga bantay sa balkonahe ng aking silid.
Hindi ko alam kung kailan ulit ako magkakaroon ng pagkakataon na makalabas nang tulad nito at kung hihintayin ko pa ang susunod ay baka matagalan pa. Kaya sa tingin ko ay ngayon na ang tamang pagkakataon.
Tinanaw ko si Markiya na kasalukuyang hinahanda ang aming mga gamit at pagkain na dala. Ang kawal naman na nagpatakbo ng karwahe ay nakita ko na natutog sa kanyang pwesto. Maingat akong naglakad palayo sa kanila at nakisalamuha sa dagat ng mga Vittorian. Nakayuko ako upang kahit papaano ay maitago ang aking pagkakakilanlan.
Sobrang kaba ang nararamdaman ko dahil baka makita ako ni Markiya at mapurnada pa ang mga plano ko. Kaya mas binilisan ko pa ang paglalakad ko. Hindi naman ako pwedeng tumakbo dahil baka maagaw ko lang ang atensyon ng marami.
Nakahinga lang ako nang maluwag nang makalayo na ako sa kanila. Ngunit kahit na malayo na sila sa akin ay hindi ibig sabihin na malapit na ako sa palasyo. Malayo-layo pa ang lalakarin ko bago marating ang likod ng kwarto ko. Dahil alam ko na madadaanan nina Markiya sa oras na bumalik na sila ng palasyo ay sa ibang daan ako dumaan. Hindi nila ako maaaring maabutan na naglalakad pabalik ng palasyo dahil sigurado ako na bibitbitin nila ako. Sayang naman ang nasimulan ko na pagtakas.
At isa pa, kahit na maiuwi nila ay alam ko na makakarating iyon sa mahal na reyna kaya mas lalo lamang niya akong paghihigpitan.