Chapter 3
Ayesha's POV
Habang naghihintay sa pagbalik ni Markiya ay nag-isip ako ng mga pwede naming gawin ni Javadd sa Kaliwag.
Magbabaon ako ng maraming ginto upang makain namin ang anumang gustuhin namin sa pamilihan. Maaaring walang sapat na salapi si Javadd na bumili ng marami dahil isa lamang siyang hamak na kawal ng Algenia.
Bilang bago kong kaibigan, ibibigay ko ang lahat ng kanyang naisin mamayang gabi. Bilang pasasalamat na rin sa pagliligtas niya sa akin kagabi mula sa malupit na lalaki.
Ang sosobrang ginto sa aking dadalhin mamaya ay ipapabaon ko na lang sa kanya sa Algenia upang magamit niya roon.
Oo, tama! Siguradong malaking tulong iyon sa kanya at sa kanyang pamilya.
Matapos ang hapunan kasabay ang aking mga magulang ay nagpahayag na ako ng pagkaantok kay Markiya. Hindi ko na siya pinatuloy sa aking silid dahil kailangan ko pa ng oras para makapaghanda.
Nagpalit ako ng damit na ibinigay sa akin ni Markiya. Mabuti na lamang at magkasukat kami ng katawan.
Tulad ng ginawa ko kagabi ay tumakas ako sa aking silid at dumaan sa ginawa kong lagusan upang muli ay makatapak ako sa Kaliwag. Hindi naman ako nabigo. Ligtas akong nakalabas ng palasyo.
Iba talaga ang aking tuwa kapag narito ako sa lugar na ito. Tila normal na buhay ang mayroon ako.
Suot ang aking maskara ay masaya akong naglibot sa pamilihan. Tulad kagabi ay pinagtitinginan ako dahil sa aking pagkakakilanlan.
Wala pala kaming usapan ni Javadd kung saan eksaktong lugar kami magkikita. Kaya habang namamasyal at namamanghang tumitingin sa paligid ay isinabay ko na ang paghahanap sa kanya.
"Ayesha." Halos mapatalon ako sa gulat nang may humawak sa braso ko. Nang lingunin ko siya ay nakasuot ito ng itim na maskara at mabilis kong nakilala ang mga mata ni Javadd. Hinila niya ako sa isang sulok ng pamilihan kung saan walang dumaraang Lavitran.
Tinitigan ako ni Javadd sa mga mata at nakaramdam ako ng pagkailang. Marahan niyang tinanggal ang maskara ko at ganun din ang ginawa niya sa kanya.
"Paumanhin. Ngunit mas mainam kung wala tayong maskara kung tayo ay mamamasyal. Ayokong makaagaw ng pansin dahil hindi pangkaraniwan na magkasama ang isang Algenian at Vittorian."
"Oo, tama ka. Naiintindihan ko." Wala naman akong naging pagtutol kung tanggalin man niya ang aking maskara dahil wala namang nakakakilala sa akin dito. Ibinulsa niya ang aming maskara at niyaya na niya ako na maglakad-lakad.
"Nakapamasyal ka na ba rito nang may liwanag pa?" tanong ko sa kanya habang tumitingin at umaamoy siya ng prutas na kanya marahil bibilhin.
"Oo," tipid niyang sagot.
"Nais ko ring makita ang Kaliwag nang may liwanag pa." Nahinto siya sa ginagawa at tumingin sa akin.
"Hindi ba’t isa kang tagasilbi? Hindi mo ba mapapabayaan ang iyong gawain kung mawawala ka nang umaga?" tanong niya at nagpatuloy sa paglalakad.
"Maaari akong humingi ng pahinga." Pagpupumilit ko at nagkibit balikat siya. "Ikaw? Paano ka nakaalis sa Algenia nang may liwanag pa?" Muli ay nagkibit balikat siya.
Inihagis niya ang pulang-pulang mansanas sa ere at sinalo niya. Muli niya itong inamoy at nang marahil ay nakuntento siyang masarap iyon, iniabot niya iyon sa akin. Napatingin ako sa hawak niyang mansanas at naamoy ko ang bango nito. Mukhang matamis.
"Salamat." Kinuha ko ang prutas mula sa kanya. "Ako na ang magbabayad—" Hindi na ako nakatapos sa pagsasalita nang maglabas siya ng pitaka at mag-abot ng ginto sa nagtitinda.
"Isang ginto para sa mansanas, sapat na ba iyan?" tanong pa ni Javadd.
"Napakalaki nito. Kumuha ka pa ng ibang prutas na gusto ninyo." Tumingin sa akin si Javadd kaya naghanap pa ako ng ibang prutas. Limang klase ng prutas ang nabili ko. Ang iba ay bago sa paningin ko.
Sa hindi kalayuan ay may napwestuhan kaming malaking bato at doon kumain.
"Tila marami kang salapi?" tanong ko. Mukhang mali ang akala ko na nangangailangan siya.
"Mayroon naman kahit papaano." Tumalon si Javadd pababa sa inuupuang bato at tumakbo papunta sa isang tindahan. Pagbalik niya ay may dala na siyang ilang balot ng kakanin. "Heto, kumain ka pa." Iniabot niya sa akin ang lahat ng kanyang binili.
Ganito pala ang pakiramdam na pagsilbihan hindi dahil ikaw ang prinsesa. Ewan ko, pero iba ang pakiramdam kapag may nakakaalala sa iyo kahit napakasimple mo sa kanilang paningin.
"Ina! Ina!" Sabay kaming napalingon ni Javadd nang marinig ang iyak ng isang bata at pagkakagulo sa paligid. Napatayo ako nang makita ang isang batang babae na nakasakay sa kabayong nagwawala.
"Boki!" iyak ng isang babae na marahil ay ina niya. Mabilis akong tumakbo papunta sa kabayo na mas lalo pang nagwala dahil sa pagkakagulo sa paligid. Mabuti na lamang at nahawakan ko ang tali nito.
Tumapak ako sa isang bato upang kumuha ng bwelo at tumalon para makasakay sa kabayo. Pagkasampa ko sa kabayo ay hinawakan ko agad ang tali nito at hinila. Paulit-ulit ko itong sinubukang pahintuin sa pagwawala hanggang sa kumalma ang kabayo.
"Ayesha!" Kasabay ng paglapit ng ina ng bata sa amin ay ang paglapit din ni Javadd na matatalim ang tingin sa akin. Inalalayan kong makababa ang bata at si Javadd na ang sumalo rito.
Pagkalapag niya sa bata ay hindi siya nagdalawang isip na kabigin ako sa baywang pababa sa kabayo. Kinuha niya ang tali ng kabayo at nagpalinga-linga sa paligid na tila may hinahanap.
"Sunil!" galit niyang sigaw at narinig ko ang paglapit ng mabilis na yabag. Sumulpot sa harapan namin ang isang lalaking may itim na maskara. Isang kapwa niya Algenia. Parehas sila ng kasuotan ni Javadd kaya nakakasiguro akong isa siyang kawal.
"Anong nangyari?"
"Paumanhin, Prin—"
"Sandali!" Putol niya rito at tiningnan nang masama.
"Nauuhaw marahil ang kabayo," sagot ng tinawag niyang Sunil matapos maintindihan ang ibinatong tingin sa kanya ni Javadd. Kahit may maskara ay batid kong halos kaedaran lang namin siya.
"Kung gayon ay iuwi mo na siya sa palasyo." Napalingon ako kay Javadd. Hindi siya galit ngunit ramdam mo ang kapangyarihan sa kanyang tono. Tila mananagot ang sinumang hindi tumalima sa kanya. Maging ang kanyang mga mata ay nagsusumigaw ng kapangyarihan.
"Masusunod." Sumakay ang kawal sa kabayo at pinatakbo iyon.
Marahan akong hinila ni Javadd sa braso at saka lamang nawala ang tingin ko sa papalayong kabayo. Sinuri niyang mabuti ang aking kabuuan.
"May masakit ba sa iyo, Ayesha?" tanong niya at umiling ako. "Anong pumasok sa isip mo at ginawa mo ’yon? Saan ka natutong mangabayo?" Sunod-sunod niyang tanong.
Ang pangangabayo ay bahagi ng aking pagsasanay. Ngunit hindi ko iyon maaaring sabihin sa kanya dahil hindi nagsasanay ang mga tagasilbi.
"Isang mabuting kaibigan ang nagturo sa akin." Iyon na lang ang sinabi ko upang hindi na humaba pa ang usapan.