Chapter 2
Ayesha's POV
Hindi ko pinahalata kay Javadd ang pagkataranta ko sa kanyang tanong at naisip ko na kailangan ko siyang sagutin.
"Oo naman—"
"Biro lamang. Ako si Javadd."
"Ayesha, Ayesha ang aking ngalan." Muli naming isinuot ang kanya-kanya naming maskara. Lumabas kami sa aming pinagtataguan at sinamahan niya akong maglakad-lakad.
"Ngayon ka lamang napadpad dito, tama ba ako?" tanong ni Javadd at tumango ako. Malinaw kong napapakinggan ang ingay sa pamilihang nilalakaran namin.
"Oo. Ikaw? Madalas ka rito?" tanong ko.
"Hindi naman. Kailan lang din. Pero ngayon lang kasi kita namataan dito." Nagpatuloy kami sa paglalakad ni Javadd. Marami kaming napag-usapan. At kalahati yata ng sagot ko sa mga itinanong niya ay kasinungalingan. Wala akong pagpipilian. Kailangan kong protektahan ang aking pagkakakilanlan.
"Nais mong tikman?" alok niya nang mapadaan kami sa tindahan ng kakanin. Tumango ako bilang sagot. Hindi ko nakain ang pinamili ko kanina dahil sa nangyari. Unang beses na pagtapak ko pa lamang sa labas ng kaharian ay ito agad ang karanasan ko.
Iniabot sa akin ni Javadd ang kakanin at nagpatuloy kami sa paglalakad habang kumakain.
"Malaki pala itong Kaliwag," pagbubukas ko sa panibagong usapan.
"Malaki raw. Kaya lamang ay hindi ko pa nasusubukang pumasyal sa mas malayo."
"Bakit? Sayang naman."
"Nauubos kasi ang oras ko sa pakikipaglaro sa mga bata. Sa mga susunod na gabi, baka maglibot-libot ako."
"Babalik ako rito. Gusto kong sumama sa paglilibot mo." Nahinto siya sa paglalakad dahil sa sinabi ko. Hinarap niya ako at seryosong tiningnan.
"Sigurado ka? Hindi ba't hindi naman madalas nakakalabas ang mga tagasilbi? Kung may ipinag-uutos lamang ang mga dugong bughaw?" Tiningnan niya ako ng buong pagtatakha. "Tumakas ka, 'no?" Nanlaki ang mga mata ko sa kanyang bintang. Nag-isip agad ako ng maaaring dahilan.
"H-hindi, ah? Bakit ikaw? Ganoon din naman ang mga kawal, ah? Tumakas ka, 'no?" ganting bintang ko sa kanya at nagkibit balikat siya.
"Hindi ko naman itatanggi 'yan. Nakakasawa ang paulit-ulit na gawain sa loob ng kaharian." Tumango ako bilang pagsang-ayon.
"Totoo. At oo, tumakas nga ako."
"Delikado ang ginawa mo, babae ka pa naman. Wala kang kakayahang ipagtanggol ang iyong sarili." Bakas nga sa kanyang mukha ang pag-aalala.
"Kaya ko ang aking sarili, Javadd," aniko at ngumiti. "Sa tingin ko ay kailangan ko nang umuwi. Magkita na lamang tayo bukas?" tanong ko. Bumuntong hininga siya at wala nang nagawa kundi ang tumango.
"Mag-iingat ka." Tumango ako at kumaway bago tuluyang tumakbo pabalik sa lihim kong lagusan.
—
"Nasaan ang inyong prinsesa?" Nagising ako sa malakas at marahas na pagbukas ng pintuan ng aking silid. Kasabay ang pagdagundong ng tinig ng aking ina.
"Mahimbing pong natutulog si Prinsesa Ayesha, mahal na reyna." Narinig kong sagot ni Markiya. Nanatili akong nakapikit at umasang aalis na si ina dahil nasagot na ni Markiya ang kanyang tanong. Ngunit narinig ko ang kanyang yabag na papalapit sa aking higaan. Napapikit ako nang mariin ngunit hindi pa rin kumilos.
"Tirik na ang araw ngunit tulog pa rin ang batang iyan!" galit niyang wika at hinila ang kumot ko. Wala na akong nagawa pa kundi ang bumangon. Napapikit ako nang tamaan ng sinag ng araw ang aking mukha. Hindi naman ganoon kaliwanag ang araw na mayroon kami ngunit masakit pa rin ito sa balat.
"Ano iyon, Inang Reyna?" tanong ko habang nagkukusot ng mata.
"Bakit tila kulang na kulang ka sa tulog tuwing gabi? Markiya!" tawag niya sa aking tagasilbi.
"Ano po iyon, Reyna Rodora?"
"Maaga bang natutulog ang inyong prinsesa?" pagalit niya rito.
"O-opo, mahal na reyna. Maaga po naming pinapatulog ang prinsesa." Bumuntong hininga si ina ngunit halatang hindi pa rin kumbinsido.
"Ina, napasarap lamang ang aking himbing." Tumayo ako at lumapit sa kanya. "Maghahanda na ako para sa aking pagsasanay." Inihatid ko na siya palabas ng aking silid. Pagkasarado ko ng pinto ay napasandal na lamang ako at napairap. "Ako na ang humihingi ng paumanhin sa inasal ng aking ina," sabi ko kay Markiya.
"Wala po kayong dapag ihingi ng tawad, Prinsesa." Inihanda ni Markiya ang aking damit para sa pagsasanay at pinaliguan ako.
"Nais mo bang mag-aral, Markiya?" tanong ko sa kanya. Nakalublob ako sa malaking kawa na puno ng mababangong bulaklak habang ang braso ko ay kanyang kinukuskos. Nahinto siya sa kanyang ginagawa dahil sa tanong ko.
"Lahat naman siguro ay nais mag-aral, mahal na prinsesa."
"Kung gayon ay sumama ka sa akin sa tuwing tinuturuan ako ni Maestro."
"Naku hindi po iyon maaari, Prinsesa. Malaki ang binabayad ng iyong ama sa Maestro at hindi iyon papayag na makihati ako sa oras ng iyong aralin." Nagpatuloy siya sa pagkuskos sa aking braso at hindi pinansin ang suhestiyon ko.
"Mamaya ay kakausapin ko si Ama tungkol diyan. Mas mainam na iyon upang makabawi naman ako sa pag-aalaga mo sa akin," sabi ko habang nakatunghay sa balat sa aking braso. Makaagaw pansin talaga ang natutal na itim na marka kong iyon sa aking braso dahil may kapusyawan ang aking balat. Mabuti na lamang at natatakpan iyon ng aking magagarbong kasuotan.
"Ako ang tagasilbing naatasang mag-alaga sa inyo, Prinsesa. Yun pa lang ay malaking karangalan na." Ngumiti ako. Tinapos na ni Markiya ang aking paliligo at binihisan na niya ako. Sa pagpunta sa aking pagsasanayan ay nakasunod din si Markiya.
Si Markiya ay akin nang kaibigan kaya’t nais ko siyang umangat sa buhay. Ayokong habang bubay siyang maging tagasilbi.
"Handa ka na ba, Prinsesa Ayesha?" tanong ng aking tagapagsanay.
"Handa na ako, Digno," sabi ko at nagsimula na kami. Kapag may pagkakataon ay nagsasanay ako kung paano makipagdigma. Ang sabi ng aking amang hari ay kinakailangan ko ito upang protektahan ang aking sarili dahil ako ang tagapagmana. Hindi ako maaaring mapaslang nino man.
Hindi naman ako nahihirapan sa pagsasanay dahil magaan magturo si Digno. Siguro ay dahil kaibigan ko siya kaya hindi niya ako pinapagalitan. Si Digno ay anak ng punong-kawal kaya siya na ang inatasan ni ama upang sanayin ako dahil marami siyang nalalaman sa pakikipaglaban.
"Napakahusay mo nang humawak ng sandata, mahal na prinsesa," puri niya at kinuha ang espadang hawak ko dahil tapos na kami sa pagsasanay.
"Salamat sa iyong tulong, Digno." Kahit pa pinupuri niya ako, batid kong kaunti pa lang ang aking nalalaman kung tunay na digmaan na ang pag-uusapan.
"Halika na, Prinsesa. Ihahatid ko na kayo ni Markiya sa palasyo." Sabay-sabay kaming naglakad pabalik ng palasyo. Bigla akong nakaramdam ng pananabik nang mapansing nagdidilim na.
Ilang oras na lamang ay makakatapak akong muli sa Kaliwag. Naalala kaya ni Javadd ang usapan namin kagabi na magkikita kami mamaya? Nakakatuwang isipin na mayroon na akong kaibigan sa labas ng aming kaharian. Hindi ko lamang alam kung maiibigan ng aking ama't ina kung malalaman nila na ang bago kong kaibigan ay isang Algenian.
Ngunit hindi naman nila iyon kailangan malaman lalo pa’t tumatakas lamang ako.
"Hanggang sa muli, Prinsesa, Markiya." Nagpaalam na si Digno kaya pumasok na kami sa palasyo.
"Siya nga pala, Markiya, may mga luma ka bang kasuotan na hindi mo na ginagamit?" tanong ko habang binibihisan niya ako.
"Mayroon, Prinsesa."
"Maaari bang makahingi ng ilan?" Napakunot ang noo niya dahil sa pagtatakha ngunit hindi na nagtanong pa. Hindi ako pwedeng makipagkita kay Javadd sa aking kaswal na kasuotan. Ang pantulog kong suot kagabi ay hindi rin pangkaraniwan ang tela, mabuti na lamang at hindi niya iyon nahalata.