Chapter 56
Ayesha's POV
Dahil sa pinapakitang ugaling ito ni Javadd ay hindi ko mapigilan ang mas lalo pang humanga sa kanya. Ang mga ngiti niya habang kinakausap ang mga bata na alam mong walang halong ano mang pagpapanggap. Hindi nga ako nagkalamali na mas lubusan ko pa siyang makikilala sa oras na marating ko na ang paborito niyang lugar dito sa Algenia. At mas gusto ko pa siyang makilala. Alam ko na marami pa akong matutuklasan sa kanya.
Bigla na lamang tuloy akong napaisip kung ito ba talaga ang lahi na kakalabanin namin. Parang sobrang layo ng ugali ng mga Algenian na harap-harapan kong nakakaharap kung ikukumpara sa mga Algenian na nakalakihan kong kwento ng mga nakatatandang Vittorian. Ngunit kailangan kong maging mas mapagmatiyag dahil ayoko naman na magpalinlang kung isa nga lang ba itong pagpapanggap dahil sa alam niya na isa akong Vittorian.
Hindi naman sa pinagdududahan ko si Javadd ngunit kung may isang posibilidad tungkol sa pagkakaibigan namin ang kinatatakutan ko na mangyari, iyon ay ang maaaring ginagamit niya lang ako laban sa aming kaharian. Bagaman hindi niya alam na isa akong prinsesa ay maaari niyang gamitin ang mga nalalaman ko tungkol aming kaharian.
Sunud-sunod ang iling na ginawa ko dahil ayoko sa mga naiisip ko. Ayokong isipin na maaari akong traydurin at gamitin ni Javadd dahil nga tulad ng sinasabi ko ay wala akong nakikita na ano mang pagpapanggap sa lahat ng bagay na ginagawa niya. Dahil sa mga ginawa kong pag-iling ay napatingin sa akin si Javadd at tinaasan niya ako ng kilay dahil sa pagtatakha.
"May problema ba, Ayesha?" tanong niya at hindi naman niya ako magawang lapitan dahil sa dami ng bata na nakaharang at nakapalibot sa kanya. Mukhang aliw na aliw pa rin ang mga bata sa kanya kaya agad akong ngumiti sa kanya para sabihin na ayos lang at wala akong problema. Ayoko naman na madismaya ang mga bata na ititigil niya ang paglalaro nila dahil lang sa akin.
"Ayos lang ako," sambit ko at nginitian siya para hindi na niya ako isipin pa. Nakukuntento na rin naman ako at nalilibang sa panonood sa kanila ng mga bata. Kung kinagigiliwan siya ng lahat at nasisiguro ko na ngayon pa lang ay magiging isang mabuting hari siya.
Napakaswerte ng magiging reyna ni Javadd dahil magkakaroon siya ng isang mabait at responsableng asawa. Kung magkakaroon man ako ng hari, ang nais ko ay tulad ni Javadd na maaasahan yata sa lahat ng bagay. Bigla na lamang akong napangiti. Alam kong imposible ngunit paano nga kaya kung si Javadd ang aking magiging hari at ako naman ang kanyang magiging reyna.
Ang sarap sanang pangarapin ng bagay na iyon kung hindi lamang magkalaban ang aming mga kaharian. Ngunit dahil nga sa nakatakda kaming maglaban-laban ay hindi maaari.
Ngunit ngayon ko lang napagtanto kung ano ba ang mga iniisip ko. Kinabahan ako dahil bigla na lang pumasok sa isip ko ang tungkol sa kagustuhan ko na maging hari si Javadd at bigla akong nahiya sa aking sarili. Wala namang ibang nakakarinig ng iniisip ko pero hiyang-hiya pa rin ako. Pakiramdam ko ay hindi tama na sumagi iyon sa aking isip.
Napahawak na lamang tuloy ako sa magkabila kong pisngi dahil nararamdaman ko ang pag-iinit nito. At hindi ako maaaring makita ni Javadd nang ganito. Ngunit huli na dahil nang mag-angat ako ng tingin ay nakikita ko na humahakbang na siya palapit sa akin. Bigla na lamang tuloy akong nataranta at hindi ko alam kung bakit.
Napaatras ako nang hawakan ni Javadd ang noo ko at nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya.
"Ano ba talaga ang problema, Ayesha? Namumula ka. May sakit ka ba? Nais mo na bang umuwi?" tanong niya at hindi na ako nabigla pa ang sabihin niya na namumula ako. Alam ko naman na ang bagay na iyon ngunit ang hindi ko maintindihan ay kung bakit bigla na lamang akong nagkaganito. Bigla akong nakaramdam ng pagkailang sa kanya.
Nagpatuloy siya sa paghipo sa noo ko. At dahil sa intensidad na naramdaman ko ay hindi ko na napigilan pa ang tabigin ang kamay niya na labis naman niyang kinabigla. Napaatras pa siya para makalayo sa akin dahil nakita niya yata na hindi ko nagustuhan ang ginawa niya sa akin.
"Paumanhin," sambit niya at tinaas pa ang magkabila niyang kamay para sabihin na hindi na niya ulit ako hahawakan. Kahit na nalilito ay mas nangingibabaw ang takot sa kanyang mukha. At saka lamang ako natauhan sa mga kinikilos ko. Ano ba naman ng nangyayari sa akin. Maging si Javadd ay natatakot na sa akin. Saka lamang ako kumalma at nawala ang pagkataranta ko.
"Paumanhin din, Javadd. May naalala lamang ako," sabi ko at hindi siya nagsalita. Halatang inaaral niya nang mabuti ang mukha ko.
"Natakot ba kita, Ayesha? May nagawa ba ako na hindi mo nagustuhan? Ayaw mo ba ng hinahawakan ka?" Maging si Javadd ay nataranta na rin. Ngunit sana ay alam niya na wala siyang nagawang mali dahil masyado lamang akong nag-react sa ginawa niya na hindi ko rin maintindihan sa sarili ko.
"Hindi, Javadd. Ayos lang ako. Sige na, makipaglaro ka na ulit sa mga bata." Hinawakan ko siya sa braso at pabirong pinagtabuyan. Natawa naman siya sa ginawa ko ngunit hindi siya nagpataboy. Hindi siya umalis sa kinatatayuan niya at tiningnan lamang ako. Kaya naman tinaasan ko siya ng kilay.
"Kung talagang ayos ka na, bakit hindi ka makipaglaro sa amin?" sabi niya at napahalukipkip ako. Nagpapatawa ba siya? Bakit naman ako makikipaglaro sa mga bata gayong hindi ko naman sila kilala?
Umiling ako at nakita ko ang pagkadismaya sa mukha niya dahil sa pagtanggi ko. Huwag niya sabihing pipilitin niya ako na makipaglaro sa mga bata? Hinding-hindi ako makikipaglaro sa mga batang Algenian. Sa mga batang taga-Kaliwag ay pwede pa. Pero hindi sa mga Algenian.
Dahil sa ginawa ko na pagtanggi ay hindi na nawala ang pagkadismaya sa mukha ni Javadd. At pakiramdam ko na kapag hindi pa ako pumayag ay hanggang mamaya siya magkakaganito at hindi ko naman iyon matitiis.
Kaya nang makita ko siya na malungkot nang naglalakad pabalik sa mga bata ay agad ko na siyang sinundan. Pakiramdam ko kasi ay magpapaalam na siya sa kanila. Sandaling oras pa lang mula nang dumating kami rito kaya sigurado ako na malulungkot ang mga bata kapag nagpaalam na agad siya. Kaya nilakihan ko ang mga hakbang ko para lang maabutan siya.
At nang maabutan ko na siya ay agad kong hinawakan ang kamay niya. Bakas pa ang pagkabigla sa kanyang mukha nang lingunin niya ako. Nginitian ko siya at noong una ay nagtatakha pa siya. Hanggang sa mapangiti na rin siya nang mapagtanto ang nais kong mangyari.
"Mga bata, ito si Binibining Ayesha. Nais ba ninyo na makasama natin siya sa paglalaro?" tanong ni Javadd at sunud-sunod naman na tumango ang mga bata. Lahat sila ay pumayag ngunit isang bata ang nakakuha ng atensyon ko na nakahalukipkip at masama ang tingin sa akin. Bata lang siya ngunit napalunok ako dahil pakiramdam ko ay may ginawa akong masama sa kanya kaya ganito na lamang kung makatingin siya. Nagpapabalik-balik din ang tingin niya sa akin at sa magkahawak kamay naming mga palad ni Javadd.
Kahit na nag-aalangan ay sinubukan ko na ngitian siya dahil umaasa ako at nagbabaka sakali na magiging ayos din ang tingin niya sa akin. Ngunit imbis na suklian niya ako ng ngiti ay nagulat pa ako nang isang irap ang sinagot niya sa mga ngiti ko.
Hindi ba niya alam na kayang-kaya kong pumatol sa bata? Hindi ako ganoon kalapit sa mga bata kaya hindi ganoon kahaba ang pasensya ko pagdating sa kanila. At dahil sinagad ako ng batang 'yun ay huwag siyang umasa na magiging mabuti ako sa kanya. Dahil sa ginawa ng batang iyon ay dinilaan ko siya nang muli niya akong tingnan.
At nakita ko na halos mag-usok ang tainga at ilong niya dahil sa ginawa kong pang-aasar sa kanya. Napangisi naman ako dahil pakiramdam ko ay nagtagumpay ako sa pang-aasar ko sa batang iyon. Ngunit dinilaan niya rin ako na handa pa yatang makipag-asaran sa akin. Kung iyon ang gusto niya ay pagbibigyan ko siya. Iisipin ko na lang na si Kaira ang inaasar ko para mas lalo akong ganahan na asarin siya.
Sa ginagawa ko pa lang na pang-aasar sa kanya gamit ang aking mukha ay kitang-kita ko na ang inis sa kanyang mukha. At tila naliligayahan ako. Mukha pa lang ang gamit ko sa kanya sa pang-aasar. Paano pa kaya kung magsalita na ako. Pero ayoko naman na malaman ni Javadd ang pakikipag-asaran ko sa batang iyon dahil baka pagalitan niya ako. Ngunit hindi ko naman itatanggi na parang nakikita ko sa batang iyon ang aking sarili.
Dahil ganyang edad ko ay malakas din akong makipag-asaran ngunit napipikon din ako. Hanggang sa nakasanayan ko na ang asaran kaya ako na ang nananalo ngayon. At isa siguro sa dahilan kung bakit nagagawa kong pikunin ang bata ay dahil alam niya na hindi niya ako naaasar. At isa na iyan sa mga talento ko. Papunta pa lang siya ay pabalik na ako.
"Ayoko sa kanya, Prinsipe Javadd." Nagulat ako nang tila ay hindi man lang siya nag-alangan na sabihin iyom kay Javadd. Hindi ko alam kung saan siya kumuha ng lakas ng loob na sabihin iyon sa akin gayong nakita naman niya na kasama ako ni Javadd na pumasok dito.,
Napalingon tuloy sa akin si Javadd na halatang nagtatakha kung bakit iyon nasabi ng bata. Nagkibit balikat ako at umarte na hindi rin alam kung bakit iyon nasabi ng bata. Maging siya tuloy ay naguluhan na rin. Muling nilingon ni Javadd ang bata na kaasaran ko at mukhang plano pa siya na lapitan ni Javadd. Ngunit huwag lang siyang magkakamali na magsumbong kay Javadd dahil talagang hindi ko siya titigilan.
Hanggang sa nagsimula na nga siyang maglakad palapit sa bata. At nang marating nito ang kanyang tapat ay lumuhod agad si Javadd dahil masyado siyang matangkad para sa bata.
"Ysa, bakit mo naman nasabi na ayaw mo kay Binibining Ayesha?" tanong ni Javaadd at kilala pala niya ang bata.
"Wala lang, Prinsipe Javadd. Basta ayoko lang sa kanya." Muli akong tiningnan ng bata at humalukipkip ulit. Hindi pa siya nakuntento dahil inirapan niya akong muli kahit pa kaharap na niya si Javadd. Talagang maldita ang batang iyon. Kung ayaw niya sa akin ay mas lalong ayaw ko sa kanya. Sino ba siya sa inaakala niya?
"Ysa, masama 'yang ginagawa mo. Humingi ka ng tawad sa kanya," pagalit ni Javadd sa bata ngunit nanatili siyang nakataas noo na tila ba nagmamalaki. Kung wala lamang dito si Javadd at kami lang ng batang iyon ang magkasama at sigurado ako na kanina ko pa siya nakaltukan.
"Ayoko, Prinsipe Javadd," matigas niyang sabi at hindi ko na napigilan ang marahan na matawa nang may kasamang panunuya. Bata ba talaga 'yan o si Kaira talaga siya at nagkatawang bata lamang.
"Ngunit bakit, Ysa? Bigyan mo ako ng dahilan kung bakit ayaw mo kay Binihining Ayesha," sambit ni Javadd sa bata at hindi ko alam kung bakit kailangan pa niya ng dahilan.
Hindi naman mahalaga sa akin kung gusto ba ako ng batang iyan o hindi. Kaya hindi ko kailangan ng dahilan niya. At mas lalong hindi ko kailangan ng opinyon niya. Siya lang naman ang tanging may ayaw sa akin. Kung ayaw niya na makipaglaro sa akin ay manood na lang siya sa pakikipaglaro sa akin ng iba pang mga bata. Dahil kahit na ano pa ang sabihin niya ay dito lang ako dahil kasama ako ng prinsipe. Hindi naman niya pwedeng paalisin ito.
"Sabi mo kasi Prinsipe Javadd, hangga't wala kang prinsesa ay kami rito sa ampunan ang mga prinsesa mo. Pero ngayon ay may prinsesa ka na," sabi niya at halos mapanganga kami sa sinabi niya. Hindi ko alam kung bakit naging ganito ang pinanggagalingan ng batang ito pero ang katotohanan na may ganoon silang pinanghahawakan ay alam ko na natatakot sila na may umagaw sa kanilang prinsipe.
"Ysa, mananatili kayong mga prinsesa ko. Ngunit--"
"Basta ayaw ko sa kanya, Prinsipe Javadd!"
"Ysa!" sigaw na pagtawag ni Javadd sa batang si Ysa nang magsimula itong tumakbo. Maging ako tuloy ay nag-alala para sa bata dahil hindi naman siya sa loob ng ampunan siya tumakbo kundi sa labas. Kahit naman sinusungitan ako ng batang iyon ay ayaw ko pa rin na mapahamak siya.
Nagkatinginan kami ni Javadd at humingi siya ng pasensya. Sinabihan ko naman siya na ayos lamang dahil hindi ko naman akalain na ganoon pala ang iniisip ng bata kaya pala niya ako tinatarayan. Ngunit kung inaakala niya na aagawin ko sa kanila ang kanilang prinsipe ay nagkakamali siya dahil napakaimposible ng sinasabi niyang iyon. Hindi kami maaari ni Javadd dahil sobrang magkasalungat kami.
"Hintayin mo ako, Ayesha. Susundan ko lang si Ysa," sabi niya ngunit bago pa man siya makapagsimula sa kanyang paghakbang ay hinawakan ko na siya sa braso para pigilan siya. Nagtatakha naman niya akong nilingon.
"Ako na ang susunod sa kanya," sabi ko ngunit nakita ko ang pag-aalinlangan sa mga mata ni Javadd dahil sa gusto kong gawin. Hindi ko rin naman siya masisisi dahil alam ko na nag-aalala siya na baka mas lalo lang magrebelde si Ysa. At nag-aalala rin siya na hindi ko alam ang daan at pasikut-sikot dito.
Ngunit iisang direksyon lang naman ang tinakbo ni Ysa kaya alam ko na makikita ko rin siya agad kung didiretsuhin ko ang daan.
"Ngunit Ayesha--"
"Nagseselos siya sa akin, Javadd. Ang akala niya ay aagawin kita sa kanila. At sa tingin ko ay babae lang din ang makakaintindi at makakapagpaintindi sa kanya ng mga kailangan niyang marinig at malaman," sabi ko.
"Sigurado ka ba riyan, Ayesha?" nag-aalala pa rin na tanong niya. Ngumiti ako at tumango. Kahit na halatang may pag-aalinlangan pa rin ay hinayaan na rin naman ako ni Javadd sa gusto kong gawin.
Nang makuha ko na ang pagpayag ni Javadd ay agad kong hinawakan ang laylayan ng akong kasuotan para hindi maging sagabal sa aking pagtakbo. Nagpaalam na ako kay Javadd at sinundan ko na nga si Ysa.
Malayo-layo na rin ang natatakbo ko ngunit hindi naman ako natatakot na maligaw dahil madali namang malaman ang daan pabalik. Wala akong ideya sa kung saan siya maaaring nagtungo pero sa tingin ko ay hindi naman iyon lalayo nang sobra sa ampunan.
Hanggang sa mayamaya lang din ay nakarinig na ako ng isang batang umiiyak. Nagpalinga-linga ako sa paligid para hanapin siya ngunit wala akong nakita. Tinalasan ko na lang ang pandinig ko at inalam kung saan nagmumula ang iyak na iyon. Hanggang sa mapag-alaman ko na galing iyon sa likod ng isang puno at sigurado ako na nandoon si Ysa.
Dahan-dahan akong naglakad papunta roon dahil hindi niya dapat malaman na may paparating. Baka muli lamang siyang tumakbo lalo na kapag ako ang nakita niya. Sigurado ako na ako ang pinakahuling Lavitran na gugustuhin niyang makita at sumunod sa kanya. Nang marating ko nga ang puno ay sinilip ko agad siya at nakita ko si Ysa na umiiyak habang nakasubsob ang mukha sa kanyang mga palad.