Chapter 46

1028 Words
Chapter 46 Ayesha's POV Ilang sandali na rin mula nang sundan ko si Javadd ngunit hindi pa rin siya humihinto. Hindi ko alam kung saan siya dapat na pumasok dahil hindi ko pa naman siya naihahatid malapit sa lagusan. At ngayon ko lang nalaman na malayo-layo pala ang pinapasukan at nilalabasan niya. Mas malayo pa ito kaysa sa akin. Tapos ay nakukuha pa niya na ihatid ako malapit sa lagusan ko. Hindi ko tuloy lubos maisip ang hirap at pagod ni Javadd tuwing oras na ng uwian naming dalawa. Kung suswertehin at muli akong makahanap ng paraan para makalabas ng aming kaharian sa oras na makabalik na ako ay hindi na ako papayag pa na lagi niya akong ihahatid. Nagpatuloy lang ako sa pagsunod sa kanya. Hanggang sa nakita ko na huminto na nga siya sa isang lugar. At may napansin din ako na isang maliit na pintuan. At sa tapat ng pintuan na iyon ay may isang kawal ang nagbabantay. Bigla tuloy akong kinabahan para kay Javadd dahil baka mamaya ay mahuli siya kung magdidiretso ang lakad niya. Siguro ay hindi pa niya nakikita ang kawal na nakikita ko kaya diretso lang siya sa ginagawa niyang pagtungo roon? Huwag niyang sabihin na diyan siya mismo sa pintuan na iyan papasok? Wala sa plano ko ang magpakita kay Javadd ngunit dahil sa kaba ko ay napahakbang na lamang ako para lang mahabol siya. Ngunit bago ko pa man siya marating ay nakita ko na agad na sinalubong siya ng kawal kaya napahinto ako sa tangka ko na paglapit. Pinakiramdaman ko ang mga kilos nila dahil hindi ko naman naririnig ang pina-uusapan nila dahil na rin sa distansya ko sa kanila. Wala naman akong nakikita na ano mang banta ng p*******t niya kay Javadd. Ngunit kung mayroon man ay nakahanda ako na mangialam dahil hindi ko naman pwede na basta na lang hayaan ang isa niyang kalahi na saktan siya. Kahit pa makita ako ni Javadd ay ayos lang sa akin. Pinanood ko lang ang pag-uusap nila hanggang sa mapakunot ang noo ko nang sabay na silang naglakad papunta sa pituan. Ngunit lumiko sila dahil sa hindi kalayuan ay may pinuntahan sila na isang kabayo. At hindi ako pwedeng magkamali sa kung sino ang kabayo na iyon dahil ilang beses na rin ako na nakasakay sa kanya. Ang kabayong iyon ay si Kiba. Hanggang sa mapagtanto ko na lang na ang kawal na sumalubong sa kanya ay ang kawal na nakita namin noon na kasama ni Kiba nang magwala ito habang sakay-sakay ang bata na si Boki. Kahit pa may suot siya noon na sumpil ay mabilis ko namang nakilala ang kanyang mga mata. Nilapitan niya noon si Javadd na tila ba ay matagal na silang magkakilala. Nagawa pa nga ni Javadd na utusan ang kapwa niya kawal. Tinago ko ang puting sumpil na hawak ko bago pa man ako makita ng Algenia na kaharap ni Javadd. Mabuti na lamang din at hindi ako nakasuot ngayon ng kasuotan ng mga tagasilbi sa kaharian namin dahil nasisiguro ko na napakalaking problema nito sa akin kung nagkataon. Dahil kakailanganin ko na bumalik ng pamilihan para lamang makapaghanap ng pangkaraniwang kasuotan. Hinila ni Javadd si Kiba palapit sa pintuan. Nakita ko nang pinagbuksan si Javadd ng kawal na kasama niya. Bago tuluyang pumasok ay nakita ko ang paglingon sa akin ni Kiba. Tila ba nakilala niya ako kaya napahalinghing siya. Nagulat na lamang ako nang bigla siyang lumiko para takbuhin ang kinaroroonan ko. Agad naman akong napatago sa likod ng malaking bato. "Kiba!" Narinig ko pa ang sigaw na pagtawag ni Javadd sa kabayo at naririnig ko rin ang karipas niyang takbo. Napasandal na lamang ako sa bato dahil sa kaba na baka makita nila ako. Mabuti sana kung si Javadd lang ang nandito. Ngunit may kasama siya na isa pang kawal kaya hindi nila ako pwede na makita. "Anong problema ni Kiba?" Nahugot ko na lang ang hininga ko nang marinig ang boses ni Javadd na malapit na sa akin ngunit sigurado rin ako naman ako na hawak na nila si Kiba. Nararamdaman ko pa ang mararahan nilang hakbang na tila ba nagmamatiyag sa paligid. Mabuti na lamang talaga at may malaking bato rito sa naging pwesto ko dahil kung wala ang batong ito ay baka kanina pa nila ako nakita. Habang naririnig ko ang mga yabag nila na unti-unting napapalapit sa pwesto ko ay unti-unti ko ring iniikutan ang bato para lang hindi ko sila makaharap. At nang mapaharap ako sa pinto na dapat sana ay papasukan nila ay agad ko iyong tinakbo. Ngunit tumingkayad ako habang tumatakbo upang hindi masyado makalikha ng ingay ang pagtakbo ko. Nang makapasok ako sa pinto ay agad akong naghanap ng mapagtataguan. Nakita ko ang dalawang malaking drum kaya nagtago ako sa loob ng isa sa mga iyon. Alam ko naman na papasok din si Javadd rito kaya mas mabuti kung mauuna na ako dahil kung mauuna sila sa pagpasok sa akin ay maaaring mapagsaraduhan nila ako ng pinto. Mabuti na lamang at nakita ako ni Kiba. Nagkaroon ng dahilan upang maudlot ang dapat sana ay pagpasok nila kanina. Sa ngayon wala akong ibang dapat na gawin kundi ang maghintay na pumasok si Javadd at mapagsolo siya. Nang matanaw ko kasi kanina anv loob ng Algenia ay napansin ko na walang ibang kawal ang nandito. Sigurado rin naman ako na hindi papasok ang kawal na kasama ni Javadd dahil mukhang siya ang nagbabantay sa labas. Sana ay walang ibang Algenia na dumating at magtatangka na sumilip dito sa loob ng drum. Kung mayroon man, sana ay Javadd. Bigla akong kinabahan nang may marinig akong isang yabag. Hindi pamilyar ang mga yabag niya kaya nakakasigurado ako na si Javadd iyon. Hanggang sa maramdaman ko na lamang na tila ba gumalaw ang kilalagyan ko. Hindi ko alam kung sino ang nagtutulak ng kariton na pinaglalagyan ng drum na pinagtataguan ko ngunit alam ko na hindi ito si Javadd. Bigla akong nakaramdam ng takot dahil alam ko na nasa isang alanganin na sitwasyon ako. Hindi ako lalabas hangga't hindi ko nararamdaman na nasa isang ligtas na lugar na ako. Huwag nga lamang sana nila akong sisilipin dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD