Chapter 45
Ayesha's POV
Habang naglalakad na kami ni Javadd ay nag-iisip pa rin ako ng paraan sa kung paano ako sa mga susunod na araw nang hindi umuuwi sa aming kaharian. Sa buong maghapon na magkasama kami ay iyon lang ang tanging nasa isip ko. May pagkakataon pa nga na halos hindi na ako makausap ni Javadd dahil sa lalim ng iniisip ko.
At ngayon nga na maghihiwalay naman kami ng uuwian ay iyon pa rin ang tanging nasa isip ko.
"Saan mo kita nais na ihatid?" tanong niya sa akin at huminto pa siya para lang maharap ako. Kaya huminto na rin ako para harapin siya.
"Dito na lang siguro ako, Javadd. Maraming salamat." Napakunot ang noo niya dahil sa sinabi ko. May kalayuan pa kasi ito sa lagusan ko kaya marahil ay nagtatakha siya kung bakit hanggang dito ko na lang nais na magpahatid.
"Sigurado ka ba riyan, Ayesha?" tanong niya. Ngumiti naman ako at tumango.
"Ayos na ako rito, Javadd. Huwag kang mag-alala." Kung ihahatid pa niya ako kung saan malapit-lapit na sa lagusan ko ay magsasayang kami ng oras dahil babalik din naman ako rito dahil hindi naman talaga ako uuwi sa aming kaharian. Pero syempre ay hindi ko naman iyon pwedeng sabihin kay Javadd.
"Maaari naman kitang ihatid hanggang sa—"
"Javadd, ayos na ako rito. Sige na, mauna ka na."
"Bakit ang pakiramdam ko ay may nais ka lamang na puntahan at ayaw mo akong kasama kaya pinapauna mo na akong umuwi," sabi niya at halos mapahalakhak ako sa sinabi niya. Kakaiba naman pala mag-isip itong si Javadd.
"Saan mo naman napulot ang bagay na iyan, Javadd?" natatawang tanong ko at nagkibit balikat siya.
"Naisip ko lang naman, Ayesha. Nakakapagtakha lang kasi," sabi pa niya at muli akong natawa. Napailing na lang din ako dahil sa mga lumalabas sa bibig niya. Hindi ba alam ni Javadd na ang pinakamasarap sa pakiramdam sa lahat ng pamamasyal namin ay ang kasama siya? Ayoko ngang mamamasyal nang hindi siya kasama.
"Ano ka ba naman, Javadd? Hindi iyan totoo," sabi ko at ngumuso siya. Tulad ng inaasahan ko ay hindi ko agad napapayag si Javadd at tumagal pa nang ilang sandali ang aming pagdidiskusyon. Ngunit kalaunan ay napapayag ko na rin naman siya. Pumayag siya kahit na bakas sa mukha niya ang pagtutol sa ginawa kong pagtataboy sa kanya.
"Kung iyan talaga ang iyong nais, Ayesha ay wala na akong magagawa pa. Kaya ako ay magpapaalam na." Ngumiti ako at tumango. Hanggang sa talikuran niya ako at nagsimula na siyang maglakad palayo.
Nang makalayo-layo na si Javadd ay saka ko nilibot ng tingin ang buong lugar kung saan ko pinaplano na manirahan. Masyadong magulo ang lugar na ito. Maingay rito na sigurado akong hindi ko matatagalan. Bigla na lamang tuloy akong nagdalawang isip na tumuloy sa pa sa plano ko. Ngunit naiisip ko rin naman na kung hindi ko ito gagawin ay hindi ako makakapunta sa kaarawan ni Javadd.
Ngunit hindi talaga safe para akin ang tumira sa ganitong klase ng lugar. Pakiramdam ko ay may mangyayari sa akin na masama kapag tinuloy ko pa ito. Kung may naging kaibigan lang sana ako rito sa Kaliwag ay hindi ako mamomroblema nang ganito dahil may matutuluyan ako nang ilang araw. Ngunit dahil nga sa wala ay problemado ako ngayon.
Natatawa na lang ako sa sarili ko dahil 'yung kaharian ng Algenia ay pupuntahan ko gayong alam ko na delikado. Samantalang itong lugar na iti ay hindi ko makayang tigilan. Ngunit sa Algenia naman kasi ay may maaasahan akong Javadd. May Javadd rin naman ako rito sa Kaliwag ngunit hindi siya nandito sa mga oras na magpapahinga na ako. Kaya hindi rin ako makakapahinga nang ayos kung iisipun ko ang aking paligid.
Tiningnan ko si Javadd na ngayon ay may kalayuan na sa akin. Naisip ko lang na mas delikado ako rito sa lugar na ito kaysa sa Algenia. Hindi ko alam kung tama ba itong plano iniisip ko ngunit para sa akin ay dito sa planong ito ako mas magiging ligtas ako sa kung nasaan man si Javadd. Kaya ang tumatakbo sa isip ko ay sa Algenia na muna tumuloy.
Kung sasabihin ko kay Javadd ang plano ko ay sigurado ako na hindi siya papayag. Kaya mas makakabuti siguro kung hindi ko na siya tawagin pa at sundan na lamang siya hanggang sa loob ng Algenia. Alam ko naman kasi na tututol siya.
Pero ganoon din naman kasi ang kahahantungan ng lahat. Tutal ay pupunta rin naman ako ng Algenia, bakit hindi ko na lang agahan nang kaunti? Lalabas na lang siguro ako pagtapos ng selebrasyon kina Javadd.
Siguro naman ay magagawa akong itago ni Javadd sa kanilang bahay sa loob ng tatlong araw. Wala naman sigurong maghihinala na may isang Vittorian doon. Wala rin namang sariling pagkakakilanlan ang kahariang iyon kundi ang itim na sumpil na ginagamit lang naman sa tuwing lalabas ng kaharian. Pwede ko namang itapon na lang ang aking sumpil para hindi nila makita na isa akong Vittorian.a
Ngunit kung kina Javadd ako tutuloy ay wala akong ibang poproblemahnn kundi ang mga posible na kasama niya sa bahay. Sigurado ako na kailangan ko silang pakisamahan. Pero wala naman siguro akong magiging problema sa pamilya ni Javadd. Siguro naman ay mababait sila tulad niya kaya walang kaso sa kanila kung makituloy ako nang ilang araw. Dahil sabi nga nila ay kung ano ang puno ay siya ang bunga.
Nagsimula na akong humakbang para palih na sundan si Javadd. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman niya mamaya ngunit siguro ay hindi niya magugustuhan. Ngunit nandoon naman na ako ay sigurado ako na wala na siyang magagawa. Kaya talagang mapipilitan siya ba itago ako maliban na lang kung wala siyang pakialam sa akin at ayos lang sa kanya kung mapahamak man ako.
Kinakabahan ako habang sinusundan si Javadd dahil baks mahuli niya ako. Malakas pa naman ang pakiramdam niya at laging alerto. Ngunit ganoon pa man ay alam ko na magagawa ko ito. Kaya nagpatuloy lang ako sa pagsunod sa kanya. Hindi ko alam kung saan siya daraan ngunit sana naman ay hindi ganoon kakomplikado.