Chapter 32
Ayesha's POV
Ang buong akala ko na pagbaba namin ni Javadd ng kabayo ay didiretso na kami sa ilalim ng talon ngunit ngayon ay hindi ko na alam kung gaano na ako katagal na nakatulala lang sa talon dahil hindi pa rin naaalis sa akin ang pagkamangha. Muli lamang nakuha ni Javadd ang atensyon ko nang hawakan niya ako sa braso. Natatawa siya dahil sa nagiging reaksyon niya. Dapat sa ganitong pagtawa niya sa akin ay naiinis na ako sa kanya. Ngunit sa pagkakataon na ito ay mas nangingibabaw sa akin ang pasasalamat sa kanya dahil sa pagdala niya sa akin dito.
Kaya pagtawanan niya ako hanggang sa gusto niya pero hindi ako magpapakita ng ano mang pagkainis sa kanya.
"Walag mangyayari, Ayesha kung tititigan at tatanawin mo lang ang talon na iyan," sabi niya at ngayon ko lang napagtanto na tama siya. Dahil sayang nga naman ang ganda ng talon kung makukuntento na ako lang ako sa pagtitig dito at hindi man lang susubukan ang lumusong upang maramdaman kahit papaano ng tubig dito. "Sige na, Ayesha, maligo ka na," sabi niya at napangiwi ako.
Ngunit ang pagngiwi ko ay napalitan ng ngisi. Hanggang sa napalitan na ito ng pagtawa. Napakunot naman ang noo ni Javadd dahil sa labis na pagtatakha sa kung ano ang nangyayari sa akin at kung ano ang nakakatawa sa sinabi niya.
"Maaari bang malaman kung ano ang tinatawa-tawa mo riyan, binibini?" tanong niya na mas lalong nakapagpatawa sa akin. Nang hindi nawala ang kunot sa noo niya ay minabuti ko na ayusin na ang aking sarili dahil baka mamaya ay mainis pa sa akin si Javadd at masira pa ang mga plano namin ngayong araw. Kaya sasabihin ko na rin agad sa kanya ang plano ko ngayon bago pa siya makaradam ng pagkainip.
"Ang sabi mo kasi ay maligo na ako. Mukha yatang nakakalimutan mo, Javadd na nangangailangan ka rin ng pagligo," natatawang sabi ko na nakapagpatigil kay Javadd. Napatingin pa siya sa kabuuan niya at ngayon lamang niya ulit napagtanto na maging siya ay puro putik na rin sa kanyang katawan. Kaya hindi lamang ako ang nangangailan na maligo na dahil maging siya ay kailangan na rin. Nagkibit balikat naman siya at hindi na dumepensa pa. Hindi ko akalain na mawawala sa isip niya ang putik sa kanyang katawan at kasuotan.
Mayamaya lang ay natawa na nga siya. Hindi ko na rin tuloy napigilan pa ang muling matawa. Ilang sandali pa ang lumipas ay tila kusang kumilos ang kamay ko na hawakan sa kanyang palapulsuhan si Javadd upang hilahin na papunta sa tubig.
Nang una ay nabigla pa siya at hindi agad nakakilos. Nagtatanong ang mga mata niya sa kung ano ang plano kong gawin. Ngunit nang marahan ko siyang hilahin para pasunurin sa akin ay muli na lamang siyang natawa.
Hindi naman na nagreklamo pa si Javadd at hindi na rin nagpapilit pa dahil nagpatangay rin naman na siya sa panghihila ko. At binitiwan ko lang si Javadd nang makalusong na kaming parehas. At kung gaano kaganda ang talon sa paningin ay siya rin ang sarap ng tubig nito sa oras na dumampi ito sa iyong balat.
Hindi pa man din ako nagtatagal na nakalublob sa tubig ay nasisigurado ko nang magiging masarap ang pagligo ko dahil mahihirapan akong umahon kung ganito kasarap ang tubig sa katawan. Hindi ito malamig at hindi rin naman mainit. Saktong-sakto lang ang temperatura nito lalo na sa mga ang nais lamang ay maglublob o hindi naman kaya ay makapahinga.
Sa sobrang linis at linaw ng tubig dito ay parang ako na ang mahihiya na dito ko huhugasan ang mga putik sa katawan kasuotan ko. Pakiramdam ko tuloy ngayon ay dudumihan ko lamang napakalinis na tubig.
Una kong nilinisan ay ang mukha ko. Sumalok ako ng tubig gamit ang magkabila kong palad at pinanghilamos. Ilang ulit ko pa itong inulit hanggang sa makuntento na ako sa linis ng mukha ko. Nakita ko naman na naglilinis na rin si Javadd ng kanyang katawan. Nakita ko pa siya na naghubad ng kanyang pang-itaas kaya nahihiya akong nag-iwas ng tingin at nagpatuloy na lamang sa paglilinis ng aking katawan.
Sunod ko namang hinugasan ay ang mga braso at binti ko. Dahil nga sa nanuyo na ang karamihan sa putik na dumikit sa akin ay nahirapan pa ako na alisin ang mga ito. Kaya naman todo kudkodang ginawa ko na halos ikasugat na ng katawan ko.
Ngunit alam ko naman kung magsusugat na ang kinukudkod ko kaya maiiwasan ko iyon. Kapag nagkataon na masugatan ako ay sigurado ako na makakagalitan ako hindi lamang ng mahal na reyna kundi maging ng mahal na hari.l
"Maaari mo nang iwan dito ang kasuotan mong iyan, Ayesha dahil pahirapan nang tanggalin ang mga nanuot diyang putik," sabi ni Javadd at bigla naman akong napaisip. Hindi ko maaaring iwan ang damit kong ito rito dahil hindi naman ako maaaring umuwi nang walang suot na ano mang saplot.
"At ano ang nais mong ipasuot sa akin sa pag-uwi ko, Javadd?" Hindi ko naiwasan ang mapahalukipkip bilang pagtataray ngunit pabiro ko lamang iyong ginawa kahit pa hindi ko alam kung nagbibiro lang din ba siya sa sinabi niya o hindi. Natawa naman siya sa naging sagot ko at tinuro niya ang kabayo.
"Bago bumalik dito sa kagubatan upang hanapin ka ay minabuti ko na munang bumili ng kasuotan na maaari mong gamitin dahil natiyak ko na agad na hindi mo na iyan magagamit," sabi ni Javadd at hindi nman na ako muli pang nagsalita. Dahil sa totoo lang ay labis ang naging pasasalamat ko na naisip ni Javadd na gawin ang bagay na iyon kahit na hindi ko pa man sinasabi. Talagang inalam niya nang mabuti kung ano ang magiging dulot ng lahat ng plano niyang pagtakas namin nang mga oras na iyon.
Nagpatuloy na lamang ulit ako sa paghuhugas sa ilog. Dahil may pang-ilalim naman ako na suot ay napagpasyahan ko na hubarin na ang aking pang-ibabaw na kasuotan dahil ito lang din naman ang nagpapabigat. Kaya naman nilapitan ko na si Javadd para sana magpatulong na maghubad ng aking mabigat at marumi nang kasuotan. Pagdating ko sa harapan niya ay napakunot pa ang noo niya sa biglaan ko na paglapit sa kanya at kinatakha niya.
Ngunit hindi naman ako nagsalita at bigla na lamang tumalikod sa kanya. Ilang sandali na rin mula nang talikuran ko siya ngunit hindi ko nararadaman ang pagkilos niya. Marahan akong natawa dahil hindi pala naiintindihan ni Javadd ang sadya ko sa kanya kung bakit ako ngayon nandito at kailangan ko pa pala na magsalita.
"Maaari bang malaman ang iyong pakay, Ayesha?" naguguluhan pa niyang tanong at muli akong natawa nang marahan. Hinawi ko ang buhok ko na nakalugay sa aking likuran upang mas maging madali kay Javadd ang ipapagawa ko.
"Maaari ba na pakitanggal ang tali ng suot ko? Hindi ko kasi abot," sabi ko. Ayoko man na ipagawa ito sa isang lalaki dahil alam ko kung gaano ito nkakahiya hindi lamang para sa akin kundi para na rin kay Javadd. Ngunit wala naman na kasi akong iba pa na pagpipilian dahil si Javadd lang ang maaari kong hingian ng tulong. Dahil tulad na rin ng sinabi ko sa kanya ay hindi ko abot ang tali at hindi ko ito matatanggal nang walang tulong ng iba. Kaya ng lagi akong binibihisan ni Markiya ay dahil kinakilangan pa talaga na itali sa likod ang damit naming mga babae.
"Ngunit--"
"Wala tayong ibang pagpipilian, Javadd. Kung hindi mo ako tutulungan na hubaran ng aking kasuotan ay hindi rin nating mapapakinabangan ang binili mo para sa akin. Ano ang nais mo na gawin ko? Ipatong ko ang bagong kasuotan dito sa luma na labis na ang bigat dahil sa putik? Sobrang bigat na nga ng suot ko na ito ay nais mo pa na patungan ko? Tingin mo ba ay--"
"Oo na, oo na!" Napangiti ako nang sa wakas ay napilit ko na siya. Sinasabi ko n nga ba na kapag dire-diretso na ang pagsasalita ko ay wala na siyang magagawa pa kundi ang pumayag sa hiling ko. Mas lalo ko naman na hinawi ang buhok ko nang pumayag na siya.
Ilng sandali pa nga ay naramdaman ko na ang pag-aali ni Javadd ng tali sa likuran ko at naramdaman ko na rin ang pagluwag nito kaya inalalayan ko ang ang aking suot upang hindi naman ito tuluyan na malaglag. Ngunit hindi lamang ang mga bagay na iyon ang naramdaman ko. Dahil naramdaman ko rin nag panginginig ng kamay ni Javadd habang tinatanggal ang tali.
Batid ko na hindi pa siya nangangalahati sa kanyang tatanggalin dahil hindi siya gaanong marunong.
"Hindi mo kailangan na manginig, Javadd." Hindi ko naiwasan na samahan ng tono ng pang-aasar ang sinabi kong iyon. Hindi ko naman siya narinig na nagsalita at alam ko na nahihiya na rin siya. Hindi ko rin tuloy mapigilan ang mapatanong sa aking sarili sa kung gaano karaming babaeng Algenian ang nagpakita sa kanya ng motibo at parang hindi siya sanay sa ganitong mga bagay.
Gusto ko pa sana siya na asarin at pagtawanan ngunit baka pag ginawa ko iyon ay mapikon siya at hindi na rin niya ituloy ang ginagawa niya. Kaya bago pa man tuluyan na maasar sa akin si Javadd ay minabuti ko na manahimik na muna. Narinig ko na lamang ang isang malalim na buntong hininga ni Javadd na senyales na sa wakas ay tapos na siya sa kanyang ginagawa.
Hawak ko ang aking dibdib upang hindi tuluyan na malaglag ang aking suot na maaari pang magdulot ng mas kahihiyan sa amin ni Javadd. Nang umikot na ako para harapin siya at para dapat magpasalamat ay bigla namang siya ang tumalikod. Muli tuloy akong natawa sa naging kilos niya at napailing na lamang.
"Maraming salamat, Javadd."
"Sige na, maghubad ka na," sabi niya. Iba ang naging tunog nito sa akin at alam ko na ganoon din sa kanya ngunit parehas na lang namin iyong hindi pinansin at nanahimik na laman. At tulad nga ng sinabi niya ay hinubad ko na ang aking kasuotan. Habang naghuhubad ay saka lamang ako napatanong kung bakit pa niya kinakailangan na tumalikod pa siya gayong hindi naman ako tuluyan na maghuhubad dahil may pang-ilalim pa naman ako. Ngunit hinayaan ko na lamang si Javadd sa gusto niyang gawin. Kung ito ang paraan upang mapanatag ang loob niya ay hindi ko na siya susuwayin pa.
"Bakit ba naman kasi naging ganito kakomplikado ang isuot at hubarin ang kasuotan ng mga babae," reklamo niya kinangiti ko. Binilisan ko na lamang ang ginagawa ko na pagbibihis bago pa man mainip si Javadd--kahit na hindi ko pa naman siya nakikita na nainip. Siya na yata ang kilala ko na may pinakamahabang pasensya.
Nang tuluyan ko na ngang mahubad ang kasuotan ko na puro putik ay saka lamang tuluyan na naging maginhawa ang pakiramdam ko. Naging magaan na ulit ang pagkilos ko kayan naman muli na akong nagpatuloy sa paglilinis ng aking katawan. Kapag magsusulot na ulit ako ng damit pang-ibabaw na siyang binili ni Javadd bilang pamalit ko.
"Tapos na akong maghubad, Javadd," sabi ko at dahan-dahan pa na humarap si Javadd upang kumpirmahin na totoo nga ang sinasabi ko. Napangiwi ako sa ginawa niyang iyon dahil bakit naman ako magsisinungaling? Minsan talaga ay hindi ko na maintindihan ang mga pinag-iisip ni Javadd. Napailing na lamang ako.
Nang tuluyan na ngang makaharap sa akin si Javadd ay nginitian ko siya upang kahit papaano naman ay mawala ang pagkailang ni Javadd na bakas na bakas sa kanyang mga mata. Hindi naman ako nabigo dahil ilang sandali lang din matapos ko siyang ngitian ay ngumiti naman na siya sa akin pabalik. At unti-unti na ring nawala ang pagkailang sa kanyang mga mata.
Kaya nagpatuloy na kami ni Javadd sa aming paglilinis ng katawan. Hindi ko alam kung bakit ngunit kahit na sa ganitong kasimpleng bagay na sabay naming ginagawa ni Javadd ay nagiging masaya na ako. At alam ko sa aking sarili na mayroon na ngang mali. Mayroon nang mali sa kung ano mang itong nararamdaman ko.